[2] TIM #1: Simpleng Tulad Mo
CHAPTER TWO
ANG SABI sa kanya ni Ate Blaine, hindi naman formal ang pupuntahan nilang party kaya hindi na kailangang mag-effort. Siyempre, sinuot lang niya ang pinakapaborito niyang porma sa lahat—sneakers and jeans. Ang kanyang pang-itaas naman ay isang pulang V-neck. Ayos, mukha talaga siyang napadaan lang. Naka-body bag pa siya para may paglagyan ang mga personal niyang gamit.
"Birthday ba talaga ang pupuntahan natin at hindi midnight sale?" alanganin niyang tanong sa mga kasama. Ang meeting place nila ay sa isang twenty-four hours open na convenience store kung saan madali lang pumara ng taxi.
Nagtawanan pa ang mga ito.
"Pahalata masyado ang bihira lang makakita ng kabihasnan, o," pakli ni Paige, ang administrator ng grupo nila.
"Hindi kaya ako nakapagpaalam sa Mama ko," sabi naman niya.
"Hindi ka ba excited?" tanong naman ni Ate Blaine.
"Hindi talaga."
Sinundot siya nito sa tagiliran kaya napaigtad siya. "Shen, napag-usapan na natin 'yan noong isang araw lang, 'di ba? Huwag na tayong magsayang ng panahon. Dinala ko kayo rito para mag-enjoy kaya dapat walang KJ, ha?"
"Wala!" sang-ayon naman ng tatlo nilang kasama at si Kirshen naman ay napakamot na lang.
Sana nga ay hindi siya maging KJ dahil tiyak na pauuwiin lang siya ng mga ito.
SA ISANG mansiyon ginanap ang birthday celebration ng kakilala na iyon ni Ate Blaine. Hindi raw kasi ito maka-hindi dahil may pinagsamahan ito at ang celebrant. Mabuti na lang at pumayag ang kakilala nito na magsama ito ng malalapit na kaibigan.
"Sana naman hindi tayo ma-OP, 'no?" sabi ni Mela.
"Hindi 'yan. Itong mga ganda natin, effortless na 'to, 'no. Carry lang 'yan!" kumpiyansang sabi naman ni Paige.
"Naku, Paige, hindi halatang excited kang mang-hunting ng mga gwapo," pakli naman ni Ate Mandie.
"Relax lang kayo," sabi naman ni Ate Blaine. "Hindi tayo mao-OP. Walang mao-OP. Kapag hindi feel ang isang guest, isolate na agad."
Napabuntong-hininga naman si Kirshen. Hindi niya maipaliwanag ang kabang nararamdaman niya. Hindi siya sanay makipaghalubilo sa mga taong hindi niya kakilala pero kung may nilu-look forward man siya sa gabing iyon, iyon ay walang iba kundi si Charlie. Sana talaga, hindi lang siya basta ginugoyo ni Ate Blaine.
"'Oy, Shen," siko sa kanya ni Ate Blaine habang papasok na sila sa loob. "Magsalita ka naman. Kinakabahan ako sa'yo, e. Baka mamaya hindi na pala ikaw ang kasama namin kundi kamukha mo lang."
"Ate Blaine, naman, e," paingos na sabi niya. "Pang-out-of-this-world ka talaga magbiro kahit kailan."
"Pati ganda ko, pang-out-of-this-world din naman. He-he."
Sa loob ay nakita na niya ang mga bisitang parang mga bubuyog kung mag-usap. Kanya-kanyang hawak ng inumin ang mga ito. Hindi nga naka-formal ang mga ito pero karamihan sa mga ito ay elegante pa ring tingnan.
"Uwi na 'ko," hindi nakatiis na ani Kirshen kaya napalingon sa kanya ang apat.
"Ano na naman ba'ng problema?" si Ate Blaine.
"Ako lang ang mukhang dugyot sa inyong lahat, e, o." Pinagtututuro niya ang mga bisita.
