3) Ang Opisina
Kung ayaw sa 'yo ng ibang tao, pabayaan mo. Hindi kailanman kawalan ang isang taong walang amor sa 'yo.
Namamangha pa rin si Janica habang pinagmamasdan ang mahigit sampung magagarang sasakyan sa garahe ng mga Filan. Sinabi kasi ng ninang niya na sumunod na lang sa ninong Vaughn niya rito para maisabay siya papunta sa building ng mga Filan kung saan nag-oopisina ang mga ito.
Kahapon pa siya naaasiwang kasama ang mga ito. Isinama kasi siyang magsimba ng mag-asawa dahil linggo. Kasama rin ang dalawa nilang apo na sina Desiry at Ayder, parehong anak ni Vander.
Pagkatapos nilang magsimba ay nagkita-kita ang buong pamilya sa isang restaurant para mag-lunch. Ang triplets na sina Vander Lewis, Vance Luanne, at Von Leandrei ay nandoon na sa restaurant nang makarating sila. Doon lang niya nakita ulit si Vance dahil late raw itong umuwi nang nagdaang gabi kaya hindi sila nagpang-abot. Ito talaga ang pinakaguwapo sa triplets. Pinaghalo kasing mukha ng mga magulang niya tapos namana pa nito ang berdeng mga mata ng ama.
Ngunit, subalit, datapwat wala talagang tatalo sa kaguwapuhan ni Von Liam. Parang nasiyahan pa siya nang malamang eligible pa ito kaya lang ay hindi naman siya kinausap maliban sa pangungumusta nito sa mga magulang niya.
Nag-umpisa na silang kumain nang dumating si Vanna Lei, ang kakambal ni Liam. Mabait naman ito at nakilala siya agad nang makita siya.
Nakita niya kung gaano kasaya ang mga ito habang ine-enjoy ang pagkain kaya lang ay nahihiya siya dahil siya lang ang sabit. Hindi rin siya maka-relate sa pinag-uusapan ng mga ito maliban na lang sa mga legal issues. Pero hindi siya sumasali sa usapan ng mga ito. Alam naman niya kung paano igalang ang usapang pamilya. Saka lang siya nagsasalita kapag isinasali siya sa usapan ng ninang at ninong niya pero tipid lang siyang magbigay ng opinion. Ayaw niyang isipin ng mga ito na "feeling close" siya agad.
"Leandrei, ayaw mo ba talagang isabay na lang si Janica?"
Napaatras siya at nagtago sa isa pang sasakyan nang marinig ang boses ng ninong Vaughn niya. Bumilis ang tibok ng puso niya. Ewan niya kung bakit natatakot siyang marinig ang pagtanggi ni Leandrei. Alam naman kasi niyang tatanggi ito. Ramdam niyang hindi ito kumportable sa presensiya niya o hindi lang ito sanay na may ibang taong nakikitira sa pamamahay nila.
"I'm going dad," dinig niyang saad nito bago ang tunog ng pinto ng sasakyang isinasarado.
Ilang segundo lang ang pagitan bago niya narinig ang pag-andar ng sasakyan nito. Huminga siya nang malalim bago nagpakita kay Vaughn.
"Let's go?" nakangiting saad ni Vaughn nang makita siya. Nginitian naman niya ang ninong at hindi ipinahalatang narinig niya ang usapan ng mag-ama.
"Leandrei's a little stubborn. May pagkapilyo din," saad ng ninong niya para buksan ang usapan. Napatingin siya habang nagmamaneho ito. Ngumiti na lamang siya. Kahit hindi nito sabihin alam niyang alam nito na narinig niya ang usapan ng dalawa kanina at gusto nitong pagaanin ang loob niya.
"But he is just to all his employees, so you have nothing to worry working in his office," dagdag nito. Napangiti siya. Alam na alam niya talaga kung paano basahin ang galaw ng isang tao. Parte na rin siguro ng maraming taon niya sa pag-aabogasya kaya madali lang niyang mabasa ang galaw at salita ng mga tao.
"Okay lang po ninong. Sanay naman po ako sa iba't-ibang klase ng boss," biro niya. Napatawa naman ang kausap.
Nang makarating sila sa building ay sinabihan siya nitong dumiretso na sa 21st floor dahil may pupuntahan pa ito. Inasahan na niya ang laki at taas ng building. Ni-research kasi niya ito nang mag-offer ng tulong ang ninang niya.
Regular kasi itong tumatawag sa nanay niya para mangumusta at nabanggit ng ina niya na kailangan niyang dumito sa lungsod para sa review niya kaya ito tumawag sa kanya at nag-offer na sa bahay na lang ng mga ito tumira at sa opisina magtrabaho.
