The Decision I Made
The Decision I made
"Best? Asan ka na ba? Nandito na ako sa labas ng bar," sabi ko sa best friend ko. Hindi ko alam kung anong oras pa siya darating.
"Ten minutes nand'yan na ako, best. Traffic eh," sagot niya sa kabilang linya.
"Tsk! Kanina mo pa sinabi 'yan, best! Sige na, mag-text ka na lang kapag nandito ka na. Mauuna na ako sa loob," naiinis kong sabi. Kanina pa siya text nang text ng ten minutes. Namumuti na ang mata ko at nilalamok na rin ako rito sa labas ng bar.
"Ok. Sige, best." Narinig kong sabi niya bago ko I-nend ang tawag.
Naglakad ako papasok sa bar, wala akong pakialam kahit parang nababasag ang eardrum ko, dahil sa malakas na musika na nagmumula sa live band na kasalukuyang tumutugtog sa maliit na intablado. Nakakahilo ang mga patay sinding ilaw at amoy alak na paligid. Mayroon ding ilang pares na nagsasayaw sa gitna ng dance floor. Ganito pala rito sa loob ng bar, ngayon lang ako pumasok sa ganitong klaseng lugar. Parang gusto kong bumalik sa labas nang mapansin kong halos puro lalaki ang nandito sa loob.
Hmm. Ano naman ngayon kung karamihan ng nandito ay lalaki? Gusto kong uminom kaya ako nagpunta rito. Wala akong pakialam sa kanila.
Agad kong sinuyod ang buong paligid para maghanap ng bakanteng upuan. Ilang saglit lang ay natanaw ko ang bakanteng mesa, medyo malapit ito sa maliit na intablado kung saan tumutugtog ang banda, agad akong nagtungo roon. Matapos kong makaupo ay pinagmasdan kong muli ang buong paligid. Tama nga ang sabi ng mga kaibigan ko, talagang maingay sa loob ng bar. Pero mukha namang masaya sa lugar na ito, nag-I-enjoy naman ang mga tao sa paligid ko.
Wala pang tatlong segundo ay may lumapit sa aking waitress.
"Ano po ang order n'yo, ma'am?" sabi nito. Iniabot sa akin ang isang menu, agad ko itong pinasadahan ng tingin.
"Ahm. Ito na lang sisig, onion rings, at isang bucket ng San Mig Light," sabi ko. Iyon lang kasi ang kilala kong alak sa lahat ng nasa listahan dahil hindi naman talaga ako umiinom.
Ngumiti sa akin ang waitress, mukhang nagtaka siya dahil sa inorder ko. "Sige po, ma'am," sabi nito.
Saktong dating ng inorder ko nang dumating din si Best, kahit kailan talaga ay lagi siyang late sa usapan. Pero nasanay na rin ako sa kanya, sa tagal ko rito sa Laguna siya lang ang bukod tanging karamay ko sa tuwing may pinagdadaanan ako. Malayo ako sa mga taong nag-aruga sa akin at dahil nandito ako sa lugar na ito, wala akong ibang nasasandalan sa mga panahong kailangan ko nang karamay. Napakahirap talagang mamuhay mag-isa.
"Hoy! Babae, anong naisip mo at nagyaya ka rito, ha? Hindi ba dapat nasa probinsya ka na? Ngayon ang pamamanhikan sa 'yo, 'di ba? Bakit nandito ka pa?" sunod-sunod na tanong ni Jerica sa akin. Siya ang nag-iisang best friend ko, lahat yata nang kibot ko ay alam niya.
"Gusto kong uminom, Jeh. Kaya 'wag ka munang magtanong d'yan! Pwede?" Agad kong kinuha ang isang bote ng San Mig Light at tinungga ito. Muntik ko pang maibuga ang alak sa bibig ko nang malasahan ko ito. Pambihira. First time ko kasing uminom kaya wala talaga akong idea sa mga lasa ng alak. Napapailing na lang ako pero ito lang ang paraan para saglit kong makalimutan ang sakit. Gusto kong saglit na kalimutan ang aking problema at baka sa pamamagitan nito ay magawa ko iyon.
"Oi, Precious. Ano ba ang problema mong babae ka?" pasigaw na tanong niya sa akin. Nakita kong bahagyang lumaki ang mata ni Jeh.
