4) Leandrei Sungit
Kailangan talaga alamin mo kung saan ka dapat nakapuwesto para alam mo na hindi sa lahat ng panahon lagi kang nakatayo.
Sa buong linggo na kalahating araw lang ang pagpasok ni Janica sa opisina ay inaral niya ang pag-commute mula sa bukana ng village hanggang sa opisina at sa review center. Hindi naman kasi maaaring makikisabay na lang siya lagi sa ninong niya.
Sa buong linggo niya sa opisina ay halos wala siyang ginagawa maliban sa sinasalitan minsan si Famela sa pag-eencode at pag-reproduce ng kopya ng mga dokumento. Hindi niya din alam kung ano ba ang magiging sahod niya.
Ayaw naman niyang sabihin sa ninang Lianna niya na wala talaga siyang ginagawa sa opisina. Wala rin kasi si Leandrei ng tatlong araw sa opisina kaya hindi pa niya ito nakakausap. Hindi rin sila nagkikita sa loob ng bahay dahil kapag pumapanhik siya ng kuwarto ay hindi pa ito dumarating at late na na rin itong nagigising.
Sa lunes na ang umpisa ng review niya at nasabi na niya sa ninong niya na magco-commute na lang siya simula lunes. Ayaw sana nitong pumayag pero kalaunan ay nakumbinsi niya rin.
"Tita, nakita niyo po ba si Dee?" tanong ni Desiry sa kanya. Papunta siya sa kusina at tutulong na lang sana sa pagluluto dahil wala siyang magawa. Kilala na niya ang lahat ng mga kasambahay at naging close na rin sa mga ito. Minsan kapag wala siyang magawa, nakikipagkuwentuhan siya sa mga ito at tumutulong.
"Lumabas sila ni Ninang. May pupuntahan daw," tugon niya. Nakita niya kasi ang mga ito kanina nang palabas sila ng bahay at sinabing lalabas lang saglit. Mee at Dee ang tawag ng bata sa mga grandparents.
"Aw, sad life!" bulalas ng bata. May hawak itong notebook.
Napatawa pa siya sa reaksyon ng bata.
"Bakit mo siya hinahanap?" tanong niya rito.
"Magpapaturo po sana ako ng assignment ko," tugon nito. Napangiti siya.
"Gusto mo ako na lang ang magturo sa 'yo?" tanong niya rito. Namilog naman ang mga mata nito.
"Talaga po? Sabi po ni Mee, matalino raw po kayo."
"Si Ninang talaga," natatawa niyang saad. Inakay siya ng bata sa may elevator at nagtungo sa kuwarto nito sa third floor.
May study table ito sa may gilid ng kuwarto pero niyaya siya nito sa balcony at doon nagpaturo ng mga homeworks.
Ilang saglit pa ay dumating din ang kapatid nitong anim na taong gulang at nainggit magpaturo.
Matiyaga niyang tinuturuan ang dalawang bata nang may pumasok sa kuwarto. Napatingin siya sa lalaki. Ni hindi siya nagdalawang-isip kung sino sa triplets ang pumasok.
"Good morning, daddy Leandrei!" bati ng dalawang bata.
"Tinuturuan po kami ni Tita Janica," masayang hayag ni Desiry sa tiyuhin. Ngumiti naman ito sa bata.
"Okay na Janica, ako na ang bahala rito sa dalawa," baling ni Leandrei sa kanya. Hindi na siya kumontra at nagpaalam na lamang saka lumabas ng kuwarto.
Tahimik silang lahat nang magtanghalian. Wala kasi sina Lianna at Vaughn. Naaasiwa pa rin siya sa apat na lalaking kaharap. Parang wala sa sariling kumakain si Vander. Sina Vance at Liam naman ay tahimik lang din. Minsan nakikipag-usap si Leandrei sa mga kapatid pero limitado naman ang sagot ng mga ito.
"Bakit parang wala lagi si ate Vanna?" tanong niya sa mga ito. Wala siyang partikular na pinagtanungan. Umaasa lang siya na sumagot ang isa sa mga ito. May nakaaasiwang katahimikan bago nagsalita si Liam.
"Busy sa trabaho. Huwag ka nang magtaka. 24/7 ang duty no'n," saad nito.
"Anong trabaho niya?" tanong niya ulit. Nagkibit-balikat lang si Liam at hindi na sumagot.
"You really have that ethnic accent when you speak tagalog," komento ni Leandrei sa kanya. Pinamulahan pa siya. Ngali-ngali niyang tanungin kung may problema ba ito sa pagiging probinsyana niya.
"Pati ba naman 'yan papansinin mo?" singit ni Vance. Napangiti siya. Ipinagtanggol siya ni Vance.
Kikiligin na ba siya?
