CHAPTER 6
Truth is the sharpest weapon in the world. It can make the broken pieces whole again but can break the strongest bond.
CHAPTER 6
"ANAK, s—saan ka pupunta? Bakit may dala kang maleta?" tarantang tanong ni Nay Sol nang makita niya akong pababa ng hagdan.
Tuloy-tuloy akong bumaba ng spiral staircase. Akay-akay ko ang trolley na may lamang mga damit ko. Hindi ako mapakali mula pa kahapon kaya't kailangan may gawin na ako. Hindi puwede magmukmok lang ako rito sa hacienda at maghintay kung kailan maaalala ni David na may asawa siyang naghihintay sa kanyang pag-uwi.
"Susundan ko ho si David sa Maynila," tugon.
"Ano?" naalarmang tugon niya.
Agad na pumasok si Mang Ramon sa sala at pinakatitigan ang aking dala. Kasunod niyon si Kuya Ismael, ang isa ko pang guwardiya.
"Tama ho kayo ng pagkakarinig, Nay Sol. Hindi na ho ako mapakali. Gusto ko na hong makita si David. Gusto ko siyang makausap."
Naalarma si Mang Ramon at Kuya Ismael at nagkatinginan.
"Pasensya na ho kayo, Senyorita, pero hindi ho kayo puwedeng umalis ng hacienda," mariing sabi ni Mang Ramon ngunit umiling ako.
"Pasensya rin ho pero hindi ninyo ako mapipigilang umalis. Hindi ko na ho kayang magtiis at maghintay nang walang kasiguruhan kung naaalala pa ba ako ng asawa ko. hindi ho ninyo nararamdaman ang nararamdaman ko!"
"Anak, huminahon ka." Si Nanay Sol. Alam ko namang pipigilan nila ako kaya nakahanda na ako sa anuman.
Sinubukang kunin ni Kuya Ismael ang trolley ko ngunit mabilis ko iyong itinago sa aking likuran.
"Nakikiusap ho ako sa inyo, Mang Ramon at Kuya Ismael, hayaan na ninyo akong umalis."
"Pasensya na po pero kabilin-bilinan ni Senyorito David na hindi kayo puwedeng umalis hanggang hindi siya bumabalik."
Marahas akong umiling at nagsimulang humakbang palabas ngunit hindi pa man ako nakakatatlong hakbang nang biglang nagsara ang main door. Hinarangan iyon ng dalawa pang guwardiya.
I stepped back and turned my gaze to the right. Sa kusina na lang ako dadaan ngunit paghakbang ko'y may tatlong guwardiyang nakaabang din. I almost gritted my teeth. Buong security agency yata ang inarkila ni David para masiguradong hindi ako makaalis.
"Kung hindi ho ninyo ako papayagang umalis mag-isa, puwes samahan ninyo ako para sundan ang asawa ko sa Maynila."
Sabay-sabay silang umiling sa 'kin. Laglag balikat na tiningnan ko sila isa-isa.
"Pasensya na talaga, Senyorita, ginagawa lang namin ang trabaho namin. Isa pa, ayaw naming mapahamak ka dahil kami ang mananagot kay Senyorito David," pakiusap ni Kuya Ismael ngunit hindi ko pa rin maintindihan kung bakit nila ako kinakailangang ikulong sa mansyon.
Something is off.
"Sabihin n'yo nga sa 'kin, Kuya Ramon, may itinatago ba sa akin ang asawa ko?" nanghahamon kong tanong. Hindi ko na napigilan ang pangingilid ng aking mga luha.
"Abala lang ho si Senyorito David pero huwag kayong mag-alala, ipaparating ko sa kanya na pinapauwi n'yo na siya."
Tumawa ako nang pagak.
"Mabuti pa ho kayo, nakakausap ninyo ang asawa ko sa telepono. Samantalang ako, pakiramdam ko isa akong ibon na ikinulong sa hawla saka kakausapin lang kung kailan naaalala. Miss na miss ko na ho ang asawa ko. Sana naaalala pa niya ako kasi sa tuwing hindi ko siya kasama ay pakiramdam ko mag-isa lang ako sa mundo. Hindi ko kilala ang sarili ko. Gulong-gulo ho ang utak ko."