Hinawakan naman siya ni Ate Blaine sa braso.
"Ilang beses ko bang sasabihin sa'yo na hindi ka mukhang dugyot kundi baby-faced lang?" Bumulong pa ito sa tenga niya. "Gusto mo bang makita si Charlie o hindi?"
Namilog naman ang mga mata niya. Alam na alam talaga nito ang sasabihin sa kanya.
"N-nandito ba talaga siya?"
"Basta't maging alerto ka lang diyan. Okay, aka-chan?"
Napilitan na rin siyang tumango.
"Ate Blaine!"
Napalingon naman silang lahat sa magandang babaeng papalapit na ngayon sa kanila. Malakas ang dating nito at tila naggu-glow ang balat nito sa suot nitong kulay pink na cocktail. Pwedeng-pwede itong maging endorser ng isang facial cream o hindi naman kaya ay whitening lotion!
"Princess!"
Masaya itong niyakap ni Ate Blaine. At bagay-bagay ang pangalan nito sa babae. Halata rin sa mukha nito na may dugong-Japanese ito.
"I'm so happy na pinagbigyan mo 'ko. I missed you, Ate!"
"Ako rin naman. Natutuwa nga ako na naimbitihan mo ako ngayon."
"Tiyak na kompleto na naman ang gabi ni Kuya kasi makikita niya," sabi ng babae at humagikhik pa.
"'Ay, naku, pakialam ko naman do'n sa kuya mo. Sino ba 'yon?"
Ipinakilala pa nito si Princess sa kanila na siya palang celebrant nang gabing iyon. Nagse-celebrate ito ng twenty-fourth birthday nito. Ito pa nga mismo ang personal na nag-asikaso sa kanila dahil special guest daw nito si Ate Blaine at dahil sabit sila, nadamay na rin sila sa grasya.
"ANG DAMING pogi. Grabe," impit na sabi ni Paige nang kumakain na sila.
Tuloy ay panay ang tingin ni Kirshen sa pinag-uusapan ng mga ito at baka sakaling si Charlie na ang tinutukoy ng mga ito pero ilang beses na rin siyang nadidismaya.
"Ate, sing a song for me naman, o. Nami-miss ko na rin kasing marinig ang boses mo," ani Princess kay Ate Blaine.
May kumakanta kasi sa videoke pero sintunado naman at ilang beses na ring namuna ang mga kasamahan niya.
"Writer ako, Cess. Hindi singer."
"But you have a beautiful voice naman, Ate, a? Besides, matagal na rin mula nang huli tayong nag-videoke. Or ayaw mo lang na pati si Kuya makarinig, 'no?"
"Malamang. Hindi naman siya ang ipinunta ko rito."
"Ate Blaine, kaano-ano mo ang kuya nitong si Princess? Crush mo?" naiintrigang tanong naman ni Mela.
"Ay, hindi. Baka mahal ko."
At lalong nangantiyaw ang mga kasama nila. Si Ate Blaine naman ay sumimangot pa. Natawa na lang si Kirshen. Halata kasi sa mukha nito na apektado ito sa kuya ni Princess na pinag-uusapan nila.
"Itong si Kirshen, magaling kumanta 'to."
"Huh?" napakurap si Kirshen sa sinabi ni Ate Blaine na ngayon ay nakangisi na. "Hindi ako singer. Writer ako."
"You're a writer, too, Kirshen?" nakangiting ani Princess at hinawakan siya sa kamay. "Kumanta ka naman kahit isang song lang."
"N-naku, mahiyain ako, e. Pa'no ba 'yan?" nag-aalangang sabi naman niya.
"Sige na. Naiirita na kasi ang tenga ko sa kumakanta, e. Isang song lang, onegai shimasu? Friends naman na tayo, 'di ba?"
"Sige na, Shen. It's your time to shine," si Paige. "Ang sabi ni Ate Blaine, walang KJ, 'di ba? Sige na."