"Hindi kita pinapakialaman sa pambababae mo, ha. Huwag mo akong pakiaalaman," pikon na baling ni Leandrei sa kapatid.
"Bakit nambababae ka ngayon sa lagay na yan?" nakangising tanong ni Liam sa nakababatang kapatid. Pinamulahan siya nang mapagtanto ang ibig nitong sabihin.
"You're really my idol, bro!" singit ni Vander nang nakatingin sa kuya nito. Tumawa pa ito. Napasulyap siya kay Leandrei.
"Oh, ba't ganyan ka makatingin? Naniwala ka sa mga 'to?" singhal ni Leandrei sa kanya. Bigla siyang pinamulahan. Isang malaking pagkakamali ang pagsulyap niya rito.
"Attorney, ipaglaban mo ang sarili mo," natatawang saad ni Vander. Napatawa rin si Vance.
Napailing na lamang siya. Wala naman siyang dapat isagot. Isa pa, ugali talaga niyang hindi sumagot kapag nakita niyang bastos kausap ang isang tao. Ayaw niyang bigyan ang isang tao ng isa pang dahilan para patuloy itong bastusin siya.
Madalas ang pagtahimik niya ang sandata niya sa kahit na sinong nang-aaway sa kanya. Her silence irritates her enemies. Hindi kasi nila alam kung ano ang iniisip niya at mas lalo itong nakapanggigigil sa kanila.
"Attorney ka po, tita?" Desiry butted in. Saka lang napatigil ang magkakapatid.
"She will be," sagot ni Liam.
Ang laki naman ng tiwala ni Liam na papasa siya. Gusto niyang mapangiti sa kilig. Minsan rin kasi niyang naging crush ang panganay na Filan. Tinigilan nga lamang niya dahil alam niyang imposible siyang magustuhan ng lalaki.
"Wow! Ang galing niyo po!" namimilog ang matang sabi ng bata. Napangiti na lamang siya.
Tahimik nilang itinuloy ang pagkain.
Naiwan siya sa hapag kaya tumulong na lamang siya sa pagliligpit ng pinagkainan at dinala sa kusina. Siya na rin ang nagboluntaryong maghugas kahit na pinipigilan siya ng mga kasambahay. Tulong na rin sa libreng pagtira niya sa bahay ng mga Filan.
"J-janica," nag-aalangang tawag sa kanya ng isang kasambahay na nagpupunas ng mga gamit sa kusina habang naghuhugas siya. Napatingin naman siya sa direksyon ng mata nito. Nakita niya si Leandrei na umiinom ng tubig habang nakatingin sa ginagawa niya. Ibinalik na lamang niya ang atensyon sa ginagawa dahil bigla siyang naasiwa.
"Bakit ka naghuhugas? 'Yan ba ang trabaho mo rito?" matigas nitong tanong.
"Hindi. Tumutulong lang," nahihiya niyang tugon. Ang pagkakaalam niya ay mas matanda siya rito ng tatlong taon. Ni hindi man lang ito gumagalang sa kanya. Sabagay, sampid lang naman siya bahay ng mga ito.
"May ibang taong gagawa niyan. Hindi ka nagpunta rito para maging katulong," saad nito bago tumalikod.
Hindi na niya muling nakita si Leandrei mula nang sabihin nito ang bagay na iyon sa kanya. Wala ito ng Sunday lunch date ng pamilya.
Hindi na lamang siya nagtanong.
Nag-umpisa na siyang mag-commute papuntang opisina.
As usual nakaupo lang siya sa tabi ni Famela. Kapag may ipo-photocopy ay siya ang gumagawa.
"Miss, ito pa oh. Tatlong kopya lang," utos sa kanya ng isang babaeng empleyado nang nasa Xerox machine siya. Iyon ang pagkakataon na naisip niya kung iyon ba talaga ang tingin ng mga empleyado na trabaho niya.
"Did I ask you to do that?"
Pareho silang natigilan ng empleyado nang marinig ang matigas na boses ni Leandrei. Alam niyang siya ang tinatanong nito dahil sa kanya ito nakatingin.
"And who told you to command her?" baling nito sa babaeng empleyado. Napakagat ito sa labi at hindi nakapagsalita.
"She's not an errand girl," dugtong nito.
"Get lost before I could fire you!" saad nito sa babae.
"Sorry sir," nahihiyang sambit ng babae bago nagmadaling umalis.
"Next time. Don't let anyone treat you that way. Para kang hindi nagtapos ng law," inis nitong baling sa kanya. Pinamulahan siya. Mabuti at tumalikod ito agad.
Napigil niyaa ng paghinga nang humarap ulit ito.
"Give me a copy of your resume. So that I'd know where to designate you," utos nito bago tuluyang umalis.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top