4: Lockdown
Salamat at palagi mo akong kinakausap, Tristan.
Wala ito, Aila. Andito lang ako palagi, I’m just a call away. I’ll listen to your problems. Kahit magkahiwalay pa tayo ng panahon at Nokia 3310 ang ginagamit mo para kausapin ako.
-from Our Love Through Time and Space by leimagination
Nagsimula na ako maging busy sa paglalatag ng manuscript para sa Free to Dream. Mula sa copy-paste sa website ay inilagay ko sa isang word document ang buong akda. Kailangan kong basahin ito nang paulit-ulit para makita kung may na-miss ba ako na punctuation mark, may maling spelling o grammar, at para maging consistent ang buong akda.
“Salamat sa pagtulong mo sa akin, Kiana,” ngiti ko sa aking pinsan. Tinabihan ako ni Kiana habang siya ang nagbabasa ng manuscript ng Free to Dream. Dahil may experience na siya sa pagsasalibro ng story, shina-share niya sa akin ang kanyang mga natutunan.
“Wala iyon, Leia. Complimentary copy lang ang katapat,” ngisi ni Kiana sa akin. Nagtawanan kami pareho at pinagpatuloy ang aming ginagawa. Pagkatapos ng dalawang oras ay natapos na rin namin ang manuscript.
“Ibibigay mo na ba iyan sa pub house?” Tanong ni Kiana.
“Oo, sa email. At nakuha ko na the other day ang bayad sa manuscript na 10 thousand,” kwento ko.
“Uy, palibre ng ice cream!” Natatawang hiling ni Kiana.
“Sige, sa weekend!” ngiti ko.
Naghapunan kami pagkatapos at habang kumakain, may sinabi si Tito Rey.
“Magkakaroon ng lockdown sa susunod na linggo,” panimula ng aking tiyuhin. “Suspended ang schools at mga kumpanya, pwera na lang kung sa ospital ka nagtatrabaho.”
Nanahimik kami ni Kiana at nagkatinginan. “Ito ba yung virus galing sa ibang bansa?” tanong ko sa aking pinsan.
“Oo, andito na raw sa Pilipinas at kumakalat na,” tugon ni Kiana. “May notice na kami sa kumpanya na work from home na kami next week.”
“Sa inyo, Leia, ano nang sinabi ng boss mo?” tanong sa akin ni Tita Millet.
“Work from home na rin daw. Dadaan lang ako bukas sa opisina para may kunin na mga gamit,” tugon ko kay Tita Millet.
“Huwag niyong kalilimutan mag-face mask ah. Palagi kayong maghugas ng kamay,” paalala ni Tita Millet. “Paano kaya ang negosyo ko na kakanin?” pag-aalala pa niya.
“Mommy relax, pwede kang magbenta sa social media,” ika ni Tito Rey. “Mas malaki ang problema ko, kung paano ako mamamasada sa tricycle. Paano tayo kikita niyan?” Bakas ang pagkunot ng noo ng aking tiyuhin. Hinimas ni Tita Millet ang balikat ni Tito Rey at sinabing, “Hahanap tayo ng paraan, baka hindi naman pangmatagalan ang lockdown na iyan.”
“Ma, andito naman ako para tumulong,” paalala ni Kiana.
“Ako rin po, Tita,” sagot ko rin.
“Salamat at nag-alok kayo ng inyong tulong, mga girls,” ngiti ni Tita Millet sa amin ni Kiana. “Leia, sa iyo na ang pera mong kinikita sa pagtatrabaho,” paalala ni Tita Millet.
“Tita, thank you ko na po iyon sa inyo. Kusang-loob po akong tutulong dahil naging mabuti kayo sa akin sa loob ng mahabang panahon. At signed author na rin po ako sa isang pub house, sagot ko ang ice cream para sa ating lahat!” Ngiti ko sa kanila.
“Naku salamat, hija!” Tumawa si Tito Rey sa akin. “At congrats! Di na ako nagtataka na gumaya ka na kay Kiana, na nagsusulat din sa Internet.”
“Nakita na namin ni Kiana ang picture ni Leia sa FB ng publishing house. Ang ganda ng pamangkin ko! Magpinsan ang dalawang iyan eh, kaya parehong magaganda at talented! Gaya ko!” Pagmamalaki ni Tita Millet.
“Mommy, sa akin nagmana ang dalawang iyan!” Natatawang nambara si Tito Rey.
