Fifth Day's Acceptance
Noong huling araw nating magkasama, parang bumalik ka sa umpisa.
Kung paano mo ako ngitian noon . . .
Kung paano mo ako kausapin . . .
Kung paano ka maging masaya kasama ako.
Huling araw.
"Nice! Good-looking tayo ngayon, a!"
Ang saya mo.
Birthday ko.
At huling araw na magkakasama tayo.
Alas-diyes ng umaga, pero pagod na agad ako mula pa lang paggising. Bumangon akong mag-isa, naghanda kasi alam kong maaga kang pupunta.
Sabi mo, gusto mong mag-museum. Alas-siyete ng umaga, nasa park na 'ko kahit alas-diyes pa ang usapan. Tatlong oras, hinayaan kong lumipas na nandoon lang ako nakaupo sa may bench, malapit sa mga halaman.
Sobrang halaga sa akin ng oras, pero sinayang ko ang tatlong oras ko sa pagtulala.
Sabi ko sa chat, nandoon lang ako sa puwesto ko sa tapat ng museum. Hindi ako aalis doon hangga't wala ka.
Ang daming tao pero ikaw lang ang gusto kong makita. Ang bigat ng pakiramdam ko, para akong lalagnatin.
Nagbibilang ako ng oras kasi pagkatapos ng araw na 'to, tapos na rin ang lahat.
"Ang traffic!" reklamo mo noong nakita kitang papalapit.
Ang ganda mo pa rin sa floral dress. Alam kong nagsuot ka ng maganda kasi bago sa mata ko ang suot mo. Hindi ko pa kasi 'yon nakikita noon—o baka hindi ko lang siguro napansin na naisuot mo nang minsan.
"Ang lungkot mo naman!" biro mo, pero para sa akin, totoo 'yon.
Malungkot ako.
Ang saya mo.
Hinawakan mo ang braso ko, tahimik ako nang mamasyal tayo, nagsimula kang magkuwento.
"Bukas ng tanghali ang flight ko. Ihahatid ako ng assistant ni Mima sa airport. Baka raw sumunod sila sa akin bukas para magbakasyon nang ilang araw."
Tumatango lang ako sa kuwento mo. Sa ilang araw kong pagpigil sa 'yo, mukhang hindi ka naman na makikinig kahit pa magsabi ulit ako na ayoko.
Ang ganda ng araw pero parang umuulan.
Kumain tayo ng lunch—panibagong lunch na wala na namang lasa ang pagkain.
Nakailang kuha ka ng pictures nating dalawa. Hindi ako makangiti. Ang hirap ngumiti kasi alam kong bukas, hindi na kita makikita.
After lunch, pumunta tayo sa Complex kasi may indie fest.
Doon sa may entrance, namili pa tayo ng movie. Gusto ko sana yung action. Alam mo naman 'yon, e. Kaya nga 'yon din ang pinili mo.
Ang kaso . . . next Thursday pa raw ang next screening. Namili na naman tayo ng pinakamalapit sa two o'clock. Doon pa tayo napadpad sa drama.
Ayoko ng drama.
Ayoko ng drama.
Nasa loob lang tayo, nakaupo sa marble bench, yakap mo ang braso ko, naghihintay na bumukas ang gate ng cinema.
Huling beses na sigurong manonood tayo ng movie na magkasama.
"Don't be sad, ano ka ba?" Pabiro mo pang tinapik ang braso ko at hinintay na magbukas ang malaking pinto.
Hawak kita sa kamay, pero ramdam kong sa ating dalawa, baka ako na ang unang bibitiw.
Pagpasok natin sa loob, ang dami pa ring tao kahit hindi ganoon karami gaya sa mga mall.
Wala tayong alam sa panonoorin. Basta ang alam lang natin, matatanda na ang mga bida. Drama, hindi ako mahilig sa ganito. Inaantok ako.
Noong nagsimula ang movie, tahimik lang ako. Pero habang tumatagal, may nare-realize ako sa napapanood ko.
Kasal si Tere kay Bene, pero iniwan niya. Siguro kasi hindi siya makaramdam na may pinatutunguhan ang buhay niya sa asawa niya.
Hindi kasal sina Tere at Celso, pero kitang-kita kung gaano sila kasaya sa bahay nila bilang mag-asawa kahit hindi legal na nagsasama.
Ang sabi ni Celso kay Tere, "Sana bukas paggising mo, mahal mo pa rin ako . . ."
Nangingilabot ako habang nakatingin sa malaking screen. Matanda na si Celso. Baka nga kaedad na siya ng daddy ko. Baka kaedad nga lang din o mas matanda pa ang daddy mo.
Isipin mo, sa ganoong edad nila, sinasabi pa rin nila 'yon.
Gusto ko sanang sabihin din sa 'yo ang mga salitang 'yon kaso nagising ka na palang hindi mo na ako mahal.
