Chapter 16

Nagising ako sa hospital nang umiiyak. Hindi ko alam kung bakit. But all I remember is the heavy feeling deep inside me.

What happened?

Why am I here?

Kumunot ang noo ko nang makita ko ang mga pamilyar na mukha sa loob ng kwarto—ang mga kamag-anak kong tinalikuran ako noon noong nawalan ako ng pamilya. Narito sila.

"Gising na siya."

Isa-isa silang nagsilapitan sa akin. Kapwa tinatanong kung kumusta na ako, pero hindi ako nagsalita. Ano bang ginagawa nila rito? At bakit nagsisisihan pa sila na walang kumupkop sa akin kung kaya't nangyari ito?

"Chandria, you can come home with us," sambit ng isa kong tiyahin.

"No, she'll come with us. We've been looking for her since the day of that incident."

"Anong incident? Iyong sunog sa bahay nila? Napakatagal na no'n! Huwag ka ngang mag-inarteng mabait!"

"Bakit? Sino bang nag-iinarte sa ating dalawa? Nandito ka lang naman para alamin kung may kayamanan bang maiiwan si Chandria."

Napabuntong-hininga ako. Mukha ba akong mayaman? Ibig sabihin, narito sila dahil gusto nilang alamin kung may mahuhuta sila sa akin bilang kamag-anak nila? "Hindi ako mayaman. At wala akong pera kaya makakaalis na kayo," matabang na sagot ko.

"Aba't walang utang na loob! Hoy, babae! Hindi ka man lang marunong magpasalamat! Pinuntahan ka namin dito kahit na masama ang ugali mo't pinatay mo ang pamilya mo!" sigaw sa akin ng isa na siyang ikinainis ko.

"Hindi ko sila pinatay! Sila ang gustong patayin ako! Kayo! Kayong lahat gusto niyo akong patayin! Bakit pa kayo pumunta rito? Hindi ko kayo kailangan! Umalis na kayo!" buong lakas kong sigaw na nagpatinag sa kanilang lahat. Isa-isa naman silang lumabas katulad ng sinabi ko. Nakakawalang ganang mabuhay kung sila lang ang makikita ko sa unang pagmulat ng mga mata ko.

Mga walang kwenta.

Anong klaseng lakas ng loob at kapal ng mukha ang mayroon sila para puntahan ako? Akala ba nila yumaman ako dahil mag-isa lang ako sa buhay? Buong buhay ko ako lang ang sumusuporta sa akin. Tapos aasahan nila akong yayaman? Ni wala silang naiambag sa buhay ko para manghingi sila.

Napabuntong-hininga ako. Ano bang ginagawa ko rito? Bakit ako nasa hospital? Anong nangyari?

Nakarinig ako ng pagkatok sa pinto. Magsasalita pa sana ako sa pag-aakalang mga kamag-anak ko iyon nang makita ko ang isang matandang babae. Isa siyang doktor.

Pinagmasdan ko ang mukha niya papunta sa lugar ko at pilit na inaalala kung saan ko siya nakita. Pamilyar ang mukha niya.

"Kumusta ang pakiramdam mo?" mahinahong tanong niya na para bang nakapagpakalma rin sa akin.

"A-ayos naman ho. B-bakit ho ba ako narito?"

Tumikhim siya bago sinagot ang tanong ko. "Naaksidente ang bus na sinasakyan ninyo papunta sa La Union. Marami sa mga kaklase mo ang namatay, isa na rin doon ang inyong guro. Ang iba ay wala pang malay at inoobserbahan pa namin."

Napanganga ako nang maalala ang pagyaya sa akin ni Professor Isabel na sumama sa kanila sa La Union pagkatapos ng graduation. Sandali, ang tinutukoy ba niyang guro ay si Professor Isabel?

Kumirot ang puso ko, maging ang mga mata ko'y nagsimula na namang umiyak. Ito na naman ang bigat ng loob ko na siyang naroon simula nang magising ako kani-kanina lang...pero para bang hindi ito ang dahilan kung bakit ako nagising nang umiiyak.

Hinawakan niya ang balikat ko. "Mapalad ka dahil marunong kang tumawag sa Panginoon. Ang hindi marunong tumawag sa Kaniya ay hindi na makalalabas pa sa lugar na iyon," sambit niya na nagpakunot ng noo ko.

Pinagmasdan ko ang mukha niya at para bang may alaalang umalpas sa isip ko. Maging sa paraan niya ng pagtapik sa balikat ko, parang may gumawa na nito sa akin.

Nagpaalam na siya sa akin bago i-check ang vital signs ko. Tatlong linggo raw akong walang malay. At ang tanging naisip ko lang ay wala akong sahod na matatanggap sa mga susunod na linggo.

