Episode 59
Episode 59
"KUMUSTA KA NA, JANE?"
Nakatulala ako sa kisame nang biglang bumukas ang pinto na nilabasan ni Rogue kahapon. Napaayos ako sa pagkakaupo sa ibabaw ng hospital bed nang makilala ang magandang babae na may taglay na kulay luntiang mga mata— si Ma'am Rosenda Castillo-Saavedra.
Kulay asul na long dress ang suot niya ngayon na kakulay rin ng suot niyang flats sa paa. Katulad noong una ko siyang makita sa private resthouse ni Rogue ay simpleng-simple pa rin siya. Nakalugay ang mahaba niyang buhok at wala pa ring kahit anong kolorete sa mukha o sa katawan.
Nagulat ako nang ngumiti siya. "Pasensiya ka na kung nasampal kita, pero kailangan lang talaga e."
"O-okay lang po yun. Tama lang po na sinampal nyo ako dahil malaki po ang kasalanan ko sa anak niyo..." nahihiyang sagot ko.
Lumakad siya palapit sa akin. "Kaya nga. Actually, matagal ko na iyong gustong gawin. Iyong sampalin ka. Hindi ko lang talaga alam kung saan ka hahanapin."
Hinila niya ang upuan na malapit sa kinaroroonan ko at saka siya naupo roon. Pinakatitigan niya ako na parang kinakabisado ang buo kong anyo. Ilang na ilang na hindi ko naman malaman ang gagawin. Hindi ako makatingin nang diretso sa kanya pero hindi ko rin naman siya pwedeng ignorahin.
Mayamaya ay magaan siyang nagsalita. "Jane, alam mo bang sa buong panahon na naka-confine ka rito, hindi ka iniwan ng anak ko?"
Alam ko dahil nang magmulat ako ng mga mata, siya agad ang nasilayan ko...
"Hindi siya umalis sa tabi mo. Maski mga gamit niya, pinadala niya rito. Halos dito na nga siya tumira."
Kaya pala nang matapos kaming mag-usap ni Rogue ay may kinuha siyang malaking leather na LV trolley luggage mula sa closet nitong private room. Bitbit niya iyon nang umalis siya.
"Ayaw niyang iwan ka kahit saglit, Jane."
Pero ngayon, ayaw niya na akong makita pa. Nag-ulap ang mga mata ko nang maalala na naman ang huli naming pag-uusap.
"Ayaw niyang iwan ka kahit isang minuto. Natatakot siya na kapag iniwan ka niya, may mangyayaring masama sa 'yo. Nakatitig lang siya sa 'yo habang nakahiga ka riyan sa hospital bed mo, binabantayan ka niya. Hinihintay niyang magising ka."
"D-dahil may gusto po siyang linawin sa akin..." doon lang ako nagkalakas na makapagsalita.
"Oo. Gusto niyang sa 'yo mismo marinig ang lahat-lahat."
Mahina ulit akong nagsalita. "Nasabi ko na po sa kanya ang lahat ng gusto niyang malaman... k-kaya umalis na siya..."
Nalinaw at nipaliwanag ko na ang lahat-lahat, at iyon na rin ang katapusan ng lahat-lahat.
Biglang lumamlam ang mga mata ni Ma'am Rosenda. "Sino ka talaga, Jane?"
Napamaang ako sa tanong niya. "P-po?"
"Sa totoo lang, kahit ako ay hindi makapaniwala na nage-exist kang talaga."
"Ma'am..."
Umiling-iling siya. "Alam mo? Noong nakareceive ako ng call five years ago na naka-confine sa isang private hospital ang anak ko ay napasugod agad ako roon. Ang buong akala ko, nagliliwaliw lang siya sa kung saang bansa, pero nacomatose na pala siya nang hindi ko man lang nalalaman."
"Hindi po siya totoong nacomatose..." Gawa-gawa lang ni Kuya Lion ang pagka-comatose ni Rogue, gusto ko sanang idugtong.
