[3] TIM #1: Simpleng Tulad Mo
CHAPTER THREE
"NAKATIKIM ka na ba ng beer na hindi mapait?" tanong pa nito.
"Hindi pa."
Umangat ang isang sulok ng mga labi nito.
"Then there's no way you'll be tasting something sweet."
Kumunot naman ang noo niya. May pagka-pilosopo pala ito pero tama nga naman ito. Siya nga itong aneng kung tutuusin. She found his accent adorable, by the way.
Ang mas mahalaga, nakausap ko na siya!
"'C-charlie' ang pangalan mo, 'di ba?"
"Who told you?"
"Si Ate Blaine." Lumapit siya at naupo sa kabilang dulo. "You were that guy from her novel."
"That was just my face on it," walang kangiti-ngiting anito.
"Pero ikaw ang inspirasyon niya. Character mo ang nando'n kung gano'n."
Napailing ito. His lips curved into a smirk.
Sexy smirk!
"Ginugoyo ka lang n'ong babaeng 'yon."
Nakagat niya ang ibabang labi. They're actually talking right now!
"S-so hindi rin 'Charlie Suarez' ang totoo mong pangalan?"
"It's 'Charles Reighlee Schwarz'."
"H-ha? Ano 'yong spelling n'on?" naguluhang tanong naman niya.
"Si Blaine lang ang nagbigay ng 'Charlie' na pangalan sa 'kin. Everyone calls me 'Charles' or 'Reighlee'."
"Charlie's cute."
"I'm not cute."
You're gorgeous. Esss!
"My name is Kirshen Barcelona. Writer din ako katulad ni Ate Blaine. Hindi nga lang kasinggaling niya. Pwede ka bang maging hero?"
"Kirshen..." tumingin ito sa kanya at nahigit niya ang paghinga. Naningkit ang mga mata nito at para bang nilalasahan ang pangalan niya. Pagkatapos ay bigla na lang itong tumayo kasabay ng paghubad nito ng itim nitong jacket. "Can you tell Blaine and Ouji na umalis na 'ko?"
Gulat na napatayo rin siya. Aalis na ito? Pero hindi pa ito pumapayag na maging hero niya.
"H-ha? Aalis ka na kaagad?"
"Napilitan lang naman akong pumunta rito dahil sa pamimilit ni Ouji." Nagulat siya nang iabot sa kanya nito ang jacket nito. "Take it. Ipatong mo sa damit mo."
Nanlaki naman ang mga mata niya. Nagpapaka-gentleman ba si Charlie sa lagay na iyon? Hindi niya mapigilan ang kiligin.
"Wala namang kaso sa 'kin 'tong damit ko."
"Just take it."
Tinanggap na rin niya ang jacket nito.
"Maraming salamat!" sabi niya at kiming ngumiti.
"I have to go."
Sinundan pa ito ni Kirshen ng tingin habang naglalakad ito palabas. Pumasok ito sa isa sa mga nakaparadang kotse at ilang sandali pa ay nakita na niyang lumabas ng gate ang sasakyan. Wala sa loob na dinala niya sa ilong ang jacket. Napakabango niyon at ang sarap amuyin. Sayang nga lang at umalis na ito. Dahil ba sa nakulitan ito sa kanya? Huwag naman sana. Nakuha naman nitong magpaka-gentleman sa kanya, e.
Natagpuan niya ang sariling parang timang na nakangiti. Isinuot niya ang jacket nito at hindi niya napigilang mapahagikhik nang hapitin niya iyon sa katawan niya. Masyadong malaki para sa kanya ang jacket nito at kakaibang warmth ang hatid niyon sa kanya. Suot nga talaga niya ang jacket ni Charlie!
"Guess what? Pauwi na rin kami kaya matatahimik na ang nabulabog mong kaluluwa."
Napalingon si Kirshen nang marinig niyang nagsalita si Ate Blaine. Masama ang timpla ng mukha nito at sa likuran nito ay si Ouji.
