Episode 1
Nasa waiting area si Ice sa tapat ng clinic ni Doc Navarros. Kasama nya ang ama na syang ipapacheck up nya. Nadatnan nya kasi ito sa labas ng bahay nila. Pawisan, nakangiwi ang mukha at halos hindi makalakad. Ilang linggo na pala nitong iniinda ang sumasakit na likod. Sila na ang susunod sa pila at hinihintay na lang nya ang pagtawag ng secretary. Nagulat na lang sya ng biglang pumasok ang isang babaeng naka red cap, black shades at mask sa loob ng clinic ng doctor. Mga sampung minuto na din ang nakalilipas ay hindi pa din ito lumalabas.
"Ano ba yan? Naiihi na ako eh! Ang hirap naman ng may mga sumisingit oh. Bad trip!" Maliban sa tinatawag ng kalikasan ay nagugutom na din sya. Eleven o'clock na kasi. Alas nuwebe ng umaga naroroon na sila.
"Mr. Ricardo Olivarez," tawag ni miss Debs, ang sekretarya.
"Haay salamat naman," pabulong nyang wika
Kababalik lang ni Lara galing sa isang medical mission. Mga isang linggo din sila naglagi sa Mindanao bago sya nakauwi sa bayan. Namimiss na nya ang ama kaya dali-dali syang pumunta sa clinic nito para kamustahin. Ampon man pero di sya tinuring na iba ng nakagisnan nyang mga magulang at kapatid. Kaya ganoon na lang din ang pagmamahal at respeto nya sa mga ito.
"Dadddy!" Sabay yakap dito ng mahigpit.
"Sino ka? Miss Debs, pakipalabas nga ang babaeng ito, please…” Pabirong banat ni Doc Navarros habang inaalis ang mga kamay nya.
"Dad naman eh, sige na nga aalis na lang ako." Pero sa halip na umalis ay sumandal sya sa dingding malapit sa may bintana.
"Bakit ba kasi ganyan attire mo? Balot na balot ka. Ayaw mo ba makita ng iba ang kagandahan mo?" tanong nito.
"Dad, alam mo naman na may mga iniiwasan ako"
"Ayaw mo pa din ba ientertain sila?"
Sasagot na sana si Lara nang biglang magsalita ang sekretarya ng ama.
"Doc, si Mr. Olivarez po." Singit ni Miss Debs. Pinapasok nito ang isang matandang lalaki at isang binatilyo.
"Musta na, Kardo?" Nakangiting bati ng doktor sa matanda. "Ice, ikaw na ba yan?" Baling naman nito sa binatilyo na animo'y sinusuri nya.
"Opo, Doc," sagot ng tinawag na Ice.
"Ano bang drama ninyong mga kabataan ngaun. Ano namang tinatago mo? Ito kasing si Lara.."
"Excuse me po. Mauna na po ako. Dad, see you na lang po sa bahay." Pinutol na ni Lara kung anuman ang gustong sabihin ng ama. Ayaw nya na pag-usapan yun. Niyakap nya ito bago umalis.
Tinitigan sya ng babae bago ito umalis. Narinig pa nya ang simpleng pagtawa nito na parang nanunudyo.
"Sorry ha. Naku, yang anak ko kasi ayaw magpakita sa mga nanliligaw sa kanya dito sa hospital kaya ganun ang attire." May paghingi ng paumanhing saad ng doctor.
"Gaano ba iyon kaganda at kelangan pa magtago? Saka parang tangang patawa-tawa pa. Siraulo ata yun eh!," ingos nya.
" Eh ikaw Ice, ano namang itinatago mo sa ganyang attire mo?" tanong ng doctor sa kanya. Saglit na napaisip si Ice. Doon lang nya narealize na pareho pala sila ng attire ng babae. Red cap, black shades at mask.
"Kaya naman pala natatawa yun! Ano to, sasayaw ba kami at pareho pa kami ng getup? Pambihira!” Tinanggal nya ang cap na suot bago nagsalita bilang paggalang sa doktor.
"Sorry po Doc. May malaking kuliti po kasi yung mata ko." Bahagya pa syang lumapit sa doctor upang ipakita ang kanan nyang mata na parang may butlig.
"Napuwing ka siguro dun sa may construction ano? Ganyan nga ang mangyayari kung hindi mo natanggal kung anumang particle pumasok dyan.” Pagpapaliwanag nito.