Niyakap ako ni Nanay Sol nang namalisbis ang mga luha sa aking mga bata. Ramdam ko ang awa nila sa akin. Pero hindi ko naman sila masisisi kung na kay David ang loyalty nila. After all, si David ang nagpapasuweldo sa kanila para mabantayan ako.
"Pasensya na talaga, Senyorita. Para din naman sa ikabubuti ninyo ang ginagawa ni Senyorito."
Doon nagpanting ang tainga ko sa sinabi ni Mang Ramon.
"Kung para ho sa ikabubuti ko, bakit ho nasasaktan ako? Gulong-gulo na ho ako sa nangyayari sa 'kin. Paano ho ninyo ipapaliwanag ang babaeng kamukha ko sa TV? Hindi n'yo ho ba naisip na baka may pamilya pa ako?"
Nagsipa-iwasan sila ng tingin. Doon ko napagtanto.
"Anak, baka talaga kamukha mo lang siya. Marami naman talagang nagkakamukha, e," giit ni Nanay Sol pero hindi ako nakumbinsi.
"Hindi ho, e. Iba ho kasi ang naramdaman ko noong nakita ko ang babaeng iyon. Iba ang pakiramdam ko sa kanya. Hindi ko maipaliwanag. Kaya isa lang ang susi nitong agam-agam sa utak ko. Kailangan kong makaharap at makausap ang babaeng iyon. Kung kinakailangang suyurin ko ang Maynila nang mag-isa ay gagawin ko. B—baka kilala rin siya ni David, 'di ba?"
"Inuulit ho namin, Senyorita, hindi ho kayo puwedeng umalis hangga't hindi dumadating si Senyorito," mariing sabi ni Mang Ramon. Nanlumo ako.
"Kung gano'n pauwiin n'yo si David dito ngayon din dahil kung hindi, tatakas ako at susundan ko siya sa Maynila."
Tumalikod na ako at umakyat pabalik sa hagdan. Nakasunod naman ang isang guwardiya na bitbit ang trolley ko.
Marahas kong pinahid ang aking mga luha gamit ang daliri ko saka dumiretso sa library. Ini-lock ko ang pinto para walang makapasok. Itinulak ko ang shelf para magtungo sa secret room.
Siguro kailangan ko na lang pag-aralan ang bagay-bagay na narito.
Binuksan ko ang ilaw sa buong kuwarto saka inisa-isa na naman ang mga drawer na hindi naka-lock. Wala akong nakikita kundi mga baril na wala namang bala. Ito ang dagdag palaisipan sa akin kung paanong may ganito sa loob ng mansyon.
Iginala ko ang aking paningin sa buong kuwarto. Wala namang kakaiba bukod sa mga baril, cabinets na naka-lock, at ang mga mukhang nakadikit sa pader. At habang pinakatitigan ko ang mga mukhang iyon ay kinikilabutan ako.
Sa taas ng mga cabinets ay may isang abstract painting na nakasabit. Wala sa sariling nilapitan ko iyon Umakyat ako sa ibabaw ng cabinet para maabot ang painting. Napansin ko ang maliit na bilog na namumula na nakadikit. Hindi mo agad mapapansin kung hindi mo tititigan.
Itinutok ko ang aking palad doon at napagtanto kong kamera pala iyon. I pulled it off forcibly. Natanggal iyon at nahulog sa sahig.
Hindi na pala dapat ako magulat kung sa mga oras na ito ay alam na ng asawa kong nakapasok ako rito.
Kumuha ako ng isang baril at pinukpok iyon hanggang sa nabasag.
I didn't know but my nerves suddenly urged me to break that thing. Naghanap pa ako kung may maari pa akong makita na kamera at hindi nga ako nagkamali. Napapaligiran nga ng surveillance ang silid na ito. Mayroong kamerang nakadikit sa mismong mga cabinet kaya inisa-isa kong tinanggal ang mga iyon at binasag.
Lumabas na ulit ako ng silid na iyon at tiniklop patulak ang bookshelf. Kung mayroong kamera sa loob, malamang ay mayroon din dito sa library.
Sinubukan kong maghanap sa pader ngunit wala akong nakita. Inisa-isa ko rin pati ang mga bookshelves ngunit wala.
Napaupo ako sa couch sa pagod.
Ano pa ang itinatago mo sa akin, David?
Iniisip ko pa lang na may ibang babae si David ay para na akong pinapatay sa sakit. Mahal na mahal ko ang asawa ko ngunit pakiramdam ko'y hindi ako buo.
