[3] TIM #2: In Every Single Way

CHAPTER THREE

HABANG nasa biyahe ay wala silang kibuan. Sa huli ay hindi rin nakatiis si Sulli. Kumuha siya ng panyo at ibinalot doon ang inumin niya. Tumagilid siya at walang salitang inilapat iyon sa pisngi ni Chico. Nagulat naman ang huli sa ginawa niya at bahagyang iniwas ang mukha nito.

"'Wag kang magulo," sabi niya.

"Ano ba kasing ginagawa mo?" kunot-noong tanong nito.

"Para mabawasan 'yang pamamaga ng pisngi mo."

"Hindi ko kailangan niyan. Hindi naman ako nasaktan, e."

"Chico, alam kong kasing kapal ng adobe ang pagmumukha mo pero hindi mo pwedeng hayaang ganyan na lang 'yan. Dahil pustahan tayo, hindi lang palad ni Kylie ang dadapo riyan sa pisngi mo."

"Bakit ka ba nakikialam? Hindi naman ikaw ang nasampal, a?"

"Hindi nga pero hindi mo naman ako mapipigilang maging concern sa'yo. Actually, may point ka naman, e. Para sa isang walang habag na lalaking katulad mo, mas mabuti pang habang maaga pa e 'wag na kayong magkita ni Kylie dahil tiyak na makakahanap pa siya ng lalaking higit sa'yo. Sa wakas, nagkasundo rin tayo."

"Nang-asar ka pa."

Inilapit ulit niya ang inumin sa pisngi nito.

"May nang-aasar bang concern?" sabi niya. Lihim siyang nagpapasalamat na hindi na ito pumalag.

"Ikaw. Pa'no mo nagagawa 'yon?"

Umangat ang isang kilay niya.

"Astig ako, e. May angal? Tsaka, teka, bakit nga ba 'ko sumakay sa kotse mo? Magdyi-jeep na dapat ako pauwi, e." Nagkamot siya ng ulo. "Ay, pambihira."

"Bakit hindi ka na lang mag-taxi? Ang init kaya sa jeep. Siksikan pa. Wala ka bang pamasahe?"

"Secret lang natin 'to, ha? Nagtitipid kasi ako, e."

"'Sabagay. Ano naman ang aasahan mo sa walang matinong trabaho? Kung naghanap ka na lang kasi ng may stable na income—"

"Ginawa ko na 'yon, 'no," putol niya. "E wala, e. Mahal ko talaga ang pagsusulat. Hindi man ako mayaman, masaya naman ako. Kaya hindi ko ipagpapalit 'tong trabaho ko."

"Nakaka-touch, grabe," pang-aasar naman ni Chico.

Diniinan niya ang hawak sa pisngi nito kaya napahiyaw ito sa sakit.

At dahil nga nakasakay siya sa kotse nito ay 'napilitan' na lamang si Chico na ihatid siya sa boarding house niya. Kung palaging ganoon ito sa kanya, e di maganda.

"Thank you, Chico Baby. Hindi na kita iimbitahan sa loob, ha? Medyo magulo kasi, e. Tsaka alam mo naman, sa estado mo, baka pagkaguluhan ka ng mga boardmates ko kaya—"

"Ang dami mong sinasabi."

Mabilis niyang kinalag ang seatbelt niya.

"Bye, Chico! Next time naman, ha?"

"'Wag ka nang umasa."

Eksaherado siyang ngumiti.

"Ha-hunting-in naman kita, e."

Bumaba na siya ng sasakyan nito at kumaway-kaway pa rito habang papunta sa gate ng boarding house na tinutuluyan niya.

"Ingat ka!"

MULA SA kinauupuan niyang mesa sa loob ng restaurant ay nakita niya ang alanganing mukha ni Ate Cheska habang kausap ang ka-date nito. Alam niyang hindi magandang senyales iyon. Ibig sabihin kasi niyon ay hindi na ito natutuwang makipag-usap sa lalaki.