Bumuntong-hininga si Ma'am Rosenda. "Na-comatose man o hindi, sinisisi ko pa rin ang sarili ko dahil hindi ko siya hinanap. Nagsisisi ako dahil hindi ko siya tinawagan man lang the whole time, hindi ko na siya kinukulit at kinukumusta. Mula kasi noong magbinata na siya at sumali sa Black Omega Society elite fraternity ay ayaw niya na kapag masyado ko siyang bini-baby, that was why I gave him space."
Kaya pala walang humanap kay Rogue mula nang mapadpad siya sa Isla Potanes.
"Then iyon nga, bigla akong nakareceive ng call from a private hospital, sinabi nila na naroon nga raw si Rogue at kagigising pa lang from eight-month coma. Pumunta agad ako roon. Nandoon na ang mga kaibigan niya that time na naunang dumating. At nagwawala na si Rogue nang madatnan namin." Namalat ang tinig ni Ma'am Rosenda. "Nagwawala siya dahil hinahanap ka niya."
Nautop ko ang aking bibig.
"Jane, para siyang baliw na paulit-ulit na tinatawag ang pangalan mo noon."
Nagsisikip ang dibdib ko habang nakikinig.
"Wala siyang ibang bukang bibig kundi hanapin ka. Paulit-ulit niyang sinasabi na nanggaling siya sa isang isla at doon ka raw niya nakilala. Na tumakas kayo roon kasama ng iba niyong kaibigan. Na pabalik na kayo ng city nang biglang magkabagyo at anurin ang sinasakyan niyong balsa. Nagwawala siya at umiiyak noon, nakikiusap siya sa amin na hanapin ka dahil baka naiwan ka raw sa karagatan. Takot na takot siya noon, alalang-alala sa 'yo dahil buntis ka raw. Natatakot siya na baka may nangyaring masama sa 'yo. Pero walang ni isa sa amin na naniwala sa kanya..." tuluyan nang pumiyok ang boses ni Ma'am Rosenda.
Nakikita ko sa imahinasyon ang itsura ni Rogue habang nagwawala at hinahanap ako. Isa-isa ng naglandas ang aking mga luha.
"Dahil Jane, bakit kami maniniwala sa sinasabi ni Rogue?"
Napahilamos ng palad sa kanyang mukha si Ma'am Rosenda habang nakatingin siya sa kawalan.
"L-lahat kami... inisip na gawa-gawa lang ng isip niya ang mga pangyayaring sinasabi niya. Walang naniwala sa kanya, Jane..." basag na basag na ang boses niya. "Dahil pinahanap kita, Jane, pero walang bakas mo kahit saan. Ang nahanap ng investigator ko ay record ng isang Jane Adoni Foresteir na sanggol pa lang noong namatay. Hanggang sa tinanggap ko na rin ang sinasabi ng doctor na nagkaroon nga ng brain abnormalities ang utak ni Rogue."
Tumingin sa akin ang luhaang mga mata ni Ma'am Rosenda.
"Hindi matanggap ni Rogue na isa ka lang parte ng panaginip noong in coma siya. At noong matiyak niyang hindi ka talaga totoo... Sumuko siya... at tinangka niyang kitilin ang sarili niyang buhay..."
"Patawad po..." Basang-basa na ang kumot ko dahil sa mga luha kong tila walang kapaguran sa pagpatak. Parang binabagyo ang dibdib ko dahil sa mga pinagdaanan ni Rogue.
"He had mild OCD before, pero dahil sa sunod-sunod na pagbi-break down niya, he was then diagnosed with schizo-obsessive disorder."
"Patawad, Ma'am... Patawad po! Alam kong hindi sapat na humingi ng tawad lang kaya w-wag po kayong mag-aalala kung nasampal niyo po ako... naiintindihan ko po. Kung pwede nga po sana ay saktan niyo pa po ako dahil sa nagawa kong kasalanan..."
Hinuli niya ang kamay ko at marahang pinisil. "Hindi ako ganoong tao, Jane. At hindi rin gugustuhin ni Rogue na masaktan ka o mahirapan."
"Ma'am, hindi ko po alam na magkakaganito... Ang buong akala ko talaga, ayos si Rogue. Ang buong akala ko, hindi niya ako hinanap dahil maayos na ang buhay niya. Nakikita ko siya sa TV, magazines, billboards, hinahanggan siya ng lahat. Ayaw kong makasira sa kasikatan niya. Dahil sino ba naman po ako kumpara sa isang Rogue Saavedra na isang bilyonaryo? Isang Montemayor-Saavedra, isang leader ng elite fratenity at sikat na banda? Nanghihina ako dahil alam kong alikabok lang ako na magiging mantsa sa perpekto niyang buhay..."