Noong tumingin si Tere sa sabon niya habang naliligo, may buhok doon at katakut-takot na sermon ang inabot ni Celso sa kanya. Pinagalitan pa niya, hindi man lang kasi binanlawan. Tinawanan nga lang siya ni Celso habang inuutusan niyang alisin ang buhok doon sa sabon.
Sabon lang 'yon. Maliit na bagay kung tutuusin.
Pero noong nalaman niyang nagkasakit si Bene at bumalik siya sa dating bahay nila para alagaan ang dati niyang asawa . . . may buhok din sa sabon, hindi ganoon kalinis, hindi man lang binanlawan. Unhygienic kung tutuusin. Pero hinayaan lang ni Tere. Hindi siya nagreklamo, hindi niya masigawan ang dating asawa niya hindi gaya ng sermon niya kay Celso.
Bigla kong naisip . . . malaya ka sigurong maging ikaw sa taong tanggap ka at mahal kang talaga. Dahil hindi mo puwedeng utusan ang isang tao na gawin ang gusto mo kung alam mo sa sarili mong wala ka nang karapatan para pagsabihan pa siya.
Umaandar ang movie, marami nang nag-iiyakan. Pero ikaw? Natatawa ka pa. Binubulong mo pa sa akin . . . meant to be talagang dito tayo napunta.
Noong nasa kama si Bene at sila lang ang naiwan ni Tere, umamin na siya. Sa mismong eksenang 'yon, binitiwan na kita.
"Gusto kong tawagan ka, ipaalam sa iyo na mamamatay na ako. Gusto kong marinig ang galit mo sa 'kin, na hindi ko narinig noong iwan kita. Pero bumalik ka para alalayan ako. Kaya naiisip ko na . . . mahal mo pa rin ako."
"Nang sabihin mo sa 'kin na nagising ka na hindi mo na ako mahal, hindi ko iyon naintindihan. Na puwedeng mamatay ang pag-ibig sa isang pagpikit at pagdilat. Dalawampu't anim na taon, Bene, ni hindi ako humingi sa 'yo ng eksplenasyon . . . hindi dahil sa hindi na kita mahal. Wala naman akong hinangad kundi maging masaya. At kung magiging masaya ka sa pag-alis ko, bakit hindi? Hindi ako galit sa 'yo. Hindi dahil mahal kita kaya ako nandito ngayon. Kaya kitang harapin dahil hindi na kita mahal. Nagising din naman ako . . . na hindi na kita mahal. Kaya lang, ang masakit, hindi lang tayo nagkasabay."
Naisip ko tuloy, hindi pala lahat ng tao, nangangailangan ng explanation and acceptable reason kung bakit hindi na sila mahal ng taong minamahal nila. Tanggap na kasi nilang wala na at gusto na lang nilang maging masaya ka kahit wala sila. Siguro nga, hindi para sa kanila ang five stages of grief.
Dina-digest ko ang pinanonood natin. Sa dami ng mukha ng pag-ibig, hindi ko na mapigilang maluha.
Noong ipinaramdam ng movie na ". . . hindi ako galit. Wala na kasi akong pakialam." Sumuko na lang ako. Ramdam ko kasi 'yon.
Habang tinitingnan ko ang setup nina Celso, Tere, at Bene, unti-unting bumabaon sa akin na you deserve to be with a better man than a failure like me.
Pagkatapos ng movie, masaya ka at pinilit ko na lang ding maging masaya kung saan ka sasaya.
Palubog na ang araw at alam kong tapos na rin ang oras ko na kasama ka.
Nasa may tapat tayo ng yacht club at nanonood ng sunset sa huling pagkakataon.
"Ang ganda ng movie," sabi mo pa.
"Yeah." Napayuko na lang ako kasi hindi ko alam kung paano ba natin tatapusin ang lahat.
"Sana after this, maging happy ka."
Hindi ako nakasagot. Hindi ko kasi alam kung paano ba magsisimula ulit sa umpisa.
Tahimik lang tayong dalawa hanggang sa lumubog ang araw.
"Aalis na 'ko, Eugene. Ingat ka palagi." Hinalikan mo ako sa noo sa huling pagkakataon. Nauna kang nagpaalam at naiwan lang ako roon sa inupuan nating nang mag-isa.
Ganoon nga siguro talaga, gaya sa pinanonood nating pelikula, true love is not about drama. Hindi natin kailangang umiyak at saktan ang isa't isa para lang masabing may nagmahal o nagmamahalan tayong dalawa. Love is about acceptance, at dapat tanggapin din natin na hindi sa atin iikot ang mundo ng iba kahit mahal mo pa.
Wala na lang akong ibang gusto ngayon kundi sana maging maligaya ka. Gawin mo na ang lahat ng makapagpapasaya sa 'yo habang nabubuhay ka.
Carmiline . . . mahal pa rin kita. Pero tanggap ko na. Sa susunod na paggising ko tanggap kong hindi na kita makikita.
♥♥♥
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top