"Go, Kirshen!" cheer naman sa kanya nina Mandie at Mela.
"Pero importanteng mahanap ko si—"
Wala na rin siyang nagawa nang kunin ni Princess ang wireless microphone at ang song book.
"I'll choose the song, ha? Birthday ko naman, e," she said giggling.
Alanganing ngiti naman ang tugon niya.
"Here. You see, it's my all-time favorite song," ani Princess matapos ilagay ang number ng kanta. "Guys, palakpakan naman natin si Kirshen!" at ibinigay na sa kanya nito ang microphone.
Nang pumalakpak naman ang mga bisita ay lalo lang nadagdagan ang kaba at pagkailang na naramdaman ni Kirshen. Mabuti na lang at familiar siya sa kanta at paborito rin niya. Napabuntong-hininga pa siya.
Ang akala ko talaga kakain at iinom lang ako buong gabi, e.
"I lie awake at night, see things in black and white. I only got you inside my mind. You know you have made me blind..."
Naramdaman niya ang pagtahimik ng paligid.
"I lie awake and pray that you will look my way. I have all this longing in my heart. I knew it right from the start..."
At mula sa grand staircase ng mansiyon ay nakita ni Kirshen ang pagbaba ng isang lalaki doon. Hindi niya ito nakita nang dumating sila kanina pero hindi naman niya masabing kararating lang nito.
"Oh, my pretty, pretty boy, I love you like I never ever loved no one before you. Pretty, pretty boy of mine, just tell me you love me, too..."
Nakayuko lang ang lalaki habang naglalakad kaya nang bigla itong mag-angat ng tingin ay lihim na nahigit ni Kirshen ang paghinga.
"Oh, my pretty, pretty boy, I need you. Oh, my pretty, pretty boy, I do..."
Hanggang sa tuluyang makababa ng hagdan ang lalaki ay napako na lang ang tingin niya rito.
"Let me inside. Make me stay right beside you..."
Nakita ni Kirshen na lumapit ang lalaki sa kuya ni Princess na si Ouji na nakaupo sa kaibayong sofa at inabutan ng isang bote ng beer.
"I used to write your name and put it in a frame. And sometimes I think I hear you call right through my bedroom wall..."
Kinuha ng lalaki ang beer, tinungga at ang mga mata nito ay sa screen ng TV nakatingin.
Ang ganda-ganda kaya ng boses ko. Sana tingnan din naman niya 'ko...
"You stay a little while and touched me with your smile. Now what can I say to make you mine? To reach out for you in time..."
Nang matapos ni Kirshen ang kanta ay halos hindi na niya marinig ang palakpakan at pagbati sa kanya ng mga bisita. Nabibingi kasi siya sa lakas ng kabog ng dibdib niya habang nakatitig sa lalaking kamukhang-kamukha ni Charlie. Pero hindi kagaya ng kaibigan nitong nakikipalakpak, parang wala naman itong pakialam dahil mas tutok yata ito sa inumin nito.
"Ang galing mo naman, Shen!" masayang sabi sa kanya ni Princess kaya sandaling naalis ang atensiyon niya sa lalaki. "Sugoi!"
"H-hindi naman," nahiyang sabi niya.
"Actually, kaboses na kaboses mo ang M2M. Thank you, ha? Videoke uli tayo next time."
"Oo ba. Thank you." Ibinalik na niya ang microphone dito.
"Ate Blaine, ikaw ang susunod na kakanta, ha? Ako ulit ang pipili ng song."
"Ano pang hinihintay mo, Shen?" bulong naman sa kanya ni Ate Blaine.
"A-ano'ng ibig mong sabihin?"
Nginisihan siya nito.
"Si Charlie. Kausapin mo na siya. Makipagkilala ka."
Namilog naman ang mga mata niya.
"Nahihiya ako, Ate!"
