Chapter 7: Together With Me

SUMANDAL AKO sa swivel chair at pinakatitigan ang maliit na kalendaryo na nasa lamesa ko. Ilang araw na lang ay 6th Anniversary na namin ni Nate pero hindi pa namin napapag-usapan kung saan mag ce-celebrate. Hindi katulad noong mga nakaraang taon na isang linggo pa lang ay nakaplano na iyon. 

Naghanap na ako ng beach, resorts, hiking spot o kung saan man magandang mag celebrate para kung sakaling magtanong siya ay may maisasagot na ako. Nasanay kasi ako na sa mga nakaraang taon ay ako ang nakatoka roon, siya naman ang bahala sa bayarin kung kinakailangan namin ng hotel na matutuluyan. Hati naman kami sa ibang nagagastos namin tulad ng pagkain.

“Nakalimutan niya kaya?” mahinang tanong ko sa sarili. 

Pero imposibleng makalimutan niya iyon. Sa mga nakaraang taon, kahit nga monthsary ay hindi niya nakakalimutan. Siguro ay nawaglit lang saglit sa isip niya lalo’t naging abala sila nitong mga nakaraang araw sa trabaho. 

Iyon na lamang ang inisip ko at hinintay siya na buksan ang usapan tungkol doon. Pero dalawang araw na lang bago ang Anniversary namin ay hindi niya pa ako kinakausap tungkol doon. Gusto ko siyang intindihin pero may kaunting pagtatampo sa puso ko. Kahit naman gaanong kaabala hindi mo naman siguro makakalimutan ang mahalagang araw para sa inyo ng taong mahal mo. 

“Saan ba tayo pupunta?” masungit na tanong ko. Nakasimangot na ako simula pa nang sunduin niya ako sa bahay kanina. Hindi ko alam kung napapansin niya iyon.

“Basta,” nakangiting aniya habang tutok sa pagmamaneho.

Kanina pa ganyan ang sagot niya kaya lalo akong naiinis.  “Saan nga?” 

Isang beses niya akong sinulyapan. Mahinang natawa bago umimik, “Bakit parang highblood ka. Mayro’n ka ba?”

Inirapan ko siya kahit hindi niya nakikita. “Saan nga kasi tayo pupunta? Isang oras na tayong bumabiyahe.”

“May ipapakita lang ako sa’yo. Chill.”

Muli ko siyang inirapan. Nanahimik na lang at hinintay ang pagtigil ng sasakyan sa kung saan man ang punta namin. Nagsalubong ang mga kilay ko nang madaanan ang ELC Company kung saan ako nagta-trabaho bilang Junior Accountant. 

Nilingon ko si Nate na puno ng pagtataka. Kahit hindi nakangiti ay maaliwalas tingnan ang mukha niya. Naisip ko tuloy, ‘Ano kayang binabalak ng lalaking ‘to?’

Ilang minuto lang ay nakarating kami sa isang condominium. Tumigil kami sa parking lot sa basement. Nakangiti na si Nate nang bumaba. Pinanood ko ang pag-ikot niya sa gawi ko habang inaalis ang seatbelt ko. Nang mapagbuksan niya ay agad akong bumaba. Kinuha niya pa sa akin ang shoulder bag ko at inilagay ang isang kamay sa likod ko.

“Ano’ng gagawin natin dito?” 

“May ipapakita ako sa’yo.”

Nagtataka man ay hindi na muli ako umimik. Dire-diretso lang kami sa elevator. Tumigil kami sa 7th floor. 

Nakakawit pa rin ang braso niya sa likod ko habang naglalakad sa pasilyo. Natanggal lang iyon nang tumigil kami sa harap ng isang kwarto. Tahimik kong pinanood ang bawat galaw niya. Mula sa pagdukot niya sa bulsa, may hawak na isang blue card hanggang sa i-swipe iyon sa pinto. Binuksan niya iyon at muling inilagay ang kamay sa likod habang papasok kami. 

“We’re here.”

Unang bumungad sa akin ang pahabang wall glass. Nakahawi pagilid ang makakapal na pulang kurtina kaya naman kitang kita ang asul na kalangitan. Naglakad ako papunta room. Iyon na ang mismong sala. Mayroon doong isang set ng sofa at glass center table na nababalutan pa ng stretch film, flat screen T.V

Sa kaliwang gilid ng sala ay naroon ang maliit na kusina. Naglakad ako papunta roon. Marami ng kagamitan doon. Mukha ngang kumpleto na. Sa kanan ng kusina ay mayroong six seater dining table. Nakangiti kong pinasadahan ng kamay ang lamesa. Naalala kong ito ‘yong dining table na nakita ko last year sa mall. Gusto kong bilhin iyon pero sabi ko’y maghihintay ng sale. Natawag niya pa akong kuripot no'n.

“Tingnan natin ang kwarto.” 

Hinawakan niya ang kamay ko at dinala sa pasilyo na nasa gilid ng kusina. May dalawang magkatapat na kwarto doon. Binuksan niya ang nasa kanan ko. Tulad sa sala, naghahalo sa kulay puti at beige ang makikitang kagamitan.

Hinarap ko na siya nang hindi na makatiis. Sa totoo lang ay hindi ko alam kung bakit niya ako dinala rito. Balak niya bang bilhin ito?

“Ano’ng ibig sabihin nito?”

“Regalo ito ni Daddy para sa pag-graduate ko ng college pero last yeat niya lang naibigay sa akin.”

Tumirik ang isa kong kilay. “Bakit hindi mo yata nabanggit ‘to?” 

“Hindi ko talaga binanggit.” Malalim na buntong-hininga ang pinakawalan niya. Napatingin ako sa kanang kamay ko nang hawakan niya iyon. Bumalik ang tingin ko sa kanya nang magsalita siyang muli, “I’m sorry kung hindi natin napagplanuhan ang sixth Anniversary natin. Abala kasi ako sa pag-aasikaso sa mga gamit dito.”

“Lilipat ka?” kunot-noong tanong ko. 

Umiling siya. “Tayo, Kate. Lilipat tayong dalawa rito.”

Napanganga ako sa narinig sa kanya at mabilis na nilukob ng saya ang puso ko. “T-tayo?”

“Oo, tayong dalawa.”

“P-pero paano?”

“Nakausap ko na sina Mama at si Tita. Pumayag siya. Desisyon mo na lang ang hihintayin ko. Pero kung hindi ka pa handang magsama tayo hangga’t hindi pa tayo kasal—”

Bago niya pa matapos ang sinasabi ay mahigpit ko na siyang niyakap habang naluluha ang mga mata. Hindi ko lubos maisip na darating kami sa puntong makakasama ko siya sa iisang bubong. Oo nga’t napapag-usapan na namin ang pagpapakasal pero hindu naisip na ganitong kaaga darating ito. 

“Napakasaya ko, Nate. I love you so much!”

Naramdaman ko ang pagpulupot ng mga braso niya sa bewang ko. 

“I love you too, Kate. I’m excited to wake up in the morning with you beside me.”

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top