[2] TIM #2: In Every Single Way

CHAPTER TWO

"SIS, KUMAIN ka na ba?"

And speaking of the devil! Tumalikod si Sulli sa direksiyon ng pinto nang marinig niya ang boses ni Chico. Badtrip siya rito, badtrip!

"Kanina pa 'ko kumain pero itong si Sulli ay hindi pa."

"Nandito pa rin ang bansot na 'yan?"

Nagpanting ang tenga niya. Kung hindi lang siya nahihiya kay Ate Cheska ay kanina pa niya ito kinarate. Nagbuntong-hininga na lang siya at nagtulog-tulugan.

"Hoy, hindi bansot si Sulli, ha," pagtatanggol naman ni Ate Cheska. "Kumpara sa mga nakaka-date mo, matangkad na si Sulli, 'no. At hindi mo sila minsan tinawag na bansot."

"Dahil palagi silang nagsusuot ng heels."

"Si Sulli na lang ang yayain mong mag-lunch. Sa tingin ko, hindi pa 'yan nagla-lunch. Ikaw naman kasi, e. Hindi mo raw siya hinayaang mabusog kay Charles."

"Panggulo lang naman siya ro'n, e."

'Yong pasensiya ko, malapit nang maubos, ngitngit naman niya sa loob-loob.

"Hindi ko siya papayagan na magpunta ro'n kung manggugulo lang siya. Pabayaan mo na lang siya sa susunod, pwede ba?"

"Whatever."

Whatever daw. Sana ay umalis na ito kaagad dahil ayaw niyang makaengkwentro ito. Gutom na siya at ayaw niyang dumanak ng dugo kapag nilapa na niya ito.

"Hoy!"

Napasigaw siya sa pagkagulat nang malakas na tapikin ni Chico ang mga binti niya.

"Bakit ba?" gigil na tanong niya. Hindi man lang niya namalayan ang paglapit nito dahil busy siya sa pag-murder dito sa utak niya.

"Bumangon ka na riyan."

"At bakit?" mataray niyang tanong.

"Wala akong choice. Isasama kita."

"Wow, wala kang choice. Nakaka-touch naman," sarkastikong sabi niya.

"Pwede bang sa labas niyo na lang ituloy ang away ninyo?" singit ni Ate Cheska. "Sumasakit ang ulo ko sa inyo, e. Kung pwede lang?"

"O baka gusto mong hilahin pa kita sa paa?" sabi naman ni Chico sa kanya.

Nang aktong sisipain niya ito ay mabilis itong lumayo sa kanya. Marahas siyang nagbuntong-hininga at tumayo.

"Sasama na nga, 'di ba? Nag-iinarte lang naman ako nang kaunti, e."

Inismiran lang siya ni Chico at tinalikuran.

"I'll see you later, Sis."

"Mag-enjoy kayo sa lunch niyo, mga bata," nakangiting sabi ni Ate Cheska at kumaway-kaway pa.

"Bye, Ate. I'll see you tomorrow," sabi naman ni Sulli.

"See you, Sulli. Mag-behave kayong dalawa, ha?"

Nang makalabas na sila ng opisina nito ay nakasalubong pa nila si Charles .

"Charles!" tawag ni Sulli rito at matamis na ngumiti.

"Hello, Sulli," nakangiting tugon naman ni Charles. "Um, Chico, nandito ba si Cheska?"

"Yeah, nandiyan lang siya," sagot naman ni Chico at hinawakan siya sa siko. "We have to go."

"Bye, Charles!" sabi naman ni Sulli at kumaway-kaway rito.

Nakangiting kinawayan din siya ni Charles. Tanggal na ang gutom niya.

"Pogi talaga," sambit niya. Wala siyang pakialam kahit parang kinakaladkad na siya ni Chico.

"Gutom ka na nga," sabi pa nito.

"Pasalamat ka na lang at gumanda ang mood ko nang makita ko siya. Dahil baka kanina ka pa bumulagta diyan!"

