[1] TIM #1: Simpleng Tulad Mo
CHAPTER ONE
MATAPOS halikan ang libro na hindi na mabilang ni Kirshen kung ilang beses na niyang binasa ay dinala niya iyon sa dibdib niya at mahigpit na niyakap.
"I love you, Charlie! So much!" nangangarap niyang sabi at nagpagulong-gulong sa kama niya.
"You're hopeless," wika ng kaibigang si Kenzie habang abala sa pag-eempake ng mga gamit nito. Aalis ito at hindi niya alam kung kailan babalik kaya siya na lang ang maiiwang mag-isa sa apartment nila.
"Ikaw ang hopeless, Kenzie," sabi naman niya. "Wala ka na bang ibang maisip na paraan kung hindi takbuhan na lang ang nararamdaman mo?"
"Sino bang nagsabi sa'yong tinatakbuhan ko ang nararamdaman ko?" Isinara na ni Kenzie ang backpack nito. "I just need some time to be alone. I need to think. I need to breathe. I still want to live!" napahilamos pa ito sa mukha nito bago isinukbit ang bag. "Dadalhin ko ro'n ang nararamdaman ko at hopefully, maiwan ko na rin do'n. Kaya ikaw na sana ang bahala sa lahat. Wala munang makakaalam kung saan ako nagpunta. I need to this, Kirshen. Naiintindihan mo naman ako, 'di ba?"
"I'm trying."
"I'm sorry. Hindi kita matutulungan diyan sa nobelang plano mo. May problema muna akong susolusyunan."
"Alam ko naman 'yon. Pero hindi naman ako nawawalan ng pag-asa, e. Maisusulat ko rin ang love story niyo ni Danross. Tiwala lang."
Mukhang mali yata ang nasabi niya dahil nakita niya ang paglungkot ng mga mata ni Kenzie.
"Pagpasensiyahan mo na 'ko, Kambal. Wala kasi akong love life. Mag-iingat ka, ha? Sana maging masaya ka. Kasi alam mo naman, ikaw ang majority ng inspirasyon ko sa mga heroine na ginagawa ko, 'di ba? Kung malungkot ka, maapektuhan ako at ang sinusulat ko."
"Kaya nga. Maghanap ka na ng ibang heroine at baka layasan ka na ng mga reader mo kapag ako pa rin ang nakita nila sa mga isusulat mo." Napatingin si Kenzie sa wrist watch nito. "Kailangan ko na yatang umalis."
Napaingos naman siya. Wala na nga talagang makakapigil sa kaibigan niya.
"'Wag mo 'kong iwan, Kenzie. Hindi ko kaya..."
"Ang computer shop, ha. 'Wag mong papabayaan. Magsara ka na lang nang maaga para makauwi ka kaagad."
"Kenzie..."
"Have fun. Sumama ka kay Ate Blaine. Maraming boylet ang nakakasalamuha n'on. Baka this time makabingwit ka na rin at nang hindi love life ko ang pinakikialaman mo."
Si Ate Blaine ang isa sa mga pinakapaborito niyang writer at siyang may likha sa character ni Charlie. He was her favorite hero of all. Dahil doon ay naging kaibigan niya si Ate Blaine at kung nasaan man ito may booksigning ay nag-e-effort talaga siyang magpunta. Not to mention na isa rin ito sa dahilan kung bakit gusto niyang i-push ang pangarap niyang maging writer.
She had stopped writing for more than a year at magli-lima pa lang ang published books niya sa dalawang magkaibang publishing companies. Madalas kasi nila iyong pag-awayan ng Mama niya. Gusto nito na ang maging trabaho niya ay may sweldo na dalawang beses sa isang buwan nang makatulong naman siya sa kanila. Wala raw siyang pakinabang dito kung magsusulat lang siya. Kaya kahit labag sa kalooban niya ay sinunod niya ang gusto nito at nagtrabaho sa isang geo company bilang digitizer. Nang makaipon siya ay nagpatayo sila ni Kenzie ng isang internet café. Sa umpisa ay maliit lang iyon. Sa loob ng isang taon ay naka-dalawampung units pa lang sila. Umalis na rin siya sa poder ng mga magulang niya para na rin sa ikatatahimik ng buhay at ng bahay nila.