"Biktima kayo pareho," mapait na sabi ni Ma'am Rosenda. "Ang mali mo lang, hindi ka nagtiwala kay Rogue kaya umabot sa ganito. Pero tama na ang sisihan, Jane. Wag mo nang sisihin ang sarili mo. Sa ngayon, ang gusto ko lang ay maging aware ka sa mga nangyari noon, para makapagsimula ka na ng panibagong buhay ngayon."
Luhaan umusod palapit sa kanya. Kalabisan man at kakapalan ng mukha para ungkatin ito pero gusto kong sumugal. "Ma'am... a-ayaw na po akong makita ni Rogue... masakit po para sa akin ang desisyon niya dahil mahal na mahal ko siya... pero k-kaya kong intindihin... P-pero ang ipinag-aalala ko po ay paano po ang anak namin?"
Natigilan si Ma'am Rosenda.
"Ma'am... p-paano ang anak namin? Paano po si Clio?"
Ito ang malaking bumabagabag sa akin. Oo baka hindi ko kayanin na talagang mawawala na si Rogue, pero mas ikamamatay ko na pati si Clio, hindi ko na makita pa.
Paano kung tuluyan na ngang lumayo si Rogue? Ibig sabihin lang kasi noon ay tuluyan na ring mawawala sa akin si Clio. Mas gusto kong mamatay na lang kung ganoon.
Hindi ko na kayang mabuhay. Ang sakit-sakit na...
"Ma'am..." iyak ko. Wala na akong pakialam kahit mukha na akong basang basahan sa harapan ng mommy ni Rogue ngayon. "Naiintindihan ko po kung galit sa akin si Rogue at ayaw niya na akong makita... p-pero iyong anak po namin, ni hindi ko man lang naranasang alagaan ang anak namin..."
"Jane..."
"P-parang awa niyo na po, Ma'am... G-gusto ko pong makasama ang anak ko... Ina rin po kayo, alam niyo po ang pakiramdam ng mawalay sa anak... Tiniis ko po na hindi makasama ang anak ko dahil akala ko, para iyon sa ikabubuti niya... Ngayon po, g-gusto ko na pong makasama ang anak ko... G-gusto kong bumawi sa anak ko... M-mahal na mahal ko po ang anak ko at w-walang araw na hindi ko siya inisip..."
"Hindi pa alam ni Rogue na kasama si Clio sa totoo, Jane," malungkot na sagot ni Ma'am Rosenda.
"Ma'am..." Natigagal ako sa sinabi niya.
Ngumiti siya na may lungkot sa mga labi. "Ang buong akala pa rin niya, ikaw lang ang totoo. Ang tungkol lang sa isla ang totoo."
"P-pero totoo po ang anak namin..." hinang-hinang sambit ko habang lumuluha.
"Alam ko. Alam ko na totoo si Clio. Ako ang halos nag-alaga sa anak niyo mula noong baby pa ang anak niyo. Ang akala ni Rogue, sinasakyan ko lang ang kahibangan niya. Ang buong akala niya, kami na pamilya niya ay kinukunsinti lang ang kabaliwan niya. Pero wala siyang alam na lahat kami, including all the nannies and helpers, alam na totoo si Clio."
Napasinghot ako. Bahagyang lumuwag ang dibdib ko sa isiping hindi napagkaitan ng atensyon ang anak ko.
"Noong una, nagulat kami kung bakit biglang nagkaroon ng sanggol sa mansiyon ni Rogue. I asked him about it pero ang sagot niya, napulot daw niya iyong baby at naniniwala siya na anak niyo iyon. Dahil hindi ako naniniwala na nag-e-exist ka, pina-DNA ko ang bata. But the results turned out positive. Lahat kami ay nagulat na anak nga ni Rogue si Clio. Lahat din kami ay nagtataka kung sino ang ina ng bata. Then his friend Lion told us na baka isa sa mga past socialite flings ni Rogue ang ina ng sanggol. Na baka di kayang pangatawanan ang sanggol kaya iniwan na lang kay Rogue..."