"Tinatakot mo ba 'ko sa lagay na 'yan?" nakapaningkit na tanong nito.

"Hindi, a. Baby yata kita," nakangiting sabi naman niya at kumapit pa sa braso nito. "Masaya na ulit ako dahil nasilayan ko si Charles. Okay na okay na 'ko ro'n. Hihi!"

"Baliw. Lumayo ka nga sa 'kin."

Hinigpitan niya ang pagkapit sa braso nito.

"Ayoko. Ikaw ang unang humila sa 'kin, magtiis ka riyan." Inamoy niya ang manggas ng shirt nito. "Ang bango mo talaga, 'no? Nakakawala ng pagkaimbyerna ko sa'yo. Grabe, you're the man."

"SALAMAT at pinagbigyan mo ang request ko, ha?" nakangiting sabi niya nang sa wakas ay dala na ni Chico ang order nila.

"You're welcome din sa pagtiyatiyaga kong pumila nang pagkahaba-haba," masungit na sabi nito.

Imbes kasi sa restaurant na kailangan lang ay tawagin ang waiter, pinilit niya itong kumain sa Jollibee. Actually, hindi naman siya nahirapan na kumbinsihin ito. Puno sa fastfood chain nang mga sandaling iyon at maswerte siyang makahanap ng table para sa kanilang dalawa. Medyo madumi pa iyon dahil kaaalis lang ng huling customer pero nakatawag naman siya ng isang crew para linisin iyon para sa kanila habang si Chico naman ang pumila.

Ayaw kasi niya sa restaurant. Mahal na nga, hindi naman siya mabubusog. Isa pa, first time niyang kumain ng fastfood para sa buwang iyon kaya okay lang naman siguro iyon.

"Sasabihin ko kay Ate Cheska itong ginawa mo. Tiyak na matutuwa 'yon sa'yo. Ikaw pa ba? Ipinagmamalaki ka kaya n'on."

"Hindi mo 'ko mauuto."

"Aw, si Chico, baby, ayaw mag-break sa pagsusungit. Sige ka, masisira ang poise mo. Hindi ka na gwapo."

"Baliw."

Naikiskis pa niya ang mga palad habang pinagmamasdan ang burger steak at lumpiang shanghai na ulam nila.

"Na-miss ko 'to!" parang batang sabi niya at nagsimulang kumain. Unang subo pa lang niya, pakiramdam niya ay heaven na ang pakiramdam niya.

"Ang sarap talaga. Thank you, Chico."

"Talagang 'thank you' dahil last mo na 'yan."

"Sa susunod, ako naman ang manglilibre sa'yo."

Umangat ang isang sulok ng mga labi nito, halatang hindi naniniwala sa kanya.

"Kapag nagkapera ako, sure 'yan," sabi pa niya at itinaas-baba ang kilay.

NASA kalagitnaan na sila ng masarap nilang lunch nang may isang batang lalaking tingin ni Sulli ay hindi lalagpas sa apat na taon ang lumapit sa mesa nila.

"Nakita mo, Mama ko?" tanong nito.

"Eh?" aniya. Natulala kasi siya sandali sa ka-cute-an nito. "Ano'ng pangalan mo?"

"Kiko."

"Talaga?" manghang sabi pa niya. Tiningnan niya si Chico na inismiran lang siya. "Nawawala ka?"

Tumango naman si Kiko.

"'Di ko makita ang Mama ko." Ilang sandali pa ay parang maiiyak na ito. "Mama ko..."

Naalarma naman siya.

"Uy, 'wag ka namang umiyak. Tutulungan kitang hanapin ang Mama mo." Kinuha niya ang kanyang french fries at ibinigay kay Kiko. "'Di ba gusto ni Kiko ng french fries?"

Tumango naman si Kiko.

"Gusto ko ng french fries at si Mama."

"Nasa'n ba ang Mama mo?" tanong ni Chico rito.

