Episode 57
Episode 57
"ARE YOU OUT OF YOUR MIND?"
Nanggagalaiti si Cassandra nang malaman niya ang sitwasyon. Isinalaysay ko kasi sa kanya ang nagaganap, na sinasakyan ko ang paniniwala ni Rogue na ako ay panaginip lang. Mas pinili ko na protektahan sa ngayon ang puso niya, higit sa isip niya.
Napayuko ako. "Hindi ko na kayang mahirapan pa siya. Ang tagal na panahon ko na siyang tiniis, tama na. Tama na ang pagpapahirap sa kanya..."
Nang makatulog si Rogue dahil sa puyat, tumakas ako sa aking suite para makipagkita kay Cassandra at Lola Jamod. Alam kong nag-aalala sila kaya nagpasya na akong ipaalam sa kanila ang lahat.
Inabangan ko talaga na makatulog si Rogue dahil isang gabi na itong nakabantay lang sa akin. Ayaw niya raw kasing makatulog dahil baka paggising niya ay nasa real world na raw siya. Halos hindi siya kumukurap nang titigan niya ako isang gabi para lang masiguro na hindi ako mawawala sa paningin niya.
"Kapag nagwawala si Rogue dahil naguguluhan siya sa mga nangyayari ay sumusuko at nadudurog ang puso ko! Kinakain ako ng konsensiya ko dahil ako ang dahilan kung bakit siya nagkakaganito kaya para makabawi sa kanya, gagawin ko ang lahat para protektahan ang damdamin niya... Gagawin ko ang lahat kahit pa ang pagpapanggap na ako ay isang panaginip lang!"
Nanghihina napaupo si Cassandra sa isang upuan habang minamasahe ang kanyang noo. "Pero dahil sa ginawa mo, lalo mo lang pinalala ang kalagayan ni Rogue."
Pumatak na ang mga luha ko. "Sa ngayon, hindi na muna importante ang kalagayan ng isip ni Rogue. Sa ngayon mas importante sa akin ang nararamdaman niya..."
"Hay, nakow!" palatak ni Lola Jamod. Bakas din sa mukha niya ang pamomroblema matapos niyang malaman ang nangyari. Tahimik lang siyang nakikinig sa kwento ko kanina habang siya'y nangungulangot.
"So bale wala na rin palang saysay kahit magpakilala pa ulit kami sa kanya." Napahalukipkip si Cassandra. "Iisipin niya lang ulit na isa kaming bangungot na kailangan niyang takasan."
Malungkot akong tumango at bumaling ng tingin kay Lola Jamod. "Bangungot ang tingin niya lalo kay Lola Jamod at Lola Durat."
Umismid si Cassandra. "Sa part na 'yan, naiintindihan ko si Rogue. Mukha naman talagang bangungot ang dalawang matandang 'yan!"
Ngumuso si Lola Jamod. "At least, may syota kaming cameraman."
Umirap ang mga mata ni Cassandra.
"Anong plano mo ngayon?" mahinang tanong sa akin ni Cassandra pagkuwan.
"Wala akong plano. Basta ang alam ko lang, mahal na mahal ko siya."
Lumamlam ang mga mata ni Cassandra dahil sa sinabi ko.
"N-ngayon ko lang natuklasan na mahal na mahal ko pa rin pala siya..." Humikbi ako. "H-hindi ko na siya kayang tiisin... Babawi ako sa mga kasalanan ko sa kanya..."
Lumapit sa akin si Lola Jamod at hinimas ang aking likuran. Parang gripo na sa pag-agos ngayon ang luha mula sa mga mata ko.
"But Jane, what you've done can't solve anything." Tumayo si Cassandra at lumapit sa akin. Nasa mukha niya ang pagkahabag sa akin.
"A-alam ko..." Pinunasan ko ang aking mga luha. "P-pero sa panaginip niyang ito... dito lang kami nagkasama ulit... Dito lang kami naging masaya ulit...At dito niya lang ako minamahal ulit..."
