Chapter 17

"Rain?" tanong ni Macy habang nakatingin sa isang lalaki na naroon sa tapat ng gate.

"Macy? Ikaw iyong kausap ko?"

Lumapit ang lalaki sa amin at hindi ko alam bakit bigla akong napaatras. Nabasa ko ang lalamunan ko habang pinagmamasdan ang mukha niya. Bakit biglang kumabog ang dibdib ko nang makita ko siya?

"Ate Chandria? Anong ginagawa mo rito?" tanong ng lalaki sa akin at doon ko naalala na kaklase ko siya. Kaklase namin siya ni Macy. Kaklase namin si Rain.

Napalunok ako at hindi kaagad nakasagot.

"Sinamahan niya ako, kasi baka ano raw ang mangyari sa akin. Hindi ko naman kasi alam na ikaw pala ang kausap ko sa secret site. Ibig sabihin, iyong kapatid mo..."

Lumamlam ang mukha ni Rain. "Oo. Kaya narito tayo sa bahay nila Sammy. Nakausap ko na ang mga magulang niya. Pwede raw nating makita ang diary ni Sammy dahil nahanap daw nila iyon at maraming nakababahalang nakasulat. Pati na rin ang cellphone niya na puno ng black mail messages mula kay Julius," paliwanag ni Rain. Hindi ko alam bakit humanga ako sa pamamaraan ng kaniyang pagsasalita. Para bang napakatalino ng taong kaharap ko. Hindi makabasag-pinggan. Parang ang hirap abutin.

Shut up, Chandria. What are you thinking? For sure, bata pa si Rain at akala mo papatulan ka ng gwapong iyan? Mangarap ka na lang!

Tuluyan na kaming nakapasok sa gate nang pagbuksan kami ng nanay ni Sammy. Namumugto ang mga mata nito. Siguro'y dahil sa pagkamatay ng kanilang anak. Narinig kong nagbabantay daw sila sa hospital nang bigla nilang narinig ang matinis na tunog mula sa makina. Bigla na lang daw nalagutan ng hininga si Sammy.

Hindi talaga natin masasabi ang bukas kung kailan tayo kukunin. Kaya nagpapasalamat ako sa Dios na nagising pa ako kahit papaano. Iyon nga lang, haharapin ko ang mahirap na mundong ito, pero hindi bale na, ang mahalaga buhay ako. Humihinga. Mahirap man ang buhay ko ngayon, may mangyayari ding maganda sa buhay ko balang-araw. Pagsikapan ko lang.

Ipinakita sa amin ng nanay ni Sammy ang diary nito pati na rin ang cellphone ng naiwan nilang anak. Napakabigat sa loob. Nakakabahala ang mga nakasulat doon. Napatunayan naming pati si Sammy ay pinagsamantalahan ni Julius. Mayroon pang mga pictures sa phone ni Sammy na mukhang si Julius ang kumuha dahil nasa bandang unahan ang mukha nito. Kuha noong pinagsamantalahan niya si Sammy. Wala itong malay. Nakahubad silang pareho.

Nakaramdam ako ng galit. Paano na lang kaya ang nararamdaman ng magulang ni Sammy dahil dito? Hindi talaga ako makapapayag na hindi mananaig ang katarungan sa kasong ito.

Naroon din sa diary ang katotohanang nakita ni Sammy ang panggagahasa ni Julius sa kapatid ni Rain na si Nair. At dahil daw nalaman ni Julius na may nakakita sa ginawa niya ay dinamay niya ito. Pati na rin si Macy na sinubukang lumaban para sa kaniyang kaibigan ay nakaranas din ng pagmamalupit ng lalaki. Napakawalang-hiya.

Nagpaalam na kami sa nanay ni Sammy at nagpaabot ng pakikiramay. Ang sabi ni Macy ay siya na raw ang magdadala ng mga ebidensya sa pulis para magkaroon ng kaso laban kay Julius para sa oras na magising ito ay sa kulungan na ang tuloy.

