24-Dream Again

Nagkabati na kami ni Nessie, pero hindi na namin naibalik ang dati naming samahan bilang magkaibigan. We parted well after that coffee shop encounter, but we both agreed not to add or follow each other on social media. Ako ang may suhestiyon noon. Mahirap din kung pipilitin ibalik ang dati. Kung meant to be, kusang mangyayari iyon kahit di pinipilit.

"Naiintidihan kita Venny, kung ayaw mo muna. Pero unblock na kita ah." Sincere na ngumiti si Nessie sa akin.

"Same, ganoon din gagawin ko. No hard feelings," reply ko sa kanya.

"Paano, see you around. Three months pa bago graduation." Natigilan si Nessie at dinagdag," Hindi ko na namalayan!" Tawa niya.

I hugged her warmly. She hugged back, and after that, these were our parting words.

"Galingan mo na magsulat next time. Let me know kung may book ka na," ngumiti ako.

"Oo gagalingan ko na. At para sa iyo, huwag kang matakot mangarap muli." Nilapat ni Nessie ang palad niya sa balikat ko.

"Hindi ko na kaya magsulat ulit." Ramdam ko ang kirot sa aking puso nang sabihin ko ito.

"Do it for you. Mangarap ka, pero this time, natuto ka na sa mga pagkakamali mo."

Ngumiti si Nessie sa akin at nauna na siyang lumabas ng coffee shop. Naiwan niya akong malalim ang iniisip.

Mangangarap ba ulit ako? Paano ko ulit mamahalin ang pagsusulat, kung puro luha at pasakit ang naidulot sa akin nito? Nawala na ang passion ko, and I don't think I can ever bring it back.

After that day, I made a final decision. Pagkatapos ng graduation, ay makikipagsapalaran muna ako sa panibagong buhay pagkatapos ng kolehiyo. Maghahanap ako ng trabaho, and open myself to new and exciting things.

Napangiti ako habang naiisip ko ito. If ever I find my passion again somewhere along the way, maglalakas-loob ulit akong magsulat. Dapat, by that time, hindi na mabigat ang puso ko o naghahangad na maging sikat at tinitingala. Yung pakiramdam na nagsusulat ka kasi mahal mo ito at appreciative ka sa mga mambabasa mo.

Pero kung ayoko pa rin magsulat, umaasa akong may magugustuhan akong ibang bagay at matututo dito. Ito na ang magiging pangarap ko at gagamitin ko ito to improve myself at tumulong sa kapwa.

After all, you can never have too many dreams. It's fun to start again with a new one.

---

Pagkatapos ng three months ay nagbunga rin ang lahat ng pagsusumikap ko sa pag-aaral. Nakuha ko rin ang inaasam kong college diploma, with honors. Ganoon din si Nessie. Sa katunayan nga, magna cum laude siya.

"Congrats!" Nilapitan ko si Nessie at agad siyang yumakap sa akin.

"Congrats din sa iyo, Venny. Uy, may honors ka ah!" Tumawa siya.

"Oo nga eh. Paano na iyan, may utang ako sa iyo na milk tea?" Biro ko.

"Seryoso ka?" Halatang nagulantang si Nessie sa nasabi ko.

"Now na! Tawid na tayo sa milk tea shop sa labas!"

Nagpaalam muna ako sa aking pamilya at agad kaming naglakad ni Nessie palabas ng uni. Tumawid kami sa milk tea shop, at napangisi ang babae na nasa counter nang makita kaming suot ang graduation gown at cap.

"Isa pong regular milk tea with pearls at egg pudding," ngiti ko sa babae.

"Akin, large na matcha milk tea with pearls," wika ni Nessie.

Pagkatapos ng ilang minuto ay kinuha na namin ang aming milk tea. "Enjoy, and congrats po mga ma'am!" Isang matamis na ngiti ang sumilay sa mukha ng babae sa counter.

"Thank you po!"

Sabay namin sinabi ni Nessie ang aming pasasalamat. Nagkatinginan kami at wagas na natawa.

Bumalik kami sa loob ng uni at naupo sa may garden. Andito ang masasaya naming alaala, pati na rin ang malulungkot na bahagi ng aming buhay. Naging saksi ang mga pader at sulok ng university sa aming pagkakaibigan, pati na rin sa away namin. At buti naman ay maghihiwalay kami ng landas na magaan ang loob sa isa't isa at may pagpapatawad.

"Ano na gagawin mo pagkatapos nito?" Tanong ni Nessie sa akin sabay inom ng kanyang matcha milk tea.

"Di ko alam," kibit-balikat ko. Pero mukhang magkakatrabaho na ako. Gusto na akong kunin ng kumpanya kung saan ako nag-OJT."

"Swerte mo! At least may gagawin ka na pagkatapos nito," ngiti ni Nessie. "Di pa ko sure kung magpapahinga muna ako for one to three months. Inaaya ako ni mama na mag-abroad at doon magtatrabaho, para magkasama kami."

"Magandang opportunity iyon! Go for it!"

"Pero magpapahinga muna ako," ngisi ni Nessie.

"Basta, I wish you the best."

"Ikaw rin."

Nessie and I smiled at each other, and I instantly felt the warmth from her.