"Blaine, gano'n na ba talaga kasama ang tingin mo sa 'kin?" anang lalaki.
"Shen, ano bang ginagawa mo rito?"
"Um, nagpapahangin lang?"
"Nasa'n na si Charles? Ang paalam n'on, magpapahangin lang dito 'yon, a?" tanong naman ni Ouji.
"Umuwi na siya. Ako na lang daw ang bahalang magsabi," sagot naman ni Kirshen.
"Nakita mo na, Ouji? Kahit ang kaibigan mo, hindi na matagalan ang ugali mo kaya iniwan ka na," ani Ate Blaine at namulsa.
Hindi maiwasan ni Kirshen ang magtanong sa sarili niya. Ang weird kasi ng pakikitungo ni Ate Blaine kay Ouji. Gustong-gusto nito na mapaligiran ng gwapo at ang Ouji na ito ay pasadong maging isang novel hero pero kung sagot-sagutin ito ni Ate Blaine ay para bang isa itong insekto.
"Uuwi na ba tayo, Ate Blaine?" tanong naman niya.
"Oo sana. Inaantok na rin kasi ako, e. Sa condo na lang natin ituloy ang party-party."
"Sige."
Pabor naman na sa kanya iyon. Nakita at nakausap na rin niya sa wakas si Charlie at nanenok pa niya ang jacket nito. Hindi na masama. Kahit hindi siya lasing, lutang na ang pakiramdam niya.
"Ako na lang ang maghahatid sa inyo, kung gano'n," prisinta naman ni Ouji.
"Hindi na, 'no. May pamasahe kami. At take note, magta-taxi kami," paangil pang sagot ni Ate Blaine.
"I can't believe gano'n na lang kadali sa'yong kalimutan ang lahat, Blaine," may pagdaramdam sa boses na ani Ouji.
Napahawak si Ate Blaine sa sentido nito at eksaheradong ngumiwi.
"Ang totoo niyan, Ouji, may amnesia ako kaya wala akong maalala sa mga pinagsasasabi mo. Pagpasensiyahan mo na sana ako. Halika na, Kirshen."
Alanganing sumunod naman si Kirshen dito.
"SO, IKWENTO mo naman ang kasaysayan ng pagkakakuha mo sa jacket na 'yan. Kanina pa hindi maalis-alis 'yang ngiti mo, a. Ano'ng nangyari? Ha?" tanong sa kanya ni Ate Blaine habang sakay na sila ng taxi cab na maghahatid sa kanila sa condo nito na malapit lang naman mula sa bahay nina Ouji at Princess.
"Ang pait naman kasi n'ong beer na ibinigay mo, e. Natapunan tuloy 'yong damit ko. Nag-usap lang kami sandali at bago siya umalis, ibinigay niya sa 'kin 'to. Hindi ko nga lang siya napapayag na maging hero sa nobelang isinusulat ko," nakangiting sagot naman niya.
"Sabi sa'yo, e. Hindi talaga ako nagsisisi na ginawa ko siyang hero. Siya ang dahilan kung bakit may nadagdag na naman sa kaban ko."
"'Oy, Shen, pahiram naman niyang jacket ni Charlie. Kahit isang gabi lang," hirit ni Paige mula sa front seat.
"Ang swerte mo naman, Shen," ani Mela at Mandie.
"Pasensiya na kayo, mga Ate. Magdadamot muna ako ngayon. Ngayon lang naman." Sininghot pa niya ang collar ng jacket. "Ang bango talaga, o. Grabe. Ito ang pinakamasayang gabi ng buhay ko," at humagikhik pa siya.
Mahinang batok naman ang nakuha niya mula kay Ate Blaine.
"You're welcome, Shen!"
Kunwari ay sinimangutan naman niya ito.
Nang marating na nila ang condo ni Ate Blaine ay naghanda naman ng pwede nilang merienda-hin ang tatlo sa kusina.
"Ate, may tanong lang ako," sabi niya habang pumipili sila ng mga pelikulang panonoorin nila mamaya.
