Chapter Twenty-Five - Mixed Up

For a digital copy of the book, check the following:

https://play.google.com/store/books/details?id=ALnyCAAAQBAJ

https://www.smashwords.com/books/view/509824

************************************

Parang piniga ang puso ko nang masilayang muli ang hitsura ng aking ama. Ang tagal din naming di nagkita. Simula kasi nung mangyari ang drama sa buhay ko, nilisan ko kaagad ang Cebu. Nakitira ako kay Benz sa Manila. Umuwi lamang ako panandalian nang inatake ito sa puso.  

Lumapit ako at lumuhod sa harap niya. Kinuha ko ang kanyang kamay at nagmano. Parang nabigla pa ito nang makita ako sa kanyang harapan. Sa paputul-putol na salita ay sinabi nitong natutuwa siya sa muli kong pag-uwi. 

Sa di kalayuan, nakita kong nagpahid ng luha sina Yaya Merced at Tita. Hawak-hawak pa rin ni Tita ang handle ng luggage ko. Siya kasi ang sumundo sa akin sa Mactan Airport. 

"Papa, I'm sorry," bulong ko. May nangingilid na ring luha sa mga mata ko.

"W-wala k-ang d-dapat i-ihingi n-ng p-paumanhin, a-anak. M-mahal ki-kita a-at l-lahat a-ay ibi-ibibigay k-ko s-sa y-yo," naluluha niyang sagot.

Tumagos sa puso ko ang sinabi niya. Di ko napigilang mapahagulgol. Sobra akong guilty.

Dati, kami ang may-ari ng isa sa pinakamalaking canned sardine factory sa Cebu. Libo-libong pamilya ang umaasa sa kompanya namin. Kaso nga lang, a year before I decided to get married, binasted ko ang anak ng major investor namin. Ayun, winidro nila ang investments ng kanilang pamilya sa kompanya. Nagawa pa nilang maimpluwensyahan ang lahat ng local banks na huwag kaming pautangin. And to top it all, pumanig sila dun sa kakompetensya kung kaya't unti-unting nawalan kami ng market. Sa loob lamang ng dalawang taon, ay napataob nila ang matagal na iniingatang negosyo ng pamilya.

Sa kabila ng lahat, Papa pretended everything was okay. Binigyan pa ako ng enggrandeng kasal na nauwi din sa kahihiyan. Ganunpaman, pinalabas pa rin niyang okay lang ang lahat. Kung kaya nakaya ko siyang iwan pagkatapos ng nakakahiyang eksena sa simbahan.

Tinulak ko ang wheelchair ni Papa hanggang sa hardin. Habang tulak-tulak ko ito'y kinuwentuhan ko siya ng mga nangyari sa buhay ko sa Japan. Paminsan-minsan ay napapatawa ito. At nang ipasok ko na siya sa bahay nila Tita kung saan kami nakatira ngayon, maaliwalas na ang mukha namin pareho.

"O, iha. Mabuti't nandito ka na. May tumawag sa yo sa phone," salubong agad ni Tita sa akin. Binigay nito sa akin ang cell phone ko. Hindi ko kilala ang number. Naisip ko agad si Brian. Baka ginamit ang cell phone ng isa sa mga kapatid niya. Ni wala pa ngang isang araw akong nakaalis sa Iloilo napatawag na. Grabe naman ang lalaking ito. Tapos, hindi pa aamin na gusto rin niya ako. Nahawa na yata siya sa mga Hapon.

"Palagay ko, alam mo na kung sino ang tumawag sa yo, beybi," nakangiting tukso sa akin ni yaya. "Sana dinala mo rin siya dito. Pagkakataon na sana naming makilala siya. Tsaka para mabistahan ko na rin. Mahirap nang maulit..."

"Don't worry, Yaya. This time, I'm extra careful na," at hinalikan ko siya bago pumasok sa kuwarto ko.

Nilapag ko sa kama ang cell phone. Nilagay ko sa maximum volume ang sound para marinig ko kahit nasa banyo ako. Nagbabanlaw na ako at halos patapos na ring mag-shower nang marinig ko itong nag-ring. Dali-dali akong nagpunas at lumabas. Medyo tumutulo pa ang buhok ko nang sagutin ang phone.

"Hey. What's up?" bati ko agad.

Hindi kaagad sumagot ang nasa kabilang linya kung kaya nilayo ko muna sa tenga ang phone at tiningnan kung ano ang number. Pero ito pa rin ang numero ng tumawag kanina.

"Hey? Are you still there?" tanong ko ulit.

May narinig akong tumawa nang mahina sa kabilang linya. Parang pamilyar yon sa aking pandinig. Kumunot ang noo ko.

"What's with the American accent, Alex? Ang arte mo nang magsalita, a. Kumusta ka na?"

