14: Pag-asa
TW: mentions of depression
"Awa ng Diyos, nagising din si Leia."
Narinig ko si Tita Millet na humihikbi sa loob ng aking kwarto. Gising ako sa mga oras na ito ngunit nagpanggap ako na tulog habang pinakikinggan ang usapan nila ni Kiana.
"Ma, hindi ko pa kayang mawala siya," hikbi rin ni Kiana.
"Kung natuluyan ang pinsan mo, hindi ko mapapatawad ang sarili ko." Tuluyan nang umiyak si Tita Millet. "Nangako ako kay Rosemarie na aalagaan ko ang batang iyan."
"Nagsisisi ako na inaaway ko siya noon," maluha-luhang tugon ni Kiana. "Ngayon naiintindihan ko na kailangan ni Lei ng mga taong matatawag niya na pamilya. Kailangan niya ang mga taong magmamahal sa kanya kahit sino pa siya."
"Sleeping pills ang ininom ni Leia pero expired ito. Kiana, paano natin siya matutulungan?" Tanong ni Tita Millet.
"Ang mommy ni Terrence ay psychologist, pwede natin siyang dalhin sa kanya. Pero dapat pumayag si Leia. Lahat tayo ay tutulong sa kanya," determinadong pasya ni Kiana.
"Hindi kaya may depression siya? Paano kung matagal na siyang may ganoong kondisyon?" Pagtataka ni Tita Millet.
"Posible na meron, pero kailangan natin na ipa-check siya para sigurado tayo sa tulong na kakailanganin niya," ika ni Kiana.
"Akala ko, yung depresyon ay kayang maalis sa isang iglap. Sabi kasi ng kumare ko, kulang sa dasal ang mga taong may ganitong sakit," ika ni Tita Millet. Gusto ko nang bumangon sa mga oras na ito para itama siya, pero buti na lang ay agad na nagsalita si Kiana.
"Ma, sakit ang depression, gaya ng ibang mga sakit na diabetes o cancer. Organ din ang utak at prone din sa sakit gaya ng ibang parte ng katawan natin. Hindi mo nakukuha iyong depression dahil wala kang faith sa Diyos. Chemical imbalance sa utak ang sanhi nito, at makakadagdag din ang mga masasakit na pinagdaanan sa buhay, gaya ng kay Leia. Baka nagpatong-patong na yung mga naranasan niya. Yung sa nanay niya, pati yung libro niya na dapat published na pero wala tapos minaltrato pa siya ng pub house nila. Strong naman si Leia, pero sa puntong ito, di na niya kinaya."
Binalot ng katahimikan ang buong silid. Narinig kong huminga si Tita Millet. "Alamin na natin kung paano alagaan si Leia. Di pala biro ang kanyang pinagdaanan."
"Akala ko talaga okay lang siya, pagod lang sa trabaho. Nalalagas kasi ang kanyang buhok tapos nangangayayat. Warning signs na pala iyon," wika ni Kiana.
"Hindi pabigat ang pinsan mo. Mabait na bata iyan kahit madalas mapag-isa. Minahal ko iyang si Leia bilang sarili kong anak," ika ni Tita Millet. "Ang dapat sisihin, yung walang hiyang lalaki na gumawa noon kay Rosemarie. Dalawang buhay tuloy ang sinira niya."
"Ma, kung alam mo lang, magaling na writer si Leia," ika ni Kiana. "Thirty thousand something na ang followers niya sa Wattpad, tapos magaganda ang mga stories niya. Mas marami lang followers ko, pero yung iba kong readers, kapag nalaman na magpinsan kami ni Leia, sasabihin nila fans din sila dahil sa akin. Minsan nagkukwento pa sa akin iyan na sana dumami rin followers niya at magkaroon ng fandom gaya ng sa akin, pero sabi ko ang importante, mahal niya ang ginagawa niya na pagsusulat. At mahal siya ng mga readers niya."