"Ano naman 'yon?"
"'Yong si Ouji, nililigawan ka ba niya uli kaya siya nangungulit? O baka guni-guni ko lang 'yon?"
Hindi niya nasaksihan ang lahat sa pagitan nina Ate Blaine at Ouji noon. Ang kwento lang nito sa kanya, nagkaroon ng pagkakaunawaan ang mga ito na naudlot dahil sa pagpasok sa eksena ng babaeng nakatakdang pakasalan ni Ouji. Naghiwalay na ng landas ang mga ito noon pero nakagawa yata ng paraan ang tadhana na paglapitin uli ang mga ito ngayon.
Nasapo ni Ate Blaine ang ulo.
"Kumikirot na naman ang sentido ko. Aray..."
Nang makita nitong hindi naman siya naniniwala ay umayos ito.
"I don't think it's a good idea na pabalikin pa siya sa buhay ko, Kirshen."
"Sayang naman."
"Of course not. Alam mo kasi, may mga bagay na kahit masaya ka, kung hindi naman para sa'yo, hindi mo dapat ipagkait sa taong deserving ng bagay na 'yon kaya ipapaubaya mo."
"'Te, ang gulo mo."
"Kailan ba 'ko tumino?"
"Sa'n ko mahahanap ang restobar ni Charlie?" pag-iiba na lang niya.
"Aba, desidido ka talagang i-stalk siya, ha. Kuma-career."
"Hindi, a," sabi naman niya. "Siyempre, kailangan ko ring ibalik 'tong jacket niya, 'no. Mukhang mamahalin pa naman 'to. Sayang naman kung ipamimigay niya lang. At tama ka, para may rason na rin akong makita siya."
"Talaga lang, ha?"
"Gusto ko rin siyang maging hero, 'Te. Okay lang naman siguro 'yon, 'di ba?"
"You mean, wala kang balak na akitin siya? Gusto mo lang siyang maging hero sa nobela mo?"
"Kung papayag siyang maging hero ko sa totoong buhay, hindi naman ako nag-iinarte. Pwede na rin naman siya."
Marahang pinangpalo ni Ate Blaine sa noo niya ang isang tape.
"Dadagdag ka lang sa mga babaeng nahuhumaling do'n kay Charles. Medyo mailap ang puso n'on. Kaya kailangan mo ng malupet na powers para kayanin mo."
"Biro lang, 'Te. Ikaw naman." Kinuha niya ang tape sa kamay nito. "'Oy, ano 'to? Attack On Titan Live Action? Mukhang kadiri. Sige, ito na lang."
HABANG hinihintay ni Kirshen na mapuno ang batya ng tubig ay muli na naman niyang kinuha ang jacket at inamoy-amoy iyon.
"Ang bango talaga!"
Ano kayang fabric conditioner ang ginagamit ni Charlie sa paglalaba ng mga damit nito? Ayaw na sana niyang labhan ang jacket pero kailangan niya iyong isauli dahil hindi naman iyon sa kanya. Sinabi sa kanya ni Ate Blaine ang pangalan at address ng pag-aaring restobar ni Charlie kaya doon na lang niya ito pupuntahan upang isauli iyon.
Hanggang sa mga sandaling iyon ay hindi pa rin siya makapaniwalang nakita na niya ang lalaki sa likod ng paborito niyang hero. At hindi lang basta nakita kundi nakausap pa niya. Sana naman ay hindi siya nito makalimutan agad.
Napahagikhik siya. Maalala pa lang niya ang gwapong mukha nito, feeling niya ay nakalutang na naman siya.
SINALUBONG siya ng malakas na sound nang makapasok na siya sa bar. Hindi niya napigilang mapangiwi. Hindi na rin naman iyon ang unang pagkakataon na nakapasok siya sa mga ganoong lugar pero hindi naman niya natagalang lahat. Mas gusto niyang nagkukulong sa bahay o hindi naman kaya ay sa internet shop nila. Pero dahil espesyal na tao ang sadya niya, titiisin niya. Sana naman ay makita niya doon si Charlie.