Nagtawanan kaming lahat at gaya ng pinangako ko, nanlibre ako ng ice cream. Lumabas kami ng Kiana pagkatapos kumain ng hapunan at bumili ng isang tub ng ice cream sa kalapit na convenience store, para pagsaluhan naming lahat.
Masayang natapos ang gabing iyon. Ngunit hindi ko alam na pagkatapos nito, ay unti-unti nang magbabago ang takbo ng aming normal na pamumuhay.
—
Maraming nagbago nang magkaroon ng pandemic. Hindi lang dito sa Pilipinas, kundi pati na rin sa buong mundo.
Lockdown mode. Ibig sabihin, sa bahay lang kaming lahat at bawal lumabas para mamasyal. Kung may kailangang bilhin, may isang tao na nakatoka para dito, si Tito Rey. Hindi na muna papasada si Tito Rey sa kanyang tricycle, dahil nga hindi sila pwedeng magbiyahe. Si Tita Millet ay nagpatuloy sa kanyang kakanin business at sa FB na nagtitinda. Para makarating sa kanyang mga customers ay gumagawa siya ng booking ng mga delivery riders, na pwedeng magtrabaho sa mga panahong ito.
Kami ni Kiana ay work from home. Sa una ay nakakapanibago, dahil sanay kami na makihalubilo sa mga tao. Introvert ako, pero minsan, andoon din na may gusto kang makausap habang nagtatrabaho. Buti na lang ay nagtatrabaho kami ni Kiana sa dining area, o kaya ay sa kwarto ng isa’t isa, para lang magkasama kami at makapag-usap.
Araw-araw ay nasa balita na dumarami ang mga may kaso ng deadly virus, pati na rin ang mga pumapanaw mula dito. Araw-araw ay puno kami ng pangamba, takot, kalungkutan, at mga katanungan. Kailan kaya ito matatapos? Kailan kaya mawawala ang virus na sumakop sa buong mundo? Kailan kaya babalik sa normal na pamumuhay ang lahat?
Sa gitna ng mga nagaganap ay mayroon pa rin akong pinagpapasalamat. Natapos ko na ang Our Love Under the Same Sky sa loob ng tatlong buwan, dahil nga nasa bahay lang ako. Minsan ay nakakakain pa rin kami ng masasarap na pagkain gaya ng pizza, pasta, at ice cream, dahil may food delivery naman. May mga watch party kami ng mga kasama ko sa trabaho at ang Book Fair ay naging online event na lang, kung saan may mga guest authors na ini-interview.
Dahil sa mga nangyayari ay nakalimutan ko na ang aking manuscript sa Lovely Stories Publishing House. Nang maalala ko ito, nagpadala ako ng email kay Miss Carlyn bilang follow-up.
Hello Leia, wala pa rin kaming balita sa management dahil di kami pwedeng mag-report onsite. Ititigil muna ang release ng mga new titles ng books. We’ll get back to you soon, thank you.
Binasa ko ang email ni Miss Carlyn at napakibit-balikat. Siguro nga, ang magagawa lang sa ngayon ay ang maghintay.
Matapos basahin ang email ay tumingin muna ako sa Facebook. Karamihan sa mga posts na nakikita ko ay mula sa aking mga ka-opisina at ilang mga kaibigan. Nasa bahay lang din sila, nagtatrabaho, ang iba ay may mga kakilala na hospital workers, at mayroon din ilang posts ng mga nawalan ng mga mahal sa buhay dahil sa virus. Nadurog ang puso ko nang maisip na hindi man sila makadalaw o makapag-paalam sa mga kanilang mahal sa buhay na namatay na mula sa nasabing sakit.
Tinignan ko muli ang account ng aking ina na nasa abroad, si Rosemarie Aragon. Wala siyang ibang post kundi ang isang picture ng kandila na kanyang profile photo na public view mode. Natukso akong tanungin siya kung sino ang pumanaw, pero huwag na. Di naman ako nito sasagutin sa chat. Sana lang ay nasa maayos siyang kalagayan.
Dumaan ang mga buwan. Naging tahimik ang Pasko at Bagong Taon na lockdown mode.
Nang pumasok ang Bagong Taon, nanalangin ako na sana, matapos na ang delubyong ito na dala ng virus. Sana ay makalabas na akong muli at makapamasyal na kasama si Kiana, makita ang aking mga kaibigan at ka-opisina, at makabili sa shopping mall.
At sana, maging libro na ang Free to Dream para magkaroon ako ng book signing. Paltos na ang kamay ko sa kaka-practice ng autograph. Sana, mapirmahan ko na ang aking libro at makilala ang aking mga readers.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top