[ VI ] A Spark Ignited

Ethan Gabriel Martinez.

Alas kwatro ng hapon na't saktong katatapos lang din ng klase ko. Dali-dali akong lumabas ng classroom at 'di na nakapagpaalam pa sa mga kaklase kong medyo naging ka-close ko na. Hindi ko pa masyadong nalilibot ang unibersidad dahil naging demanding ang schedule ko no'ng mga naunang linggo. Kaya't heto ako, tahimik na binabaybay ang mahabang pasilyo ng college building namin.

Medyo excited akong maglibut-libot ngayong araw pero ayoko namang masyadong ipahalata 'yon. Alam kong malalaki at malalawak ang facilities dito. Baka nga ay abutin pa ako ng ilang oras kung mabagal akong maglakad, pero ayos lang din naman 'yon sa'kin. Susulitin ko na rin ang kakaunting oras dahil alam kong mas magiging demanding pa ang program at sport ko sa susunod pang mga buwan.

Nasa ikatlong taon na ako sa kolehiyo't BSED Filipino ang napili kong program gaya lang din sa dati kong unibersidad. Sa totoo lang, hindi ko rin naman maiwasang ipagkumpara ang dalawang paaralan, maging ang mga taong nakasasalamuha ko. Dito kasi, mas talamak ang mga nagsasalita ng Ingles. Kun'di Ingles ay konyo silang magsalita—halata ring mga burgis.

Hindi na rin naman ako nagulat. Isa lang din naman kasi ang unibersidad na 'to sa "Big 4" kung tatawagin. Mga naka-iPhone o 'di naman kaya'y may mamahaling sasakyan ang mga estudyanteng nakikita ko rito. Ang iba nama'y mga naka-dorm o apartment na libo rin ang monthly fees. Kumpara sa dati kong pinapasukan, masasabi kong ang mga tao rito'y lumaking mayroong gintong kutsara sa bibig.

Ang laki ng Maynila. Ang laki rin ng unibersidad na nilipatan ko. Bigatin. Hindi ko talaga maiwasang hindi ma-intimidate.

Patuloy akong naglakad at naglibot. Maganda ang araw ngayon dahil malamig ang simoy ng hangin at makulimlim, pero hindi naman mukhang uulan. Ilang mga litrato na rin ang nakuha ko gamit ang sariling digital camera. Mayroong fountain... mayroong mga puno, pusang gala...

Sa paglalakad ko ay bigla rin naman akong napaisip. Hindi naging madali ang pag-adjust ko sa unibersidad na ito, oo, lalo pa't medyo halata kong ayaw sa'kin ng captain namin sa badminton. Hindi ko alam ang rason sa likod no'n ngunit ramdam kong hindi niya gusto ang presensiya ko. Tipong maramdaman niya lamang ako'y kumukunot na ang noo niya. Ewan ko na lang din kung gano'n lang ba siya sa mga baguhan.

Mas lalo lang din namang napagtibay ang isipin kong 'yon no'ng isang beses ko siyang sundan sa banyo. Tutulungan ko sana dahil natapunan ng pagkain kaso ang pagsusungit niya naman ang nakuha ko. Bukod sa nalaman kong mapili siya sa kaibigan, napag-alaman ko ring hindi siya marunong maglaba. Sabagay, anak-mayaman... halatang hindi gumagawa ng gawaing-bahay.

Biglang kumalam ang sikmura ko nang may maamoy akong malinamnam na pagkain. Mabuti na lang at walang tao sa paligid ko para makarinig no'n. Nang ilibot ko ang paningin, saka ko lang din napansing malapit na pala ako sa kantina. Walang pagdadalawang-isip akong pumasok doon saka dumiretso sa mga inaalok na putahe't meryenda.

"Magkano po sa beef shawarma?" tanong ko sa tindera saka kinuha ang pitakang nasa loob ng bag.

"80 pesos lang, pogi, pero dalawa na 'yan," sagot niya habang nakangiti sa'kin at naghihintay ng senyas na bibili ako.

Tumango naman ako saka ngumiti rin nang bahagya. "Isang order po."