"Excuse me, Kuya," tawag niya sa bartender na nagpupunas ng isang tray.
"Yes, Ma'am?"
"Nandito ba si Charlie? May kailangan ako sa kanya, e."
Kumunot ang noo nito. "Sinong 'Charlie'?"
"Ay, sorry," aniya at natampal ang noo. "Si Charles ba nandito?"
"Ah, si Sir Charles! Nandito siya kanina, e. Baka nag-CR pa."
Lumiwanag naman ang mukha niya.
"Hindi pa siya umuuwi? Sure ka?"
"Usually, mga tatlong oras siyang nagtatagal dito. E may isang oras pa lang naman simula nang dumating siya kaya mamaya pa 'yon uuwi. Kaano-ano ka ba niya? Girlfriend?"
Napangisi siya.
"He-he. Hindi kami bagay. How I wish though."
"O, 'ayan pala si Sir, e."
Agad na tiningnan ni Kirshen ang direksiyong itinuro ng bartender sa kanya. Nahigit na naman niya ang paghinga at parang katulad ng mga napapanood niyang pelikula ang pag-slow motion ng paligid habang ang mga mata niya ay nakatutok lang kay Charlie. He was such a sight to behold. Nakasuot ito ng black knitted long sleeves at ang pantalon nito ay itim din. May suot din itong malaking salamin na lalong nagpa-emphasize sa matangos nitong ilong. At ang mga labi nito...
Mukhang hindi naman siya nito napansin at tuloy-tuloy lang itong umupo sa stool na katabi niya. Nalanghap niya ang pamilyar na pabango nito. Pakiramdam niya ay mukha siyang dugyot sa tabi nito.
"H-hi! Natatandaan mo 'ko?"
"Sa'n nga tayo nagkita?" hindi tumitinging tanong naman nito.
"Sa birthday party ni Princess noong isang gabi. It's me. Kirshen. Howdy, Charlie!" at kumaway-kaway pa siya gamit ang dalawang kamay.
"Ang pagkakaalam ko, bawal ang mga menor de edad na pumasok dito."
Saglit siyang natigilan. Ano ang tingin nito sa kanya? Wala sa sapat na gulang?
"Hindi ako menor de edad, a! Twenty-three na kaya ako."
"Mukha kang thirteen years old sa 'kin." Nang sa wakas ay balingan siya nito ay nahigit na naman niya ang paghinga. "Umuwi ka na."
"Kaya ko ang sarili ko. And for your information, nandito ako para uminom."
"Sa bahay ka na lang sana ninyo uminom. It's safer."
"Kaya ko ang sarili ko, 'no. Nakapunta nga ako rito nang walang kasama, e. At tsaka..." inilagay niya sa harap nito ang paper bag na pinaglagyan niya ng jacket nito. "Jacket mo. Thank you, ha?"
"Umuwi ka na."
"Nandito nga sabi ako para uminom," pagmamatigas naman niya.
"Bahala ka na nga." Tumayo si Charlie at kinuha ang paper bag. "If something bad happens to you, I won't be responsible."
"Talagang hindi," sabi niya habang nakataas ang isang kilay.
Hindi na tumugon pa si Charlie at tuloy-tuloy siyang tinalikuran. Umakyat ito sa hagdan patungo sa ikalawang palapag ng bar. Nalaglag naman ang mga balikat niya. Hindi yata nito natagalang kausap siya. Kunsabagay, kaya lang naman siya nagpunta sa maingay nitong bar ay para magsauli ng jacket nito. Dapat makontento na rin siya. Pero nanghihinayang talaga siya.
Napabuntong-hininga na lang siya.
"Kuya, pahingi ngang isang beer. 'Yong light lang, ha. Hindi kasi ako pwedeng malasing, e."
"Basted ba kayo sa lagay na 'yon, Ma'am?"
Nakangiwing tumango-tango lang siya.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top