"Siguro ito ang sagot sa tanong ni Leia, kung bakit siya nandito sa mundo. Siya ay isang writer na magbabahagi ng saya at aral sa kanyang mga sinusulat," ika ni Tita Millet.
"Ma naman, naiiyak ako!" Tawa ni Kiana sabay hikbi. "Basta, tulungan nating gumaling si Leia."
Sa puntong ito, hindi ko na napigilan ang aking sarili na lumuha. Unti-unti akong nagpakawala ng hikbi hanggang sa tuluyan itong maging hagulhol.
"Leia?" Narinig ko ang mga yabag ni Tita Millet na papunta sa aking kama. Ibinaon ko ang aking mukha sa unan at mas lalo akong umiyak nang maramdaman kong may mga braso na yumakap sa akin.
"Andito lang kami ng pinsan mo," narinig ko ang maluha-luhang boses ni Tita Millet. "Anak, huwag mo na ulit uulitin iyon ah?"
Anak. Mas lalo akong lumuha sa salitang iyon.
"Sorry po Tita, di ko na kasi kinaya noong araw na iyon," hagulhol ko.
"Lei, andito kami." Si Kiana iyon. Inangat ko ang aking mukha at sumalubong sa akin ang mga lumuluhang mata nila Tita Millet at Kiana. Unti-unti akong bumangon at yumakap ako pareho kina Tita Millet at Kiana.
"Natakot kami sa nangyari," lumuluhang wika ni Kiana. Parang waterfalls ang mga luha niya at ngayon ko lang nakitang umiyak nang ganito ang aking pinsan. Kahit noong nakipag-break si Kiana sa ex niya ay di naman ganito ang iyak niya. "Lei, huwag mo akong iiwan, please."
"Sorry, akala ko kasi nag-iisa lang ako sa mundo at walang makakaintindi sa akin." Pinalis ko ang aking mga luha gamit ang kamay.
"Kasama mo kami," ika ni Tita Millet. "Tutulungan ka naming gumaling."
"Ang mommy ni Terrence ay psychologist, baka gusto mong lumapit sa kanya," alok ni Kiana.
Natigilan ako at nag-isip.
Sa gitna ng mga dumadaloy kong luha, nagkakaroon na ng liwanag na sumisilip sa kadiliman na aking nararanasan.
Anak, huwag mo na ulit uulitin iyon.
Lei, huwag mo akong iiwan.
Kung ganito ang hagulhol nila Tita Millet at Kiana, ibig sabihin, mahalaga ako sa kanila.
At mahalaga rin sila sa akin. Silang tatlo ni Tito Rey.
"Oh, kayong tatlo, bakit kayo nasa kama ni Leia?"
Pumasok sa kwarto si Tito Rey at naabutan namin na nagkukumpulan sa kama kasabay ng aming pag-iyak.
"Pa, kinakausap namin si Leia," tugon ni Tita Millet.
Natigilan si Tito Rey at pinagmasdan kaming tatlo, na basang-basa ang mga mukha at namamaga na ang mga mata sa kakaiyak. Inilapag ni Tito Rey ang mga dala niyang pagkain sa katabing lamesa at tahimik na lumapit sa akin. Niyakap niya ako at tinapik ang balikat sabay layo. Ngayon lang ako niyakap ni Tito Rey sa habang panahon na kilala ko siya.
"Alam mo ba kung kanino ko nakuha ang pangalan mo, hija?" Tanong ni Tito Rey. Umiling ako.
"Yung pelikula na Star Wars, may matapang na prinsesa doon at isa siya sa mga bida ng pelikula. Si Princess Leia. Noong araw na pinanganak ka ng nanay mo sa ospital, yung pelikula na pinapalabas sa canteen ay Star Wars. Tinanong ko sa nurse kung anong spelling ng Leia ni Princess Leia. L-E-I-A. Kaya ako yung nag-asikaso ng birth certificate mo imbes na nanay mo," kwento ni Tito Rey.