"Hija, kailangan mong ipilit sa kanya ang totoo kahit pa mahirapan at masaktan siya sa pagtanggap," ani Lola Jamod na sinusuklay ang aking buhok gamit ang kanyang mga daliri na tila mga sanga ng punong-kahoy. "Wag mo siyang hayaang tuluyang masiraan ng ulo. Pilitin mo siyang bumalik sa reyalidad. Ipadama mo sa kanya na hindi panaginip ang lahat... na hindi ka isang panaginip lang..."
"Nasaan nga pala si Durat?" tanong ni Cassandra mayamaya nang mapansing hindi namin kasama ang isang matanda.
Napapitik sa ere si Lola Jamod. "Nakow, e ang huling text niya, nasa kabaong raw siya."
"Hindi po kaya nailibing na nang buhay 'yun?"Nag-aalalang tanong ko.
"E wag kang mag-alala sa kanya, hija. Hindi naman ito ang unang beses na nangyari ito, marami na. Makakatakas din ang Lola Durat mo."
"Sandali!" Napahilamos ako ng palad sa aking mukha. "Kailangan ko nang bumalik sa suite ko. Baka magising si Rogue na wala ako, magpa-panic yun! Aalis na muna ako!" paalam ko sa dalawa.
Paalis na ako nang hulihin ni Cassandra ang palad ko. "Gusto ko lang malaman, hanggang kailan mo papaniwalain si Rogue na panaginip ka lang?"
Hindi agad ako nakasagot. "Hindi ko alam." Mapait akong ngumiti. "Pero uunti-untiin kong iparamdam sa kanya na hindi siya panaginip lang..."
"Paano si Clio? Ang anak niyo?"
Doon ako hindi nakakibo.
"Jane, kailangan niyang malaman na totoo si Clio at hindi imagination niya lang. Maawa ka roon sa bata!"
Tinanguan ko lang si Cassandra. Hindi ko pa alam kung paano ko bubuksan ang topic tungkol kay Clio kapag kausap ko na si Rogue. Para kasing too much to handle na sa side niya at baka ikabaliw na niya kapag nalaman niya ang tungkol sa anak namin.
"Wag mong patagalin, hija. Ipush mo na para isang sakitan lang lahat." Malamlam ang mga ngiti ni Lola Jamod sa akin. "Kapag lalo mong pinatagal 'yan, mas higit lang kayong masasaktan."
Napahawak ako sa aking dibdib. "Handa po akong panagutan ang lahat sa huli... Kahit ako ang higit na masaktan sa katapusan."
"I don't think it'll work." Isang lalaki ang nagsalita mula sa bumukas na pintuan.
Napangisi naman si Cassandra habang si Lola Jamod ay biglang tumulo ang laway.
Nakasuot ang dumating na lalaki ng double rider jacket na dark brown, ripped baston pants at dashing ankle boots. Naka-cross ang mga braso niya habang nakasandal sa pader.
"It's been so long since the last time... Jane." Namumungay ang asul niyang mga mata habang nakatitig sa akin.
Napakurap ako at hindi makapaniwala sa kanya. "D-Dakila..."
Anong ginagawa niya rito? Anong ginagawa rito ni Kreed Montenegro?!
....
"You've changed." bungad sa akin ni Kreed nang masolo namin ang isa't isa.
Naiirita raw kasi siya kay Lola Jamod na tila nanghuhubad ang mga tingin kaya pinalabas niya ito para kausapin ako nang solo.
Si Cassandra naman ay nag-volunteer na lumabas dahil iyon daw ang hiling sa kanya ni Kreed. Bago pa kasi pumunta si Kreed dito sa Isla Deogracia ay nagkausap na pala silang dalawa.
"The Jane I know was strong and fearless." Bumaling sa akin ang asul niyang mga mata. "And I don't see that Jane in you anymore."
Nakagat ko ang ibaba kong labi. Maliit pa ang pag-unawa ko sa mga bagay-bagay noong nasa isla ako kaya naman madali sa akin noon ang maging matapang, pero ngayong kilala ko na ang mundo, nagbago na rin ang pananaw ko.
At dahil natuto na rin akong magmahal, mas nadagdagan na ang kahinaan ko.
"What happened to you, Jane? You're now full of doubts and fears."
Tiningala ko siya. "A-anong gusto mong gawin ko, Kreed?"