Sumandal ako sa pader at wala sa sariling tumingala sa kisame. Nakipagtitigan ako sa chandeliers na nakasabit doon. Bigla akong napatayo nang may mapansin ako mula roon.
Lumabas ako at bumaba para kumuha ng monoblock. Hindi ko pinansin ang nagtatakang mukha ng mga katulong.
"Huwag ho kayong mag-alala, hindi ho ako tatakas," pigil ko kay Kuya Ismael nang akmang lalapitan niya ako. Napaatras siya.
Muli akong umakyat sa hagdan at pumasok sa library. Ipinatong ko ang monoblock sa ibabaw ng lamesa sa pumatong doon.
Tatanggalin ko lahat ng maaaring magamit ni David para mabantayan ang bawat galaw ko. Sana sa ganitong paraan ay mapauwi ko siya.
Binasag ko ang nakuha kong Bluetooth camera roon. Nang makuntento na ako ay pinagdiskitahan ko na naman ang cellphone niyang nakuha ko. Hanggang ngayon hinuhulaan ko pa rin ang password ng cellphone niya para mabuksan ko.
Ngunit lumipas ang dalawang gabi ay walang David na dumating. Hindi nakatulong ang paninira ko ng mga surveillance camera niya. Siguro wala talaga siyang pakialam sa akin. Siguro'y nakahanap na siya ng iba sa Maynila at pagbalik niya rito'y hihiwalayan na niya ako.
Marahas akong lumabas ng kuwarto at patakbong bumaba sa hagdan. Kung hindi siya madadala sa ginawa ko, puwes ako na ang gagawa ng paraan para mahanap ko ang sarili ko.
"Senyorita, dahan-dahan lang ho kayo!" tarantang sigaw ni Dionesa.
Lumabas naman mula sa kusina si Nanay Sol na may kasunod na isang madre. Doon ako natigilan. Ngumiti sa akin ang madre. Tipid din akong ngumiti ngunit biglang sumakit ang aking ulo nang biglang may pumasok ang isang imahe sa utak ko.
Napahawak ako sa aking ulo.
"Senyorita, ayos ka lang?"
Napahawak ako kay Dionesa. Diyos ko, ano'ng nangyayari sa 'kin?
"Anak, may dinaramdam ka ba?" nag-aalalang tanong ni Nanay Sol.
Pumikit ako't huminga ng malalim. Pagkadilat ko'y luminaw na ang kaninang nanlalabo kong paningin.
"A—ayos lang po ako, Nay Sol. May bisita ho pala tayo."
Pinakatitigan ko ang madre.
"Binibisita lang tayo ni Sister Lenny, anak. Alam mo ba na malapit siyang kaibigan ng mga magulang ni Senyorito David? Kaya nga kinakamusta niya ito kaya lang sabi ko hindi pa umuuwi si senyorito."
Tumango-tango.
"Kumusta po kayo, Sister Lenny?"
"Ito, masaya naman ako, anak. Sayang hindi pa nakauwi si David. Pero nagagalak akong makilala ang asawa niya," nakangiting sabi ni Sister Lenny.
Ngumiti rin ako.
"Nagkita na ho ba tayo dati?"
I didn't know but that question just slipped out of my tongue.
"Hmm, parang hindi pa, iha. Ito yata ang unang pagkikita natin," aniya.
Pero hindi ako mapakali.
"S—sigurado ho kayo?"
Napakurap ako nang bigla na namang kumidlat sa imahinasyon ko ang mukha ni Sister Lenny.
"Pero bakit ho pakiramdam ko ay nagkita na tayo—"
Hindi ko na natuloy ang sasabihin ko nang biglang bumukas ang main door. Pumasok si Ismael at Mang Ramon. Kasunod nila ang taong hindi ko inaasahang darating ngayon.
Malalaki ang hakbang niyang lumapit sa akin.
"Wife..."
Seryoso ang kanyang boses na nakatingin sa akin.
"David?"
Nangilid ang mga luha ko at sinalubong siya sa gitna ng bahay.
"Umuwi ka na..." parang tangang sambit ko dahil hindi ako makapaniwala sa kanyang biglang pagdating.
"Yes, and I brought something for you."
Bumaba ang tingin ko sa mga bitbit niyang frames.
"Our wedding pictures..."
©GREATFAIRY
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top