Nang makuha ang pagkain, inilibot ko ang paningin sa buong kantina. Puno ito ng mga estudyante't halos wala nang bakanteng upuan. Kung sabagay, alas singko ng hapon na rin kasi. Mayroong mga nagtatawanan nang malakas, mayroon namang kulang na lang ay magdikit-dikit dahil nagbubulungan ng tsismis. Pero sa kabuuan, aktibo ang lugar na 'to.

Palabas na sana ako nang marinig kong tawagin ang pangalan ko. Kaagad akong napalingon at nakita ang pamilyar na mukha ng mga kasama ko sa badminton. Inaya nila akong saluhan sila't 'di na rin naman ako tumanggi pa.

"Tapos na classes mo?" tanong ni Tomee saka kinagat ang hawak niyang egg sandwich, "You should join us for a bit."

Bahagya namang siniko ni Jordan ang dalaga nang marinig ang alok nito. "Istorbo ka talaga. What if he has prior commitments?"

Bago pa nga magbangayan ang dalawa, gaya ng palagi nilang ginagawa sa tuwing may praktis kami, sumagot na ako, "No, it's fine. Naglilibot lang din naman ako para makabisado 'tong unibersidad natin."

"Transferee, right?" muling pagtatanong ng dalaga na siya namang tinanguan ko.

Marami pa silang ibang katanungan at batid kong nais nila akong makilala nang mas maayos. Kulang na nga lang ay tanungin nila ako kung single ba ako. Minsan naman, tuluy-tuloy ang pagtatanong nila na para bang nasa interrogation ako hanggang sa sitahin sila ng captain.

Nagpatuloy lamang kami sa pagkukwentuhan pero hindi ko maiwasang hindi mapansin ang pagkatitig sa'kin ng captain namin. "Czar" o "Captain" ang tawag nila sa kaniya pero mas gusto ko ang palayaw na nabuo ko. "Rolecz." Ayos din. Parang 'yong mamahaling relo. Bagay rin naman sa kaniya dahil mayaman naman siya, pero hindi ko pa sinusubukang tawagin siya no'n.

Itatanong ko sana kung bakit ba siya halos kada minutong nakatingin sa'kin pero ako na lang din ang nahiya. Ang intense ng tingin niyang para bang lalamunin ako. Sina Tomee, Jordan, at iba pa naming kasama naman, hindi siya nahahalata. Hindi ko rin maiwasang hindi ma-conscious sa pagkain ko ng shawarma hanggang sa naisipan ko na lang na isilid 'yon sa loob ng aking bag.

Ilang minuto pa ang nakalipas at nakita kong in-excuse ni Rolecz ang sarili niya saglit. Nang makita kong lumabas siya ng kantina ay muli ko na namang naalala 'yong huling pag-uusap namin. "Gano'n ba talaga siya?" Bigla ko na lang din natanong bago ko pa man mapigilan ang sarili ko.

"Who? Czar? Pfft, don't worry about him," paliwanag ni Jordan na siyang tinanguan ni Tomee, "He's a tough nut to crack but he'll come around eventually."

"His parents' pressure made him like that. Super sungit and palaging naka-aim sa perfection or manguna talaga." Mahina lamang ang pagkasasabi no'n ni Tomee pero narinig ko naman siya nang mas maliwanag pa sa sikat ng araw.

Napatingin ako sa dalaga't bahagyang napakunot ang noo. Hindi naman na bago sa'kin ang ganitong mga kwento ukol sa relasyon ng mga magulang at kanilang mga anak. "Para nga siyang mangangain ng tanga," komento ko naman kaya't nagsitawanan ang dalawa.

"Don't let him intimidate you, Gabby," saad muli ng dalaga habang nakatingin sa hawak na compact mirror na kinuha sa bag niya. Pinanood ko siyang maglagay ulit ng liptint na nabura matapos kumain.

"Or maybe..." Nagpalinga-linga muna si Jordan bago muling tumingin sa'kin. Ipinatong niya ang dalawang braso sa mesa upang lumapit nang kaunti. "...try returning the favor if you have the guts to do so. That bastard likes challenge, you know? And maybe... a bit of defiance." Kumindat pa 'to sa'kin saka ngumiti.

Pinagsasabi nitong mokong na 'to? "Hindi naman ako kagaya mong hilig asarin 'yang captain natin tuwing may practice," banat ko, dahilan upang mapangisi na lamang si Jordan. Araw-araw ba naman niyang inisin si Rolecz. Walang mintis.