A month later, may trabaho na ako bilang isang account executive sa isang papausbong na digital marketing company. Hindi ko na tinanggap ang offer ng kumpanya kung saan ako nag-on-the-job-training, dahil andoon din ang tita ko. Sa halip, mas pinili ko magsumikap sa sariling job applications.

Isa itong panibagong mundo at marami akong dapat matutunan. Totoo nga, hindi lahat ay tinuturo sa paaralan. From being introverted ay kailangan kong matuto na makipag-usap sa aking teammates at pati na rin sa boss namin. Natuto akong mag-defend ng content pitch sa harapan ng mga kliyenteng mas may alam sa akin sa industriya, ang magsabi sa aking team kung ano ang dapat gawin, at siguraduhin na lahat ng tasks ay nagagawa sa oras at naipapasa before or during the deadline. Minsan may mga biglaang tasks or aberya sa deadlines, pero with the encouragement of my team, at sa pagtutulungan namin, ay nairaraos din.

Nakikipagkita pa rin ako  sa aking mga kaibigan na sila Eri at Trixie. Minsan naman ay nagkakape ako kasama sila Nine at Lizbeth. Pareho na rin silang may mga trabaho. Natatawa na lang kaming tatlo sa mga naging nakaraang issues sa mundo ng Wattpad kapag napapag-usapan namin ito.

"Dami nang immature readers sa Watty," snide remark ni Lizbeth.

"Matagal na kamo. Di website ang problema, kundi mga tao," wika ni Nine. "Sa dami ng mga fandoms ng mga manunulat na sikat, ang totoo niyan, hindi nawawalan ng mga fantards. Kumbaga, sila ang rotten tomatoes na nasama sa mga maaayos na tanim. Di mo sila mababago kapag ayaw nilang makinig sa katwiran."

"Unless kikilos sila sa pagbabago," dagdag ko. "At mare-realize nila sana na ang buhay, di umiikot sa fandom. Nakakabulag ang sobrang paghanga."

"Tatanda rin mga iyan at matatauhan. Sana kasabay sa pagtubo ng mga dibdib nila ay kasama mga utak nila. Sus, di naman sila binabayaran ng mga lodi nila na ipagtanggol ang hinahangaan nila!" Nine snapped.

"Ni-refer pala kita sa aking pub house," sambit ni Lizbeth. "Ipu-publish na ang Secret World, bumili ka ah?"

"Oo naman!" Ngiti ko. "Pero ayoko na mag-publish," pagtanggi ko.

"Ito naman, naduwag!" Tukso ni Nine.

"Legit iyon, don't worry," Lizbeth assured me. "Kaya i-post mo na ulit story mo sa Wattpad! Tadtad na message board mo ng mga nagsasabi na mag-comeback ka na!"

"Ayoko nga! Busy ako sa work!" Ngumuso ako, feeling appalled at the thought that I have to go through another pub house once again.

"Duwag talaga 'to!" Humalakhak si Nine. "Akala ko ba di ka na tanga?"

Hinampas ko sa braso si Nine at gumanti rin siya. Natawa rin kami pareho at sinabi niya:

"Huwag natin pilitin kung ayaw niya. Hayaan na lang na siya ang kusang kumilos."

"Okay lang iyon," pagsang-ayon ni Lizbeth.

---

Patuloy lang ang buhay. Two years later, na-promote ako sa trabaho bilang isang account director. Mas dumami ang mga tasks, pero kahit na nakakapagod, binibigay ko pa rin ang best ko. I make sure to get some rest and fun time.

Wala na akong balita kay Nessie. Ang huli niyang sinabi sa akin sa chat, sa abroad na siya naka-base, kasama ang kanyang ina at lola.

Kaya namangha ako nang makita ko ang librong ito habang namamasyal sa bookstore isang weekend.

The Ties of Friendship
Written by eissenv (Nessie Vargas)

"May libro na siya?" Bulong ko sa sarili.

I decided to buy her book. Inuwi ko ito at agad kong binasa. Nalaman kong hindi niya ito published sa Wattpad. Sabi niya sa Foreword, yung Magic Diary ang gustong ma-publish ng pub house, pero nahihiya siyang ibigay ang manu nito. Sa halip, nag-propose siya na magpasa ng story na wala sa Wattpad, at may mentor siya na tumulong sa kanya kung paano ang maayos na pagsusulat.

I was surprised, in a good way. Malayong-malayo ito sa Nessie na nakilala ko sa Wattpad. Hindi na maituturing na magulo ang pagkakasulat ng story; sa halip, maayos ang pagkakasulat nito. Tungkol ito sa dalawang magkaibigan na parehong manunulat. Ang isa ay sumikat online at nainggit naman ang kaibigan niya. Nagkaroon ng lamat ang kanilang friendship dahil dito, pero sa bandang huli ay nagkabati rin sila at nagkapatawaran.

Kwento namin ito ah. Aba, kuhang-kuha niya mga ganap, pati doon sa anonymous confession part. Nessie ah, nanlalaglag ka! Natawa ako.

Natapos ko agad ang kanyang libro sa isang upuan. Nang makarating ako sa huling bahagi ng libro, ito ang nakasulat:

Ayan ah, di na ito jejemon na story! Sana nagustuhan niyo!

To an old friend, don't be afraid to dream again.

Matagal akong nakatingin sa mga katagang iyon. Tears flowed down my eyes habang napapikit ako.

I smiled to myself. At last, dama ko na ang kanyang pagpapatawad.

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top