Chapter Three - Mall

A/N: This book is available for purchase on LAZADA and SHOPEE. Makapal ito, nasa 334 pages at 5 X 8 ang size ng libro. Just check my store named: Gretisbored.

For those who prefer e-Book, available ito sa Smashwords at Google Play.

****************

Excited akong makita kung sino ang makakasama ko sa training program. Sana may mga babaeng guro para may makasama din akong gumimik at maka-girl talk. Nanlumo ako nang makita na puro lalaki ang nagkukuwentuhan sa cafeteria. Ibig bang sabihin nito ay ako lang ang nag-iisang babae sa grupo? Naku, wala pala akong makakahuntahan.

"Hi guys. Nice to see you again. We prepared a short program to introduce you to the old members so if you're ready, please follow me," sabi sa amin ni Mark Dale, isa sa mga panel members na nag-interbyu sa akin.

Nakita ko agad si Brian sa grupo ng mga beteranong guro. Ito na yata ang pinakamatikas at pinakaguwapo sa lahat. Nagtama ang aming paningin. Para na naman akong nakuryente. Maingay ang silid pero mas maingay ang parang mga bubuyog sa aking tenga dulot ng presensya niya. Grabe ang kabog ng aking dibdib. Pakiramdam ko naririnig ng lahat.

Pinatayo kaming mga baguhan sa harap at sinabihang magpakilala. Pagkatapos ay humudyat si Mark na maupo na kami sa tinalagang upuan para sa amin. Nasa likuran ko si Brian! Na-conscious ako at lalong lumakas ang tibok ng puso ko.

"Hi Alex. It's nice to see you again," nakangiting bati sa akin ng kalbong miyembro ng panel. Nakalimutan ko na ang pangalan niya. "I'm Gary," dugtong nito nang nakangiti. Nahiya naman ako. Baka nabasa niya ang lamang ng isipan ko.

Nakipagkamay din ang iba pa. Nasa likurang hanay sila ng inuupuan ni Brian. Dahil siguro lahat na lang ng mga miyembro ng panel ay bumati sa akin, inabot din niya ang aking kamay para batiin ako nang matamlay na "Omedetou. (Congratulations)." Ganunpaman, nag-init ang aking mukha sa pagdaiti ng aming mga palad. Daig ko pa ang high school girl na nakadaupang-palad ang crush niya.

"Hi there. I'm Rhea. I used to teach at the schools assigned to you. You're a lucky girl. The students there are really cool."

Mukhang mabait si Rhea, ang black girl. At mukha ring close siya kay Brian. With her, he jokes and laughs a lot. Nun ko lamang siya nakitang ganun.

Mag-aalas dies na nang natapos ang seremonyas. Bumalik na sa kani-kanilang eskwelahan ang mga datihang guro at kami namang mga baguhan ay sinabihan na magtipon sa ika-siyam na palapag. Doon daw kami magkikita-kita sa room 602 para sa gaganaping orientation.

Binigyan kami ni Mark ng folder na may lamang ilang papel nang nasa loob na kami ng naturang silid. Ang unang pahina ay listahan ng mga home phone numbers ng lahat ng guro pati ang senior members. Na-excite ako nang makita ang pangalan ni Brian at ang numero ng telepono nito. Junior high school pala ang tinuturuan ng mokong.

Ang sabi kanina ni Rhea, meron daw meeting kada linggo ang mga English teachers. Sama-sama ang mga nagtuturo sa elementarya at ganun din ang nasa junior high school. Magkaiba daw ang araw ng pagtitipon ng mga nasa elementarya at junior high. Pero mayroon din namang full meeting minsan sa isang buwan. Lahat ng English teachers ay kelangan pumunta sa araw na iyon. Ibig sabihin, minsan sa isang buwan ko lamang makikita si Brian. Nalungkot ako nang maisip yon.

Hindi ako makapag-concentrate sa mga sinasabi ni Mark. Kumikirot ang aking sentido dahil kulang sa tulog. Ang gusto ko lamang gawin ngayon ay mahiga at magpahinga. Nahuli nga akong hindi nakikinig. I was asked about something tapos, "huh?" lang ang sagot ko.

