A One-shot Story
Sa ikatlong pagkakataon ay muling napabuntong-hininga si Camille. Pabalik-balik ang kaniyang tingin mula sa kaniyang cellphone at sa madilim na kalye ng Commonwealth. Tanging huni lamang ng mga insekto sa kalapit na streetlight ang naririnig niya. Hindi rin marami ang dumadaang sasakyan sa kalyeng ito, at kung meron man ay doon lamang siya nakakahinga nang maluwag.
Mag-aalas kuwatro na ng umaga at wala pa rin ang kaniyang mga kasama. Magkakalahating oras na rin siyang naghihintay sa mga ito. Sabi raw nila ay sampung minuto na lamang at dadating na sila, ngunit bente minutos na ang nakalipas, wala pa rin kahit ni anino.
Biglang tumunog ang kaniyang messenger. Mabilis na napatingin si Camille rito at binasa ang mensahe.
Nandito na kami sa waiting shed. Nasaan ka? You told us nasa 3rd waiting shed ka. Eh, we’re here na.
Nanlaki ang kaniyang mga mata. Napakurap-kurap. Nagbabasakaling namamalikmata lamang siya, ngunit hindi.
Magtitipa na sana siya ng tugon nang may nahagilap ang kaniyang mga mata.
Unti-unti niyang iniangat ang kaniyang tingin sa kaniyang harapan at nakita ang babaeng nakabestidang itim at may makapal na belo sa ulo.
Hindi niya magawang makapagsalita nang mapadapo ang kaniyang tingin sa hawak nito.
Kutsilyo.
Hindi pa nakakarehistro sa kaniyang utak ang pangyayari nang itaas nito ang kutsilyong hawak at tumakbo papunta sa kaniya. Tila nawalan ng lakas ang kaniyang buong katawan at napalumpasay na lamang siya sa semento. Sa gulat ay hindi na siya nakatakbo pa at ang tanging nagawa niya na lamang ay ang sumigaw sa takot habang nakatakip ang mga palad sa kaniyang mukha.
Hindi pa man umabot ng isang minuto ay malakas na tawa na ang narinig niya. Tawa ng isang babaeng sobrang pamilyar na kahit amoy lamang ng utot nito ay makikilala niya.
Unti-unti niyang kinuha ang nakatabon niyang kamay sa mukha at tiningala ang babaeng nakabestidang itim na ngayon ay nakahawak sa tiyan nito at hindi magkandaugaga sa pagtawa. Napatingin siya sa pekeng kutsilyo na hawak nito bago napabuntong-hininga sa ikapaat na pagkakataon.
Mga buwesit.
Isang van ang huminto sa tabi. Mga hiyawan at tawa agad ang mga narinig niya sa kasamahan habang papalabas ang mga ito.
“Nakakatawa kayo, ‘no?” Mabilis siyang napatayo at pinagpagan ang damit. Tinignan niya nang matalim ang mga kaklase na may mga hawak na tripod at DSLR cameras na nakatapat pa sa kaniya. “Wow. I’m impressed.”
Tawanan ulit. Halaklakan.
“Ang pangit n’yo namang ka-bonding, hindi ba, Cams?” usal ni Jenalyn ngunit pinipigilan ang pagtawa.
“When I sent a message in our group chat, nakita ko talaga ‘yong reaction niya.” Umikot ang mga mata ni Jamie Ann. “C’mon, Camille, you’re such a chicken. There’s no such thing as supernatural. Duh.”
“G’rabe, Camy!” Napatingin naman siya sa kaniyang matalik na kaibigan na nasa kaniyang harapn pa rin. Hindi pa rin ito tumitigil sa pagtawa. “Parang iniwanan ka ng dugo mo kanina! Wait, nakuhanan n’yo ba lahat?!”
“Aba, s’yempre. Dagdag natin ‘to sa film. Lagay natin after ng ending. ‘Yong parang blooper pero hindi. Para naman may pagtatawanan sila.” Nakangising kumindat si Kent sa kaniya habang hawak-hawak pa rin ang camerang nakasabit sa leeg.
“Ang ganda ng reaksyon mo rito, oh,” kantyaw ni Mark habang nakatingin rin sa hawak na camera.
“Ibang-iba talaga ang totong Camille kaysa sa sa karakter niya sa film,” usal ng scriptwriter nilang si Jade. Agad itong nag-peace sign.
“Shit. I really can’t move on. Ang ganda ng reaksyon mo, Camy!” tawa ulit ng matalik niyang kaibigan at hinampas pa siya sa braso.
“Tingin nga rito, Cams.” Itinapat ni Jason ‘yong camera sa kaniya. Hindi pa siya nakakapagsalita nang mag-flash na agad ‘yong camera. Napangiti agad ito nang tinignan ang nakuha. “You look fine now.”
Magsasalita na sana siya nang may biglang lumabas sa kanilang sasakyan.
“Tapos na ba?”
Natahimik ang lahat. Kahit si Camille ay napatigil.
“Ano? Tara na?”
Nagtagpo ang tingin nila.