Sabay-sabay kaming sumakay ng bus kahit na medyo mayroon ng trauma ay sumakay pa rin kami dahil wala naman kaming pagpipilian. Magkatabi kami ni Macy samantalang si Rain ay nakatayo sa kaliwang gilid ko. Nasa tabi ng bintana si Macy at natutulog.

Biglang bumalik sa alaala ko ang pagsakay namin sa bus papunta sa La Union. Masaya ang mukha ng lahat dahil sa excitement. Maging ako ay masaya ng araw na iyon dahil nilibre ako ng mga kaklase ko. At sa isang iglap naaksidente kami.

Biglang pumreno ang bus, kaya naman muntikan na akong masubsob sa likod ng upuan na nasa harap ko. Mabuti na lang at nahawakan ako ni Rain, kaya hindi ako tuluyang nawalan ng balanse. Napatingin ako sa kaniya at sandaling nagtagpo ang mga mata namin.

Muli na namang bumilis ang tibok ng puso ko, pero sa pagkakataong ito ay may kasamang kirot. Parang hindi ako makahinga.

"Chandria..." pagtawag niya sa akin na lalong nagpabilis ng tibok ng puso ko. Ang boses na iyon...parang ilang beses akong tinawag sa panaginip ko.

"Oh! Lagpas na ako!" sigaw ni Macy na nagising na pala at madaling nagpaalam sa amin para bumaba ng bus.

Wala naman akong nagawa kung hindi ang umusod para makaupo si Rain sa tabi ko. Marahang nagbangga ang mga balikat namin at sa pagkakataong iyon tila ba nakuryente ako.

Napalunok ako at piniling magpatay-malisya habang nakatingin sa labas ng bintana.

Oo nga pala, tinawag niya ako kanina. Bakit?

"Ahh, Rain—" naputol ang sasabihin ko nang biglang tumunog ang cellphone ko. Tumatawag ang boss ko.

Sinagot ko iyon. "Chandria! Naku! Salamat naman at gising ka na! Kumusta? Ayos ka na ba? Nabalitaan ko ang nangyari sa 'yo!" salubong niyang bati sa akin.

"O-opo, ayos na po ako."

"Mabuti, kaya mo na bang pumasok ngayon? Medyo kulang kasi tayo sa tao."

"S-sige po, sige po. Papasok po ako."

Binaba ko na ang tawag bago ko sinilip ang labas para alamin kung nasaan na nga ba ako banda. "Saan ka pupunta?" tanong ni Rain sa akin.

Nilingon ko siya para sagutin. "Papasok sa trabaho."

Kumunot ang noo niya. "Papasok ka kaagad? Ayos ka na ba talaga?"

Ngumiti ako. "Oo, kaysa naman wala akong kainin."

Pumara na ako tsaka ako nagpaalam kay Rain. Bumaba na ako sa bus bago nagpara muli ng bus para makapunta sa trabaho. Hindi naman nagtagal ay nakarating na rin ako.

Pumunta agad ako sa back office kung saan employees lang ang nakakapasok. Kinuha ko ang uniform ko sa locker, tsaka ako pumunta sa comfort room para makapagpalit ng damit. Sinalubong ako ng shift manager namin bago ako hinayaang makapag-time in. Ang sabi niya, may ilan daw na hindi pumasok dahil mga nalasing sa inuman kagabi kaya iyong ibang mga nakaduty na waiter simula opening ay ngayon palang makakauwi dahil nakahanap siya ng reliever. Katulad ko.

Night Shift. Ito ang pinakamahirap na schedule sa mga trabahador bukod sa maraming tao sa gabi, nakakapagod ding maglinis. Sanayan na lang talaga. Tsaka ginusto ko talagang pumasok para sakaling makabali ako. Kailangan ko ng pera.

"Chan, pa-serve sa thirteen," utos sa akin ng cashier sabay abot ng tray na may lamang pagkain. Agad ko iyong kinuha para dalhin sa table thirteen.