"Ignore Jordan. Bad influence siya sa'yo. I swear..." bulong ni Tomee na parang sinasabihan ng sarili. Napatingin ako sa kaniya ulit at ngayon ay naglalagay na siya ng pabango.

Napailing na lamang ako habang nakangiti sa naging turan ng dalawa saka kinuha ang bag. Tumayo na ako mula sa pagkakaupo saka hinagod nang bahagya ang buhok ko. "Una na ako, ha? May gagawin pa kasi ako."

"Agad? Bummer," ani ni Jordan saka kinuha ang selpon niya. Sa kabilang banda, tumango naman si Tomee at bumulong ng "ingat."

Nang makita silang tumango't magpaalam, naglakad na ako palabas ng kantina. Nawala na ang gutom ko kanina pa kaya't baka ibigay ko na lang sa kapatid ko 'yong binili kong mga shawarma. Sino ba namang hindi mawawalan ng gana kung titigan ka ng isang tao habang kumakain? Hindi naman siya mukhang gutom. Baka nga gano'n lang talaga siya sa mga baguhan. Weird shit.

Speaking of... Alam kong mayro'ng rason kung bakit gano'n ang pakikitungo ni Rolecz sa'kin pero hindi ko pa rin maiwasang malungkot para sa kaniya. Iba rin kasi minsan ang nagiging dating ng pressure ng mga magulang sa kanilang mga anak. Kumbaga, akala nila'y okay pa ang mga anak nila pero ang hindi nila alam, sumusobra na pala sila sa pagtulak sa mga 'to.

Hindi ko naman maiwasang hindi maisip ang nanay ko. Maswerte na rin ako dahil kahit kailan ay 'di ko naranasan ma-pressure sa kaniya nang dahil sa pag-aaral ko. Support kung support. Kayod kung kayod. Kaya rin ni minsan, hindi ko naramdamang kulang na kami ngayon. Sabi pa nga niya no'n, okay lang daw kahit anong grades ang ipakita ko. Pero syempre, nakahihiya pa rin naman kung ipapakita kong palakol ang mga grades ko tapos siya, halos sumubsob na sa katatrabaho sa isang ospital bilang isang nurse.

Bigla na lamang mayro'ng bumangga sa balikat ko kaya't napahinto ako't napalingon kung sino 'yon. Masyadong napalalim ang iniisip ko't 'di ko na masyadong napansin ang dinaraanan ko. Hihingi na rin sana ako ng tawad dahil alam kong lutang ako habang naglalakad, pero naunahan na niya akong magsalita.

"Look where you're going, dude..." Nakakunot ang noo niya habang nakatingin sa'kin. Para bang gusto niya akong mawala sa paningin niya sa isang iglap lang. "...and please, stop daydreaming while walking. Go somewhere else to sleep. Hindi 'yong palutang-lutang ka."

Dama ko ang diin sa bawat salitang binitawan niya kaya medyo napataas ang kilay ko. Hindi naman ako nakapatay ng tao pero kung makapagsalita siya... "Sorry, Rolecz, hindi ko sinasadya."

Pareho kaming natigilan sa tinawag ko sa kaniya. Maging ako ay nagulat dahil 'di ko naman intensyong gamitin 'yon, lalo na ngayon.

"You called me what?" Kulang na lang ay maging isa ang mga kilay niya mula sa pagkakunot. "Call me by my last name."

Magsasalita pa sana ako pero kaagad na siyang pumasok ulit sa kantina. Naiwan na lamang akong nakatayo sa labas at medyo nakaawang ang bibig dahil sa nangyari. Masyadong mabilis ang pag-escalate ng mga nangyari't 'di 'yon ang intensyon ko. Hindi ko rin maiwasang hindi mainis sa naging asal niya. Yawa, parang may dalaw lang, a?

Napahawak ako sa strap ng bag ko habang nakatingin pa rin sa pinto ng kantina na ngayo'y nakasarado na ulit. Hindi ko pa rin talaga maintindihan kung bakit gano'n ang pakikitungo niya. Gano'n na lang ba talaga ang pagkainis ng lalaking 'yon sa'kin kahit wala naman akong ginagawang masama sa kaniya? Attitude si loko.

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top