“I’m sorry if sinama ko si kuya. Sasakyan kasi niya at kabigan niya ‘yong may alam ng pwede nating rentahan na haunted mansion,” rinig niyang bulong ni Lacy. Gusto niyang lingahin ang matalik na kaibigan, ngunit hindi maalis ang tingin niya sa kuya nito.
“Ehem, magtititigan na lang ba tayo rito, guys?”
“Muling ibalik ang tamis ng pag-ibig,” kanta ni Kurt.
Muling nagtawanan ang lahat.
“Ulol!” sigaw ni Kent at binatukan ito. “Tara na, guys! Keep it up! Mahigit tatlong oras ang byahe natin patungong Batangas kaya dapat double time!”
“Double time mo mukha mo,” kantyaw ni Nicole. “Eh, bakit naisipan n’yo pang i-prank ‘tong si Camille? Pasalamat talaga kayo at wala ‘yang sakit sa puso!”
“Ay, humilom na ba ang sugat, Camille?” gatong pa ni Mark. Pinandilatan ito ng mga mata ni Leah kaya napaiwas ito ng tingin. “'Di joke lang.”
Minsan, hindi niya maintindihan kung bakit may mga taong sobrang insensitive. ‘Yong akala nila na ayos lang iyon dahil idinadaan naman sa isang biro, ngunit hindi man lang nila iniisip kung ano ba ang magiging-epekto nito sa gagawan nila ng kalokohan.
Bago pa man siya makapasok sa sasakyan, naramdaman niya ang yakap ni Lacy mula sa likuran. “I’m sorry. And I love you. Don’t worry, hindi na mauulit. This will be the last time.”
Napa-iling na lamang siya at napangiti. Sa huli, ito lang talaga palagi ang nakakapaghilom ng sakit. ‘Yong yakap.
“I love you, too.”
-
Nagising na lamang si Camille sa tunog ng kaniyang cellphone at pinatay ito nang makita ang caller ID. Wala na lahat ng mga kasamahan niya sa loob ng sasakyan. Nakarating na pala sila at wala man lang may nag-atubiling gisingin siya.
Mabilis siyang lumabas at naramdaman ang sinag ng araw. Napatingin siya sa paligid at napa-inat. Puno ng mga halaman ang bawat sulok at napakataas ng pader. Malayo rin ang gate mula sa malaki at lumang mansyong nasa harapan niya.
“Camy!”
Napatingin siya sa malaking pintuan kung saan naroon ang kaibigan.
“Tawag na pala sa phone ang paraan mo para gisingin ako?” Mabilis niyang sinara ang pinto ng van at nilapitan ito.
“Bukas daw tayo magfi-film. For now, we will just prepare everything, Camy. Kailangan nating libutin ang bawat sulok and look for a spot kung saan nagre-resonate sa setting ng story. Mura lang ang renta natin rito, sakto sa budget. And ang bilin lang ng matandang may ari is h’wag pupunta sa fourth floor sa bandang dulo. Delikado kasi ro’n, may part kasi na hindi na masyadong matibay. For safety lang daw,” mabilis na usal nito. Ito rin ang nagustuhan niya sa kaibigan, kapag kasi trabaho, trabaho lang.
“Okay, no to fourth floor.” Napalibot ang tingin niya. “So, nasaan na sila?”
Napangisi ito. “4th floor.”
-
Hindi alam ni Camille kung bakit hindi nawala ‘yong kaba niya simula no’ng umakyat sila ng 4th floor. Wala namang weak parts. Sobrang linis at makikitang sobrang tibay ng bahay. Hindi na nila masyadong tinignan pa dahil nga baka biglang bumalik ang may ari.
Pagkatapos nilang libutin nang ilang oras ang paligid ay inabot na sila ng gabi at kumain na lamang ng panghapunan.
Sa ngayon naka-upo sila sa gitna nang malawak na hallway ng first floor.
“We already know what parts of this house is necessary for the filming, napadali rin since we have the blueprints, so kaya na natin ‘to bukas. Na-set up naman ang lahat kaya wala ng problema,” pag-aanunsyo ni Kent na sinang-ayunan ng lahat. “Teka, nasaan sina Jenalyn at Jamie?”
“Narinig ko, iihi raw sila?”
Napatingin ang lahat kay Kurt habang pinupunasan ang mirrorless camera.
“Hindi ako nagbibiro!”
“Dapat ‘wag tayong lumayo sa isa’t isa. Matulog na lang tayo sa iisang kuwarto. I mean, iba s’yempre ‘yong kuwarto naming girls!” sabat ni Nicole pagkatapos nito i-set ang kaniyang phone gamit ang isang mahabang tripod. Med’yo ilang metro ang layo nito para makunan silang lahat.
“Wala namang dapat katakutan—”
“GUYS!”
Napatingin ang lahat sa may hagdan. Tila huminto ang puso ni Camille nang may nakita siyang kasama ng dalawa niyang kaklase.
“Shit. Ang ganda niya,” bulong ni Mark.
“Manyak ‘yong may ari nito!” bungad ni Jamie. “If we didn’t go to the fourth floor to check if what he was trying to hide from us, we will never know he was keeping her inside for years!”