Nakagat ko ang aking ibabang labi.
"Kaya nga hanggang ngayon, hindi pa alam ni Rogue na totoo si Clio. Ayaw pa rin naming sabihin agad-agad sa kanya dahil alam kong nabibigla pa rin siya sa huling usapan niyo. Dahil magpasa oras na ito, hindi pa rin niya tuluyang maabsorb ang mga isiniwalat mo sa kanya." Bumuntong-hininga si Ma'am Rosenda. "And as per the doctor's advice, hindi tamang dagdagan ang gulat ni Rogue. Maguguluhan siya lalo. Baka hindi niya kayanin ang sunod-sunod na rebelasyon."
"N-naiintindihan ko po..."
Tama naman. Baka hindi na nga kayanin ng utak ni Rogue kapag nalaman niyang totoo rin si Clio. Buo na kasi ang damdamin niya na imahinasyon niya lang ang anak namin. Ang imahinasyon na iyon ang kinapitan niya ng ilang taon habang nagmo-move on siya sa mga alaalang nanakit sa kanya.
"Pero sasabihin din namin, Jane." Muling pinisil ni Ma'am Rosenda ang kamay ko. "Sasabihin din namin, paunti-unti. Sa ngayon, kailangan munang ipagamot si Rogue. And fortunately, pumayag na siya na magpaconfine sa ibang bansa para mas matutukan siya ng mga doktor. We'll leave on Friday night..."
Parang pinunit na naman ang puso ko. Aalis na nga talaga si Rogue. Aalis na siya ngayong linggo mismo.
Sinikap kong magpakatatag. "Naiintindihan ko po, Ma'am... P-pero paano na po ang anak namin kung aalis ng bansa si Rogue para magpagamot?"
"Maiiwan siya rito sa Pilipinas." Ngumiti si Ma'am Rosenda sa akin. "Hindi namin siya isasama."
"Ma'am..." sumasamong sambit ko. Pinisil ko rin ang kamay niya na nakahawak sa mga kamay ko.
"Oo, Jane..." nakangiting aniya. "Habang inihahanda namin si Rogue tungkol sa anak niyo, mas makabubuti kung sa iyo muna si Clio."
"Ma'am..." Napahagulhol ako sa sinabi niya. Ang pait na nararamdaman ko ay naibsan. Sa wakas, makakasama ko na ang anak ko. Ang anak namin Rogue.
"Sa 'yo muna ang anak niyo." May luha man sa mga mata ay nakangiti sa akin si Ma'am Rosenda. "Walang ibang nararapat na pag-iwanan kay Clio kundi ikaw na ina niya. Pagkakataon mo naman para maalagaan at makasama siya."
"S-salamat po..." Nanginginig na ako sa pag-iyak. "Maraming salamat, Ma'am..."
Hinaplos niya ang ulo ko. "Kung may kailangan ka, wag kang mahiyang magsabi sa akin, ha? Susuportahan ko kayo ng apo ko."
Tumango ako habang umiiyak. "S-salamat po..."
"Mom?"
Napatigil ako sa paghagulhol nang marinig ang malagom at matigas na boses na mula sa nakabukas na palang pinto. Sabay pa kaming napalingon doon ni Ma'am Rosenda. Sa sobrang seryoso ng pag-uusap namin ay may pumasok na pala na hindi namin namamalayan.
Isang matangkad na lalaki na kamukhang-kamukha ni Rogue bagamat kulay tsokolate ang mga mata nito at ang buhok ay bahagyang kulot.
Napatayo si Ma'am Rosenda. "Quiro!"
Napanganga ako. Kung ganoon ang guwapong lalaking ito ay ang nakatatandang kapatid ni Rogue na si Quiro Saavedra.
Tumingin sa akin si Quiro. Hindi nakangiti pero hindi rin naman nakasimangot.
"Bakit ka sumunod dito? Papunta na ako sa inyo," ani Ma'am Rosenda na nagpunas agad ng luha sa pisngi. "Kinausap ko lang si Jane sandali. Nagheart to heart talk kami tungkol sa kapatid mo."
