Fourth Day's Depression
Kapag ba ramdam kong wala na, ilalaban ko pa ba?
Sabi ko, bigyan mo 'ko ng time—kahit kaunting time lang para bitiwan ka. Five days lang na kasama ka bago ka lumaya.
Alam ko namang mabait ka. Pinagbigyan mo pa nga ako. Five days lang, e. Ano lang ba ang limang araw sa mga susunod pang wala na ako?
Posible ba 'yon?
O baka posible nga.
Na gigising ka isang araw . . . parang ibang tao na ang nasa harap mo?
Kasi nagising ako isang araw . . . na kahit nakikita kita, kahit kaharap na kita . . . parang hindi na kita kilala.
Magkasama tayo, pero parang hindi na ikaw ang Carmiline na nakilala ko.
Nakangiti ka pero hindi ko matandaang ngumiti ka nang ganoon katamis mula noong nagkasama tayo. May kung ano sa ngiti mo na iba ang tuwa—pero ayokong isipin na nakangiti ka dahil maghihiwalay na tayong dalawa.
Pinayagan mo 'kong hawakan ang kamay mo sa huling pagkakataon. Hindi na 'yon kasinghigpit nang dati. Hindi na 'yon kasinlambing gaya ng dati mong hawak. Wala na ang pangungulit ng hinlalaki mo kapag natutuwa ka. Hawak kita pero ang layo mo. Hawak lang kita sa kamay . . . at hanggang doon na lang 'yon.
Dati, kapag may gusto kang kainin, wala pa man, sinasabi mo na ang gusto mo. Ngayong kasama kita, hindi ako sanay na sinasagot mo ako ng "Kahit ano."
Posible pala 'yon. Na kahit kalahati ng buhay ko, kasama kita, biglang isang araw, magigising na lang ako na hindi na kita kilala. Na nagbago ka na.
Gusto kong sukatin kung hanggang saan ba ang pagmamahal ko sa 'yo. Kaya pa bang ilaban? Ilang araw lang mula noong simulan mo 'kong pagbigyan.
Five days, tinatanong ko, kaya pa ba?
May chance pa ba?
Nag-breakfast tayo, pero parang walang lasa ang pagkain.
Nag-lunch tayo, pero hindi ako nabusog.
Nag-dinner tayo, na ramdam ko nang huli na.
Posible pala 'yon . . . na kayang iparamdam ng isang tao na mag-isa ka lang kahit kasama mo naman siya.
Noong huling gabi ng usapan natin, nandoon lang tayo sa bahay. Ang sama ng loob ko kasi huli na. Sinabihan kita . . .
"Kung galit ka, magalit ka. Sumigaw ka. Umiyak ka. Tatanggapin ko lahat!"
Pero tahimik ka lang.
Hindi ka nagalit.
Hindi ka sumigaw.
Hindi ka umiyak.
Nag-iingay na naman ang katabi nating unit na ilang beses mo nang inireklamong parang walang maiistorbong kapitbahay.
"Lagi mong inaalala ang para lamang sa 'yo
Walang iba kundi ikaw at kailan ma'y walang kayo . . ."
Tahimik ka lang . . .
"Mapalad ka kung hihingan mo ng tawad ay nagagalit
Ika'y sasaktan at sumisigaw ng salitang pumupunit
Kaysa pilit mong kausapin ang di na sasagot
Akapin man nang mahigpit ay di mo na maabot . . ."
Nakatitig ako sa 'yo, pero wala na.
Alam kong tapos na.
Wala na ang babaeng may-ari ng upuang inuupuan mo.
Wala na ang babaeng may-ari ng puwesto sa kama na laging katabi ko.
Kaharap lang kita, pero wala ka na.
"I'm sorry, Eugene."
Wala na.
♥♥♥
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top