Dahil sa maingay ang dance floor kaya hindi kami magkarinigang dalawa. Tumabi siya sa akin, "May problema ba kayo ng boyfriend mo? Bakit hindi ka umuwi?" nag-aalalang tanong ni Jeh.
Ngumiti ako nang mapakla dahil sa tanong niya. "Ayaw ko na, hindi na ako magpapakasal sa kanya."
Pilit kong pinipigilan ang pagtulo ng luha ko ngunit hindi ko ito nagawa. Akala ko'y naubos na ang luha ko dahil sa ilang araw kong pag-iyak, pero hindi pa rin pala. Agad kong pinunas ang aking luha at saka uminom muli ng alak, unti-unti na akong nasasanay sa lasa nito.
"Pero bakit, best? Naku. My God? Joke ba 'yan, ha?" hindi makapaniwalang sabi ni Jeh.
"Saka ka na mangulit. Uminom na lang tayo."
"Best naman, eh. 'Di hindi na matutuloy ang pagiging maid of honor ko? Bakit? What happened?" eksaheradang sabi nito. Napailing na lang ako dahil sa kakulitan niya. Ayoko talagang pag-usapan iyon. Kaya nga ako nagyaya rito para makalimot tapos iyon pa ang pag-uusapan namin.
"Basta, best. Sasabihin ko sa 'yo sa ibang araw. Ayoko lang pag-usapan 'yon ngayon," Hindi na rin siya nagpumilit na alamin kung ano ang dahilan ko. Sa halip, masaya kaming nakipagsayawan at uminom, hanggang sa inabot na kami ng madaling araw sa bar.
* * *
Gabi na ako nakauwi sa apartment na inuupahan ko. Dahil pagkagaling namin sa bar ay sumama ako pauwi sa bahay nila best. Doon muna ako nagpalipas ng kalasingan ko. Mabuti na lang at mabait naman ang mama at papa niya.
Papasok pa lang ako sa gate ng apartment nang matanaw ko ang isang lalaking nakatayo sa tabi ng aking pintuan. Nakayuko siya, hindi ko alam kung ano ang pinagmamasdan niya.
"Precious, may nagpapabigay pala nito sa 'yo," sabi ng classmate ko. Sabay iniabot sa akin ang bulaklak ng yellow bell na mapipitas lang sa garden nitong school. Katatapos lang ng practice namin. Isa kasi ako sa panlaban ng school pagdating sa ballroom dancing.
"Sino naman ang nagpapabigay n'yan? Sa dami ng bulaklak dito sa school, yellow bell pa talaga ang napili niya," natatawang sabi ko.
"Magpapakilala raw siya sa 'yo sa Junior's Night," nakangiting sabi ni Elaine, ang classmate ko.
"Duh! Hindi kaya ikaw lang 'yon? Ikaw lagi ang tagabigay nito eh," sabi ko. Sumimangot naman siya, halos magdikit na ang mga kilay niya.
"Nge! Hindi kita type. Lalaki ang gusto ko."
Natawa ako sa sagot niya. Nagbibiro lang naman ako eh, "Malay ko ba kong na-tibo ka na sa akin."
Tinawanan lang niya ako saka lumabas na ng Pavilion kung saan kami nagpapraktis ni Glenn, ang partner ko. Sa totoo lang excited na rin akong malaman kung sino ang nagbibigay ng bulaklak sa akin. First year high school pa lang ako n'ong nag-umpisa ang pagbibigay ng bulaklak. At ngayon ay 3rd year high school na ako pero hindi ko pa rin siya kilala at patuloy pa rin siya sa pagbibigay ng bulaklak.
Sumapit ang Junior's Night, masayang nagsasayawan ang mga classmates ko. Maging ang iba na galing sa ibang section ay masayang nagsasayawan sa saliw ng masayang musika. Hanggang sa biglang nag-iba ang tugtog, napalitan ito ng sweet music.
Nakaupo lamang ako habang pinagmamasdan ang mga kaibigan ko na papunta sa gitna kasama ang lalaking nais makipagsayaw sa kanila.
"Hi. Pwede ba kitang isayaw?" sabi ng isang tinig, nag-angat ako nang tingin sa nagsalita. Nagulat ako nang makilala ko kung sino siya. Si Jake De Ocampo, player siya ng badminton at table tennis. Isa rin siya sa mga panlaban ng school namin at siya rin ang nanalong Mr. Intrams.