Tuluyan na akong nanlumo nang marinig ang boses ng caller. Hindi si Brian ang atat na makipag-usap sa akin. Si Jacob!

"Pano mo nalamang nandito ako sa Cebu?" tanong ko. Medyo uminit na ang ulo ko.

"Sabihin na nating malakas ang radar ko," at tumawa uli ito. "I heard, you're still single. What a happy coincidence! Kasi kabe-break lang din namin ng girlfriend ko. So I'm free as a bird. Siguro destined talaga tayo para sa isa't isa," at tumawa na naman ito.

Napakagat-labi ako. Pigil na pigil kong magtaray. May atraso pa ang pamilya nito sa amin. Tapos kung kausapin ako'y parang ang ganda ng nakaraan namin.

"Sorry. Marami pa akong gagawin, e. Have to go na," at pinindot ko na ang end call button.  Niregister ko ang number niya. Pero imbes na Jacob Linares ang ipangalan, don't answer ang nilagay ko.  Nanggigigil pa rin ako. The nerve of the guy!  Hindi na nadala na binasted ko na siya noon. Gusto niya ba talagang paulit-ulit na mabasted?

Hinagis ko sa kama ang cell phone at kumuha ng tuwalya para patuyuin ang buhok. Narinig kong tumawag uli si don't answer. Manigas ka! Di kita sasagutin!  Sa pangatlo niyang pagtawag, lumapit na ako at dinampot ang cell phone. Pero hininaan ko lang ang volume.

Sana nagpalit ako ng SIM. Napakatanga ko talaga. Bakit di ko ginawa yon noon pa? Kung sa bagay, hindi naman ganito ka persistent ang kumag noon. Siguro nalamang single pa rin ako after four years kung kaya't nabuhayan ng loob.

Tapos na akong magsuklay at mag-blow dry nang narinig ko na naman ang nakakairitang kuriring ng cell phone. Imu-mute ko na ito talaga. But before that, kailangan kong mapatikim ng maaanghang na salita ang pesteng Jacob na to.

"Alam mo bang bwisit ka? Marinig ko lamang ang boses mo ay nasisira na ang araw ko! Kaya tigilan mo na ang pagtawag sa akin dahil hindi lang ako naiirita kundi nasusuklam ako sa boses mo!"

"A-Alex?  Hey! What was that? You seemed so angry."

Nang ma-realized kong hindi si Jacob ang tumawag, hindi na ako magkandatuto sa paghingi ng paumanhin. Nakupo, si Brian!

"I'm sorry, I'm sorry. I thought you were someone else," nahihiya kong sagot.

Napatawa nang mahina si Brian. Para naman akong kiniliti. Na-miss ko ang tawang yon. Kahit ni wala pang isang araw since umalis ako ng Iloilo, feeling ko ang tagal na naming di nagkita.

"Who was it? An old flame?"

"A prankster," pagsisinungaling ko.

"Okay. I just called to check on you. I'm glad you arrived safely.  Mom was a bit worried because of the typhoon warning."

Si Tita Alicia pala ang worried. E ikaw?

"Please tell your mom, I got home safely. By the way, with regard to our trip back to Japan, can we just meet up at the airport in Manila? I don't think I can go back to Iloilo. I'd like to be with Papa a little bit longer."

"I understand. Okay, have fun." At binaba na nito ang telepono. Nakakainis! Yon lang. Kanina ko pa hinihintay ang tawag niya pero ni halos wala ngang tatlong minuto kaming nag-usap. Mas matagal pa ang pag-uusap namin ng pesteng Jacob na yon.

Nahiga ako sa kama at tiningnan ang calendar sa phone ko. Mga limang araw pa pala ang hihintayin ko bago kami magkitang muli ni Brian. Parang ang tagal. Nami-miss ko na ang bruho. Napatingin uli ako sa kalendaryo. Binilang ko ang nalalabing araw bago ang kasal niya. Less than two weeks na lang. Ten days to be exact. Nanlumo ako. Malapit na pala ang kasal niya pero ni wala pa rin kaming linaw. Ibig bang sabihin nito wala na akong pag-asa? Kailangan ko na bang mag-give up?

I swear na naramdaman kong may something special sa pagitan naming dalawa. Alam kong aware din doon si Brian. Pero kung hindi niya aaksyunan yon, isa lang ang ibig sabihin nun. Ang nararamdaman niya sa akin ay hindi sapat para talikuran niya si Maiko.

Nag-beep ang cell phone ko. Galing kay don't answer. Ang lakas ng fighting spirit, grabe.

"Are you free tonight? May kabubukas na Japanese restaurant sa siyudad. Gusto sana kitang makasalo sa dinner. Alam kong marami ka nang mairerekomenda sa aking dishes now that you've lived in Japan," anang text nito.

Hindi ko siya nireplayan. Nag-text uli.

