“Kumusta na si Kate?” si Mama nang mapagbuksan ko ng pinto.
Isang mabigat at malalim na buntong-hininga lamang ang naisagot ko roon. Hindi ko masabing okay lang dahil kung sasabihin ko 'yon ay magsisinungaling lamang ako. Hindi ko rin masabing hindi dahil mayroon sa akin na humihiling na sana ay hindi ganoon.
Mas bumakas sa kanyang mukha ang pag-aalalang suot niya pagkarating pa lamang nila. Gusto kong ibuhos ang lahat ng bigat ko sa kanya nang yakapin niya ako. Lahat ng bigat na nararamdaman ko.
“Malalampasan ninyo rin ito, anak.”
Tumango ako. Nang kumalas siya ay hinaplos niya pa ang magkabilang pisngi ko gamit ang pareho niyang kamay. Sunod na lumapit sa akin si Papa. Isang malalim na buntong-hininga ang pinaalpas niya bago niya ako kinulong sa isa ring mahigpit na yakap. Ramdam ko ang pagbibigay niya ng lakas ng loob sa ginawa niyang pagtapik sa likuran ko.
Dumiretso kami sa kusina kung nasaan si Mama Yoli. Tipid na ngiti at tango ang naging batian nila ni papa at nagyakap naman sila ni mama. Nagluluto si Mama Yoli ng paborito ni Kate na tilapiang sinigang sa bayabas.
Tahimik silang nag-uusap ni mama nang iniwan ko sila roon at nagtungo sa kwarto namin ni Kate. Maingat ang pagbubukas ko ng pinto sa pag-aakalang tulog pa siya pero naabutan ko siyang nakaupo at nakatitig sa bintana.
Isang naglalablab na lubid ang tila pumulupot sa puso ko habang pinagmamasdan siya. Dumadaloy sa kanyang mukha ang mga luha. Mugtong mugto na ang mga mata niya dahil sa ilang araw na pag-iyak. Umaga, gabi. Walang tigil. Maski sa pagtulog ay naririnig ko ang mga hikbi niya.
Mabilis akong lumapit sa kanya. Hindi siya nag-abalang pahirin ang basa niyang mukha. Nangatal ang kanyang labi nang makita ako. Mahigpit ko siyang niyakap. Umaasang mabubura niyon ang sakit na nararamdaman niya. Humagulgol siya.
“Love,” humihikbing tawag niya. “Love.”
Tatlong beses niya pa akong tinawag na para bang humihingi ng tulong. Mariin akong napapikit. Dumaloy ang maiinit na luha sa magkabila kong pisngi. Hindi ko magawang sabihin sa kanya na kaya natin ito. Pagsubok lang ang lahat ng ito. Dahil kahit ako hindi ko alam kung para saan ang mga salitang iyon. Hindi ko mahanapan ng dahilan kung bakit nangyayari sa amin ang lahat ng ito.
Lumayo ako. Ako na ang nagpunas ng basa niyang mukha. Isang tipid na ngiti ang ibinigay ko sa kanya. Umaasang sa paraan na iyon ay maramdaman niyang naroon lang ako sa tabi niya. “Mahal na mahal kita, Love. Huwag na huwag mong kalilimutan.”
“I’m sorry.”
“No. Don’t say that,” mabilis kong pigil. Paulit-ulit kong dinampian ng halik ang kanyang labi. Gusto kong burahin sa isip niya at sa bibig niya ang sinabi niyang iyon at ang kahit ano'ng naiisip niya. Tiningnan ko siya sa namumula at luhaan niyang mata. “Huwag na huwag kang mag-iisip ng kahit ano. It’s not your fault, Love. it’s not your fault. Okay?”
Tumango siya at isinubsob sa aking dibdib ang kanyang mukha. Nang mariin muli akong napapikit ay sunud-sunod na umagos muli ang mga luha ko.
Tatlong araw na simula nang makalabas kami ng ospital. Sa pangalawang pagkakataon nawala ang hiling naming magkaroon ng supling. At milyon-milyong palaso ang nakatarak sa mga puso namin ng asawa ko.
Noong unang beses na mawalan kami ng anak, pakiramdam ko ay pinagkakaitan kami ng pagkakataong maranasan ang makalong ang isang sanggol na bunga ng pagmamahalan namin. Nang pangalawang beses na mawalan kami pakiramdam ko pinagkakaitan kami ng pagkakataong sumaya bilang mag-asawa.
Para saan nga ba ang pagsubok na ito? Para mapatatag kami? Dahil kung para sa amin lang masasabi kong sobrang tatag namin ni Kate. Kaya para saan? Para saan?
Nilingon ko ang pinto nang makarinig ng katok mula roon. Mabilis na nagpunas si Kate ng mukha at inayos ang kanyang buhok bago pa man bumukas iyon. Sumungaw ang nakangiting mukha ni mama mula sa tipid na pagkakabukas ng pinto.
“Lunch na mga anak.”
“Lalabas na po kami, ma,” sabi ni Kate.
Tumango lang si Mama at umalis na rin.
Nang sumara ang pinti ay muli kong hinarap si Kate. Hinalikan ko siya sa labi. “Let’s go?” Tumango siya.