"You should do what is right, Jane. You must take the risk."
"H-hindi ko kaya," garalgal na ang boses ko. "Hindi ko kayang makita si Rogue na naguguluhan at nasasaktan. Tama na iyong tiniis ko siya noon, tama na! Sobra na ang dinanas niya! Gusto ko na lang siyang ingatan ngayon! Bakit hindi niyo maintindihan iyon?!" puno ng hinanakit na sabi ko.
"Because you're hurting him too in this game that you're playing," walang emosyong sagot niya. "Jane, you're stronger than this. You are smarter than this."
"Madaling sabihin 'yan, pero mahirap gawin kung meron kang damdaming pino-protektahan. Hindi mo ako mauunawaan dahil hindi mo pa yata nararanasang magmahal!"
"Who told you na hindi pa?" Pati ang tono niya ay tila nag-iba.
Nagulat ako nang biglang ngumisi si Kreed.
"I have a family now, Jane." Hinagod niya ng mahahabang daliri sa kamay ang kanyang buhok saka nakangiting tumingin sa kawalan.
Ngayon ko lang napansin, iba na siya sa Kreed na nakilala ko noon sa isla. Hindi na siya gaanong stiff at misteryoso.
"Aside from my beautiful mom, introverted dad, stubborn older sister, and a childish grandfather, I also have my loving wife and adorable kids now."
Oo matagal ko nang alam na nasa city na si Kreed. Ilang taon na ang lumipas nang mag-viral siya sa social media matapos kumalat ang photos niya na "The Prince Charming in Ortigas". After that ay naging commercial model din siya bilang Dakila Montenegro.
Nang mga panahong iyon, ginawan ng paraan ni Kuya Lion na maitago ang lahat ng magazines at commercial ads ni Kreed kay Rogue. Tuluyan na rin namang nawala si Kreed dahil bigla na rin siyang naging inactive sa limelight. Siguro iyon ang panahon na nag-asawa na siya.
"Oh, may mga pamangkin na rin pala ako from my older sister..." Makahulugan siyang tumingin sa akin. "Saavedra babies..."
Mga pinsan ni Clio...
"Now tell me, Jane. Hindi ko pa ba alam ang nararamdaman mo? Like you, I have weaknesses too and they are my family. Kahit saglit ko pa lang silang nakakasama, mahal ko sila. I love my mom kahit wala siyang kamalay-malay na noong time na nanganak siya sa ate ko ay kinuhanan siya ng egg cells for oocyte cryopreservation. I love my dad kahit wala rin siyang kamalay-malay na may nagpreserve rin ng sperm niya. I love my parents kahit pa isang surrogate mother ang nanganak at nagpalaki sa akin. Kahit ngayon lang nila nalaman na nag-e-exist ako, mahal ko sila. At kahit siraulo iyong lolo ko na utak ng pagkabuo ko through a vitro fertilization, mahal ko rin siya."
Sunod-sunod na pumatak ang mga luha ko.
"See, Jane? I also have weaknesses at sila iyon. Sila ang kahinaan ko, but I chose to be strong because I wanted to protect them. And I want you to do the same. I want you to be strong for Rogue and your baby."
"A-ano ang dapat kong gawin, Kreed..." sumusukong tanong ko.
"Give him up to the professionals."
Nanlaki ang mga mata ko sa sinabi niya.
"I know it's hard but it's the only way to save Rogue. His mental disorder is beyond your ability to cure, Jane. There's nothing you can do for him but to give him up to the professionals, doctors who can really help him."
Tinalikuran ko siya at luhaan akong napatanaw sa salaming bintana. Tama ang lahat ng sinabi ni Kreed at hindi ko siya sasalungatin. Wala siyang ibang nasa isip kundi ang maiwasan namin ni Rogue na masaktan ang isa't isa. Ito ang praktikal na paraan para mailigtas ko si Rogue at maitama ang lahat ng maling desisiyon na aking nagawa.
"You have to give him up for now. It's the only way."
"Alam ko..." mahinang sagot ko.
"I can make arrangements any moment. I can use my connections to find the best psychiatrists for him."
Tumango muli ako sa kanya. "A-anong plano?"