"Sure, sige," tipid kung sagot. Inabot ko ang kamay niyang nakalahad sa akin. Magkahawak kamay kaming naglakad patungo sa gitna ng dance floor.
Nang mga sandaling iyon, abot-abot ang kabang nararamdaman ko. Nanlalamig ang mga kamay kong nakapatong sa kanyang mga balikat, dahil sa pakiramdan na bago sa akin at hindi ko alam kung ano ang tawag. Lagi ko siyang pinapanood tuwing may laro siya. Siya kasi ang ultimate crush ko, ngayon ay kasayaw ko pa siya. Kaya naman parang lumulundag ang salbahe kong puso dahil sa sobrang kilig.
Bigla siyang tumikhim kaya naman napalingon ako sa kanya. Nagtama ang aming mga mata. Nakangiti siya sa akin kaya kitang-kita ko ang kakaibang kislap sa kanyang mga mata, para itong isang bituin sa lagit na kumikislap at bumagay ito sa maamo niyang mukha. Hindi naman siya kagwapuhan pero malakas ang kanyang appeal para sa akin.
"Nagustuhan mo ba iyong mga pinagbibigay ko?" nakangiting tanong niya. Lumitaw ang mapuputi niyang ngipin na bumagay sa mapupula niyang labi.
"Alin ba?" tanong ko sa kanya. Kahit parang get's ko na kung ano iyong tinutukoy niya.
Bahagya siyang tumawa, nakaramdam naman ako ng kilig dahil doon. Ang sarap kasi sa pakiramdam kapag abot kamay mo na ang crush mo. "Iyong bulaklak ng yellow bell," sagot niya.
"Ibig sabihin mula noong first year ikaw na ang nagbibigay sa akin ng bulaklak?" hindi makapaniwalang tanong ko sa kanya. Tumango siya habang nakatitig sa akin. "Paano mo akong nakilala?"dagdag tanong ko sa kanya.
"Sino naman ang hindi makakakilala sa'yo? Sa ganda mong iyan, sa galing mong sumayaw at bukod doon ay kabilang ka pa sa star section nitong school," turan niya. "Magkatabi ang section natin noong first year. Hindi mo siguro ako natatandaan, lagi akong nasa hallway tuwing dadaan ka. Akala ko nga suplada ka dahil hindi ka namamansin eh," sabi niya.
Ang totoo first year pa lang kami ay kilala ko na rin siya. Kung ganoon pareho lang pala kaming dalawa, lihim na tinatanaw ang isa't isa. Napangiti ako dahil doon.
"Ikaw kaya ang suplado. Tuwing daraan ako nakaharang ka." Tumawa lang siya dahil sa sinabi ko.
"Pwede ba kitang ligawan?" seryosong sabi niya.
"Joke ba 'yan?"
"Hindi, hindi ako nagbibiro, Precious. Gusto talaga kitang ligawan," seryosong sabi niya.
Tumango na lang ako sa kanya bilang tugon. Lumapad naman ang pagkakangiti niya at halatang masaya siya. Maging ako ay napangiti na rin habang nakatitig kami sa isa't isa.
Lumipas ang mga buwan hanggang sa sinagot ko siya. Nakapagtapos kami nang pag-aaral na kami pa ring dalawa. Tulad sa ibang relationships ay marami rin kaming pinagdaanan pero nalampasan namin iyon. Hanggang sa pareho na kaming nagkaroon ng trabaho at nagbalak lumagay sa tahimik.
Dati kapag nakikita ko siyang naghihintay sa akin ay parang gusto kong tumakbo. Tumakbo palapit sa kanya, gusto ko siyang yakapin, halikan, at 'wag nang bitawan pa. Ang lalaking una kong minahal at patuloy na minamahal sa kabila ng ginawa niya. Pinangarap na sana hanggang sa huli kami ang magkatuluyan at magkasama hanggang sa aming pagtanda.
Pero ngayon ay magbabago na ang lahat.
Lumingon siya sa akin nang mapansin niya ang pagdating ko. Blangko ang kanyang itsura. Alam ko ang dahilan kung bakit siya nagpunta rito.
"Bakit ka nandito?" tanong ko sa kanya nang makalapit ako.
"Hindi ba dapat ako ang nagtatanong sa 'yo? Bakit hindi ka umuwi? Bakit hindi ka sumipot?" balik tanong niya sa akin. Bakas ang galit sa kanyang mukha.