"Kenzie..." napanguso siya. "Takot ako sa mumu."
"At iwas-iwasan mong humarap sa salamin."
"Ouch. Ang sama."
Napilitan na rin siyang bumangon at iniwan sa kama niya ang paborito niyang pocketbook.
"Ite-text mo ba ang kalagayan ko from time to time?"
"Malaki ka na, 'di ba?"
"Naman, Kenzie."
Niyakap niya ito at sinamahan ito sa labas para mag-abang ng taxi.
"Pasalubungan mo na lang ako. Kung gwapong lalaki, much better."
"Panindigan mo 'yang sinasabi mo, ha. Tototohanin ko talaga."
Natawa naman siya. Nang makakita siya ng isang taxi ay siya na ang pumara niyon.
"Mag-iingat ka, Kambal. Alam mo naman, ikaw ang better half ko. Kung wala ka, kulang ako."
"Hindi bagay sa'yo," umasim ang mukhang ani Kenzie.
"Sabi ko nga, hindi ko forte ang drama."
Pagkatapos ng madramang pagpapaalaman nila ay hinayaan na rin niya itong umalis. Ang sosyal talaga ng kaibigan niyang iyon. May soul-searching nang nalalaman.
NANG SA tingin niya ay wala na siyang gagawin sa apartment dahil hindi nga naman siya makapagsulat nang maayos, nagpunta na lang siya ng internet café para may mapaglibangan naman siya. Bukod sa kanila ni Kenzie ay may isa pa silang kinuhang tagabantay doon para kapag wala silang magkaibigan ay may naiiwan pa rin.
"Nakaalis na si Ate Kenzie, Ate Shen?" tanong ni Rolly, ang tagabantay. Bakla si Rolly. Habang wala pang pasok ay nagtatrabaho muna ito sa kanila para naman may pang-enroll ito sa pasukan. Magti-third year college na ito.
"Oo. Hindi na raw niya matiis ang ugali ko," sagot niya kaya natawa naman ito.
Naupo siya sa unit niya na katabi lang ng server. Binuksan niya iyon at nag-sign in sa kanyang Facebook account. Nakita niyang may message siya at nang buksan niya ay mula pala iyon sa group chat na kinabibilangan niya. Ang mga kasali doon ay ang mga kapwa niya readers ni Ate Blaine.
Blaine Balagtas: Sino ang free sa Sunday night?
Ang oras ay two hours ago pa lang. Nalaman niya na habang binabasa ang mga reply ng ibang member na may pupuntahan daw itong isang birthday party at marami raw naglipana na hombre. Marami ang nagprisinta kaya malamang na hindi rin siya mai-prioritize dahil huli na rin naman siya.
Kirshen Himura: Ay, ang saya naman niyan. Enjoy ebri-juan!
At nag-PM si Ate Blaine sa kanya.
Blaine Balagtas: Brew, labas ka naman ng lungga mo. Samahan mo 'ko, boy-hunting tayo.
Napangisi siya. Hindi naman malayo ang agwat nito sa kanya. Twenty-seven lang si Ate Blaine at sa katunayan ay hindi halatang mas bata siya rito nang halos apat na taon. Mas matangkad kasi siya rito. 'Brew' ang tawagan nila nito—pinasosyal daw na 'bruha'.
Kirshen Himura: Bad influenece ka talaga kahit kailan, 'Te.
Blaine Balagtas: Hello, kaya nga kayo ang mga kampon ko, 'di ba? >_<
Kirshen Himura: Ha-ha! :p Mag-isa lang ako sa apartment. Walang magbabantay.
