The Greatest Love: Chapter 3

Dumaan ang mga araw at hindi na makapaghintay si Joseph na makasamang muli ang kanyang Ina. Sa bawat araw na nagdaan ay patuloy pa rin ang binata sa pagpapakabuti sa loob ng bilangguan, para makamit ang kalayaang kanyang inaasam. Pilit niyang iniiwasan ang grupo ng kalalakihang kanyang nakasagupa kamakailan lamang, para hindi mapurnada ang parole na sa kanya'y ibinigay.

Hanggang sa umabot na ang araw ng kanyang paglaya, "Kosa! Wag mo kaming kalimutang dalawin o di naman kaya'y padalahan ng litrato't liham? paglabas mo rito ahh?" saad ni Ramon isa sa mga preso na nakasama ni Joseph sa loob ng selda.

"Oo naman kosa, paniguradong dadalawin ko kayo rito. Maraming aral akong natutunan dito sa piitan, kaya hindi ko kayo makakalimutan." saad ng binata habang inaayos ang kanyang mga gamit.

"Catapang nandyan na ang sundo mo." sigaw ng guwardiya, kaya't mabilis na isinilid ni Joseph ang kanyang natitirang gamit na nakakalat sa papag na kanyang tinutulugan.

"Paano mga kosa, ako'y mauuna na. Wag kayong mag-alala dahil bibisitahin ko kayo rito kapag naluwas kami ng aking Inay pa-maynila." pamamaalam ng binata bago tuluyang lumabas ng barandilya.

Nakangiting naglakad si Joseph papalabas ng kulungan, habang ang mga preso naman doon ay patuloy sa paghahatid ng kanilang pamamaalam sa binata. Nang tuluyan na siyang makalabas ng kulungan ay napakunot noo siya sa kanyang nakita, "Aling Choleng?" nagtataka niyang sambit sa kanilang kapitbahay.

"Joseph..." anito saka siya nginitian nang alanganin.

Kahit nagtataka ay nagpatuloy na lamang si Joseph sa kanyang paglalakad, hanggang marating ang kinatatayuan nang ginang. Agad nanlaki ang mga mata ng binata, nang salubungin siya nito ng isang mahigpit na yakap, at matapos ang ilang segundo ay agad din namang humiwalay sa pagkakayapos.

Kahit naguguluhan ay mas pinili na lang ni Joseph na balewalain ang lungkot na kanyang nabakas sa mga mata nito, "Aling Choleng, mabuti naman po at nakasama kayo ni Inay na pumunta rito," wika ng binata habang inililibot ang kanyang paningin sa paligid, para hagilapin ang kanyang Ina. "Nasaan po si Inay?" dagdag pa niya sa ginang.

"Joseph..." anito saka hinawakan ang kamay ng binata. "Tara, uwi na tayo at hinihintay ka na nang Inay Perla mo." saad ni Aling Choleng, at mababatid mo sa timbre ng boses nito ang paghihirap na isambit ang mga katagang iyon.

"S-sige po..." kahit naguguluhan ay um-oo na lamang ang binata, ngunit sa loob-loob niya ay parang may kutob siyang hindi maganda.

Mabilis namang tinungo nina Joseph at Aling Choleng ang bus patungo sa probinsiya ng San Lorenzo. Kabadong nakadungaw lamang ang binata sa bintana ng bus, habang ang kanyang kaisipan ay lumulutang sa kawalan, kakaisip kung ano ba talagang nangyari sa kanyang Ina.

Matapos ang halos anim na oras nang biyahe ay nakarating na ang bus sa terminal ng San Lorenzo, dagli namang sumakay sina Joseph nang pampublikong sasakyan at makalipas ang isang oras ay tuluyan nang narating ng binata ang kanilang baryo.

Nakangiting tinanaw ni Joseph ang kanilang tahanan sa hindi kalayuan. Ngunit biglang napalis ang mga ngiting iyon, nang masilayan ang matitingkad na ilaw na kulay dilaw sa kinatitirikan ng kanilang tahanan.

Sadsad ang mga paang naglakad ang binata patungo sa kanilang tahanan. Bawat hakbang na kanyang ginagawa ay parang may tangan-tangan siyang mabigat na bagay, na siyang dahilan para ang kanyang paglalakad ay pasadsad na dumadausdos sa lupa.

Nang tuluyan nang marating ni Joseph ang kanilang bakod na yari sa kahoy, ay agad niyang naibagsak sa lupa ang kanyang bitbit na bag. Nakita niya ang isang puting kahita na nakaburol sa kanilang bakuran. Nang mapabaling ang kanyang paningin sa gilid nito, ay agad nagbagsakan ang mga luhang kanina pa niya pinipigilan. Nakita niya ang litrato ng kanyang Inay Perla, na nakalagay sa isang kwadradong kahoy habang matamis na nakangiti diretso sa lente ng kamera.

"I-Inay!" nakakakilabot na sambit ni Joseph bago mabilis na tinakbo ang pagitan nila ng kanyang Ina. Dali-daling niyakap ng binata ang ataul kung nasaan nakahimlay ang kanyang Inay Perla. Humahagulgol niyang niyapos ang puting kahita, dala ng sobrang kalungkutang pumapaloob ngayon sa kanyang sistema.

"Inay! Bakit niyo po ako iniwan..." malungkot niyang saad dito, na animo'y naririnig siya nang nakahimlay na ginang. "Nandito na po ako, magkakasama na tayong muli. Sabi niyo po susunduin niyo ako sa bilibid, Inay... P-pero bakit niyo po ako iniwan..." humahagulgol niyang saad sa pagitan ng kanyang pagluha.