"Dapat pa ba akong sumipot sa pamamanhikan mo? 'Wag na nating ituloy ang plano nating magpakasal." Halatang nagulat siya sa sinabi ko dahil bahagyang umawang ang kanyang bibig.
"Ano bang problema? Bakit mo sinasabi 'yan? Ganoon na lang 'yon ha? 'yung pinagsamahan natin at mga plano sa loob ng pitong taon, balewala na lang sa'yo' 'yon?" naiinis na sabi niya. Ibinaling ko sa ibaba ng apartment ang paningin ko. Ayaw ko siyang tingnan dahil baka bawiin ko pa ang sinabi ko.
"Ikaw ang may problema, hindi ako!" sabi ko sa kanya. Kasabay noon ang mabilis na pagpatak ng aking mga luha. "Sabihin mo sa akin ang totoo, Jake. Ikaw ba ang ama nang ipinagbubuntis ni Leslie?" natahimik siya dahil sa sinabi ko. Nakatingin lang siya sa akin habang umiiyak ako. "A-akala mo siguro hindi ko malalaman ang lahat. Ang lahat tungkol sa inyong dalawa ni Leslie. Ang sakit, Jake. Sobrang sakit nang ginawa mo sa akin. Kahit kailan mula noong naging tayo, ni katiting ay hindi ako naglihim sa 'yo. Alam mo 'yan, lahat ginawa ko para sa iyo. Ikaw ang sumira sa pitong taon na mayroon tayo! Ikaw ang nakalimot... Ikaw ang nagloko!" lumuluhang anas ko sa kanya.
"Bhe, maniwala ka sa akin hindi kita niloko," sabi niya.
"Anong tawag sa ginawa mo, Jake?" masama ang loob na tanong ko sa kanya. Ni sa hinagap ay hindi ko inisip na mangyayari sa amin ito dahil umasa na akong may forever kami.
"Hindi ko sinasadya 'yon, please lang. Makinig ka naman sa akin, Bhe. Nalasing ako kaya iyon nangyari, isang beses lang naman iyon. Kailan ko lang nalaman na nabuntis ko pala s'ya. Pero ikaw talaga ang mahal ko, kahit anong mangyari itutuloy pa rin natin ang plano nating magpakasal. Kaya ko namang sustentohan iyong bata," sabi niya. Lumapit siya sa akin at niyakap ako nang mahigpit habang patuloy lang ako sa pag-iyak. "Bhe, alam mo namang ikaw ang mahal ko. Kung pwede ko lang ibalik ang oras na iyon sana hindi na lang ako umattend sa birthday party niya. 'Wag mo naman akong bitiwan," umiiyak na sabi niya.
"Mahal din kita, alam mo 'yan. Hindi ganoon kadaling gawin ang tama, Jake. Pero para sa akin ito ang tamang gawin. Mahirap para sa akin ang desisyon na ito. Alam mo ang naging buhay ko hindi ba? Ayaw kong lumaki ang magiging anak mo ng walang sariling pamilya. Gusto mo bang maging katulad ko siya? Lumaking hindi man lang nakasama ang ama. Mahirap lumaki na hindi mo kasama ang tatay mo. Kahit busugin ka man sa pera at pagmamahal ng mga taong nag-aroga sa iyo, hindi noon mapupunan ang malaking kakulangan sa pagkatao mo. Alam ko iyan dahil naranasan ko at ayokong maranasan iyon ng magiging anak mo."
"Pero paano tayo? Hindi ko mahal si Leslie. Ikaw ang mahal ko, ikaw ang gusto kong pakasalan," sabi niya. Batid ko namang totoo ang mga sinasabi niya pero hindi na magbabago ang desisyon ko. Mahal ko siya kaya ko ito ginagawa. Kahit pa alam kong mahirap ito para sa akin pero kaya kong magpaubaya alang-alang sa magiging anak niya. Dahil alam kong kahit ituloy ko ang kasal namin, mayroon pa ring isang batang walang muwang ang mawawalan nang pagkakataong magkaroon ng buong pamilya. At hindi rin ako magiging masaya kapag nangyari iyon.