Blaine Balagtas: Nasa'n ba ang kakambal mong hindi mo naman kamukha? 'Yong totoo? Mongha ka ba o monghe? :p
Kirshen Himura: >_< Hinanap ang lumayo niyang kaluluwa. Biyak ang puso n'on, e. Baka sakaling mahanap na niya ang kalahati n'on.
Blaine Balagtas: Naman, ang baduy. Manang-mana ka talaga sa 'kin. Isang apir naman diyan!
Kirshen Himura: Apir!
Para na siyang timang na tumatawa sa harap ng computer. Hindi naman agad nag-reply si Ate Blaine at sa halip ay nag-ring ang cellphone niya. Ito rin pala ang tumatawag.
"Seryoso, iniwan ka talaga ni Kenzie sa apartment niyo?" tanong nito. "'Anyare sa kanila ni Danross?"
"Ewan ko sa dalawang 'yon, 'Te. Hilig yata ng mga 'yon na pahirapan ang mga sarili nila, e. Kaya ako tuloy ang naiwang mag-isa. Ang saya, 'di ba? Buti na lang, sanay na 'ko."
"Sumama ka na kasi sa 'kin. Actually, gusto ko sana na kakaunti lang tayo. Mga apat lang sa inyo ang isasama ko. Hindi naman tayo maglalasing, e. Ano lang, tikim-tikim," at nakakaloko itong tumawa.
"Marami ba talagang lalaki ro'n?"
"Oo naman!"
"Tunay? Baka naman mga paminta?" nagdududang tanong niya.
"Kilala ko ang mga 'yon. Walang makakaligtas sa pang-amoy ko, 'no. Magugulat ka. 'Yong pagmumukha ng mga karamihan sa kanila, nasa cover na ng mga nobela ko."
"Huweh?" Doon naman siya hirap maniwala. Ang unang pumasok kasi sa isipan niya ay si Charlie. "Ate, alam mo namang matagal ko nang pangarap na magkaroon ng buhay si Charlie, 'di ba? Pero imposible namang nandoon siya. Hindi talaga. Alam kong pain mo lang sa akin 'yan, e."
"Hmm. Sabi na, e," at tumawa ito nang nakakaloko. "Hindi ba hirap ka sa manuscript na sinusulat mo ngayon? Hindi ba siya ang pinaka-ideal man mo sa lahat ng hero ko? Hindi ka kaya makakuha ng bonggang inspirasyon kapag nagkaharap na kayo? As in face-to-face. 'Yong hangin na hinihinga niyo, iisa na lang?"
Natampal niya ang isang pisngi. Hindi ito pwedeng maging seryoso!
"Come on, Ate. Hindi na 'ko bata na papainan mo ng candy. Ang tagal kong hinanap ang pangalan ng ginawa mong visual peg kay Charlie. At sinabi mo na hindi mo rin alam kasi nakita mo lang siyang pakalat-kalat sa isang site na hindi ko na rin mahanap."
"Makinig ka sa 'kin, Shen. Mahal kita kaya sa'yo ko lang 'to sasabihin. Charlie is a real guy. Actually, noong pinakiusapan ko siyang maging hero sa novel ko, paalis na siya n'on papuntang London para sa isang personal na rason. And now he's come home. Actually, nagulat nga rin ako. At ayon sa nasagap kong chismis, he's back into modelling. Mukhang malaki nga ang tulong ng isang taon niyang paglalagi sa London."
"And his real name is?"
"Pumayag ka muna. Ikaw na rin ang umalam. Ayaw mo n'on, makakausap mo pa siya?"
Napaingos siya. Hindi niya alam kung binibiro pa ba siya nito. Para kasing imposibleng magkatotoo.
"Walang ganyanan, please? Mahina ang puso ko pagdating sa ganyan, e."
Humagikhik si Ate Blaine.