"'Di ko alam." Nagpalinga-linga ito sa paligid. "Sabi niya bibili lang daw siya ng pagkain tapos uuwi na kami."

"Humiwalay ka siguro sa kanya, 'no?"

"Hinabol ko 'yong malaking bubuyog. Gusto ko siyang iuwi sa bahay namin. Tapos biglang nawala 'yong bubuyog, nawala rin si Mama." Namasa ang mga mata nito.

"Naku, naku, tara hanapin na natin ang Mama mo, kung gano'n," sabi naman ni Sulli at akmang tatayo na sana ng maunahan siya ni Chico.

"Ako na lang ang sasama sa bubwit na 'to, dito ka na lang," anito.

"Sigurado ka?" hindi makapaniwalang tanong naman niya.

"Baka maligaw lang kayo lalo, e."

"Sakit mo rin talagang magsalita, e, 'no?" pakli niya.

Nagulat pa siya nang kargahin nito si Kiko nang walang kahirap-hirap. Hindi niya napigilang pagmasdan ang mga ito. Bagay pala kay Chico ang maging ama?

"Dito ka lang, ha," pautos na sabi ni Chico bago siya iniwan.

Nakangiting kumaway naman siya kay Kiko. Gusto sana niyang sundan ang mga ito para malaman niya ang buong mangyayari kaya lang e baka gisahin naman siya ni Chico kapag nalaman nitong sumuway siya. Pero mukhang hindi naman na niya kailangan pang umalis dahil sa labas lang niyon ay nakita niya ang isang babaeng sumalubong kay Chico. Base sa mukha ng babae ay parang maiiyak ito at mabilis na kinuha si Kiko. Sa hula niya ay paulit-ulit na nagpapasalamat ang babae kay Chico dahil sa ilang beses na pagyuko nito ng ulo.

Ang ikinagulat pa ni Sulli ay ang makita niyang pagngiti ni Chico sa babae at ang paghaplos nito sa ulo ni Kiko. Akalain niya iyon? Marunong din naman pala itong ngumiti? Kumaway pa si Kiko dito bago umalis ang mga ito. Mabilis siyang nagbawi ng tingin nang pabalik na si Chico. Nagkunwari siyang busy sa pagkain. Kunwari rin itong si Chico, e. May itinatago rin naman pala itong bait, e.

"Bilisan mo na ang pagkain at gusto ko nang umuwi," sabi nito. Bumalik na naman ang dalaw nito.

"May puso rin pala si Chico Baby. Ikaw na," pang-aasar niya.

Matalim ang tingin ibinigay sa kanya ni Chico. Nang umangat ang isang kamay nito ay napaatras siya sa kanyang upuan. Siya ang kakainin nito!

Pero nag-assume lang pala siya dahil ang kaisa-isang lumpia na natira sa pinggan niya ang kinuha nito at isinubo! Nanlaki ang mga mata niya.

"Last ko na 'yon, e. Bakit mo kinain?" paghihimutok niya.

"Ang bagal mong kumain, e," katwiran naman nito.

"Ibalik mo 'yon, Chico!"

"Madali akong kausap. Ibabalik ko talaga sa'yo."

Napangiwi naman siya sa mismong sinabi.

"Ibig kong sabihin, palitan mo."

"'Yoko na ngang pumila."

"Daya."

SA FOUNTAIN area sila dumaan nang matapos na silang kumain. Enjoy na enjoy siya sa pag-inom ng kanyang chocolate float nang may isang sopistikadang babaeng humarang sa kanila. Halata ang galit sa mukha nitong tadtad ng make up. Hindi na siya magtataka kung magkakilala ito at si Chico.

"Tama nga sila. Isa kang manloloko!" asik ng babae at bigla na lang sinampal si Chico.

Kung si Sulli ay nagulat, si Chico ay parang hindi man lang natinag. Hinaplos lang nito ang tinamaang pisngi at hinilot ang panga. Ano iyon, sanay na itong masampal?