"Kung ayaw mo naman ng Japanese food, kung sawa ka na dun, we could always go to our favorite restaurant. Alam mo na yon," at nilagyan pa ng kumikindat na emoticon.

Nairita na naman ako. Ang bwisit! Kung makatext akala mo dati kong nobyo. Hindi ko siya sinagot pero hindi pa rin siya sumuko.

"When are you free?" tanong pa. Hindi man lang na-discourage sa di ko pagsagot.

Sa inis ko, nireplayan ko ang huli nitong text. "I don't have any free time to spend with you. Sana tigilan mo na ako. Try other women. But not me..."

"Ouch! Kaya lalo akong natsa-challenge sa yo kasi masyado kang pa-hard to get," sagot nito sa text ko. May nakatawa pang emoticon sa dulo tsaka iyong naglalaway.

Nakaramdam ako ng pandidiri. Pinalampas ko na muna. Naidlip na ako. Pero maya't maya'y nag-be-beep ang cell phone ko nang sunud-sunod. Nairita ako kaya bumangon ako at tiningnan ang text messages niya. Pero nagulat ako nang makitang galing pala yon kay Brian. Napabangon ako agad. Excited kong binuksan yon.

"The whole family misses you," sabi ng unang text niya. Pambihira. Ginamit pang rason ang pamilya niya.

Ang ikalawang text naman niya ay, "Would it be okay if I go and meet your folks? Would your dad be open to meeting a blonde guy from the other side of the world?" At may kabuntot itong nakangiting emoticon.

Kung kanina ay sumasayaw lang ang puso ko, ngayo'y naglulundag pa ito. Feeling ko anumang oras ay tatalon na ito mula sa dibdib ko. Biglang naging maingay ang paligid. Parang ang daming bubuyog sa tenga ko. Nakakatulilig ang ingay nila. Kinuha ko ang unan sa likuran at binaon dun ang mukha saka sumigaw nang sumigaw.

Pinindot ko ang reply button. Nakatitig lang ako sa screen. Hindi ko alam kung pano umpisahan ang text kay Brian. Nang makaisip ng isasagot, inulan naman ako ng texts ni Jacob. Nakabuo na sana ako ng isang phrase sa ite-text ko kay Brian nang aksidente kong mabura dahil may dumating na new message galing kay Jacob. Sa inis, nireplayan ko muna ang hudas.

"Stop pestering me! I'm not interested in you!!!!"

Hinanap ko uli ang message ni Brian para umpisahan uli ang reply ko sa kanya pero naunahan ako ng text niya. Napangiti ako. Okay lang ulanin ng text kung galing sa lalaking mahal mo. Pero napalis bigla ang ngiti ko sa labi nang mabasa ang text niya.

"I'm sorry if I bothered you. Don't worry, this will be my last message. See you in Manila next week," anang mensahe niya.

Napakunot-noo ako sa message niya. Binasa ko uli. Bakit? Ano na naman ang drama nito? Saka ko lang naalala ang last text ko na sinend. Tsinek ko ulit kung tama ang pinadalhan ko nun. At ganun na lamang ang shock ko nang makitang kay Brian ko pala napadala ang dapat sana ay para kay Jacob. Kaya pala ganun na lang ang text niya sa akin.  Dali-dali akong nagcompose ng message para sa kanya.

"I'm sorry. I got the message mixed up. That was not for you.  That was for the pranskter."

Naghintay ako ng ilang sandali pero wala na akong natanggap na mensahe galing sa kanya. Hindi na ako nakatiis. Tumawag ako. Walang sumagot. Tumawag ako ulit. Wala pa rin. Sinubukan kong tumawag sa landline nila Tita Alicia.

"Hey, Manang. I'm glad you've arrived safely in Cebu. We were all worried. Lumakas kasi ang ulan pagkahatid namin sa yo sa airport e. Buti naman at walang nangyari," masiglang sagot ni Kelly sa kabilang linya.

"Nandiyan ba ang Manong Brian mo?" tanong ko agad. Di na ako nagpaliguy-ligoy pa.

"Oy, namiss kaagad ni Manang ang manong ko," at napahagikhik pa ito.

Kelly, ano ba! Importanteng makausap ko na ang kapatid mo. Give him the phone now.  Pero sa halip ay nagtimpi ako. Kunwari'y napatawa lang ako nang mahina.

"Ikaw talaga. Gusto ko sanang makausap ang manong mo kung nandyan siya," ulit ko uli.

"Sorry, umalis e. Kanina pa."

Lalo akong nanlumo sa narinig.  Hindi ko na pinatagal ang usapan namin ni Kelly.

Nagbakasali uli ako sa cell phone niya. Tinext ko siya uli. After three hours pa siya nagreply. It took him three hours para sagutin ako ng "Okay."

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top