"We have to take him while he's asleep." Biglang nagsalita si Cassandra sa likuran namin. "I made some calls para may makatulong tayo. Kailangan natin ng private chopper at ng perfect timing sa pagtakas kay Rogue rito sa isla."
Humugot na ng cellphone si Kreed sa kanyang bulsa at tumalikod sa amin.
"Jane, ayos ka lang?" Lumapit sa akin si Cassandra para himasin ang aking likuran.
Napapikit ako nang mariin at napabuga ng hangin sa sobrang kaba. "Kaya ko 'to, Cass. Kakayanin ko..."
"Of course, kaya mo 'to. Kung mahal mo siya, gagawin mo 'to, Jane. Tama si Lola Jamod, isang sakitan na lang lahat para matapos na."
Malungkot akong tumango. "Mahimbing pa ang tulog niya nang mga sandaling ito, sigurado ako."
"Good. Puntahan mo na siya sa suite mo at igapos mo siya. Wag mo siyang hayaang magising. Kung gusto mo, sasamahan na kita. Tutulungan kitang igapos siya."
Umiling ako. "Kapag naalimpungatan siya at makita ka niya, siguradong magpa-panic siya. Pwede ko naman siyang i-hele para mapatulog ulit kapag napamulat siya."
Ngumiti sa akin si Cassandra. "Okay. Aasikasuhin ko na lang ang pagdating ng chopper na nirequest ko kay ex-hubby."
"Tawagan mo ako after five minutes," bilin ko sa kanya.
"All set," ani Kreed nang ibaba niya na ang hawak na iPhone. "Nakausap ko ang mga ka-frat ko, marami silang nirecommend na magagaling na psychiatrist all over the world. We can consider na dalhin sa ibang bansa si Rogue."
"We now have a plan!" Ngumiti si Cassandra. "Ipapa-confine natin si Rogue hanggang sa gumaling siya."
"Pupuntahan ko na si Rogue. Tawagan nyo na lang ako." Nakayukong umalis na ako.
Pagbukas ko ng pinto palabas ay bumungad sa akin si Lola Jamod. "Pede na ba ko pumasok?" Ngiting-ngiti ang matanda. "Magpapakamot sana ako ng likod kay Kreed e."
"Sige po."
Halos magkandarapa ang matanda sa paglapit kay Kreed.
Nagtungo na ako sa elevator para sa aking misyon. Pinindot ko agad ang buton patungo sa floor ng aking suite kung saan naroon si Rogue.
Habol ko ang aking paghinga dahil sa aking kaba. Kailangan kong lakasan ang aking loob para magawa ko ito nang tama. Sana ay mapatawad ako ni Rogue dahil ito lang ang alam kong maitutulong ko sa kanya. Kailangan ko itong gawin kahit masakit sa akin.
Bumukas ang elevator at nagalakad agad ako patungo sa suite ko. Hinugot ko ang aking key card at nag-swipe ako para ma-unlock pinto. Pagpasok ko, marahan akong humakbang papasok. Maingat kong isinara ang pinto at halos lumutang ako habang humahakbang patungo sa kwarto.
Hayun siya sa aking kama at mahimbing pa rin ang tulog. Napakalalim ng kanyang paghinga habang nakahimlay ang katawan niya.
Kinuha ko ang kumot at binilot ito pahaba upang gawin tali para maigapos ko siya. Subalit lalapit pa lang ako sa kanya nang matigilan ako. Napansin ko na may luha siya sa kanyang mga mata.
Mariin akong napalunok. Gising ba siya?
Mayamaya ay umungol siya.
Binabangungot yata.
"J-Jane..." ungol muli niya.
Napahugot ako nang malalim na paghinga. Halos hindi ako makagalaw sa aking kinatatayuan habang pinagmamasdan siya sa kanyang bangungot.
"J-Jane... wag mo kong iwan ha..." sabi niya habang nakapikit.
Lumamlam ang aking mga mata habang nakamasid ako sa kanya.
"M-mahal na mahal kita... wag mo kong iwan..." bulong niya.
Nanghihina akong napaupo sa kama at muling pinagmasdan siya. Hinaplos ko ang kanayng mukha. "S-sorry..." sabi ko.
