Ch. 24
Ngumiti si Laureen nang makita si Koa na papalapit sa kaniya. Sabay silang humarap sa nagwawalang karagatan. Malalaki ang alon, maingay, at malakas din ang hangin.
"Gusto mong mag-roadtrip?" tanong ni Koa sa kaniya. "Punta tayo sa bayan. Nagugutom ako."
"Asan sina Mariam at Gali?" balik na tanong niya.
"Natutulog. Oras ng tulog sa hapon ni Gali," sagot ni Koa. "Tara," pag-aya nito na tumalikod na lang basta.
Hindi na rin tumanggi si Laureen na sumunod kay Koa. Dumiretso sila sa hotel kung saan naka-park ang sasakyan nito. Hindi na nila isinara ang bintana at tahimik na binaybay ang daan papunta sa highway.
Matagal na rin simula nang gawin nila ito. Halos hindi na nga nila maalala dahil simula nang magpunta sa Paris si Laureen para mag-aral, naging limitado na ang pagkakataon nilang mag-bond ni Koa. Noong dumating naman siya, may sarili na itong pamilya at sa Baesa na siya tumira.
"Mata mo, parang kinagat ng ipis." Natawa si Koa. "Ano'ng nangyari sa 'yo? Naging thirty plus ka lang, ngalngalin ka na."
Patagilid niyang nilingon si Koa na natawa sa sarili, ganoon din siya. Hindi siya nagsalita, pero humalakhak siya dahil sa sinabi nito. Hindi pa nga tumigil at inasar siya sa edad niya. Edad nilang dalawa dahil magkaedad lang naman sila.
Walang idea siyang idea kung saan sila pupunta. Hinayaan niya si Koa kung saan siya dadalhin. Walang tugtog, walang salita. Dinama lang niya ang hanging tumatama sa mukha niya habang binabaybay nila ang daan papunta sa kung saan hanggang sa huminto sila sa parke. Doon nag-park si Koa at saka inaya siyang bumaba.
"Mabuti walang masyadong tao," sabi ni Koa. "Gusto mo ng bananaque?"
Isang tango ang naging sagot niya bago naupo sa swing. Pinanood niya ang ilang batang naglalaro. Naghahabulan ang mga ito. Ang iba naman ay naglalaro ng ten-twenty na hindi niya nasubukan noong bata pa siya dahil nahihiya siya. She was always curious, but never got a chance to do it. Mas gusto rin kasi niyang kalaro si Koa.
"O." Inabot ni Koa ang plastic ng bananaque at softdrinks na nasa plastic din. "Ano'ng nangyari sa 'yo? Ano'ng meron, bakit ka nandito sa Baler?"
Nilingon niya si Koa na naupo sa katabing swing. Nakatingin ito sa mga batang naglalaro.
"So, ano nga?" Tumingin sa kaniya si Koa.
"Break na kami ni Aston." Huminga siya nang malalim. "Almost three weeks na rin."
Tumaas ang dalawang balikat ni Koa sa sinabi niya. "Ba't hindi na 'ko nagulat? Parang mas nakakagulat pa kung sasabihin mo sa 'kin ngayon na ikakasal ka na, e."
Sinimangutan niya si Koa dahil sa sinabi nito. Uminom siya ng malamig na coke, medyo nagyeyelo pa nga, pero halos tuloy-tuloy ang paghigop niya. Kumagat din siya ng bananacue at hindi na siya nagulat nang kunin ni Koa ang nanigas na asukal ng sa kaniya.
"Seryoso ako. Umpisa pa lang naman, sinabi ko na sa 'yo, 'di ba? Feeling ko talaga, hindi kayo tatagal. Sa tuwing magkukuwento ka pa sa 'kin nitong mga nakaraan, mas gulat akong kayo pa rin." Natawa si Koa.
"Grabe ka sa 'kin." Ngumuso si Laureen at yumuko. "Pero based on your perspective, are we really meant to break up?"
Tumango si Koa na parang hindi man lang pinag-isipan ang isasagot nito sa kaniya. Kumagat muna ito ng bananacue, ngumuya, lumunok, at uminom ng softdrink bago muling nagsalita.
"Ang pangit kasi ng relasyon n'yo," diretsong sabi nito. "Ang laki ng harang."
Hindi sumagot si Laureen na nakatingin kay Koa.
"Alam mo 'yong parang boyfriend mo lang siya kung kailan mo gustuhin?" tuloy-tuloy na sambit ni Koa, walang preno at casual lang na nagsasalita. Ngumunguya pa nga. "Ito, ha? Base lang 'to sa alam ko dahil sa kuwentuhan natin at sa sinabi na rin mismo ni Aston noong magkainuman kami rito. Medyo matagal na."
