Chapter 9: Turning Point
PERO SABI KO NGA, hindi puro saya ang relasyon. Darating sa punto na mauubos ang lakas mo. Mauubos ang pang-unawa mo. Hihinto ang tawa at mga ngiti n’yo. Mapapagod kayo at mawawalan ng lakas na ipagpatuloy ang relasyon n'yo.
Sa labing apat na taong pagkakaibigan namin at walong taong relasyon, akala ko kilalang kilala ko na si Nate. Akala ko lahat ng tungkol sa kanya ay alam ko na, pero hindi pa pala. Totoo pala ang kasabihang makikilala mo lang ang isang tao kapag nakasama mo na siya sa iisang bubong.
Bwisit na bwisit ako dahil aalis ako ng condo na sobrang linis, pero uuwi ako na makalat. Nagkalat ang hinubad niyang damit. Sa pinto pa lang naroon na ang hinubad niyang medyas, sa kwarto nasa kama o sahig ang hinubad na pants at longsleeve. Sa lababo ay itinatambak pa kahit ang pinag-inumang baso. Kapag umuuwi ako galing sa overtime wala pa akong maabutang pagkain, ako pa rin ang kikilos habang siya abala sa pag vi-video games o panonood. Nananahimik ako pero kasi ‘yong katawan ko parang sumusuko na sa pagod.
Hindi na rin kami madalas lumabas. Okay lang naman sa akin dahil iwas din sa gastos, pero kasi parang sa trabaho at sa bahay na lang umiikot ang mundo namin. Nakakasawa. Gusto kong makita ang paligid. Namimiss ko na ‘yong pag gala namin lalo kapag pumupunta kami sa mapupunong lugar. Nakakabawas din kasi iyon ng stress na nakukuha namin sa trabaho. Pero maski iyon ay hindi na pwede.
“Dito na lang tayo, bakit pa tayo lalabas kung magkasama naman tayo rito. Manood na lang tayo,” aniya nang alukin ko siyang magpunta sa Tagaytay.
“Wala na kaya tayong mapanood.”
“Ano’ng wala. Marami.” Sumalampak siya sa sofa at naghanap sa Netflix ng mapapanood. Lahat ng banggitin niya sa akin ay nakasimangot na inilingan ko lang dahil lahat ‘yon napanood na namin.
“Lumabas na kasi tayo. Long weekends, oh. Ano, tatlong araw tayo rito sa condo?” pagmamaktol ko.
Humiga siya sa sofa. “Nakakatamad kasing lumabas,” nakangiwing aniya.
“Eh, ‘di ako na lang.” Masama ang loob nang tinalikuran ko siya. Pupunta na sana ako sa kwarto pero muli siyang nagsalita kaya natigilan sa tangkang paghakbang ang mga paa.
“Ano, iiwan mo ako rito mag-isa?” bakas ang pagtatampo sa boses niya.
Nilingon ko siya. Nakaupo na siyang muli at nakasimangot ang mukha. Nag-iwas ako ng tingin at malalim na buntong-hininga ang pinakawalan ko.
“Gusto kong lumabas para makalanghap ng sariwang hangin pero ayaw mo. Noong sinabi kong ako na lang ayaw mo rin. Kapag ba ayaw mong lumabas ng bahay wala na rin akong karapatang gawin ‘yon? Lahat ba ng gagawin ko dapat kasama ka at kapag wala ka wala rin akong karapatang gawin?”
Nakita ko ang unti-unting pagbuka ng bibig niya pero walang salitang lumabas doon. Nang mga oras na ‘yon, parang naipon sa puso ko ang lahat ng sama ng loob. Magkakasunod na pumatak sa pisngi ko ang mga luha. Bakas ang gulat sa mukha niya nang makita iyon kaya mabilis siyang tumayo. Lalapitan niya sana ako pero ilang hakbang paurong ang ginawa ko.
“K-Kate...”
“Hindi ako nagsasalita dahil alam kong pagod ka rin sa trabaho, pero ‘yong mga gawaing bahay, Nate, dahil ba napagkasunduan nating ako ang nakatoka roon ay ako na lang nang ako ang gagawa? Napapagod din ako sa trabaho. Uuwi akong bagsak na ang katawan, tapos pagkauwi ko sa halip na umupo saglit para makapagpahinga aayusin ko pa ang kalat mo.”
“K-Kate...” Ilang ulit siyang umiling.
“Hindi na tayo lumalabas. Kailan ba noong huli tayong mamasyal? Okay lang naman sa akin, eh, dahil gusto nating makapagpagawa ng bahay pero habang wala ba ‘yon magkukulong tayo rito? Kahit nga pag-uwi natin kina mama naging madalang na.”
Hindi siya umimik pero nakikita ko ang pagsisisi sa mga mata niya.
“Hindi ko alam kung bakit ka nagkakaganito. Pagod ka na ba sa’kin, Nate?” Umiling siya pero hindi umimik. “Nate,” mariing tawag ko sa atensyon niya.
Bumagsak ang mga balikat niya. “Napapagod na kasi ako, Kate. Hindi na ako napapasaya ng mga ginagawa natin noon. Nawawalan na ako ng gana sa mga bagay na paulit-ulit lang din naman nating ginagawa. At alam kong pagod ka na rin sa akin.”
Napanganga ako sa gulat dahil sa mga narinig sa kanya. Mabilis na nangilid ang luha ko. Nakita ko ang paglamlam ng mga mata niya. Tumungo siya pero agad ding ibinalik ang tingin sa akin.
“I love you, Kate, but I think we need to stop this. Bago pa tayo maubos pareho, itigil na natin ‘to.”
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top