Parang gusto niyang umatras nang papasok na sa opisina ni Leandrei. Naka-slacks lang kasi siya at simpleng blouse. Ni hindi man lang niya pinatungan ng cardigan. Paniguradong lalamigin siya mamaya sa lakas ng aircon.
Maraming empleyado ang nagsisidatingan na naka-executive outfit at full makeup. May kanya-kanyang cubicle ang mga ito na sa tingin niya ay nasa halos singkuwenta.
Medyo off yata ang itsura niya kumpara sa mga tao sa loob. Nag-apply lang kasi siya kanina ng natural pressed powder at lipstick saka itinali ang alon-along buhok na halos hanggang baywang na. Iniwan pa naman niya ang makeup kit niya. Saka lang kasi siya naglalagay ng bonggang makeup noon kapag may okasyon. Mas gusto niya ang simple lang.
"Miss, saan po kayo pupunta?" tanong ng babaeng nakasalubong niya. Napansin yata nito ang pagtigil niya at pagsulyap kung saan nga ba banda ang opisina ni Leandrei.
"Sa office sana ni Von Leandrei," nakangiti niyang tugon.
"Ah, si sir Leandrei," napapatango naman nitong tugon.
"Diretsuhin mo lang 'yang aisle, tapos sa pinakadulo kumanan ka, makikita mo 'yong reception desk ng sekretarya niya. Doon lang din sa kanan niya ang pintuan ng opisina ni sir."
Pinasalamatan niya ang babae bago nagtungo sa sinabi nitong direksyon. Pansin niyang puro magagandang babae ang empleyado sa loob. Madalang lang ang mga lalaki o baka hindi pa nagsisidatingan ang mga ito. Nakatutok ang iba sa mga monitor habang ang iba naman nag-uusap-usap pa.
Nagpakilala siya sa sekretarya na nandoon na halos kasing edad lang niya at sinabing pupuntahan niya si Leandrei. Pinaupo naman siya nito sa upuang nasa harapan nito saka nagtungo sa opisina ng binata.
"Janica, umupo ka na lang daw muna dito. Wala pa raw kasi siyang puwedeng ipagawa sa 'yo," saad ng sekretarya pagbalik nito. Ipinaghila pa siya nito ng isang swivel chair mula sa bakanteng cubicle malapit sa mesa nito.
Napakunot-noo siya pero umupo na lang.
Pakiramdam niya ay ang tagal na niyang nakaupo. Pinagkaabalahan na nga rin niya ang pagfe-facebook sa phone niya pero hindi talaga siya makatagal kababasa ng kung anu-anong posts kaya tumingin na lamang siya sa lamesa ng sekretarya.
Napangiti siya nang makita ang family picture ng empleyado.
"Anak mo?" tanong niya rito habang ito naman ay nag-eencode sa computer.
"Oo, ang cute noh?" natatawa naman nitong sagot.
"Oo ang lusog-lusog," tugon naman niya. Ang taba kasi ng baby at sakto pang tumatawa ito sa litrato.
"Isang taon pa lang siya diyan. Three years na siya ngayon," kuwento nito sa kanya. Napatango na lang siya.
Napansin niya ang isang folder na may nakalagay na note na "for photocopy 50 copies". Tumingin siya sa paligid at nakita ang tatlong xerox machines sa gilid.
"Ipo-photocopy ba ito?" tanong niya sa sekretarya. Napatingin ito sa kanya.
"Ay, oo nga pala. Kailangan sa meeting mamaya," sambit nito. Napangiti siya.
"Ako na lang magpo-photocopy. Okay ba 'yong mga machines na yon?" turo niya sa nasa gilid. Tumango naman ito.
"Sure ka? Nakakahiya naman," wika nito.
"Okay lang. Wala pa namang inuutos si Lean--I mean si sir Leandrei," aniya nang nakangiti.
"Sure ka ha? Okay lang? Madami pa kasi akong ie-encode," saad nito.
"Sure," tugon niya. At least may pagkakaabalahan siya kahit ilang minuto lang.
"Okay lang ba isama mo na rin ito? 20 copies each," iniabot nito ang isa pang makapal na folder.
"Paki-collate na lang para mabilis ilagay sa folder. Thanks!"
Napatango na lang siya. Alam niya kung paano i-operate ang machine dahil may ganito din sa faculty room ng eskuwelahan kung saan siya nagtuturo. Ginagamit nila iyon para sa worksheets ng mga estudyante.
Patapos na siya sa ginagawa nang may lumapit na babaeng empleyado.
"Hi! Ikaw ba yung kapalit ni Helen?" nakangiti nitong tanong. Sasagot pa sana siya nang bigla itong tinawag ng isa pang empleyado.
"Pa-photocopy din ako nito ha, 20 copies," saad nito bago umalis. Hindi niya alam kung maiinis siya o maiinsulto sa ginawa ng babae pero dahil mukhang hindi naman nito intension na insultuhin siya at maganda naman ang bukas ng mukha nito ay ginawa lamang niya.