Nasa ganoong posisyon si Joseph nang biglang makaramdam siya ng paghawak sa kanyang balikat. Dahan-dahan niyang inangat ang kanyang ulo at mas lalong naluha sa kanyang nakita, "I-Inay..." nagtatanong niyang turan, sa pagbabaka-sakaling totoo ang kanyang nakikita ng mga sandaling iyon.

Matamis na ngiti lamang ang iginanti nito sa kanya at nang akmang hahawakan na ito ni Joseph, ay pira-pirasong naglaho ang pigura nang kanyang Ina, na parang isang abo na unti-unting nililipad sa hangin.

"Joseph..."

Napabalik na lang ang binata nang bumungad sa kanyang harapan, ang malungkot na mukha ni Aling Choleng, "Ano pong nangyari sa Inay? Bakit po may mga galos siya sa mukha?" lumuluhang sambit ng binata habang hinahaplos ang bubog ng kahita.

Mabilis namang inalalayan ni Aling Choleng ang binata para maupo, saka ikinuwento ang karumal-dumal na nangyari sa kanyang Ina, "Noong nakaraang gabi lamang nangyari ang nakakakilabot na trahedya sa inyong Inay Perla. Pinagsasaksak ng isang hindi nakilalang tao ang iyong Ina malapit sa talahiban. Walang gaanong tao sa lugar nang mga oras na iyon, kaya't walang awa nitong nagawa ang kanyang balak sa inyong Inay." pagsasalaysay ni Aling Choleng habang naluluha sa sinapit ng kanyang kaibigang si Aling Perla.

"Napag-alaman pa namin na kinuha ng taong pumaslang sa iyong Inay, ang buong kita nito noong gabing iyon sa pagtitinda ng balot. Si Perla naman kasi, masyadong nagsipag sa pagbebenta kahit gabi na. Gusto raw kasi niyang makaipon para may maibigay siya sayong pera sa pagbabalik mo. Mahal na mahal ka ng iyong Inay, Joseph. Palaging ikaw ang bukang bibig, na para kay Joseph ang perang iniipon kong ito, para kay Joseph ang bahay na naipundar namin ng Ama niyang yumao. Palaging ikaw ang bukang bibig ni Perla."

Nagpatuloy pa sa pagku-kwento si Aling Choleng kung ano ang gustong mangyari ng kanyang Ina para sa kanya, noong mga panahong siya'y nasa bilanguan pa. Mas lalo namang napahagulgol si Joseph, nang malaman kung gaano siya kamahal ng kanyang Ina. Kung anong sakripisyo't paghihirap ang pinagdaanan nito noong hindi sila magkasama.

Ngayon ay pagsisisi ang kanyang nararamdaman, pagsisisi dahil sa kanyang nagawang kasalanan na hindi niya binigyang pansin ang pagmamahal ng kanyang Inay Perla noong mga panahong magkasama pa sila't ito'y buhay pa.

Matapos maihatid sa huling hantungan si Aling Perla ay nagsimulang linisin ni Joseph ang mga naiwan nitong kagamitan sa kanilang tahanan. Habang nag-aayos ay biglang may napansin siyang isang kahon, na katamtaman lamang ang laki. Kunot noo niyang kinuha ito at nanlaki ang mga mata sa kanyang nakita.

Nakita niya ang perang tig-iisang libo piso na nakatupi at nakatali sa isang gomang may kalumaan na. Makapal ang nasabing pera at sa tantsa niya'y nasa mahigit kumulang isang daang libong piso ang halaga noon. Nang mapabaling ang kanyang paningin ay may isang kapirasong papel ang nakatawag sa kanyang pansin. Dagli naman niyang kinuha ito at muling naluha sa kanyang nabasa.


Isang daang libong piso na ang aking naipon para sa paglaya ng aking anak na si Joseph. Malayong-malayo pa ang halaga nito para sa pagpiyansa ko sa kanyang paglaya. Ngunit sisikapin kong mapag-ipunan ang halagang kanyang kailangan, papasaan pa't mabubuo ko rin ang tatlong daang libong pisong halaga, kapalit ng kanyang paglaya.


Halos napahagulgol si Joseph sa kanyang nabasa, hindi niya lubos maisip na nagdudusa ang kanyang Ina para lang makapag-ipon ng pera kapalit ng kanyang paglaya, "I-Inay... Patawarin niyo po ako kung hindi ako naging mabuting anak sa inyo. Hindi ko po alam na malaking sakripisyo ang ginawa niyo para lang sa'kin, sa akin na sakit lamang ng ulo niyo at ang mas mahirap pa roon ay naging dahilan ng paghihirap niyo."

"Wag ho kayo mag-alala Inay, aayusin ko ho ang buhay ko para sa inyo. Kahit alam kong kahit kailan ay hindi ko na kayo makakasama."

Gaya nga ng kanyang sinabi, tinupad ni Joseph ang kanyang nai-pangako sa pumanaw niyang Ina. Inayos ng binata ang kanyang buhay gamit ang kapital na naipon ng kanyang Ina, at ngayon ay naging matagumpay ito sa larangan ng pagbebenta ng mga balot. Isa na siya sa nagmamay-ari ng pinakamalaking balutan sa probinsiya ng San Lorenzo, na pinangalanan niyang Aling Perla's Balutan.



*****

Don't forget to tap the star ⭐️ button to vote.
Vote | Comment | Share
Facebook Page: Everjoy Condes #anaknikikodora
Facebook Group: THELABSSQUADWP
Facebook Official: Everjoy Condes

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top