Ngumiti siya sa gitna ng kanyang pagtugon.
"P-Patawarin mo ako..." Gumaralgal ang boses ko.
Nag-vibrate ang cellphone ko at sinagot ko ang tawag nang makitang si Cassandra ito. "Hello?" bulong ko.
"Is he asleep?"
"Mahimbing..." sagot ko. "Igagapos ko lang siya, tapos tatawagan kita."
"Good. Ready na ang chopper."
"Okay. Papuntahin mo na si Kreed dito after five minutes para tulungan ako. Mabigat si Rogue."
"Got it!" Pagkasabi niya ay pinatay na niya ang linya.
Pagkatapos ay in-off ko na ang aking phone at bumaling ako kat Rogue. Ngumiti ako sa kanya bago ko siya inuga. "Rogue..."
Napadilat siya agad. "Hmmm?"
"Ako ito... si Jane."
Napabangon siya. "J-Jane..."
"Hindi kita iiwan... Bathala." May namutawing luha sa mga mata. "Hinding-hindi ako mawawala... Kaya Halika na...."
"Where are we going?" pagtataka niya.
Ngumiti ako sa kanya. "Tatakas tayo."
....
Nakusot ko agad ang aking mga mata pagdilat ko. Bumangon ako sa kama at napalingap sa paligid nang hindi ko mamataan kung nasaan si Rogue.
"Bathala?!" nag-aalalang sigaw ko.
Paglabas ko ng kwarto ay aking naamoy agad ang masarap na amoy ng pagkain. Biglang kumalam ang sikmura ko nang sundan ko kung saan nagmumula ang amoy. Nadatnan ko si Rogue sa kusina na nakaharap sa isang malaking kawali habang hinahalo ito. Napalunok ako habang nakatitig sa kanya.
Walang pang-itaas si Rogue pero nakasuot siya ng apron. At kahit naka-sideview siya, masisilip pa rin ang abs niya sa tagiliran. Boxers lang ang pang-ibaba niya at nakayapak siya.
"You're finally awake!" aniya nang mapansing nakatago ako sa pader.
"Sorry, nakatulog pala ako sa pagod." Napakamot ako.
"It's fine."
Nakatulog ako sa pagod dahil sa pagtakas namin kila Kreed at Cassandra.
Naging matagumpay ang pagtakas na ginawa namin kagabi. Bago pa man makarating si Kreed sa suite ko, nakaalis na kami ni Rogue. Sinalisihan namin sila gamit ang ready at naka-stand by na private chopper ni Rogue na nasa kabilang helipad lang ng kabilang building.
At naririto kami ngayon ni Rogue sa private villa niya rito sa Palawan. Dito kami nagtatago ngayon. Nakalock ang buong kabahayan at kami lang ang narito sa loob samantalang nasa labas lang ang mga private guards niya.
Oo, binigyan na ako ng chance ni Kreed na itama ang mga mali pero pinalampas ko iyon. At hindi ko alam kung may mukha pa akong ihaharap sa kanila pagkatapos ng ginawa kong pagtatakas kay Rogue. Alam ko na lalo ko lang pinalala ang sitwasyon dahil sa ginawa kong ito, pero sa huling pagkakataon, hindi ko kinaya na ipagkanulo si Rogue sa kanila.
Alam kong ako ang mali pero hindi ko talaga kaya. Hindi ko kayang masaktan si Rogue... Marupok na sa marupok at tanga na kung tanga, pero gusto ko munang protektahan ngayon ang puso niya higit sa kanyang isip.
"What are you staring at?" Ang ganda ng ngiti sa akin ni Rogue. "Kumain na tayo."
Ngumiti ako sa kanya at tumango.
Ang sarap sa pakiramdam na makita siyang naghahanda ng pagkain para sa akin. Pagkaupo ko sa mesa, isa-isa na niyang inilapag ang fried egg at bacon. Isinunod niya ang isang bandehado ng fried rice na may mix ng corn, potato, peas at hotdogs. Ipinagtimpla niya ako ng coffee with milk.
"Kumain ka nang marami, Jane."