Nagkakilala ang mga ito sa isang pictorial matapos mai-feature ng lalaki sa Sought-After magazine. Nanggaling sa makapangyarihang pamilya ng mga politiko si Jason de Silva. Gwapo ito, matalino at mahilig sa sports lalo na sa surfing. Marami ang nagsasabi na malaki ang potensiyal nito na maging public servant kagaya ng ama nito na isang governor.

Dahil mukha naman itong desente, sa tingin niya ay wala namang masama kung tanggapin ni Ate Cheska ang alok na dinner ni Jason. Hindi naman niya ito pinilit pero pinag-isipan naman naman iyon ni Ate Cheska kaya pumayag na rin ito. Na-excite naman siya rito. Kinailangan nga lang niyang sumama sa date ng mga ito nang hindi nalalaman ni Jason para sakaling hindi maging successful iyon ay madamayan daw niya ito.

At mukhang hindi nga successful ang gabing iyon—na naman.

"Hindi na uli masusundan ang date niyo?" tanong niya habang sakay na sila ng taxi na maghahatid sa kanila pauwi.

Nang lumabas sa restaurant ang dalawa ay nakasakay na siya sa taxi na naghihintay sa labas. Tumanggi si Ate Cheska na magpahatid kay Jason dahil ayaw niyang maabala pa ito.

"Hindi na," sagot naman nito. "I admire his intelligence, Sulli. Sana nga lang hindi nasobrahan. Puro na lang politika ang pinag-uusapan namin. You know how much I hate politics! Kaya wala rin kaming masyadong napag-usapan."

"Sayang," napalatak na aniya. "Okay lang 'yan, Ate. Hindi pa naman katapusan ng mundo. Nararamdaman ko nang malapit na rin tayo kay Mr. Right mo."

"Ilang beses mo na rin bang sinabi 'yan?"

"Basta, Ate, malakas talaga ang kutob ko."

Natawa naman ito sa kanya.

"'Wag na lang sanang makarating 'to kay Chico. Sesermunan lang ako ng isang 'yon, e."

"Kailan ba uuwi si Chico, Ate?" hindi napigilang tanong niya.

Isang buwan na kasing wala sa bansa si Chico. Sa kasalukuyan ay nasa Milan ito para sa isang malaking fashion show na kinabibilangan nito na ibinalita pa sa TV, sa mga dyaryo at internet. Wala na siyang masyadong makitang gwapo kapag napapadpad siya sa studio. Maging si Charles kasi ay nasa Milan din.

"Uy, na-miss niya ang kapatid ko," tukso naman ni Ate Cheska.

Napairap naman si Sulli.

"Naku, Ate, ha. Miss ko nga siya pero walang malisya 'yon. Nangako kasi ako sa kanya dati na ililibre ko siya sakaling magkapera ako. Alam mo na," katwiran pa niya.

"Hindi ko nga alam sa kolokoy na 'yon, e. Bihira lang kung tumawag."

"Baka busy sa mga babae niya do'n. Alam niyo naman 'yang si Chico, may pagka-Goyong."

"Puro ka talaga kalokohan, kahit kailan, Sulli. Maiba nga ako, ikaw ba, walang balak na magka-boyfriend, ha? 'Yong totoo?"

"Meron naman, 'Te. Hindi ko nga lang maisingit sa schedule ko."

"Meron ka man lang bang taong nagugustuhan? 'Yong mahal mo kahit palihim lang?"

"Gusto ko si Charles, Ate. Pero wala akong balak ma-in love ngayon. Marami akong gustong gawin at hindi ako sigurado kung matutulungan ako ng pag-ibig na 'yan kaya 'wag na lang muna siguro."

"Sure ka? Kaya mo bang pigilan ang sarili mo sakaling ma-in love ka nang hindi inaasahan?" hindi kumbinsidong tanong pa ni Ate Cheska.