"Pa'no mo malalaman ang totoong pangalan niya 'yan?"
"Sabihin mo na lang kasi sa 'kin."
"Ano pa'ng silbi ng pagdala ko sa'yo rito, kung gano'n?" siniko pa siya nito. "Hindi ka naman niya aanuhin, e. Makikipag-usap ka lang nang kaunti."
"Alam mo namang wala akong talent sa pag-approach ng tao, 'di ba? Lalo na ng katulad niya." Nang tingnan niyang muli si Charlie ay saktong inaabutan naman ito ng isa pang bote ng beer ni Ouji.
"Sige ka. Kapag hindi mo siya nilapitan, buong gabi kang hindi makakatulog dahil magsisisi ka lang."
"Ate Blaine, nakita ko na!" sabi naman ni Princess.
"Ikaw rin," sabi pa nito at tinanggap ang mic mula kay Princess kaya imposible na niya itong makiusap pa. Inabutan pa siya nito ng isang beer bilang pahabol. "Baka lang magkaro'n ka ng lakas ng loob."
Nakakunot ang noong tinitigan niya ang beer. Sa totoo lang, hindi talaga siya naniniwala sa ganoon. Kaya nga hindi siya umiinom dahil takot siyang malasing. At hindi niya alam kung ano ang mangyayari sa kanya kapag nalasing nga siya.
Nang muli niyang tingnan si Charlie ay nakatingin na ito sa relong pambisig nito. She still can't believe na may nakikita na niya ngayong may buhay ang lalaking sa cover ng pocketbook niya unang nakilala. Gwapong-gwapo na siya kay Charlie sa imagination pa lang niya pero ngayong halos abot-kamay na niya ito, kakaiba ang kilabot na hatid niyon sa kanya. Siniko ni Charlie si Ouji, nag-usap saglit at nang tumango ang huli ay tumayo ito at tinungo ang pinto ng mansiyon.
Naalarma siya. Uuwi na ba ito? Hindi pwede! Hindi pa sila nito nakakapag-usap. Bitbit ang beer ay sinundan niya ito. Kapag umalis ito, hindi na niya alam kung paano niya ito muling makikita. Naabutan niya ito sa balkonahe ng mansiyon. Nakaupo ito sa barandilya habang nakasandal sa column niyon. Mukhang nagpapahangin lang pala ito.
Kilos na, Kirshen, sabi niya sa sarili. Kailangan niyang patayin ang hiya niya kung ayaw niyang magsisi.
Pero hindi talaga niya alam ang unang gagawin. Mas gusto na lang niyang makipagtitigan kay Charlie buong magdamag.
Hoy, Kirshen!
Tiningnan niya ang hawak na beer.
Bahala na nga!
Dire-deretso niya iyong tinungga at nang malasahan niya ang mapait na lasa niyon ay napaubo siya nang wala sa oras!
"Pwe!"
Napangiwi siya nang makitang natapunan ang damit niya. Kaunti lang naman iyon pero mangangamoy pa rin iyon. Pambihirang buhay nga naman. Wala pa naman siyang dalang extra na pamalit.
"O, hindi..."
"Kung hindi mo na kayang uminom, 'wag mo nang pilitin."
Malakas siyang napasinghap nang may marinig siyang magsalita. The voice was masculine, so deep, so soothing at hindi maikakaila na may halong ibang lahi ang paraan ng pagsasalita nito ng deretsong Tagalog. Nang tingnan ni Kirshen ay napalunok pa siya. Charlie was looking her way right now!
"N-nagkakamali ka! Ang totoo, um, first time kong matikman 'tong beer na 'to. Malay ko bang sobrang pait pala?"
Ipinatong niya ang bote sa garden table at pinagpagan ang damit niya. Hindi nga siya binigyan ng lakas ng loob ng beer na iyon pero naging dahilan naman iyon para mapansin siya ni Charlie. Hindi na rin masama.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top