Napasapo ako sa mukha ko. Bakit pa kasi ako sumama sa outing na 'yon? Aksidente lang naman pala ang naghihintay sa akin. Hindi na akong muli sasama sa mga ganiyan! Never!

"'Te Chandi?"

Napalingon ako sa may pintuan nang makita ko ang isang babae—isa siya sa mga kaklase ko, pero hindi ko tanda ang pangalan niya.

Lumapit siya sa akin at nagulat ako nang yakapin niya ako. "'Te Chandi, ako 'to si Macy. Akala ko hindi ka na magigising."

Pumatak ang luha sa kaniyang mga mata, pero nanatiling nakakunot ang mga noo ko. "Si Sammy, patay na siya..."

Nakaramdam ako ng lungkot kahit na hindi ko kilala ang tinutukoy niya. "Pinatay siya ni Julius..."

"Julius?" tanong ko dahil hindi ko rin alam kung sino ang binabanggit niya.

"Si Julius, 'yong kaklase nating mayaman. Pinatay niya si Sammy doon, ate Chandria, kaya rito ay patay na rin siya. Pati na rin si Professor Isabel, si Martin at Alba..."

Naguluhan ako sa sinabi niya. "Hindi kita maintindihan. Saang doon?"

Pinunasan niya ang kaniyang mga luha bago ako tiningnan nang malalim. "'Te Chandi..." Napabuntong-hininga siya. "Hindi na mahalaga iyon. Basta si Julius ang taong lumapastangan sa akin at hindi ako makapapayag na hindi niya pagbayaran ang ginawa niya. Nang magising ako mula sa aksidente ay sinamantala ko ang pagkakataon para makahanap ng ebidensya na makapagtuturo sa kaniya sa lahat ng kasalanang kaniyang ginawa. At nakilala ko ang isang lalaking makakatulong sa akin... Makikipagkita ako sa kaniya para alamin ang nalalaman niya tungkol kay Julius. Ang sabi niya, hinalay din daw ni Julius ang kapatid niya na naging dahilan ng pagpapatiwakal nito."

Napasinghap ako sa narinig. Wala pa akong maintindihan sa sinasabi niya, pero nababahala ako sa mga naririnig ko. Kaklase raw namin si Julius at marami na siyang kasalanang nagawa na lagi nitong natatakasan pagka't mayaman siya at malaki ang shares ng pamilya nila sa Edminton University. May mga mayayaman talagang ginagamit ang kanilang kayamanan para pagsamantalahan ang katulad naming mahihina.

Nagdesisyon akong samahan si Macy sa pagkabahala na baka kung anong mangyari sa kaniya kung mag-isa siya. Bakit kasi pumayag siya na makipagkita sa isang lalaki? Hindi ba siya natatakot na muling mapag-initan? Masyado ba siyang tiwala sa lalaking iyon? Baka naman iisahan lang din siya.

Madilim na nang nakalabas kami sa hospital. Hindi naman ako nahirapang maglakad kahit na tatlong linggo akong tulog. Maganda na rin itong makapagbanat ng buto at maglakad para makabalik din ako kaagad sa trabaho dahil baka wala na akong kainin at mamatay ako sa gutom sa mga susunod na araw. Lalo pa't ako rin ang sasalo ng sarili kong hospital bills. Nakakapanlumo.

Isang eskinita ang dinaanan namin. Hindi ko magawang mainis at magsalita nang masasama dahil sinong lalaki ang papupuntahin ang babae sa ganito kadilim na lugar?

"Sigurado ka ba rito?" tanong ko kay Macy.

"Oo 'te Chandi."

"Dito ba siya nakatira? Bakit parang delikado naman yata rito," reklamo ko. Nagugulat ako sa mga salitang sinasambit ko. At kailan pa ako naging madaldal at naging feeling close kay Macy? Kailan pa ako nagreklamo?

"Hindi 'te Chandi. Dito kasi nakatira si Sammy at napagkasunduan naming dito kami magkikita."

Kumunot ang noo ko. Sa totoo lang, sabi ko hindi na ako sasama sa mga ganito. Bakit napasama na naman ako? Ano bang kinalaman ko rito at bakit hinayaan kong magsayang ng panahon para samahan siya? Mamaya, mamatay lang kami rito o kaya naman ay gahasain din.

Sandali, gahasain? May pumalatak na malagim na alaala sa isipan ko. Why do I feel like I experienced being raped before? Kinapa ko ang sariling katawan. Hindi, napakaimposible. Wala akong boyfriend para maibigay ang sarili ko. Sa asawa ko lang iaalay ang lahat. Sa taong mahal ko.

"Rain?" 

*****

[Missy: Hi! Thank you for reading! Kindly vote for this chapter if you like it. It is a way to encourage a writer to continue writing. You can also share and recommend this book to your friends. Thank you so much for the love and support. See you in the next chapter!]

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top