"Mukha lang akong hindi mapagkakatiwalaan pero hindi naman ako likas na sinungaling. Pumayag ka na. Mag-e-enjoy tayo ro'n. Sure 'yan!"
"Hindi ako sanay na nagpapagabi sa labas, e."
"Sumabay ka lang sa 'kin at ako na ang bahala sa matutulugan natin. Magdadala akong tent. Kasya ang sampu."
"Heh."
"Sige na, Shen. Alam mo naman na favorite kita sa lahat, 'di ba?"
Nakagat niya ang ibabang labi. Kung minsan tuloy naiisip niya na may sa lahing mangkukulam si Ate Blaine at hirap siyang hindian ito. Napaka-irresistible naman kasi nito! At hindi nga ba't sinabihan siya ni Kenzie na gumala kasama ni Ate Blaine at sakaling makatisod naman siya?
"Ano'ng kailangang suotin?"
"Yes!" impit na tili ni Ate Blaine kaya naman napatakip siya sa tenga niya.
HALOS HINDI maalis-alis ang tingin ni Kirshen sa picture na pina-print niya. Inilapit pa niya iyon sa mukha niya para makasigurado. Ate Blaine sent her the photo through her e-mail. Picture iyon ni Charlie na parang isang stolen shot. Nasa isang bar ito at umiinom ng sa tingin niya ay alak. Kahit naka-side view lang ito ay hindi naman maikakailang kahawig nga nito ang lalaking nasa cover ng paborito niyang nobela. Pero paano nga kung nagkakamali lang siya?
"Ano'ng napansin mo, Ate?" tanong sa kanya ni Rolly.
"Amoy ink."
"Nge."
Kinuha naman niya ang kanyang cellphone at tinawagan si Ate Blaine.
"Ate, hindi mo 'ko madadaan sa ganito. Pumayag na nga ako, 'di ba?" sabi niya nang sumagot naman ito.
"Kuha ko 'yan nang magpunta ako sa kabubukas lang niyang bar," may bahid ng ngising ani Ate Blaine.
"Meron siyang bar?"
"Kabubukas lang naman."
"Sa'n 'to?"
"Pupuntahan mo? Uy, dapat kasama ako. Baka mapagkamalan kang menor de edad at hindi ka papasukin. Baby-faced ka pa naman."
"Tse," pakli niya sabay ikot ng kanyang mga mata. "Alam mo namang hindi ako nakakatagal sa mga gano'ng lugar, 'di ba? Hanggang suka lang ang kaya kong tunggain. At hindi ko pa rin maintindihan kung bakit nire-reveal mo 'to sa 'kin."
"Simple lang naman ang sagot diyan, e. Special ka sa 'kin."
"Um," pumalatak siya. "Hindi pa rin ako kumbinsido."
"Okay." Nagbuntong-hininga ito. "Ang totoo niyan, bored ako sa buhay ko. You see, wala rin akong love life kaya naghahanap ako ng mapaglilibangan. Satisfied ka na ba, dear?"
"Hindi pa rin."
Tumawa naman si Ate Blaine.
"'Yan ang gusto ko sa'yo, e. Alam mo bang naalala ko ang sarili ko sa'yo? Grabe, ikaw na talaga, Shen."
"I know, right? Idol kita, e."
"Sana naman ma-inspire ka nang magsulat sa lagay na 'yan."
"Somehow."
"Somehow lang?"
"Naman, si Charlie na 'to, e. Siyempre, bonggang inspirasyon siya, 'no!"
Nang matapos ang tawag ay napasandal siya sa silya niya at pinakatitigan na naman ang picture. Bakit nga ba siya na-in love sa character ni Charlie? Simple lang naman iyon. He was more than just a pretty face. He was indeed a hero. Totoo ito kung magmahal at hindi biro ang mga ginawa nito para sa babaeng mahal nito that he was even willing to let go para lang sumaya ang mahal nito. Si Charlie pa na may self-centered na character.
Wala sa sariling napahagikhik siya.
y
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top