Nang mag-recess kami for fifteen minutes,nakangising pinagtatanong ako ng mga kasamahan. Lalo na ng Amerikanong nagngangalang Liam. Ano daw ba ang iniisip ko at halatang wala sa orientation ang aking isipan?

Nahalata kong medyo kursunada ako nito. Okay naman si Liam. May hitsura pero parang masyadong bolero. Nagtsika-tsika kami habang nagmemeryenda.

"So what's your story? We knew a little about you. All of us here are either married, with girlfriends or single. How about you?" tanong pa niya.

Polite smile ang sinukli ko. Pero wala akong balak na sagutin ang tanong. Creepy na kasi ang dating sa akin ng ngisi niya. Parang hinuhubaran niya ako sa tingin. Buti na lang pumasok si Fujita-sensei para kausapin ako. Save by the bell. Sa ngayon, ayaw kong sabihin na ako'y single dahil baka isipin nila na nagpaparinig ako. At ayaw kong mag-esplika. Apat na taon na lang at magte-trenta na ako kaya baka magtaka ang mga ito na wala pa akong asawa o boyfriend man lang.

Kailangan kong sumama kay Fujita-sensei sa immigration office para papalitan ang aking visa.

"Liam-san. You, too. Please come with us," tawag din ng Hapon kay Liam. Pareho kasi kami ng sitwasyon. Napansin ko ang kislap sa mga mata nito nang malamang sabay kaming pupunta ng immigration office. Naasiwa ako sa mga titig niya. Hindi talaga subtle sa pagpapahayag ng saloobin. Kung bakit hindi si Brian ang ganoon.

Kinahapunan, binigyan kami ng welcome party ng Board of Education (BOE). Dinaos ang nasabing pagtitipon sa isang tradisyonal na Japanese restaurant at dinaluhan iyon ng kinatawan ng BOE at lahat ng guro. Nandoon din siyempre si Brian. Natuwa na sana ako pero nakita kong kabuntot niya ang maganda niyang nobya.

"This is Maiko," pagpapakilala pa nito sa kasama sa isang baguhang guro. "My fiancee." Nakaramdam ako ng inis pero pinilit ko pa rin ang sariling maging masigla at magiliw.

Nakita kong malakas uminom si Maiko. Napailing-iling ako. Mukhang di makabasag-pinggan pero parang butas na tangke naman ang tiyan. Inisang tungga lang ang isang mug na beer. Tsk, tsk. Ba't kaya ito nagustuhan ng kumag? Mayamaya pa nga ay namumula na ang kanyang pisngi. Mukhang slurred na rin ang pananalita niya. Pati mata, namumungay na.

"Hey, Mark. We need to go. Maiko's already drunk," narinig kong paalam nito sa lider-lideran ng grupo. Di naman siya pinigilan ni Mark. Halos umeekis na kasi ang lakad ng nobya niya.

Medyo nalungkot ako nang wala na sina Brian. Na-bored ako agad sa party. Nahilo pa sa ingay dahil sa sari-saring lenggwahe. May Espanyol, Nihongo, English, at French.

"You seemed bored," pansin ni Liam sa akin. Di ko namalayan na nakalapit na ito sa akin at umupo pa sa tabi ko.

"I'm just tired. Plus, I'm thinking about all the unpacking that I have yet to do," pagsisinungaling ko.

"Really? You must have brought a lot of things with you."

"Well, you know women."

"Yeah," at napangiti ito. Napansin kong may kung anong kislap sa mga mata nito habang nakatingin sa akin. Tila may naisip na kapilyuhan. Di ko iyon pinansin.

"Hey, do you have plans tomorrow?"

Nag-isip ako ng maidadahilan. I don't want to spend my Saturday with this guy. Mukhang manyakis kasi. Wala akong maipipintas sa pagmumukha dahil may hitsura naman kaso parang masyadong malibog.

"I have to look for some furniture this weekend. My apartment is empty," naisip kong dahilan.

"That's great. Me, too. Maybe we can go together and look?"

Peste! Bakit yon pa ang naisip kong dahilan? Sana nagsabi na lang ako na kailangan kong magpahinga.

"It usually takes me a long time to decide on things to buy. You might get bored, you know. I don't want to be pressured to make a decision just because you are with me. At the same time, I don't want to be a burden to you."