"Hanggang dito na lang tayo. Nasaktan ako dahil sa ginawa mo pero gusto kong sabihin na hindi ako galit sa'yo. Lalaki ka lang... naging mahina ka sa tukso. Kaya siguro nangyari ito dahil iba ang nakatadhana sa atin. Kahit mahirap, kahit masakit, kakayanin ko ito at tatanggapin na wala na tayo." Hindi ko alam kung paano ko iyon nasasabi sa kanya sa kabila ng bigat sa dibdib ko. "Hiling ko lang sa 'yo sana pakasalan mo si Leslie. Balang araw matutunan mo rin siyang mahalin at mas kailangan ka nila ngayon. 'Wag mo na akong isipin dahil mula ngayon tapos na ang lahat sa atin. Ako na ang kusang bumibitiw," malungkot na sabi ko sa kanya. Parang dinudurog nang unti-unti ang puso ko.
"Hindi ko kayang gawin ang hinihiling mo," sabi niya habang nakayakap pa rin siya sa akin.
"Kayanin mo dahil magiging tatay ka na. Alang-alang sa magiging anak n'yo ay ito ang tamang gawin, Jake."
"Ganito lang ba kadali sa 'yo ang lahat? hindi mo ba ipaglalaban ang mahigit pitong taon nating pinagsamahan?" tanong niya. Sa totoo lang hirap na hirap ako sa desisyon kong ito, para kong pinapatay nang dahan-dahan ang aking sarili. Pero kailangan kong panindigan sa harap niya ang desisyon ko dahil sa tingin ko ito ang tamang gawin.
"Hindi ito madali para sa akin, Jake. Hindi na ako lalaban dahil ginagawa ko ito para sa magiging anak mo. Kaya sana maintindihan mo rin ang gusto kong ipaintindi sa 'yo. Malay mo balang araw magpasalamat ka pa sa akin dahil ginawa ko ito." Kumalas ako sa pagkakayakap niya.
"Mahirap ang sinasabi mo pero sige, susubukan ko. Kung sakaling magbago ang desisyon mo, sabihin mo lang sa akin dahil alam kong ikaw pa rin ang pipiliin ko," sabi niya.
Napailing ako dahil sa sinabi niya, "Hindi na magbabago ang isip ko, Jake. Sana lang 'wag mong subukan, gawin mo dahil magbabago na ang buhay mo. Maging responsable ka. Ganoon ang pagkakakilala ko sa 'yo kaya sana maging responsable ka ring ama."
"Sige. Kung iyan ang gusto mo ay tatanggapin ko. Kilala kita at alam kung hindi ko na mababago ang isip mo. Mag-iingat ka na lang lagi at 'wag mong pababayaan ang sarili mo," malungkot na turan niya.
"Para namang hindi mo ako kilala. 'Wag mo akong isipin dahil kayang-kaya ko ang aking sarili," sagot ko sa kanya. Tipid siyang ngumiti dahil sa sinabi ko.
"Aalis na ako. Salamat na lang sa lahat." Maluha-luhang sabi niya bago siya tumalikod at naglakad paalis.
Agad akong pumasok sa loob ng aking apartment at doon ay pinakawalan ko ang masaganang luha sa aking mga mata. Makakalimutan ko rin siya pagdating ng tamang panahon.
Para makalimutan siya ay mas nag-focus ako sa aking trabaho sa isang Electronics Company. Pinagtuunan ko nang pansin ang aking sarili at ibinuhos ang aking pagmamahal sa aking lolo at lola na siyang nagpalaki sa akin.
After two years ay nabalitaan kung ikinasal na si Jake at Leslie. Naging masaya ako para sa kanilang dalawa. Naisip kong hindi nasayang ang pagpaparaya ko dahil sila talagang dalawa ang nakatadhana. At kahit nasaktan ako nang sobra sa naging desisyon ko noon, ngayon naman ay proud ako sa sarili ko dahil alam kong tama iyong ginawa ko, ang magparaya na lang.
Dahil naniniwala akong ang taong tunay na nagmamahal ay handang magsakripisyo at magparaya para sa ikabubuti ng iba. Ang sakim na pag-ibig, ay hindi nagdudulot ng maganda bagkos ay nakasisira ito sa buhay ng iba.
At alam kong may tamang taong darating sa akin. Tamang tao na inilaan ng Diyos para sa akin. Iyon ang lagi kong ipinagdarasal kay God, na sana kung sino man ang susunod kong mamahalin ay siya na rin ang makakasama ko hanggang sa aking pagtanda at naniniwala akong ibibigay niya iyon sa akin.
END
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top