Napakamot ng ulo si Quiro. "Pinalayas kasi ako ni Buntis. Ako na naman yata ang pinaglilihian."
Mahinang natawa si Ma'am Rosenda. Nagbago na ang mood ng paligid. "Sira ka talaga. Porket pinalayas ka, lumayas ka naman? Sa ginawa mo lalo mo lang ininis iyong asawa mo. Dapat kahit batuhin ka ng kaldero, wag mong iiwan."
Napangiwi si Quiro. "Mom, tinutukan ako ng baril paanong hindi ako lalayas?"
Muling natawa lang si Ma'am Rosenda. Sa tawa ni Ma'am Rosenda ay parang hindi naman ganoon ka seryoso ang sitwasyon. Mukhang kilala niya ang asawa ni Quiro. "E di ba inalisan mo na ng bala lahat ng baril sa bahay niyo? Anong kinakatakot mo?"
"E di iyong malaman niyang walang bala iyong baril."
"Lambingin mo na lang. Nagsumbong iyon sa akin noong nakaraan, mas nilalambing mo pa raw ang mga collection mong baril kaysa sa kanya."
"Paano ko siya lalambingin e lagi nga siyang galit," bulong ni Quiro na napapa-tsk pa. Pero sa itsura naman ay halatang mahal na mahal ang asawa.
Nakangiti na lumingon sa akin si Ma'am Rosenda. "Jane, aalis na ako, ha? Hindi ko na muna pupuntahan si Rogue dahil kailangan niya muna ngayon ang mapag-isa. Saka ko na siya pupuntahan pag aalis na kami ng bansa, kaya for now, doon muna ako sa panganay kong anak."
"Ingat po kayo..." mahinang paalam ko. Nagpunas na rin ako ng luha ko.
"Sige, aalis na kami. Baka mamaya ay ito naman ang madepress dahil sa pagkamiss sa asawa."
"Mom!" alma ni Quiro. Ang laking lalaki, ang guwapo pero namumula ang pisngi sa hiya.
Natawa naman si Ma'am Rosenda. "Totoo naman. Sus, ang galing at ang tapang mong secret agent ng Saavedra Phoenixes pero tiklop ka sa asawa mo."
Napangiti na rin ako. Ngayon ko lang nakita ang cute na side ng pagiging ina ni Ma'am Rosenda. Siguro ay ganito rin siya kay Rogue kapag nagbibiruan sila.
"Jane, don't worry about your bill na ha? Bayad na iyon. At kung kailangan mo ng service, may tauhan sa labas, ipatawag mo lang. Also, napabilhan na kita ng town house sa Mandaluyong na uuwian mo. May mga helpers ka na rin na naghihintay roon. Kapag okay ka na, ipapahatid ko na si Clio sa 'yo." Pagkuwa'y lumingon siya ulit kay Quiro. "Before we go, Quiro, magpadeliver ka muna ng pagkain para sa kapatid mo sa condo niya. Room 136, Montemayor Tower, QC. Baka hindi pa kumakain iyon e."
Marami pang sinabi si Ma'am Rosenda bago sila umalis pero iisang detalye ang mas tumatak sa isip ko at iyon ay ang... Room 136, Montemayor Tower QC.
....
KAHIT masakit ang mga hita ay pinilit kong bilisan ang bawat paghakbang. May benda pa nga ang ulo ko pero wala akong pakialam. Alam kong kagagahan itong gagawin ko, pero aalis na siya ngayong linggo at hindi ako sigurado kung magkikita pa kami...
Gusto ko siyang makita kahit saglit lang...
Kahit huling beses na lang...
Huli na ito, pangako. Pagbibigyan ko lang ang puso ko.
Nang marating ko ang elevator ay pinindot ko agad ang floor kung saan naroon ang Room 136. Pagkaalis na pagkaalis nina Ma'am Rosenda kanina ay bumangon agad ako at nagpalit ng shirt at jeans. Tumalilis ako sa ospital at pumara ng taxi para makapunta rito sa Montemayor Tower, QC.
