Chapter 12
Iniwan niya akong nakatihaya rito sa lapag pagkatapos niyang makaraos. Nakatingin lamang ako sa kisame, habang pinipilit na burahin sa alaala ko ang nangyari. Napakaraming beses. Hindi siya nakuntento sa isa.
Hinarang ko ang braso ko sa mga mata kong namamaga dahil sa kaiiyak. Wala na akong lakas. Gusto ko na lang mamatay. Ikinuwento niya pa sa akin ang ginawa niya kay Nair, Macy, Sammy, at Isabel, pati na rin sa iba pang mga babae. Napakahudas niya. Hindi siya karapatdapat mabuhay sa mundo kung ganito lang ang gagawin niya sa aming mga babaeng walang kalaban-laban.
Muli na naman akong napaluha habang nakikita sa alaala ko ang mukha ni Rain. Hindi ko siya maiwasang isipin. Pakiramdam ko mas madudurog siya kapag nalaman niya ang nangyari.
Ilang sandali pa ako sa ganoong posisyon hanggang sa tulungan ko ang sarili kong makatayo. Masakit. Sobrang sakit ng bahaging nasa gitna ng mga hita ko. May mga bahid pa ng dugong nakakalat sa sahig na hindi ko alam kung kay Isabel ba iyon o sa akin na. Para akong sinaksak ng libo-libong patalim kung kaya't gayon na lang ang hapdi at kirot na nararamdaman ko sa pagkababae kong iningatan ko. Gusto kong ibigay iyon sa mapapangasawa ko, pero wala na. Kinuha na ng lalaking kinasusuklaman ng buo kong pagkatao.
Ang hirap kumilos. Ni hindi ko kayang igalaw ang mga binti ko. Hindi ako makatayo.
Tiningnan ko ang sarili ko. Wala na. Marumi na ako. Talaga yatang hindi ako karapatdapat para kanino. Kasi sino pang tatanggap sa akin? Kaya ba akong mahalin ng isang tao kapag nalaman niya ang nangyari sa akin? Kahit ako'y ayokong ipaalam kahit kanino. Nakakapanliit. Nakakarumi ng pagkatao.
Pinunasan ko ang aking mga luha at pinilit na tumayo pagkatapos ayusin ang sarili at makapagbihis. Dapat lang sigurong pumunta na lang ako sa kadilimang nasa labas ng gate para matapos na ito. Tutal wala na rin namang pag-asa. Ano pa bang naghihintay sa akin? Wala na. Pagkatapos naman ng tatlong araw ko rito, ibubuhos ko lang din naman ang oras ko sa pagtatrabaho. Para saan pa? Mabuti nang mamatay ako. Mabuti nang mawala ako sa mundo. Mabuti nang mapunta da impyerno.
Sinulyapan ko nang huling beses si Isabel. Hindi kita maisasama kung saan ako pupunta dahil hindi ka nararapat doon.
Iika-ika akong lumabas habang unti-unting nawawalan ng lakas sa bawat paghakbang. Sinubukan ko ring huwag nang umiyak dahil sobrang sakit na ng mata ko, pero hindi ko mapigilan. Maging ang pamilya kong nang-iwan sa akin ay naalala ko.
Tuluyan nang bumagsak ang mga luha sa pisngi ko habang lumilinaw sa alaala ko ang nangyari noon. Katulad ng panaginip ko kagabi, isang bangungot na pilit pinaaalala sa akin ang nakaraan.
Hindi ko alam ang gagawin ko noon nang magising akong puro malalaking apoy ang nasa paligid ko. Bata palang ako noon at walang kamuwang-muwang sa nangyayari. Sinunog pala ng pamilya ko ang bahay namin dahil ayaw nila sa akin. Gusto nilang masunog ako nang buhay kaya iniwan nila ako habang natutulog. Ayaw nila sa akin kung kaya't ginusto nila akong patayin.
At hindi ko alam kung bakit ayaw nila sa akin. Wala naman akong ginagawang masama sa kanila. Mabuti naman akong anak. Sinusunod ko naman ang mga utos nila. Ipinaparamdam ko sa kanila ang pagmamahal ko sa kanila, pero bakit hindi nila kayang suklian? Bakit iniwan pa rin nila ako? Bakit hinayaan nila ako ng gabing 'yon? Malapit nang kainin ng apoy habang nakaupo sa kama at wala na akong ibang nagawa kung hindi ang umiyak at manalangin sa Dios na sana ay umulan nang malakas, na siyang sinagot ng Panginoon, pero hindi ko inaasahang iyon din ang magiging dahilan kung bakit mamamatay ang pamilya ko sa isang aksidente...dahil sa ulan—dahil madulas ang kalsada at masyado silang nagmamadaling iwan ako. Nahulog ang kotse nila kung saan sila nakasakay, sa isang bangin at nabalitaan ko na lang na patay na silang lahat.
