PROLOGUE

PROLOGUE

"HANNAH, where are you? Hannah?"

Hala! Boses iyon ni David! Hindi niya puwedeng malaman na nandito ako. Magagalit na naman siya kapag nalaman niyang may umaway sa aking ibang bata.

Mabilis kong pinahid ang aking mga luha gamit ang likod ng magkabila kong mga kamay. Nagtago ako sa may gilid ng mangga. Ang tagal naman kasing dumating ni Heaven. Siguro hindi pa sila dini-dismiss ng teacher niya. Sa susunod na enrolment sasabihin ko kay Mama na iisang section na lang kami ng kakambal ko.

"Hannah, I'm here!"

Tinakpan ko ang aking bibig.

Sorry, David. Next time na lang kita kakausapin.

Paano kasi ang tagal niyang dumating. Siguro nakipaglaro pa siya sa ibang mga bata. Grade six na si David samantalang grade three pa lang kami ng kakambal kong si Heaven. Hindi nga lang kami magkasama kasi nasa section Hope siya at nasa section Faith naman ako.

Hindi ko na narinig ang boses ni David. Siguro'y umalis na siya. Dito kasi kami madalas maglaro sa ilalim ng punong-mangga habang hinihintay niya ang kanyang sundo at hinihintay ko naman si Heaven.

Dahan-dahan kong hinakbang ang aking mga paa at sinilip siya.

"Huli ka!"

"Aaahhh!"

"Sabi ko na nga ba, pinagtataguan mo na naman ako."

"D—david?!"

Waah! Napahawak ako sa may bandang puso. Ang bilis-bilis ng heart beat ko!

"Ginulat mo na naman ako!"

Sinimangutan ko si David. Lagi na lang niya akong ginugulat. Tawa siya nang tawa kapag nagugulat ako. Naglakad na ako para talikuran siya pero hinila niya ako sa kamay.

"Uy, sorry na..."

"Hmp!" I wrinkled my face. Pinisil naman niya ako sa ilong.

"Teka, ba't namumula ang ilong at pisngi mo? Umiyak ka naman ba?"

Mabilis kong tinakpan ang aking mukha.

"H—hindi, ah."

"Anong hindi? Sino na naman umaway sa 'yo?"

"W—wala!" Mariin kong tinakpan ang aking mukha pero mas malakas si David kaya nakuha niya ang aking mga kamay. Magkaharap na kami ngayon.

"Umiyak ka nga."

Yumuko ako. Nakita ko tuloy ang kintab ng school shoes niya.

"Ito ba ang iniyakan mo?"

Mas matangkad si David sa 'kin kaya madali niyang natingnan ang ulo ko. Kumuha siya ng tuyong dahon ng mangga saka maingat na kinuha ang chewing gum na nakadikit sa dulo ng aking buhok.

"Salamat, David."

Sinimangutan niya ako.

"Sabihin mo muna kung sino na naman ang nam-bully sa 'yo."

"W—wala, ah. Hindi ko lang kasi nakitang may chewing gum pala sa sandalan ng upuan ko. Naiyak lang ako kasi ayaw matanggal."

Sana maniwala siya. Noong nakaraang buwan kasi sinuntok niya 'yong kaklase kong tinago ang crayons ko.

"Talaga lang, ha?"

"Oo nga. 'Tsaka bakit nandito ka pa? Wala pa ba ang sundo mo?"

"Wala pa. Baka parating na 'yon."

"Buti naman. Sana maabutan ka ni Heaven para maipakilala kita sa kanya."

Ilang buwan na kasi kaming magkaibigan ni David pero hindi pa siya kilala nina Mama at Heaven. Lagi na lang kasing nahuhuling dumating ang kakambal ko.

"Hindi ba sabi mo magkamuha kayo ng kakambal mong si Heaven? E 'di para ko na rin siyang kilala."

"Oo, pero may birth marks kami. At saka wala siyang biloy sa pisngi kapag ngumingiti, hindi katulad ko, kaya madali mong malaman kung sino si Heaven o sino si Hannah."

Tumango-tango si David saka ginulo ang aking buhok.

"Ibig sabihin iyakin din siya katulad mo?"

Waah! Napasimangot ako. Inaasar na naman ako ni David. Si Heaven kasi matapang at nilalabanan ang mga umaaway sa 'kin. Ayaw ko lang ng gulo kaya hindi ako lumalaban.

"Biro lang. Huwag ka nang iiyak ulit, ha? Pakakasalan pa kita paglaki natin."

"Talaga?"

"Oo naman. 'Tsaka titira tayo sa iisang bahay para wala nang umaway sa 'yo."

Yehey! Napapadyak ako sa tuwa. Ang bait-bait talaga ni David. Sabi ni Papa pinakasalan niya si Mama kasi mahal niya ito, ibig sabihin mahal din ako ni David!

"Pinky promise?" Inilahad ko ang aking hinliliit sa kanya. Ini-lock niya iyon gamit din ang kanyang hinliliit.

"Pinky promise!"

Napangiti ako. Mahal ko rin si David kaya pakakasalan ko siya paglaki ko.

Pero akala ko totoong kaibigan si David, hindi pala. Iyon na rin ang huling araw na nagkita kami. Pagkatapos no'n ay hindi ko na siya nakikita sa school.

Iniwan niya ako. Sinira niya 'yong promise niya.

©GREATFAIRY

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top