"Di ko kasi alam yung Star Wars, kahit naririnig ko na ito dati pa," mahinahon kong tugon.
"Pa, di siguro pwede manood si Leia ng Star Wars kasi may tungkol ito sa gyera," ika ni Kiana. "Ito pala yung katukayo mo."
Hawak ni Kiana ang kanyang smartphone at ipinakita niya sa akin ang screen. Hinanap niya pala ang pictures ni Princess Leia at nang makita ko ang isang babae na naka-puting damit at nakangiti sa akin, napangiti rin ako. "Maganda pala siya," ika ko.
"Star Wars fan si Terrence at dati na kaming nanood nito," kwento ni Kiana. "Oo, matapang na character si Princess Leia at mabuti siya kahit nawalan siya ng buong pamilya sa kwento."
"Paano?" Tanong ko kay Kiana.
"Yung tinitirhan niya na planeta, pinasabog ng Death Star, ay sorry, naikwento ko," paumanhin ni Kiana.
"Ah, kaya pala," tumango ako.
"At si Leia, inampon din siya ng isang mayamang pamilya na nagmamahal sa kanya nang totoo," dagdag pa ni Kiana. "Yung artista na gumanap sa kanya, novelist din sa totoong buhay at nakipaglaban din sa mental health issues, si Carrie Fisher."
"Wow," pagkamangha ko. Halos magkapareho kami ng pinagdaanan ni Princess Leia pati na rin ng gumanap sa kanya. Nang tinignan ko ulit ang picture ni Princess Leia sa Google search, nakangiti siya sa akin. Na para bang sinasabi niya na kaya kong malagpasan ang mga pinagdaanan ko. Na may pag-asa pa ako na maging masaya ulit. At may mga taong nagmamahal sa akin.
Seryoso kong pinagmasdan sila Tita Millet, Tito Rey, at Kiana.
"Paano pala humingi ng tulong sa psychologist?" Tanong ko.
Nagliwanag ang mukha ni Kiana sa sinabi ko. "Gusto mo i-refer kita sa nanay ni Terrence?"
"Sige."
Nakapagdesisyon na ako na humingi ng tulong. Hindi ito madali, pero gusto kong makita ang liwanag at pag-asa para sa aking buhay.
Hindi ako agad pinauwi dahil kailangan pang tignan ang aking kondisyon. Si Kiana ang nakipag-usap sa boyfriend niya na si Terrence tungkol sa mommy nito. Ako na rin ang nagsabi kay Kiana na kausapin si Cheryl sa smartphone ko at sabihing ipaalam sa kanya ang nangyari.
Sa sumunod na gabi, nakatanggap ako ng Telegram message mula kay Cheryl.
Hi Leia, I learned about what happened to you because your cousin told me.
I'm so sorry to know what you're going through. It's not easy having those inner demons in your head. Do know that you're not alone, and you can reach out to me even beyond work hours. I'll listen to whatever you want to tell me.
You got this, Princess. I can't help myself saying this. Princess Leia is my favorite Star Wars character. I see you not only as an employee, but a good colleague.
I'll let our manager know about this. I hope it's okay if I can let him know about your condition. Thank you.
I hope to see you and give you a hug. I'll visit the Philippines next year.
Love, Cheryl
Naluha ako sa mensahe ni Cheryl sa akin. Ngunit may ngiti na sumilip sa aking mga labi. Kahit pala ang katrabaho ko mula sa Australia ay itinuturing ako na kaibigan.
Nagpasalamat ako kay Cheryl at sinabi na sa kanya na lang yung tungkol sa aking kondisyon. Sabi ko na lang, excuse na lang ang na ospital ako dahil bigla akong nagkasakit. Pumayag si Cheryl at buti ay naunawaan niya na ayaw ko itong ipagkalat sa iba.