"Hi, sir, here's your order po," sambit ko tsaka ko inilapag sa ibabaw ng lamesa niya ang mga pagkaing inorder niya habang binabanggit ang mga pangalan nito. Nakangiti rin ako ngunit nawala iyon nang hawakan niya ang kamay ko.

Tumunghay siya at nakita ko ang mukha ng isang pamilyar na lalaki. Nakakahindik ang ngiti niya. "Chandria..."

Nangilabot ang katawan ko nang tawagin niya ang pangalan ko. "Long time, no see."

Tinanggal ko ang kamay niya tsaka ako nagsalita. "Hindi ko ho kayo kilala at pwede po bang huwag niyo akong basta-bastang hawakan? Dahil kung hindi ay ipatatawag ko ang guard para paalisin kayo," matapang kong salita pero ngumisi lang siya.

"Paano mo ako mapapaalis kung pagmamay-ari ko ito?"

Marahas niya akong hinakawan bago hinila paalis ng restaurant. Nagpupumiglas ako, pero idinaan niya ako sa back door nang walang nakakapansin. Pinilit kong sumigaw, pero tinakpan niya lang ang bibig ko na kahit kagatin ko ay parang hindi siya tinatablan.

Naglaban pa ako, pero umani lang ako ng malakas na sampal at suntok sa tiyan, kaya napasalampak ako sa sahig. Napaubo pa ako habang iniinda ang kirot sa tiyan at pisngi ko.

"Sino ka ba? Anong kailangan mo?" sigaw ko habang pinipilit na umatras papalayo sa kaniya, pero mas nilalapitan niya lang ako at doon ko napansin na narito kami sa parking lot.

"Hindi mo ako matandaan? Ako si Julius. Akala mo ba makakatakas ka sa akin?"

Julius...

Siya ang nais ipakulong ni Macy at Rain.

Napansin ko ang damit niya sa loob ng kaniyang jacket. Naka-hospital gown pa siya. Sandali, naaalala ko na. Isa siya sa mga kaklase ko na madalas ay nakaupo sa likod...sa likod ko. Ibig bang sabihin, nagising na siya mula sa aksidente?

Hindi ito maaari.

Pinilit kong tumayo, pero nahila niya lang ang buhok ko. Napasigaw ako sa sakit. Ano bang balak niya sa akin? Balak niya rin ba akong pagsamantalahan?

Inihiga niya ako nang marahas sa sahig at kitang-kita ko ang masahol niyang mukha na hindi na makapaghintay na makuha ako. Biglang may alaalang nahagip ang mata ko.

Ang paraan niya ng pagpilit sa akin...nangyari na ito. Ginawa niya na ito sa akin.

Napaluha ako.

"Ngayon, matitikman na kita sa tunay na buhay."

Inilapit niya ang mukha niya sa mukha ko habang ako'y patuloy na nananalangin na sana ay may makakita at tumulong sa akin.

Isang tao lang ang naisip ko.

Si Rain.

Bakit ko siya maiisip?

Nagulat ako nang biglang may humila kay Julius at pinagsusuntok siya sa mukha. Nawalan ako ng hininga nang makita ko, ang lalaking hiniling ko ay dumating para sagipin ako.

Nandito siya sa harap ko.

Nandito si Rain.

Bumagsak ang mga luha ko habang pinanonood siyang bugbugin at ibuhos lahat ng galit niya sa lalaking iyon.

"Ikaw ang dahilan kung bakit namatay ang kapatid ko! Ngayon pati ba naman ang taong mahal ko pagsasamantalahan mo?"

Napakagat ako sa labi ko habang malinaw na naaalala ang lahat...

Ang dahilan kung bakit nagising akong may bigat sa dibdib...kung bakit umiiyak ako nang pagkalakas.

Namatay siya. Pinatay siya ni Julius.

Pero paanong nangyaring narito siya?

Hindi ba't lahat ng namamatay sa lugar na iyon ay hindi na makakabalik sa totoong buhay?