Pagkatapos sya tanguan ay tumayo na ang doktor para eeksamin ang tatay nya.
"Ayon dito sa mga laboratories ay medyo mataas na ang sugar ng tatay mo at meron syang kidney stone. Iyon marahil ang dahilan kung bakit sumasakit ang likod nya. Kailangan din bantayan ang mga kinakain dahil meron na din syang high blood. Maipapayo ko din na sana makapagpahinga si Tatay kahit ilang mga araw dahil overworked na din siguro.”Payo ng doctor habang salitan silang tinitingnan na mag-ama. “Wag na kau magbayad ah. Yung ibang gamot, kunin mo na lang din kay Ms Debs."
"Salamat po Doc ah. Ambait nyo po samin palagi ni Tatay." wika nya.
Hinaplos lang ng butihing doktor ang kanyang ulo. Hindi na iba sa kanila si Doc Navarros dahil ito din ang company doctor nila. Lagi itong sumasalo sa kanila sa tanghalian kapag pumapasyal ito sa site. Minsan nga inaabutan pa sya nito ng pera. Ganoon kalapit ito sa kanilang mag-ama.
"Nga pala Iho, san ka ba nag-aaral?" Pahabol na tanong nito.
"Sa GIS po,” sagot naman nya.
"Tamang tama pala. Nag-apply na school nurse dun ang anak ko eh, yung kaninang andito. Sabi ko nga dito na lang sya sa hospital magtrabaho. Subukan muna daw nya sa ibang field. Bantayan mo ah. Mabait yun. Magkakasundo kau."
"Yung babaeng yun kanina? Mabait? Saka bakit kelangan pang bantayan?"
As if narinig ni Doc ang tanong nya, nagsalita ulit ito. "Baka kasi madami na namang maattract na manliligaw."
"Sige po Doc," Kaswal na sagot nya. Ayaw nya naman mangako if hindi nya gagawin.
"Di ka naman mabiro, Iho. Joke lang yun." Hinaplos pa nito ang buhok nya.
Simpleng ngiti lang ang isinukli nya sa doktor bago sila umalis ng tatay nya. Hindi nya kasi masakyan ang joke ni Doc ngaun. Gutom at naiihi lang siguro ako ngaun. Pero, gaano nga kaya kaganda yung babaeng yun? Nagtatago sa MGA MANLILIGAW. E di sya na ang maganda!
Paglabas nila ng hospital ay dumiretso na sila sa may sakayan ng tricyle. Nakita nya ang babaeng tinutukoy ni Doc Navarros na anak nito. Pinagmasdan nyang mabuti ang babae na balot na balot. Nakaupo ito sa waiting bench. Wala pa din sigurong dumaraang tricycle kahit kanina pa ito umalis sa hospital. Tanghalian na kasi at marahil ay nagsisikain na ang mga drivers. Nilapitan ito ni Tatay Kardo.
“Iha, ikaw yung anak ni Doc Navarros di ba? Sabay na tayo umuwi. Pareho lang naman ang way natin eh,” turan ni Tatay Kardo.
Sinuri muna nito ang tatay nya bago sumagot. “Ay, sige po Tatay. Taga Talisay din po kau?”
“Oo, anak.” Pagsang-ayon ng tatay nya.
Pinagmasdan lang ng maigi ni Ice ang babae habang naghihintay sila ng masasakyan. Hindi nya pa din maaninag ng maaus ang mukha nito dahil nga sa outfit nito. Bukod sa mga accessories nito na suot-suot ay nakalong-sleeve din ito at pants. Nacurious kasi sya sa sinabi ni Doc na maganda daw ito. May pinapara na syang tricycle para sana sa kanilang tatlo ng magpaalam ito.
“Ay Tay! May dadaanan pa po pala ako sa ibang lugar. Sige po.”
“Iha, dito na tric….”
Bigla itong nagpaalam at dali-daling umalis. Palinga-linga ito bago patakbong lumipat ng kalsada.
“Bakit tumakbo yun, Ice?” tanong ni Tatay Kardo sa kanya.
“Ewan ko din po Tay.”Kahit naman sya ay naguluhan din. Pupusta talaga ako na may saltik yun sa ulo. Hindi siguro manliligaw ang iniiwasan nun. Baka may utang yun o baka naman may ginawang krimen. Dangerous woman.
Sakto naman kasi na pagkatapos nito umalis ay merong dalawang pulis na tumakbo din sa direction na tinungo nito.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top