Pupunta na siya sa sekretarya dala ang dokumento nang bumalik ang babae.
"Ito pa, please tag-20 din," saad nito. Hindi man lang siya pinagsalita. Bigla na lamang itong umalis. Inilapag niya ang dokumento sa tuktok ng machine at bumalik na lamang sa sekretarya.
Bahala siyang mag-photocopy. Ang lagay iyon ba ang trabaho niya dito? Hindi naman puwede iyon. Tinitingala siyang professor sa dati niyang pinagtuturuan tapos magiging utusan lang siya nang kung sino dito. In their dreams! Kaya nga niya pinilit makapag-aral dahil ayaw niyang maging utusan habang buhay.
Bumalik siya sa table ng sekretarya at inayos sa mga folders ang mga dokumento. Patingin-tingin siya sa may Xerox machine at tinitingnan kung bumalik na ang babae pero nandoon pa rin ang mga dokumento.
Nang matapos siya sa ginagawa ay inis siyang bumalik. Hindi naman siguro mababawasan ang dignidad niya kung gagawa siya ng kabutihan sa kapwa.
Nang matapos ay iniwan na lamang niya doon ang mga kopya ng dokumento bago bumalik sa puwesto sa tabi ng sekretarya.
Wala pang ilang minuto ay nakita niyang papunta ang babaeng nakisuyo sa kanya kanina para magpa-photocopy.
"Miss, thank you dito, ha! Sa uulitin," masaya nitong saad sa kanya. Mukha naman itong mabait. Mabuti at nagpasalamat pa. Ayos na iyong kabayaran para sa kanya.
"Bakit siya nag-thank you?" tanong ng sekretarya.
"Nagpa-photocopy din kasi," tipid niyang sagot.
"Ano? Dapat sinabi mong hindi mo trabaho 'yon," komento ng sekretarya.
"Okay lang. Maliit na bagay."
"Sus, ang bait mo naman. Sabi kasi ni sir tatawagin ka na lang daw kapag may ipagagawa na siya. Ano ba ang magiging trabaho mo dito?" dire-diretso nitong saad.
"Hindi ko pa nga alam. Sinabi kasi ng Mommy ni Sir na dito ako. Basta halfday lang ako dito kasi may pupuntahan ako kapag hapon."
Napatango ang sekretarya sa sagot niya.
"Ganon ba? Hanggang kailan ka dito?" tanong nito.
"Five to six months."
Iyon ang umpisa ng usapan nila ng sekretarya. Famela pala ang pangalan nito. Magaan itong kakuwentuhan. Hindi na lamang niya binanggit na magre-review siya para sa bar exams baka maasiwa ito.
Alas diyes nang yayain siya nitong mag-breaktime muna. Sumama na lang siya. Ipinakilala rin siya nito sa ilang empleyadong nakasabay. Hindi nga lamang nito sinabi kung ano ang trabaho niya sa opisina. Sa 15th floor pala ng building ay food court lang. Maraming tables at food stalls na para lang sa mga empleyado ng VLF Empire na nagta-trabaho sa buong building.
Pagkatapos ng breaktime ay saka lang lumabas ng opisina si Leandrei at nagpa-meeting sa mga mga empleyado. The wall served as the monitor. May platform sa kaliwa ng office floor at tinanaw na lamang ng mga empleyado mula sa kani-kanilang upuan.
Tungkol sa cargo at shipping ang pinag-usapan nila. Kung paano mapapabuti ang serbisyo nila. Marami ang nagsalita. Halatang nagpapa-impress. Halata rin sa mukha ng karamihan sa mga babaeng empleyado ang paghanga. Kahanga-hanga naman kasi, built pa lang ng katawan at kapag nagsalita ito halatang matalino rin. Na-impress siya sa pagsasalita nito. Hindi niya akalaing ang mapanlait at masungit na Leandrei ay may ibubuga naman pala.
Bumalik sila sa mga puwesto nila nang matapos ang lagpas isang oras na meeting. Napatingin siya rito nang maglakad pabalik ng opisina nito. Gusto niya kasing itanong kung ano ba talaga ang gagawin niya sa opisina.
Hindi siya nakapagsalita nang tumigil ito sa harap niya at tumingin sa kanya. Parang nalunok niya ang dila.
"Akala ko ba halfday ka lang? It's already 12:00. You can go ahead," saad nito bago naglakad patungo sa opisina nito.
"Leand--" Hindi niya naituloy ang sasabihin nang lumapit ang lalaking kasama nitong nagpa-meeting kanina, isa sa mga managers ng shipping line. Hindi na siya nakasingit nang tuluyang pumasok ang mga ito sa opisina.
Huminga siya nang malalim at nagpaalam na lang kay Famela.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top