At pakiramdam ko, ako pa ang may kasalanan ng lahat, na ako pa ang pumatay sa kanila.
Napakagat ako sa labi ko. Patuloy kong nilalakbay ang daan palayo sa lugar kung saan ko muling naramdamang talikuran ng mundo. Ni minsan hindi ko talaga naramdamang mahalaga ako. Hindi ko alam ang pakiramdam ng may pamilya. Dahil kahit nalaman ng mga angkan ko ang nangyari sa akin noon ay walang kumupkop o tumulong man lang sa akin. Iniwan nila akong lahat sa ere. Mag-isa lang ako. Hindi ko nga rin alam kung paano ako nakaabot sa edad na beinte-kwatro.
Napatingala ako. Hindi ko namalayang nasa tapat na pala ako ng malapad na gate na itinuro sa akin ni Macy kanina. Huminga ako nang malalim bago hinawakan ang handle para buksan.
Huminga ako nang malalim habang nakatingin sa handle. Sa oras na buksan ko ito, matatapos na ang lahat ng sakit. Ito na ang wakas ng pagdurusa at hinagpis. Ayoko nang mabuhay pa kung puro ganito lang din ang kahaharapin ko. Mamamatay na lang ako para tapos na.
"Saan ka pupunta?"
Napapikit ako nang marinig ko ang boses niya—ang boses ni Rain. Agad na tumulo ang mga luha ko sa pisngi at nakaramdam ako ng malaking panghihina. Kinukuha niya ang lakas ko. Nakikita ko palang siya para na akong kinakain ng kunsensya. Wala akong kasalanan, pero ang pagiging mahina ko ang nagpabayang mangyari iyon. Kung kaya ko lang lumaban. Kung malakas lang ako.
"Chandria..." Mas lalo akong nanlambot. Hindi ko siya magawang lingunin. Ayokong makita niya ako sa ganitong kalagayan. Nasasaktan ako. Kumikirot ang puso ko. "Hindi mo ba ako lilingunin?"
Naramdaman ko ang pagdait ng kaniyang dibdib sa likod ko. Lalo akong nauubusan ng lakas. Nasa likuran ko siya. Hindi ako makahinga.
Mas lalong humigpit ang pagkakahawak ko sa handle ng gate. Paano ko siya malilingon? Sabihin ninyo sa akin? Paano ko lilingunin ang taong mataas ang tingin sa akin kung ngayon ang tingin ko sa sarili ko'y parang basahan na binaboy at pinagsamantalahan?
Naramdaman kong hahawakan niya ako, pero iniwas ko ang braso ko sa kaniya. "Huwag mo akong hawakan," matigas kong sambit. Kasi kapag hinawakan mo ako, tuluyan na akong mawawalan ng lakas at baka tuluyan na rin akong mahulog. Baka tuluyan na akong kumapit sa iyo at hindi na kita bitiwan.
Nakita kong umatras ang kamay niya.
"Aalis na ako," dagdag ko pa. "Pasensya ka na, hindi na kita matutulungan."
Tuluyan ko nang binuksan ang gate at sumalubong sa akin ang malakas at mainit na hangin pati na rin ang kadiliman. Napalunok ako. Ito na ang impyerno. Kahit anong pagtakas ko sa sunog noong bata pa ako ay ganoon din naman pala ang wakas ko. Sa malaking impyerno rin pala ang tuloy ko.
Humakbang ako papunta roon para harapin ang satanas at tanungin siya kung naroon ba ang pamilya ko, kung masaya ba silang makita ako, pero agad kong naramdaman ang mainit na kamay ni Rain na siyang humila sa akin palayo sa tiyak na kamatayan.
Agad na sinara ni Rain ang gate at humarang siya roon para hindi ko na magawa pa ang binabalak ko. Nakaharap ako sa kaniya at ngayo'y hindi matakasan ang kaniyang mga tingin.
"What was that?" seryosong tanong niya na para bang hindi makapaniwala sa nakitang malaking kadiliman sa likod ng gate na iyon. Kahit ako'y hindi ko iyon maipapaliwanag sa kaniya. Hindi ko rin alam kung paano sumibol ang impyerno sa likod ng gate na iyan.