"No problem. I am a very patient guy. Trust me. I have two sisters. I know how it is to shop with women," pamimilit pa rin nito.

Wala na talaga akong kawala dito. Napabuntong-hininga ako. Ano pa nga ba ang magagawa ko? Ayaw ko namang isipin nito na isnabera ako.

Kinabukasan nga, magkasama kaming pumuntang Aeon Mall. Dun na kami nagkita dahil parehong ayaw naming mag-bike papunta doon. Di rin pala siya mahirap pakisamahan. Mukha lang pala itong manyakis pero masaya namang kasama at maginoo naman kahit papano.

Pumipili na kami ng kama nang makasalubong namin sa furniture shop na yon si Brian at ang nobya nito. Binati nito agad si Liam. Pero parang sinadyang hindi ako pansinin. Sa akin lang ba ito walang modo?

Pinagkibit-balikat ko yon. Ako na ang unang bumati. Sinagot naman ako pero mukhang napipilitan lang. Hindi na ako nagpumilit pang makipagtsikahan. Nagkunwari akong abala na sa kaiinspeksyon ng bibilhing kama. Hindi na rin ako nagtangka pang maging friendly sa nobya nito. Parang wala ding balak si Maiko na makipagplastikan sa akin. Hinayaan ko na lang si Liam ang makipaghuntahan sa kanila.

"You're fast," bulong sa akin ng pamilyar na boses. Nagtama ang paningin namin ni Brian. Di ko agad nakuha ang ibig nitong ipakahulugan. Nang maintindihan ko ang komento niya ay nag-init ang aking mukha. Napagkamalan kami ni Liam na magsyota!

"It's none of your business," pasuplada kong sagot.

"Yeah, it could get pretty lonely up here," sagot naman nito sabay talikod. Gusto ko siyang hambalusin pero mabilis itong nakalayo. Nun ko lang din nakita uli si Liam. Hindi pala ito sumunod sa akin nang pumunta ako sa isa pang hanay ng mga kama. Mukhang abala ito sa pakikipag-flirt sa magandang sales clerk. Wala ring pakinabang!

Sa inis, tahimik akong lumabas ng furniture shop. Sa ibang shops na lang ako bibili kahit na may nakita na sana akong magandang kama na umayon sa aking panlasa. Magtitiis na muna ako sa futon (mattress) na bigay ni Rhea.

Nagpasya akong umakyat sa second floor ng department store. Naakit ang aking pansin ng mga naggagandahang lingerie kung kaya pinasya kong tumingin-tingin.

"He's a lucky guy," anas ng lalaki sa aking tagiliran. Nabitawan ko ang hawak na seksing black panties. Si Brian na naman!

"Are you trying to stalk me?" naaasar kong paninita. Nakataas ang isang kilay. Ano ang ginagawa ng kumag na ito sa shop na yon? At asan na ang malandi nitong kasama?

"Sorry to disappoint you, honey. I'm not here for you. My fiancee wants to buy things she'll gonna use for our honeymoon," nakangising sagot nito. Diniin ang salitang fiancée at honeymoon.

"Then why are you here with me? Why are you not assisting her instead?" hamon ko dito. Taas-noo pa.

"She's in the counter now," minuwestra pa ang kinaroroonan ng babae. Lumingon ako sa bandang cash register. Nandoon nga si Maiko at nakapila. Palinga-linga ito. Hinahanap marahil ang nobyo.

"You should be with her. And not here with me."

"Oh, my fiancée is independent. She'll be alright. I am just trying to be friendly with a newcomer in the program," sarkastikong sagot nito.

"You don't need to be. I'm sure we won't be friends anyway."

Napangiti ito. May kung anong kislap na lumitaw sa mga mata nang nagsabi ng, "Yeah. I'm pretty sure myself, too." Tsaka humakbang palayo.

Nagngitngit ako sa huling sinabi niya. Pinagmasdan ko ito habang papalapit sa nobya. Kaya nakita ko ang pag-akbay nito kay Maiko at ang malambing na paghilig ng babae sa kanyang balikat. Naikompara ko na naman sila sa amin ni Anton. Nagagawa lang namin yan kung kaming dalawa na lang. Never in a public place! Maswerte ka, Maiko.

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top