"Ano 'yon?" tanong niya.
Mahinang natawa si Koa. "Parang boyfriend mo lang si Aston noon kung kailan ka libre. Kung kailan mo gusto, kung kailan kayo nagkakausap. Parang ano kasi . . . ." Kumamot pa ito sa ulo. "Parang kung kailan siya gagawa ng paraan at pupunta sa 'yo, boyfriend mo siya. Kung kailan siya gagawa ng paraan para maging boyfriend mo, boyfriend mo siya. Gets mo?"
Nagsalubong pa nga lalo ang kilay niya.
"Alam mo, matalino ka naman, gets mo 'yan," ani Koa. "Alam kong alam mo 'yong ibig kong sabihin, Reena. At alam mo?" Uminom muna ito bago nagpatuloy. "Kahit ako, mapapagod, e. Ang rupok ng relasyon n'yo. Hindi kayo solid kaya ang daling sirain."
"Hi—"
"Hindi. 'Wag kang kumontra," pagputol ni Koa sa sasabihin niya. "Hindi kayo solid kasi hindi mo pinaglaanan ng panahon. Hindi kayo solid kasi kampante kang nandiyan lang siya, na mahal ka. Parang kay Travis."
Nagulat si Laureen sa sinabi ni Koa, pero hindi siya makapagsalita dahil sigurado siyang puputulin nito ang sasabihin niya.
"Ang dali sa 'yong bitiwan 'yong mga taong ang tagal kumapit sa 'yo," pagpapatuloy ni Koa habang nakatingin sa kaniya. "Nakakalungkot, Laureen. Sobra. Ang lugkot na naging ganiyan ka. Nasasaktan ako para sa 'yo."
Imbes na maiyak, natawa si Laureen dahil pagkasabi niyon, isinubo ni Koa ang isang saging ng bananacue kaya nagmumuwalan ang bibig nito. Uminom pa mula sa straw ng softdrink bago nagpatuloy sa pagnguya.
"Isang mali sa relationship n'yo ni Aston? Marupok ang relasyon n'yo kasi umpisa pa lang, hindi na na-establish nang maayos. Para kang nagmadali. Para kayong nagmadali," sabi ni Koa. "Magkalayo pa kayo, hindi ka pa masyadong maayos ka—" Umiling ito. "Mali. Hindi ka talaga maayos kausap. Kaya paano magwo-work? Ang daling sirain kasi nga pangit ang pundasyon."
"I tried to—"
"If you tried, you wouldn't be in this situation." Seryosong tumingin si Koa sa kaniya. "Nagligawan kayo na malayo sa isa't isa. Naging kayo, pero malayo pa rin kayo sa isa't isa. Long distance relationship works if you'll make it work. This kind of relationship only works if both are willing to communicate at alam mo sa sarili mo ang totoo, Laureen."
Nakatitig si Laureen kay Koa.
"Pangit kang kausap." Natawa si Koa. "Best friend kita, pero alam mong totoo 'yan. Hindi mo 'ko puwedeng kontrahin dito kasi real talk lang, para kang hindi marunong gumamit ng cellphone."
Imbes na mainis, natawa si Laureen. Halakhak bago kumagat sa sariling bananacue at nilingon ang mga batang nagtatawanan.
"Sure naman akong okay kang girlfriend, e. Hindi kita naging girlfriend, pero naging best friend kita at alam kong mabait ka, maalaga, maasikaso, pero hindi kasi sapat 'yan sa relasyon, Reena. Makipag-usap ka kasi nang maayos! 'Yan ang problema mo, e. Communication. Akala mo palagi kang maiintindihan kahit 'di ka magsalita. Ano ba tingin mo sa mga taong nasa paligid mo, may superpower na kayang basahin ang nasa isip mo?" sabi ni Koa na umiling. "Maki-communicate ka rin kasi."
Ngumiti siya at nilingon si Koa na nakatingin sa kaniya. Wala siyang salitang gustong sabihin. Gusto niya lang marinig lahat.
"Kung gusto mong kayo ulit kasi mahal mo naman, ayusin mo sa umpisa pa lang. I-establish mo na para hindi na ulit marupok, para hindi na madaling masira." Tumayo si Koa. "Umpisa pa lang, matibay na kaagad."
"Ano ba ang ginawa n'yo ni Mariam?" nahihiyang tanong ni Laureen. "Sorry."
Natawa si Koa at inaya si Laureen na maglakad papunta sa kung saan. "Okay lang namang magtanong. Ba't ka nahihiya? Hindi mo naman alam lahat, e. Matalino ka, sobra . . . pero may mga bagay na hindi ka alam. Ano ba ang tanong mo?"