"Oo naman, Ate!" mayabang na sagot niya.

"Weh?"

"Ate, naman. Wala namang ganyanan."

SA CONDO ni Ate Cheska sila tumuloy. Pinakiusapan kasi siya nitong matulog doon dahil bukas ay magba-bonding sila. Kakain lang, manonood ng movie, magkukwentuhan, at matutulog. Solved na silang dalawa doon.

"Do you want to eat something, Sulli?" tanong sa kanya ni Ate Cheska.

"Hmm? Parang gusto kong matulog na lang agad, e."

"Gatas?"

"Pwede."

Nagpunta itong kusina habang siya naman ay naupo sa sofa. Na-miss niyang tumambay rito sa condo ni Ate Cheska. Buti pa ito, naka-afford bumili ng ganito kagandang unit habang siya naman ay nagtiyatiyaga sa maingay at magulo niyang boarding house. Kailan ba kasi darating ang swerte niya?

"Do'n ka na lang sa room na ginagamit ni Chico," ani Ate Cheska nang balikan siya nito at iniabot ang gatas niya.

"Thank you, Ate," sabi naman niya at tuloy-tuloy na uminom ng gatas.

Matagal na rin simula nang may nagtimpla ng gatas para sa kanya. Pagkatapos niyang magpalit ng damit ay nagpunta na siya sa kwartong ginagamit ni Chico kapag napapadpad ito sa condo ni Ate Cheska. Ang pagkakaalam niya, nakatira pa ito sa bahay ng parents nila si Chico pero dahil mas madalas itong nasa labas, bihira lang din itong umuwi kaya kadalasan ay kay Ate Cheska ito nakikitulog.

Loko talaga ang lalaking iyon. Twenty-five na pero wala man lang matinong plano sa future nito. Hindi naman pwedeng umasa na lang ito sa pagmu-modelo at sa mga magulang nito. Paano na lang kapag dumating ang araw na hindi na ito ganoon ka-yummy?

At kailan pa 'ko naging concern sa future niya?

Dumapa siya sa kama at dinama ang malambot na foam.

"Amoy-Chico, grabe. Heaven..."

NANG matapos siyang maghilamos ay lumabas na rin siya ng kwarto para tingnan kung gising na si Ate Cheska. Nang mapadaan siya sa sala ay nakita niya ang dalawang malaking maleta. Nakakapagtaka. Wala naman ang mga iyon nang dumating sila doon kagabi, a?

Kinutuban siya. Saktong nakarinig naman siya ng ingay sa kusina. Malamang ay gising na nga si Ate Cheska at nagluluto na. Pupuntahan na lang niya ito para makapagtanong.

"Ate, kanino 'yong mga maleta do'n sa—" awtomatikong napako ang tingin niya sa lalaking nakaupo habang nagkakape. Naka-sando lang ito at boxer shorts at magulo pa ang buhok.

"Akin, bakit? May angal ka?"

Nanlaki ang mga mata niya. Nakauwi na si Chico!

"Chico Baby!" sinugod niya ito ng yakap. Naramdaman niya ang pag-igtad nito at ang pag-ingit ng upuan.

"Close tayo?" tinangka siya nitong ilayo pero bigla niya itong hinalikan sa pisngi at hinigpitan lalo ang pagyakap dito kaya hindi na nito naituloy ang balak gawin.

"'Wag ka namang ganyan. Na-miss talaga kita!"

Kahit na sabog ang buhok ay kay gwapo pa rin nitong pagmasdan. Umupo siya sa katabing stool at napangalumbaba pang pinagmasdan ang mukha nito.

"Nakauwi ka na nga talaga," napabungisngis na sabi niya.

"Ikaw ang pinakahuling taong gusto kong makita pag-uwi ko. Dahil sa'yo, sa sofa ako natulog. Siguro naman masaya ka na?" masungit na anito.

Napanguso siya.

