Chapter 5: Level Up
"BAKIT HINDI na lang kaya kayo? Bagay naman kayong dalawa."
Natulala ako at natigilan sa pag-nguya dahil sa sinabing iyon ni Raven-kaibigan at ka-trabaho ni Nate. Isa rin itong Technical Architect. Mula sa kinakaing pasta ay napunta sa kanya ang atensyon ko. Kaharap namin ito ni Nate. Biglang nawala ang ingay rito sa restaurant at tanging malakas na kabog ng puso ko ang naririnig ko.
Hindi naman siya ang unang nagsabi ng ganoon sa amin ni Nate pero parati ay may dalang kilig 'yon sa akin.. Ikaw ba naman ang sabihang bagay kayo ng taong gusto mo, hindi ka ba kikiligin?
"Gago," ani Nate at mahina itong binatukan.
"Totoo, P're, bagay talaga kayo," aniya pa habang palipat-lipat ang tingin sa aming dalawa.
Inakbayan ako ni Nate kaya nabaling sa kanya ang tingin ko.
"Bagay raw tayo," nakangising aniya.
Nakangiwi kong siniko ang tagiliran niya. Natanggal ang pagkakaakbay niya sa akin at natatawang hinimas ang tagiliran.
"Mapanakit ka pala, Kate," natatawang ani Raven.
"Nako, amasona 'yan. Ginagawa nga lang akong punching bag niyan."
Bago pa ako makaangal sa sinabi niyang iyon ay naestatwa na ako sa sunod niyang ginawa. Inabot niya ang gilid ng labi ko at marahang pinahid iyon.
"Ang amos talagang kumain," naiiling na aniya.
Bumibilis na naman ang tibok ng puso ko. Gusto kong magsisigaw sa kilig. Hindi naman ito ang unang beses na ginawa niya iyon pero parati ay may epekto 'yon sa puso ko.
Nasulyapan ko si Raven.. May nanunuksong ngiti sa labi niya habang nasa akin ang tingin. Ipinagpatuloy ko ang pagkain. Doon ko pa lang nailabas ang abot-tenga kong ngiti.
Dumating ang araw na bumalik ang sigla ni Nate. Alam kong naka-move on na siya at masayang masaya ako para sa kanya. Ilang buwan lang ay ipinagdiwang naman namin ang 5th years anniversary namin... ng pagkakaibigan namin.
"Bakit hindi ka pa nagbo-boyfriend? Marami namang nanliligaw sa'yo, ah. Gwapo naman ang mga 'yon at mukhang matino. Lalo na si Travis," mahabang litanya niya bago tumungga ng alak.
Napailing ako sa tanong niya. Kanina niya pa ako tinatanong niyan dahil nakita namin ang dati kong manliligaw. Narito kami sa Greenhouse-isang maliit na pub malapit sa kanila. Dito namin naisipang ipagdiwang ang 5th year anniversary namin.
Napangisi ako. Kung alam niya lang na siya ang dahilan ay baka mabigla siya. "Wala naman akong gusto sa kanila," sa halip ay sagot ko.
"Ang choosy mo naman. Hindi ka naman kagandahan," nakangiwing aniya.
Sinipa ko ang paa niya sa ilalim ng lamesa kaya natawa siya.
Umirap ako. "Kung sasagot ako ng manliligaw gusto ko 'yung totong gusto ko. Gusto ko rin siya na ang ihaharap ko kay Lord."
Napangiti ako habang nakatitig sa babaeng kumakanta ng "Ngiti" ni Ronnie Liang sa unahan pero sa isip ay nasa harap ako ng altar kasama siya. Tumungga ako ng alak para doon itago ang paglaki ng ngiti ko.
"Ano kaya kung tayo na lang?"
Napaubo ako sa pagkabigla matapos marinig sa kanya ang bagay na 'yon. Nanlalaki ang mga mata ko nang lingunin siya habang pinupunasan ang bibig gamit ang bubong ng kamay ko.. Nakapangalumbaba na siya at matamang nakatitig sa akin. Hindi ko makitaan ng pagbibiro ang mukha niya. Kapag nagbibiro kasi siya ay hindi niya napipigilana ng pagtawa. Kumikibot din ang kaliwang mata kapag nagsisinungaling.
Ibinaba ko sa lamesa ang hawak na bote ng alak dahil pakiramdam ko ay mabibitawan ko na iyon. Napakalakas ng tibok ng puso ko, buhay na buhay pero nanghihina ako.
"Loko ka ba?" tanging nasabi ko, wala pang emosyon. Natatakot akong kumagat sa sinabi niya pagkatapos ay malalaman kong nagbibiro lang siya.
Umayos siya ng upo at inalis ang pagkakatukod ng siko sa lamesa. "I'm serious, Kate."
Pinanliitan ko siya ng mga mata. "Ano'ng pumasok sa kukote mo?"
Nakibit-balikat siya. "Bakit hindi natin subukan tutal kilala na natin ang isa't isa. Tsaka 'di ba may usapan naman tayo noon na kung wala pa tayong boyfriend at girlfriend tayo na lang?"
Pinag-aralan ko nang mabuti ang mukha niya. Nakikita kong seryoso talaga siya sa sinasabi niya. Totoo rin ang sinabi niya tungkol sa usapan naming iyon noong high school pa lang ako. Hindi ko naman alam na seseryosohin niya iyon.
"Napagkasunduan natin na kapag twenty five na ako."
"Apat na taon na lang naman," aniya bago tumungga ng alak.
"Paano kung hindi mag work tapos pati pagkakaibigan natin masira?"
"Alam na natin ang ayaw at gusto ng isa't isa. Wala naman sigurong magiging problema kung sakaling papasok tayo sa relasyon."
Nakagat ko ang ibabang labi. Natatakot ako pero ang puso ko gustong sumubok. "Paano kung dumating ang araw na ayaw na ng isa?" tanong ko. Iniisip na baka dumating ang araw na bigla siyang umayaw roon.
"Tatapusin natin nang maayos. No hard feelings."
Tinungga ko ang bote ng alak; inubos ko ang laman niyon bago siya muling tiningnan. Hindi ko alam kung ano'ng pumasok sa isip ko nang sabihing, "Sige. Payag ako."
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top