"Ang impyerno," sagot ko tsaka iniwas ang tingin. Ayokong makita ang inis niya sa akin.
"Impyerno?" Sandali siyang natigilan bago muling nagsalita. "And you're planning to go there?"
Hindi ako nakasagot. Muli ko na namang naalala ang pait ng buhay ko pati na rin ang dahilan kung bakit gusto ko nang wakasan ito.
Hinila niya ako palayo sa lugar na iyon. Pinilit ko pang tanggalin ang kamay niya, pero hindi niya iyon inalis kaya mas lalong namalma ang mga hita ko na siyang kanina pa sumasakit dahil sa mabilis niyang paglakad. Dinala niya ako sa parking lot kung saan kahit na anong sasakyan ay wala roon. Napansin niya iyon ngunit mas ibinaling niya ang atensyon niya sa akin.
"Kung impyerno nga iyon, what are you thinking? Are you trying to kill yourself?" galit na tanong ni Rain sa akin. Tumataas na ang boses niya at hindi ko alam na mas nakakatakot pala siyang magalit kaysa sa kamatayan. Mas nakakatakot pala sa pakiramdam na pag-alalahanin siya.
Hindi ako nakasagot sa mga tanong niya dahil alam kong kapag nagsalita ako, malalaman niya na ang lahat. "May nangyari ba?"
Umiwas ako ng tingin. Bumigat ang paghinga ko. Maraming nangyari. Lahat hindi maganda.
Dumistansya ako sa kaniya at sinubukang umalis, pero hinawakan lang niya akong muli. Natabig ko pa iyon at doon niya napansin ang damit ko.
"Anong nangyari sa damit mo?" Hinawakan niya ito at sinuri. "Bakit sira? Bakit may mga dugo?"
Umiling ako.
"W-wala ito," giit ko, pero hindi niya pinakinggan. Kita ko ang pagkakakunot ng noo niya na para bang napagtatanto niya ang katotohanan. Kahit hindi ko sabihin ang totoo, masyado siyang matalino para mabasa ako.
"Siya ba ang gumawa nito sa 'yo?" Tumulo ang mga luha mula sa kaniyang mga mata na siyang hindi ko inaasahan. "Sinaktan ka ba niya?" Mas lalo akong nakaramdam ng lungkot. Mas nasasaktan akong nakikita siyang umiiyak para sa akin. Sinong iiyak para sa akin? Hindi ko inakalang mayroon pala. Hindi ko inakalang siya pala.
Hanggang sa huli ay hindi ako sumagot. Paano ako makapagsasalita kung nakikita ko siyang nasasaktan para sa akin? Ganito ba ako kahalaga para sa kaniya?
"Chandria, magsalita ka naman. May ginawa ba sa 'yo si Julius?"
Napayuko ako na kahit iyon lang ang ginawa ko, alam niya na ang totoo. Alam niya na.
Paulit-ulit siyang umiling. Kung kanina ay ang tapang ng mukha niyang nagagalit sa akin, ngayon ay naglaho at napalitan ng panghihina.
Hinawakan niya ang pisngi ko na siyang hindi ko na napigilan. Ramdam ko ang panginginig nito. "He'll pay for this." Niyakap niya ako at ang mga noo nami'y ipinagdikit sa isa't isa. "Pagbabayaran niya ang ginawa niya sa taong mahal ko."
Tuluyan nang kumawala ang mga luhang sinubukan kong pigilan. Nawalan na ako ng lakas habang nakakapit sa mga braso niya.
"Bakit lahat na lang ng taong mahalaga sa akin ay kailangan niyang saktan?"
Puno ng paghikbi ang isinagot ko sa kaniya. "R-rain, pati si Professor Isabel, pinatay niya. Pinatay niya rin si Sammy..." Para akong batang nagsusumbong sa kaniya. "Anong gagawin natin? Baka ikaw na ang isunod niya..."
Iniharap niya akong muli sa kaniya habang nakahawak ang magkabila niyang kamay sa pisngi ko. Umiling siya. "Hindi mo ako kailangang alalahanin. Ikaw ang iniisip ko. Hindi ko natupad ang pangako kong protektahan ka. Kasalanan ko ito. At gagawin ko ang lahat para singilin siya sa ginawa niya sa 'yo.
"Chandria, hindi ako makapapayag na hindi niya pagbayaran itong lahat. Magbabayad siya."
*****
[Missy: Hi! Thank you for reading! Kindly vote for this chapter if you like it. It is a way to encourage a writer to continue writing. You can also share and recommend this book to your friends. Thank you so much for the love and support. See you in the next chapter!]
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top