"You're so mean pa rin, grabe. Pero dahil hindi pa 'ko nakakakain, palalampasin ko na lang ang kasungitan mo. Kumusta ang mga Italyana, magaganda ba? Ilan ang na-date mo sa kanila? Hindi ka naman nasampal? Teka, sino'ng mas malakas sumampal, sila o ang mga Pinay? Curious lang."

"Ang ingay!" reklamo ni Chico na napatakip pa sa mga tenga nito.

"E na-miss mo lang yatang asarin si Chico, e," si Ate Cheska na naaaliw habang pinapanood sila.

"Effortless ngang mang-asar 'yan, e. Makita ko lang ang pagmumukha niyan, sira na agad ang araw ko," nakasimangot na ani Chico at uminom sa kape nito.

Pinaningkitan naman ito ng mga mata ni Sulli. Ang harsh talaga nitong mag-describe sa kanya kahit kailan.

"Ang akala ko ba, Ate, hindi mo alam kung kailan uuwi 'tong kapatid mong may regla? Bakit dito siya nagpunta?" pag-iiba niya.

"'Oy, sino'ng may regla?" angal ni Chico pero hindi niya ito pinansin.

"Actually, alam ko. E gusto lang talaga kitang i-surprise kasi nga trip ko lang. Kita mo naman, 'di ba? Na-surprise ka nang bongga!" at tumawa pa ito ng nakakaloko.

"He-he," alanganing sabi naman niya at napakamot sa ilalim ng tenga niya.

HINDI napigilan ni Sulli ang mapangiti nang makita ang tuwang-tuwang reaksiyon ni Ate Cheska habang tinitingnan ang mga pasalubong ni Chico rito lalo na ng mga pabango. Mahilig kasi ito sa mga ganoon. Kung may mga bagay itong sinasadyang pagkagastusan, hindi mawawala ang mga pabango sa listahan nito.

Noong una ay ayaw niyang maniwala nang sabihin nitong thoughtful na kapatid si Chico. Ngayon ay siya na mismo ang nakapagpatunay niyon. Nagbawi siya ng tingin at itinuloy ang pagbuhos ng cheese powder sa french fries na kakainin nila. Iba talaga kapag may kapatid na galing abroad.

Kumain na lang siya sa french fries para malimutan ang inggit na naramdaman niya.

"Bansot," narinig niyang tawag sa kanya ni Chico.

Nang lumingon siya ay may nag-landing na malambot na tela sa mukha niya. At amoy euro pa. Nang tingnan niya iyon ay isa iyong pink sweater na may hoodie at may malaking print ng pusa sa harap.

Pusa? Hindi niya trip ang mga pusa pero dahil maganda naman, at mukhang signature ang tela, nagustuhan naman niya kaagad.

"Para sa'n 'to?" takang tanong niya.

"Sa'yo na lang. Alam kong minsan ka lang makasuot ng mga branded."

Hindi napigilang magsalubong ang kilay niya.

"Naman, hindi mo rin iniinsulto ang pagiging maralita ko sa lagay na 'yan, 'no?" angil niya pero agad namang napangiti. Pinasalubungan kaya siya ni Chico kahit asar ito sa kanya! "Ang sweet naman ni Chico Baby." Inamoy-amoy pa niya iyon. "Amoy-bagahe, amoy-eroplano at amoy-bala. Thank you, ha! Love na talaga kit—" nilamon niya ang huling salita nang may tumama muli sa mukha niya.

This time ay isa iyong—nanlaki ang mga mata ni Sulli nang makitang isa iyong see-through na night gown. Hindi maipinta ang mukhang binalingan niya si Chico. Ngumisi naman ito na parang nanloloko. Pinagti-trip-an na naman ba siya nito?

"Walang anuman, Bansot."

Nunca siyang magsusuot ng gano'n!


---

Mabuhay! Sana po 'wag kayong mag-alangang magbigay ng inyong votes at comments sa story. Enjoy reading! ^_____^



Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top