“She's her granddaughter. Ka-edad lang natin siya. She’s in her 20s. She was tortured. Don’t we need to report this to the police?” may pagkabahalang tanong ni Jenanlyn.
“Hindi,”
Napatingin silang lahat sa nagsalita.
“Why not, Kuya?!”
“Oo nga, p’re. She deserves justice.”
“I agree to them. We need to ask help to the police,” dagdag ni Leah.
Tinitigan nang mabuti ni Camille ang babae. Nakabestida. Maraming dugo ang nakakalat sa damit. Pero napakaamo at napakaganda niya.
“Tama.” Napatingin kay Cams ang lahat. “Tama si Luke.”
Agad na napatakbo si Jade sa tabi ni Camille at tumango rin. “Didn’t you notice the blood around her dress wasn’t hers at all?”
Pagkarinig nilang lahat niyon ay unti-unting ngumiti nang malapad ang babae at doon nila nakita kung paano humaba ang mga ngipin nito. Matalim at maitim. Naghiyawan ang lahat. Magsisitakbuhan na sana sila nang marinig nila ang pagkanta nito. Boses na kayang suyupin ang buong lakas nila.
Ngunit bago pa man marinig iyon ni Camille ay naramdaman niya na ang isang headphone sa kaniya taenga. Sobrang lakas ng musika na hindi niya alam kung ano ang sinasabi ng lalaking nasa kaniyang harapan. Pero napangiti ito at hinalikan ang kaniyang noo. Luke.
Isang kamay naman ang humablot sa kaniya upang tumakbo papuntang main door.
“Shit. It’s locked!”
“Jason,” usal niya.
Napatingin siya sa babaeng nasa ibabaw ng kaklase niyang si Jamie na ngayon ay wala nang buhay at ratrat na ang tiyan. Wala na ring buhay sina Jenalyn at Kurt na wala nang lamang-loob. Dumapo naman ang paningin niya sa ibang mga kaklaseng gumagapang sa sahig. At napatingin siya sa kaniyang matalik na kaibigan at kay Luke na hinang-hina sa isang tabi. Hindi na masyadong makamulat pa si Lacy habang yakap-yakap ng kuya nito.
“LACY!” sigaw ni Camille.
Napatingin sa kaniya ang babae. Natatakot man siya dahil ulo lang nito ang umikot para tignan siya ay hindi siya nagpatinag. Patuloy pa rin ito sa pagkanta.
Tinignan niya isa-isa ang mga kaklase. Naalala niya bigla ‘yong prank nila bago sila pumunta rito. Narinig niya ulit iyong mga tawanan.
Naramdaman ni Camille na humigpit ang pagkakahawak ni Jason sa kaniyang kamay.
“Pumunta tayo rito nang sabay—nang buo, kaya dapat…” Huminga siya nang malalim, kahit hindi niya naririnig ang kaniyang boses dahil sa lakas ng musika na nasa kaniyang taenga, alam niyang naririnig siya ng mga kasama. “Kung walang may makakaalis, hindi rin tayo aalis.”
Kitang-kita niya ang pag-iling ni Luke. Alam niyang may ideya na ito sa mangyayari, dahil sa paraan nang pagkilos nito kanina ay parang alam nito ang tungkol sa babaeng halimaw.
Hindi gumalaw si Camille. Wala rin naman silang tatakbuhan at hinding-hindi sila makakatakas pa. Kung nakinig lang sana ‘yong mga kaklase niya, kung hindi sana nila pinakawakan ‘yong babae sa kulungan nito, hinding-hindi ito mangyayari.
Ngumisi ang babae sa kanila at ipinakita kung paano nito bunutin ang ulo ni Mark at sipsipin ang mata nito. Iyak at ungol na lamang ang maririnig sa paligid at ang nakakatakot na halakhak ng babae.
Kasabay nang pagpahid nito sa kaniyang bibig ay ang pagtayo nito papunta sa direksiyon nina Camille.
Naalala niya na tila kapareho ito ng “kill the beast, before the beast kills you” na konsepto ng kanilang film. Ngunit sa situwasyon nila ngayon, wala silang paraan para patayin ang beast na ‘to. Tanging isang bagay lang ngayon ang alam niya.
Napatingin si Camille kay Jason at kasabay niyon ay ang pagkuha nilang dalawa ng kanilang headphones.
“Wala na siyang may mabibiktima pa pagkatapos nito,” usal ni Camille.
Nang marinig nila ang boses ng babae ay unti-unti nilang naramdaman ang panghihina ng kanilang mga tuhod at sabay na napalumpasay sa sahig.
“Tama ‘yan, Camille.” Huminga nang malalim si Jason at napatingin sa cellphone ni Nicole. Napatawa pa ito nang mahina. “Thanks to Nicole who made it on live.”
“Nakikita nila tayo ngayon,” bulong ni Camille.
“Yes, people on social media are currently watching us.” Naramdaman niya na lamang ang pagyakap sa kaniya ni Jason. “You look fine now.”
-
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top