"Break na tayo!"

Hinarang naman ni Sulli ang katawan niya sa gitna ng mga ito.

"Grabe, Miss, ha. Ang dali lang sa'yong manampal. Aspiring actress ka?"

"At bakit hindi? Kitang-kita na nga ng dalawang mata ko na magkasama kayo. Kaya pala ayaw akong samahan ni Chico na mag-shopping ay dahil sa'yo. Sana man lang naghanap kayo ng ibang mall!"

Nanlalaki ang mga matang napailing si Sulli.

"So kailangan manampal agad? Ni hindi mo man lang tinanong si Chico kung sino ako at bakit kami magkasama? Sampal agad? Buti pa pala 'yong mga babae na niloko sa mga telenovela, nagtatanong muna. For your information, wala kaming relasyon at sabit lang ako rito. Hindi ko type ang Chico mo!" tuloy-tuloy niyang sabi habang nakikipagsukatan ng tingin sa babae.

Halata namang natigilan ang babae. She looked at Chico guiltily.

"Chico, babes, okay lang ba? Sorry, hindi ko alam. Napraning lang siguro ako kasi sobrang dami ng babaeng nali-link sa'yo. Ang akala ko, niloloko mo 'ko."

Nilapitan nito si Chico para yakapin pero iniharang lang ni Chico ang isang kamay nito.

"Chico, sorry na," pagsusumamo pa ng babae. Mula sa pagiging kontrabida ay bigla na lang itong naging bida. "Binabawi ko na 'yong sinabi kong break na tayo."

"Pwes ako, hindi," malamig ang tinig na ani Chico. "Besides, wala naman talagang 'tayo', 'di ba? Umpisa pa lang sinabi ko nang ayokong magkaroon ng commitment pero pumayag ka pa ring makipag-date sa 'kin kaya hindi mo pwedeng sabihing pinaasa kita. I am sorry, Kylie. Sa tingin ko, hindi na dapat tayo magkita."

"What? No, Chico! Hindi mo na ba 'ko pwedeng bigyan ng chance? Hindi ko naman sinasadya, 'di ba?" pagmamakaawa pa ng babaeng tinawag na 'Kylie'.

"Ngayon pa lang, sinasabi ko na sa'yong malabo tayong mag-work out kaya bakit pa tayo magsasayang ng panahon? Kung ipagpapatuloy pa natin 'to ngayon, baka ma-miss mo lang ang pagkakataon na makilala ang lalaking nararapat para sa'yo. I am sorry, Kylie. It was nice meeting you."

Hindi pa man nakakabawi sa nasaksihang eksena ay naramdaman niya ang paghila sa kanya ni Chico palayo. Narinig pa niya ang pagtawag dito ni Kylie na hilam na sa luha at ang make up nito ay nagkalat.

"Chico, h-hindi mo man lang ba siya babalikan?" alalang tanong niya.

"Ginagawa ko lang ang makakabuti para sa kanya, 'wag ka nang makialam."

"Wala ka talagang puso!" gigil na sabi niya.

"Alam ko ang ginagawa ko."

"You just hurt her, hindi mo ba nakikita?"

"Lahat naman ng iniiwan, umiiyak, 'di ba? Kaya ano'ng bago ro'n?" salubong ang kilay na tanong nito.

"Nakipaghiwalay ka sa kanya sa harap ng maraming tao!"

"Hindi ako nakipaghiwalay sa kanya, okay? Kakasabi ko lang na walang kami."

Nang marating na nila ang kotse nito ay agad itong umikot sa driver seat habang siya naman ay nakatayo lang.

"Sasakay ko ba o iiwan kita?" tanong nito nang mapansing hindi man lang siya kumikilos.

Mariing naglapat ang mga labi ni Sulli at sumakay naman sa frontseat. Pakiramdam niya ay maloloka na siya sa nangyari.

\13F




Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top