"P-Paano ba kayo ni Mariam?" Yumuko si Laureen. "P-Paano n'yo naayos?"
"Wala namang dapat ayusin sa 'min kasi wala namang nasira," pagtama ni Koa. "Hindi kasi kami nagmadali noon. We talked. First thing na ginawa namin, nilinaw muna lahat. Siniguro muna naming dalawa na maganda ang foundation, established na, bago kami nag-invest, bago nagtayo, bago bumuo."
Naglakad sila hanggang sa makarating sa palengke. Bumili ulit si Koa ng snacks. Kakanin naman at saka buko juice habang nakikinig sa history ng relationship ng mag-asawa. Hindi na rin nagulat si Laureen na ganito magsalita si Koa dahil noon pa man, role model na nito ang ama.
"Masakit, Reena," ani Koa na nagpatuloy sa paglakad. "Masakit, pero kung gusto mong maayos ang relationship mo, hindi man si Travis o si Aston, kailangan mo munang ayusin ang sarili mo. Hangga't magulo kang kausap, madaling mabuwag ang relasyong papasukin mo."
Habang naglalakad papunta naman sa dati nilang school, pinag-usapan nila ang buhay ng isa't isa. Masaya si Koa sa pamilyang binuo kaya natuwa si Laureen na napunta ito kay Mariam. Masaya ito kay Gali na bukambibig. Masaya ito sa simpleng buhay na kahit na noong kabataan nila, iyon na ang plano.
It was one of the reasons why they wouldn't work. Koa confessed his love for Laureen when they were fourteen, but she respectfully declined. She loved Koa, but not romantically. It had to be stopped early, and their friendship remained. It actually became stronger; they became closer.
The honesty between them was something Laureen loved about the friendship.
Nabanggit din niya ang tungkol sa mga pinsan ni Aston.
"Nakausap mo ba si Aston tungkol diyan?" tanong ni Aston, pero hindi siya sumagot. "E bakit mo 'ko tinatanong kung wala ka naman palang step na ginawa? First step, kausapin mo siya."
Ngumuso si Laureen at umuling. "Ayaw ko. B-Baka magalit si Aston sa kanila o magalit siya sa 'kin isipin niyang ang babaw ko."
"E tanga ka sa part na 'yan. Paano mo malalaman? Kung mababaw ka sa tingin niya? Suntukin ko pa siya, e." Humagalpak si Koa. "Joke lang. Pero kasi naman. Kausapin mo."
Nagpatuloy si Laureen sa paglakad.
"Pero alam mo? Normal naman kasi ang iniisip nila. Masakit tanggapin, pero malamang na 'yon talaga ang iisipin ng ibang tao. Wala ka ba namang time para sa pinsan nila, e bakit mo pa shinota?" Patagilid siyang nilingon ni Koa. "Ano, accessories 'yon?"
"Hoy!" Mahinang hinampas ni Laureen ang braso ni Koa. "Hindi, 'no! Mahal ko 'yon."
"Oo, pero late mo na-realize na mahal na mahal mo pala," dagdag ni Koa. "T-in-ake for granted mo kasi."
"Grabe ka." Inirapan niya si Koa. "Teka. So kung pinsan mo si Aston, ganoon din iisipin mo?"
"Malay ko. 'Di ko naman siya pinsan," sabi ni Koa na nagpatuloy sa paglakad.
"Hindi nga! Kunwari nga lang!" singhal ni Laureen.
Tumaas dalawang balikat ni Koa. "Hindi ko nga alam. Hindi ko maman siya kadugo kaya wala akong pake."
Huminto sa paglakad si Laureen. Nilingon siya ni Koa na tatawa-tawa.
"Seryoso. Hindi ko alam kasi wala ako sa sitwasyon nila. Kung ako kasi, labas naman ako sa relasyon n'yo, hindi naman ako apektado, ba't ako magsasalita?" ani Koa. "Para naman tayong hindi sabay lumaki. Kailan ba tayo nangialam sa buhay ng iba?"
Dumiretso sila sa bahay nina Koa at Mariam. Naabutan niya si Gali na naglalaro sa labas ng bahay at kaagad na tumakbo nang makitang papalapit sa kanila. Nag-aya si Mariam na magmeryenda sila roon at nagluto raw ito ng sopas sabi ni Koa.
Hindi makatanggi si Laureen kahit na busog na busog naman siya.
Habang pinanoood sina Gali at Koa na maghabulan, lumapit sa kaniya si Mariam at binigyan siya ng bowl ng sopas. Pareho silang nakaupo sa balcony at pinanonood ang mag-ama.
"Alam kong hindi ko kailangang mag-thank you, but I still wanna thank you for making Koa that happy." Ngumiti si Laureen at nilingon si Mariam. "Paano? Gusto kong itanong sa 'yo kung paano ba maging maayos na partner?"