Pinagmamasdan ko si Kate habang nanananghalian. Hindi man ganoong kasigla pero nagagawa niyang ngumiti at makipag-usap kina mama at nagagawang tumawa, kahit tipid, sa mga biro ni papa.
Okay lang ang lahat. Okay na ang lahat, naisip ko.
Pumasok na ako sa trabaho makalipas ang isang linggo. Sa tuwing papasok at umuuwi ako, nagagawa niya akong pabaunan at salubungin ng isang magandang ngiti. Unti-unti, nababawasan na ang mga araw na umiiyak siya hanggang sa tuluyang bumalik nang buo ang sigla niya.
Pero isang pagkakataon, nagising na lamang akong wala siya sa tabi ko. Alas dos y media na nang tingnan ko sa orasan na nasa bedside table. Mabilis na dumaloy ang pag-aalala sa buong sistema ko sa pag-iisip na nakakulong na naman siya sa banyo at mag-isang umiiyak. Pero wala siya roon. Lumabas ako ng kwarto. Agad kong nakita na bukas ang ilaw sa kusina kaya naman mabilis na lumapit ako roon. Ang mabilis na paglalakad ko ay unti-unting bumagal at ang pag-alala ko ay mas dumoble nang makita ang seryoso niyang mukha. Nakatitig siya sa tasa na nakapatong sa lamesa habang nakakapit doon ang dalawa niyang kamay.
“Love.”
Parang hindi niya narinig ang tawag ko. Hindi siya nag-abalang mag-angat ng tingin. Nanatili ang titig niya sa tasa.
“Hindi ka ba makatulog?” tanong ko nang makaupo sa harapan niya. “Pasensya na kung nauna yata akong nakatulog. Medyo napagod lang sa trabaho.”
Simula noong nakunan kami ay humiling siyang huwag muna akong matutulog hangga't hindi pa siya tulog. Natatakot daw kasi siya minsan dahil kapag mag-isa na lamang siyang gising ay binabalot ng lungkot ang puso niya. Kaya naman kapag nakahiga na kami ay hinihimas at tinatapik ko ang braso niya at minsan pa’y humihiging ng malambing na kanta hanggang sa makatulog siya.
Wala akong nakuhang sagot sa kanya, hindi rin nag-aangat ng tingin. Malalim akong napabuntong-hininga ngunit may pag-iingat para huwag niyang marinig iyon.
“Love,” tawag ko. Nabahiran ng pagtataka ang buong sistema ko nang manatili siyang tahimik. “Love?” muling tawag ko at sinamahan iyon ng pagdampi ng kamay sa kanyang kamay. Doon lamang siya nag-angat ng tingin sa akin.
Lahat ng emosyong nararamdaman ko ay natabunan ng takot habang nakatitig sa kanyang mga mata. Blangko. Walang emosyon.
“May... problema ba?” may pag-iingat kong tanong. Nanatili lang ang titig niya sa akin. “Love?” muli kong tawag.
“Nate...”
“Yes?” tanong ko at inabot ang kamay niya. Nasundan ko iyon ng tingin nang ilayo niya iyon sa kamay ko at ibaba sa ilalim ng lamesa.
Akala ko okay lang siya.
“K-Kate.” Unti-unting kumakalat sa buong sistema ko ang takot. Tila may sumisigaw sa isip na may hindi magandang nangyayari. “W-What’s wrong, hm?” malambing kong tanong. Inilapit pa ang sarili kahit pa nakadiin na ang tiyan ko sa gilid ng lamesa. Kung matalim lamang iyon ay baka sugatan na ang katawan ko.
Akala ko okay lang kami.
“I... I want space.”
“A-Anong—”
Akala ko okay lang ang lahat.
“Maghiwalay muna tayo, Nate.”
Akala ko okay na ang lahat.
Sunud-sunod na umagos ang luha sa kanyang mga mata, ngunit nanatili 'yong blangko at walang emosyon. Habang hindi ko maintindihan ang nararamdaman ko. Para bang naba-blangko ang puso't isip ko sa magkakahalong pagkabigla, takot, pag-aalala at sakit.
“H-Hindi kita maintindihan.”
Gusto kong huwag intindihan. Gusto kong kalimutan na lamang ang sinabi niya, umalis doon at matulog at isiping wala akong narinig. Gusto kong burahin iyon sa isip ko at ang takot at sakit na dala niyon sa puso ko.
“Pakiusap, Nate.”
Tumungo siya. Narinig ko ang mabibigat na hikbi niya. Paano ko sasagutin ang pakiusap niyang maghiwalay muna kami? Paano ko sasabihing ayoko, na hindi ako makapapayag, na hindi ko kaya kung naririnig ko ang mabigat niyang pagkawala ng sakit na akala ko'y wala na.
May mga hikbi ba siyang hindi ko napakinggan? May mga hinahing ba siyang hindi ko narinig? May mga paghingi ba ng tulong siyang hindi ko nakita?
Akala ko okay na ang lahat sa amin. Akala ko sabay kaming naghihilom. Akala ko... Akala ko lang ba ang lahat?
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top