Ilang araw pa ang tinagal ko sa ospital. Sa puntong ito, unti-unti na akong kumakain sa oras at natutulog.
Sa huling araw ko sa ospital, dumalaw sila Terrence na boyfriend ni Kiana at ang ina nito. Mabait ang mommy ni Terrence na si Dra. Ellen. Na-orient na kami sa paghahanap ng diagnosis sa akin at sa magiging therapy ko. Kasama ko ang aking tiyo, tiya, at si Kiana habang kinakausap ako ni Dra. Ellen.
Kumain kami sa aking kwarto at pagkatapos, ay nanatili si Terrence para samahan si Kiana. Umuwi na si Dra. Ellen.
"Punta lang po kami sa chapel," ika ni Kiana habang nakatayo sa tabi ni Terrence.
"Sige, bumalik kayo kaagad, patapos na ang visiting hours," paalala ni Tita Millet. Umuwi si Tito Rey sa mga oras na ito. Nang makalabas na sila Kiana at Terrence, naisipan ko silang sundan.
"Tita, pupunta lang din ako sa chapel."
"Leia, kaya mo na ba?" Napaupo nang diretso si Tita Millet sa sofa nang makitang nakatuntong na ang mga paa ko sa sahig.
"Opo, wala na po akong swero," ngiti ko. Isinuot ko ang aking cardigan sa ibabaw ng aking pajama set at bedroom slippers.
"Balik ka na rin agad." Napangiti si Tita Millet at sumandal sa sofa.
Dahan-dahan akong naglakad sa may pinto at hinila ko ito. Unang beses kong nakaapak sa labas mula nang dalhin nila ako dito. Malawak ang lobby ng ospital at may nurse's station sa di-kalayuan. Lumakad ako sa kabilang hallway hanggang sa marating ko ang dulo nito, na isang chapel.
Tumayo ako sa may pintuan at nasilip ko na may mga bakanteng upuan at isang malaking cross sa gitna. Nakaupo sa harapan sila Kiana at Terrence. Nakasandal ang ulo ni Kiana sa balikat ni Terrence at parang umiiyak ito.
"Terrence, dasal ko ngayon, mawala na pagiging sikat kong manunulat sa Watty, huwag lang si Leia." Dinig ko ang sinabi ni Kiana.
"She'll recover," sagot ni Terrence. "We'll pray for her. She will make it."
"Oo, para siya ang maid of honor sa kasal natin sa future," hikbi ni Kiana.
Napangiti ako sa narinig ko. Pumasok ako sa chapel at tumayo sa gilid nila Kiana at Terrence.
"Oo, ako magiging maid of honor niyo," ngiti ko.
Napatingin ang dalawa sa akin. Tumayo si Kiana at mahigpit akong niyakap. Napangiti ako sa init na naramdaman ko mula sa kanya.
"Promise iyon ah?" Pinalis ni Kiana ang kanyang luha.
"Oo, ayan o, kaharap ko si Lord," pinagmasdan ko ang cross sa gitna. "Tutuparin ko ang promise ko sa inyong mag-jowa," ngiti ko kina Kiana at Terrence. Mula sa likuran ni Kiana ay nakita kong nag-thumbs up sign si Terrence sa akin.
Umalis ako sa pagkakayakap kay Kiana at inaya ko sila na magdasal kasama ko. Tatlo kaming lumuhod at si Terrence ang nag-lead ng dasal.
Hindi ako relihiyosong tao, ngunit gumaan ang aking pakiramdam habang nagdarasal.
Humingi ako ng tawad kay Lord at tulong na rin mula sa Kanya.
Tutulungan ko ang sarili ko na gumaling, basta huwag Niyo po akong iiwan. Samahan Niyo po ako na magpa-therapy. Gusto ko na pong makaraos at makaalis mula sa kadiliman. Gusto ko na pong makita muli ang pag-asa at liwanag.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top