Hinahalo ni Laureen ang sopas at yumuko sandali bago ibinalik ang tingin kay Mariam.
"Alam mo, hindi ko alam kung ano ang isasagot ko sa 'yo," pag-amin ni Mariam. "Kasi what works for us might not work for you and your partner."
Naintindihan niya si Mariam dahil may katotohanan naman iyon.
"Pero sa eight years kasi namin ni Koa? Siguro open kami sa isa't isa? Palagi kaming magkausap. Malaking bagay kasi na magkasama kami, e," pagpapatuloy ni Mariam. "Kaya ito 'yong baka hindi mag-work sa inyo ni Aston kasi magkalayo kayo."
Hindi sumagot si Laureen. Mukhang wala pa itong idea na hiwalay na sila.
"Bago kami matulog, nagkukuwentuhan kaming dalawa. Pinag-uusapan namin kung ano 'yong dapat." Ngumiti si Mariam sa kaniya. "Nag-aaway rin kami, pero usap kaagad. Si Koa pa. Makulit. Ayaw na may tampo."
Natawa si Laureen at tumango. "That's true."
"At saka siguro, malaking bagay na aligned kami sa gusto namin. Same wavelength. Malaking factor kasi," ani Mariam. "Malaking bagay rin ang physical touch and intimacy sa 'min . . . kaya nasasabi kong hindi tayo pareho."
Malalim na huminga si Laureen dahil sa lahat ng sinabi ni Mariam, talo kaagad sila ni Aston. Walang tumugma. Tama rin ang mga sinabi ni Koa sa parteng parang marupok ang relasyon nila kaya madaling nasira. Madaling napagod.
Busy pa rin si Koa kay Gali kaya pinag-usapan niya ang tungkol sa trabaho nito bilang preschool teacher. Napaka-soft spoken ni Mariam at napakaganda ng mukha. Morena ito, pero ang kinis ng balat. Nakatingin lang si Laureen sa mukha nito habang nagkukuwento tungkol sa mga batang tinuturuan. Simpleng puting T-shirt at maong shorts at mahigpit na naka-ponytail.
Koa, on the other hand, looked so foreign. Naging moreno na ito dahil madalas pa ring nagsu-surf. Clean cut dahil noong maging teenager na sila, ayaw na nito ang pakiramdam pagkaahon sa dagat dahil tumitigas ang buhok at nagda-dry pa. She was happy that Koa chose the life he wanted. Ang ganda ng buhay nito, tahimik.
Nagpaalam na rin siya sa mag-asawa, ganoon din kay Gali. Hindi muna siya umuwi. Naisipan muna niyang maglakad sa gilid ng dalampasigan hawak ang tsinelas niya. Ramdam niya ang maligamgam na tubig, pero ang sarap sa pakiramdam. Nililipad ng malakas na hangin ang buhok niyang matagal na niyang hindi masyadong inaayos. It became wavy to curly and she was staring to like it.
Bigla niyang naalala ang mga pinag-usapan nila ni Koa. Masakit, pero totoo. Na-realize niyang si Aston ang madalas na gumagawa ng paraan para makita siya, napagsasabihan pa niya ito madalas.
Laureen chuckled, but tears rolled down her cheeks when she remembered how Aston would come to her using a chopper. Noong unang beses nitong ginawa iyon, literal na nanlaki ang mga mata niya. Literal na nagwala ang mga alagang kabayo, baka, at kambing, lahat, dahil sa pagbaba ng chopper sa hacienda.
Naalala niya ang mga panahong maaalimpungatan siya sa madaling-araw dahil bigla na lang bubukas ang pinto ng kuwarto niya at papasok doon si Aston na basta na lang tatabi sa kaniya, hahalikan siya, at bubulong bago matutulog.
She also remembered how Aston would message and call her multiple times per day, and now, her phone wasn't receiving any messages. The muscle memory of checking her phone upon waking to check messages from Aston, and she took everything for granted.
The bracelet. For almost three weeks, Laureen felt naked without her bracelet, and she wore a black hair tie to mimic the feeling.
Huminto siya sa paglakad at hinarap ang dagat. Malakas ang alon, malakas din ang paghagulhol niya.
Laureen knew she took Aston for granted, but he had no idea she loved him this much. Hindi niya alam na ganito ang epekto. Hindi niya alam na iiyak siya. Hindi niya alam dahil huli na.
"LJ?" Lumapit sa kaniya ang mommy niya.
"Mom." Suminghot si Laureen at nilingon ang mommy niya. "Mom, I want him back."
—
T H E X W H Y S
www.thexwhys.com
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top