Hindi naman ako para magmakaawa kay Rogue na patawarin ako. Kahit nakakadurog ay tanggap ko naman na ang desisyon niya, pero gusto ko lang talaga siyang makita dahil ito na lang ang naiisip kong paraan para kahit paano ay mabawasan ang sakit na unti-unting pumapatay sa akin.
Ang tagal kong tiniis ang nararamdaman ko para lang sa huli ay mawasak ako dahil sa pagsabog ng puso ko.
Gusto kong mabawi ang lakas ko para kapag nasa akin na ang anak namin, hindi ako ganoon kahina. Para kayanin ko pa ring ngumiti kahit pa nangungulila ako sa kanya.
Nang bumukas ang elevator ay naghalo-halo ang nararamdaman ko. Pananabik kasi makikita ko si Rogue, lungkot at kaba dahil alam kong magagalit siya kapag nakita niya ako, at takot dahil baka hindi ko mapigilang mapahagulgol sa harapan niya kapag pinalayas niya ako.
Ang kaso ang pusong nagmamahal ay kayang tiisin ang lahat. Lalo na ang pusong nagkasala at gustong bumawi ay kayang gawin kahit pa ang imposible. At ganoon ngayon ang puso ko.
Nang nasa harapan na ako ng pinto ni Rogue ay makailang ulit akong huminga nang malalim bago ko pinindot ang doorbell. Ilang saglit lang ay bumukas na ang pinto at nasilayan ko na ang sadya ko.
Nakatayo sa harapan ko ngayon si Rogue Saavedra. Magulo ang buhok niya na tila kababangon lang sa kama. Fresh na fresh siya na mukhang ngayon lang nakabawi ng pahinga. White plain shirt at white sweatpants ang suot niya. Nakayapak lang siya sa kanyang carpeted floor.
Nanginginig ang mga labi ko nang magsalita. "P-patawad kung pumunta pa rin ako rito at—"
"Adi, what are you doing here?" kaswal na tanong niya sabay baril sa mukha ko ng hawak na alcohol spray.
"Ha?" Natulala ako sa kanya matapos kong maluha dahil pumasok yata sa mata ko iyong alcohol.
Sumimangot siya. "Hey, messy girl, are you my stalker now? Paano mo nalaman 'tong condo ko, huh?" Pinaningkitan niya pa ako ng mata.
Tulala lang ako sa kanya.
Anong nangyayari?
Bakit ganito siya umakto at magsalita?
Nakatulala ako sa guwapong mukha ni Rogue na hindi kababakasan ng kahit anong emosyon maliban sa pagkayamot. Iyong normal na reaksyon niya sa akin noon... Noong hindi pa niya alam na ako si Jane.
Ipinitik niya ang mahahabang daliri sa harapan ng mukha ko. "Eart to Adi!"
Napakurap ako. "R-Rogue..."
"So you're not calling me idol now?" Lalo siyang sumimangot. "Fine. Hindi na rin naman tayo magkikita pa."
"Ha?"
Namulsa siya sa suot na sweatpants. "I'm going to the States on Friday night. Magpapagamot ako roon."
"B-bakit? A-ano bang sakit mo, Idol?" nauutal na tanong ko habang pigil na pigil ang papabagsak kong mga luha. Confirmed, ako na ulit si Adi sa paningin at paniniwala niya.
Nagkibit-balikat siya. "It's confidential."
"Ah..." tumango ako.
"Anyway, I don't know kung kailan uuwi. Kasama ko ang mommy ko na aalis."
"Mag-iingat ka roon... at magpagaling ka..." pigil ang piyok sa boses na ani ko.
"Of course naman." Tumaas ang gilid ng bibig niya. "You too, okay? Mag-ingat ka rin dito. Baka naman i-date mo na iyong mayabang na direktor sa set dahil lang sa aalis na ako."
Umiling ako. "H-hindi..."
"Good. Puro yabang lang 'yon, wala kang mapapala roon."
"Oo..."
"So bakit ka nga nandito, huh? Saka naligo ka man lang ba?" Suminghot-singhot siya. "Ang baho ng buhok mo."
Paano ako maliligo? Kakagising ko lang mula sa ilang araw na pagkaka-coma sa ospital dahil nga sa naaksidente ako.
"And look at your skin? Ang oily na nga, ang pale pa!" Tila siya namomroblema.