Agad na umalingawngaw ang sirena ng police cars na siyang pumalibot sa loob ng parking lot. Nakita kong naroon din si Macy at itinuturo ang kawawang lalaki na ngayon ay bugbog sarado dahil kay Rain.

Inawat naman ni Macy si Rain dahil kukunin na ng mga pulis si Julius. Dadakpin na ito upang dalhin sa pulisya.

Nanginginig pa rin ang mga kamay ko, habang pinipilit na tumayo para lapitan si Rain. Nakita kong sumunod na si Macy sa mga pulis kung kaya't kami na lang ang naiwan dito sa parking lot.

Bawat hakbang, bawat alaalang bumabalik sa akin. Lahat ng nangyari sa lugar na iyon...kasama ko siya. Inaari kong totoong naganap.

Lumingon siya sa akin at bakas sa mukha niyang hindi niya inaakalang yayakapin ko siya.

"Rain..." pagtawag ko sa pangalan niya. Tuluyan nang bumaha ng luha ang pisngi ko. Hindi ko mapigilan. Ang mainit na yakap na ito ang nagpapatunay na naramdaman ko rin ito sa lugar na iyon. Ang pag-ibig niya sa akin na walang katumbas. Kahit sa dulo ng kamatayan niya ay sinamahan niya ako. Pinaulanan niya ako ng pag-ibig niya.

"Chandria..."

Hinawakan niya ang magkabilang pisngi ko bago hinuli ang mga mata kong tingnan. "Naaalala mo na ako?" tanong niya.

Tumango ako. Ibig sabihin ba ng tanong na iyon ay una siyang nakaalala sa akin? Kaya ba tinawag niya ako kanina?

"Patawad kung nauna ako sa 'yo," sambit niya. Pansin ko ang namumuong luha sa gilid ng mga mata niya.

Umiling ako. "Hindi...wala kang kailangang ihingi ng tawad. Masaya akong nakita kita rito. Akala ko wala ka na sa akin. Natakot ako. Takot na takot ako. Akala ko—" pag-amin ko sa kaniya habang naaalala ang katawan niyang hawak ko noon nang mamatay siya dahil kay Julius.

Pinunasan niya ang mga luha ko. "Nangako ako hindi ba? Bago niya ako mapatay, alam ko na ang dapat kong gawin. Nalaman ko na, kaya nakaligtas ako ngunit hindi ko alam na malulungkot pala ako dahil nagising akong wala ka. Ilang araw akong hindi makatulog habang pinipilit kang magising...nagdadasal sa Panginoon na gumising ka na. At hindi mo alam kung gaano ako kasaya kanina nang nalaman kong binuksan mo na ang mga mata mo. Akala ko, tuluyan mo na akong iiwan. Akala ko hindi ko na matutupad ang mga pangako sa 'yo."

Hinawakan ko ang kamay niyang nakahawak sa pisngi ko. Kita ko sa mga mata niya ang sinseridad na nakita ko rin noon sa lugar na iyon. Totoo nga ang pag-ibig niya para sa akin. Totoo nga ito.

"Tutuparin natin ang pangako mo sa akin, Rain. Kahit ang kabilang buhay ay mahihirapang paghiwalayin tayo."

Ngumiti siya at tiningnan ang mga labi ko. At hindi na ako naghintay pa na halikan niya ako dahil ako na ang gumawa. Hinalikan ko siya habang ipinararating na totoo ang hinala niya sa akin.

Ilang araw palang kaming naroon, nahulog na ang loob ko sa kaniya.

Hulog na hulog na.

At alam kong pareho naming sasaluhin ang isa't isa.

Binitiwan niya ang mga labi ko habang hindi maalis ang ngiti roon. "Mahal na mahal kita, Chandria. Walang bilang, katulad ng mga ulan."

Wakas...

*****

[Missy: Hi! Thank you for reading! Kindly vote for this chapter if you like it. It is a way to encourage a writer to continue writing. You can also share and recommend this book to your friends. Thank you so much for the love and support. See you in the next chapter!]

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top