Thirty Two

"Chief Rita, kailangan ko ng tulong mo," sabi ni Rocher nang makapasok siya sa opisina ni Chief sa presinto. Agad siyang sinalubong ng seryosong tingin ng dating boss.

"Rocher, matagal kitang hindi nakita," sagot naman ni Chief Hilario, sabay turo sa upuan sa tapat ng kanyang mesa. Pero alam na niya ang pakay nito dahil nakapag-usap na sila bago siya pumunta sa presinto.

"May kakaiba po sa kilos ni JL. Pakiramdam ko may pinaplano siyang delikado," paliwanag ni Rocher habang hindi maitago ang kaba sa kanyang boses.

Nagbuntong-hininga si Chief Hilario, alam niyang seryoso ang sitwasyong ito. "Kilala ko si JL. Alam kong matapang siya, pero kung may ganitong klaseng sikreto, kailangan nating maging maingat. Anong plano ba talaga ang gusto mong mangyari?"

"Palihim ko po siyang susundan. Ayoko siyang mapahamak, pero kailangan kong malaman kung ano talaga ang ginagawa niya," sabi ni Rocher na puno ng determinasyon.

Pumayag si Chief Hilario sa plano ni Rocher at inutusan ang isa niyang tauhan na handang sumuporta kung sakaling kailanganin. Naitimbre na rin nila kina Lucio at Sev ang plano nilang gawin, pati kay Donato na ama ni JL.

***

Kinagabihan, pinuntahan ni JL ang isang dating kilalang bilyaran sa lungsod na naging abandonado na. Open secret sa nakararami na kilala na ang lugar sa underground matches at mga illegal na transaksyon. Tumindig siya sa harap ng pinto at huminga nang malalim, alam niyang ito na ang simula ng delikadong laro para sa kanyang hinahanap na katotohanan.

Pagpasok pa lang, isang lalaking nakaitim na jacket ang sumalubong. Matangkad ito, malaki ang pangangatawan, may dragon tattoo sa braso, at kilala sa bansag na "Right Hand" dahil siya lang naman ang pinagkakatiwalaan na tauhan ni Wilson Villaverde nang lubos.

"Sumunod ka sa usapan. Mabuti naman," sabi ng lalaki habang nagbibigay ng mapanuksong ngiti. Pinilit ni JL na manatiling kalmado, kahit ang bawat ugat sa kanyang kamay ay tila nag-iinit sa kaba at tensyon.

Tahimik na nakikinig si Rocher sa 'di kalayuan, nakahawak siya sa gilid ng kanyang jacket kung saan naroon ang isang maliit na recorder. Ngunit habang nagmamasid siya, napansin niyang dumarami ang mga kalalakihang nagpupunta sa billiard hall. Mukhang may mas malaki pang plano si Villaverde maliban sa isang simpleng pustahan.

Patuloy na nag-obserba si Rocher, hinanda ang sarili sa anumang mangyayari.

Habang si JL ay nagtutungo sa mesa upang simulan ang laban.

"Ako na ang sasargo, boi."

Hindi niya kinontra ang gustong mangyari ni Right Hand.

Nagpatuloy ang laban sa sikretong billiard hall na parang hideout ng mga delingkwenteng tao. Si JL ay nagpakitang-gilas sa bawat tira, na para bang ang bawat galaw ng kanyang tako ay isang paghingi ng hustisya para sa mga tanong at paghihirap na dinanas niya at ni Rocher. Sa bawat pasok ng bola, lumalapit siya sa posibilidad na malaman ang kinaroroonan ng ama ni Rocher, na sa mga oras na iyon ay kinilala niyang si Tatay Jervin.

Nagtagumpay si JL, at pinilit niyang huwag ipakita ang pagod at kaba sa kanyang mata nang maganap ang huling tira. Tahimik ang paligid, at narinig ang tunog ng huling bola na pumasok sa corner pocket.

Ang kalaban ay halatang dismayado sa pagkapanalo ni JL. Sumimangot ito at nagbigay ng hudyat sa kanyang mga tauhan.

"Ang galing mo," sabi ng lider, sabay tapik sa mesa. "Pero hindi namin balak na tumupad sa usapan."

Bago pa makapagsalita si JL, bumukas ang isang pinto sa gilid ng hall. Tumambad sa kanyang paningin si Rodiel Silvano o si Tatay Jervin, may mga galos sa mukha at halatang pinahirapan. Agad na nagliyab ang galit sa dibdib ni JL. Lumapit siya para protektahan ito, ngunit bago pa man siya makalapit, na-corner siya ng mga tauhan ni Villaverde.

"Pasensya na, bata," sabi ng lider na may mala-demonyong ngiti. "Pero ang mga sikreto ay hindi dapat kumakalat lalo na't nakita mo na ang balwarte namin."

Isa-isang lumapit ang mga kalalakihan at nagsimula ang brutal na pambubugbog kay JL. Tinanggap niya ang bawat suntok at sipa habang pinilit niyang protektahan si Rodiel o ang kanyang Tatay Jervin. Bawat hampas ay nagdudulot ng matinding sakit sa katawan, ngunit hindi niya ito alintana. Ang mahalaga sa kanya ay buhay pa si Tatay Jervin at dapat niya itong ipagtanggol.

Sa gitna ng kaguluhan, isang boses ang nagpatigil sa kanila.

"Tama na!" Sigaw iyon ni Chief Hilario, hawak ang isang baril na kinuha mula sa kanyang jacket. Hindi siya nagdalawang-isip na tumutok sa lider na may hawak kay Tatay Jervin.

"Rocher..." mahina at basag ang boses ni JL habang pinipilit niyang bumangon mula sa sahig.

"Walang gagalaw!" sigaw ng isa pang pulis. Tumigil ang mga tauhan, na tila nag-aalinlangan kung susugod o maghihintay. May mga wangwang umaalingawngaw sa labas ng gusali.

Ang mga tauhan ni Villaverde ay napilitang sumuko, at ang lider ay mabilis na nahuli ng mga pulis. Dali-dali namang lumapit si Rocher kay Rodiel, ang ama na matagal niyang hinanap.

"Papa!" sigaw ni Rocher, habang niyakap si Rodiel na hirap pa ring bumangon. Ang mga sugat at pasa sa kanyang mukha ay hindi naging hadlang sa saya na makitang ligtas na ang kanyang anak.

Kalunos-lunos din ang itsura ni JL, kahit duguan at halos hindi makatayo, pinilit niyang ipakita na hindi siya nasasaktan. Ang lahat ng sakripisyo, ang sakit na tiniis, ay nagdulot ng pag-asa at isang bagong simula para sa kanilang lahat. Finally, they were reunited.

"Salamat, JL," sambit ni Rocher, na luhaang tumingin sa binata. "Pero sana sinabi mo ang plano mo. Paano na lang kung hindi ko nalaman?"

"Lahat para sa pamilya, Rocher," iyon lang ang naging sagot ni JL, bago tuluyang mawalan ng malay at bumagsak sa sahig.

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top