Parang isang magandang panaginip habang pinagmamasdan ko siya. Para bang husband ko na siya na maasikaso sa akin at pinagsisilbihan ako. Kung parehas nga kaming nananaginip lang ay ayoko na ring magising. Dito na lang ako at gusto ko na lang siyang makasama nang ganito habang-buhay.
Sa susunod na araw ay hihilingin ko naman sa kanya na ipasundo niya si Clio at-
"The advantage here is... I don't worry about germs," sabi niya pag-upo niya sa isang upuan paharap sa akin. "This is all just a dream. Walang germs dito, right?"
Napakurap ako sa sinabi niya.
"Hindi ko kailangang mag-spray ng aclohol or magsuot ng face mask at gloves." Mahina siyang napahalakhak. "Panaginip lang naman ito kaya walang germs dito."
"Ah, oo..." Napayuko ako.
Hinuli niya ang kamay ko. "What are our plans?"
"Ikaw?"
"Pwede tayong pumunta kahit saan. Pwede nating libutin ang buong mundo. Malayo tayong gawin ang lahat, Jane. Sa panaginip na 'to, tayong dalawa lang ang totoo."
Lumamlam ang mga mata ko habang nakatitig sa mga mata niya. "Handa akong sumama sa 'yo kahit saan mo gusto."
Ngumiti siya sa akin pagkatapos pumatak ang isa niyang luha.
"At bakit umiiyak ka na naman, hmm?" Pinandilatan ko siya.
"It's just... I'm so thankful to you."
Lumapit ako sa kanya at pinunasan ang kanyang luha. "Hanggang kailan natin tatakasan ang bangungot?" muntik na akong pumiyok dahil sa paninikip ng dibdib ko.
"Forever," maiksing tugon niya.
"Paano kung ang bangungot na yun ang nagsasabi sa atin ng katotohanan?" Napalunok ako. "Katotohanan na tinatakasan natin."
Umismid siya. "I don't want the truth."
"Pero..."
"Listen, Jane, this is the best dream ever, okay? And if we have to escape forever for us to stay in this dream, then we'll do it." Hinawi niya ang hibla ng buhok ko. "You'll be my Bonnie and I'll be your Clyde."
Mapait akong ngumiti sa kanya. Hindi ko man kayang ipilit sabihin sa kanya na totoo ang lahat ng ito pero gagawin ko ang lahat para iparamdam iyon sa kanya.
Hinaplos niya ang aking pisngi at tumitig sa aking labi. Nanigas ang aking leeg nang maramdaman kong gusto niya akong halikan.
"Jane..." Mainit at mabango ang hininga niya na tumatama sa aking mukha.
"Bathala..."
Ilang taon na ba ang lumipas nang huli niya akong halikan? Nasa Isla Potanes pa kami noon... at miss na miss ko na siya... Hindi ako makapaniwalang mararamdaman ko na ulit ang mga labi niya...
"Jane, mahal na mahal kita..."
Damang-dama ko ang kaba niya dahil sa pintig ng kanyang dibdib. Bigla ring nanlamig ang mga daliri niya na humihimas sa aking pisngi.
Nang malapit na ang kanyang mukha sa akin mukha ay pumikit ako. Inihanda ko na ang sarili ko sa matamis niyang halik. Wala pa man ay nalulunod na ako sa saya at pananabik.
Pero bago pa man lumapat ang labi niya sa labi ko ay biglang tumunog ang doorbell. Sabay kaming umiwas ng tingin at napalayo sa isa't isa.
"A-ako na..." ani ko at tinakbo ang pintuan.
Hindi ko alam kung sino ang dumating dahil pinagbawalan ni Rogue ang lahat ng guwardiya sa labas ng mansiyon na bawal magpapasok ng kahit sinong bisita hanggang front door.
Binuksan ko ang pinto at doon sumalubong sa akin ang isang maganda at sopistikadang babae. Walang kangiti-ngiti ang kanyang mga labi habang nakatitig sa akin ang kulay berde niyang mga mata. Hindi ako maaaring magkamali, siya ang mommy ni Rogue. Siya si Rosenda Castillo-Saavedra!
"What did you do to my son?!" sigaw niya at pagkatapos sinampal niya ako nang malakas na halos ikawala ko ng ulirat.
JF
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top