"Sorry na, Idol..."
"Siguro hindi ka man lang rin nagupit ng kuko mo, ano?" Umiling siya. "So sorry, Adi, I can't invite you inside."
"A-ayos lang..." Nginitian ko siya. "G-gusto lang talaga kitang makita bago ka umalis..."
Napatitig sa akin ang nagtataka niyang mga mata. "Are you okay? Bakit parang naiiyak ka?"
Pasimple ko namang pinunasan ng likod ng palad ko ang aking mga mata. "M-malamang maiyak ako, binaril mo ako ng alcohol sa mukha!"
Tumango-tango si Rogue. "Yeah, you're right." Sabay taas ulit ng hawak na alcohol.
This time, nakailag na ako. "S-sige aalis na ako, Idol. Ingat sa flight mo, ah..."
"Okay."
"Aalis na ako..." Itinaas ko ang kamay ko para kumaway. "Aalis na talaga ako... mag-iingat ka sa America, ha? Mag-iingat ka roon..."
Nagtataka naman ang kulay luntian niyang mga mata sa akin.
"Basta mag-iingat ka roon. Wag kang pasaway sa mommy mo... makinig ka sa mga advice ng doctor mo... kumain ka palagi, wag kang magpapagutom... wag magpupuyat... wag magpapakapagod... wag kang matatakot sa injection... inumin mo ang mga gamot mo..."
Napayuko ako dahil hindi ko na kaya. Parang pinipiga ang puso ko sa mga oras na ito.
Sinikap kong magsalita ulit. "B-basta mag-iingat ka... Aalis na ako..." Saka ako tumalikod.
Alam kong isasara na ni Rogue ang pinto. Handa na akong umalis pero lumingon ulit ako sa kanya.
"Isa pa pala...!"
Nahinto siya sa pagsara ng pinto. "What?"
"W-wag kang mayabang roon..."
Tumaas ang isa niyang kilay. "Ako? Mayabang? Kailan?!"
"B-basta wag kang pasaway roon. Wag mong ipagkakalat kung gaano ka kaguwapo, kagaling, kalinis, kaperpekto... Humble ka lang... Kasi ibang bansa iyon e... Dapat mapagkumbaba ka... Dapat itayo mo ang bandera ng mga Filipino... Maging mabuti ka... maging magalang ka..."
"Anything else?" nakairap na tanong niya. "I need to take a bath now dahil baka nalagyan na ako ng germs mo!"
Ngumiti ako. "W-wala na..."
"Okay, bye!"
"T-teka..." Hinarang ko ang mga kamay ko sa pinto. "Meron pang isa..."
"What is it?" Binuksan niya nang malaki ang pinto.
"Pwede bang..."
"What?!" parang nauubusan na siya ng pasensiya.
"P-pwede bang humingi ng favor?"
Napatitig siya sa mukha ko. "Mangungutang ka?"
Umiling ako. "Hindi."
"Then, what—"
Hindi niya na natapos ang sinasabi dahil niyakap ko siya. "P-pwede bang wag kang magalit na niyakap kita ngayon?"
Nanigas ang katawan niya kaya malaya ko siyang nayakap ng ilang minuto. Siguro ay nagulat siya sa ginawa ko kaya hindi agad siya nakapag-react. Hinigpitan ko ang yakap ko sa kanya.
"Patawad, Idol... Maligo ka na lang para mawala iyong germs na galing sa akin... Pero hayaan mo sana munang mayakap kita kahit sandali..." bulong ko.
Wala siyang imik. Ni hindi rin niya ako tinangkang itulak.
Napangiti ako habang lumuluha. Masaya ako dahil sa huling pagkakataon, nayakap ko siya. Naramdaman ko ang init ng katawan niya at narinig ko ang pintig ng puso niya. Pero hanggang dito na lang ako...
Hanggang dito na lang kami...
Bago pa siya mahimasmasan ay kumalas na ako agad at saka tumalikod. Mabibilis ang mga hakbang ko palayo dahil sa mga oras na ito, hindi ko na kayang itago at pigilan ang tuloy-tuloy na pagluha ko.
Paalam, Rogue.
Paalam, Bathala ko...
JF
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top