2. No More Rhyme
HINDI ko na alam kung ilang malalim na buntong-hininga na ang napakawalan ko habang nakatitig sa nakasaradong pinto ng master's bedroom.
Hating gabi na at mag-isa akong nakaupo rito sa madilim na kusina. Maybe Kate is already asleep? I don’t know. Hindi ko na alam ang ginagawa niya dahil hindi naman siya nakikipag-usap at hindi ko na rin alam kung paano pa siya kukumbinsihin na buksan ang pinto ng aming kwarto.
Tumayo ako’t nagpunta sa sala. Malalim muling buntong-hininga ang kasapi ng paglapat ng aking likuran sa sofa. Panibagong araw na naman ito na rito sa sala ako magpapalipas ng gabi. Oo, magpapalipas. Ganoon lang naman ang nagagawa ko sa mga nakalipas na araw, dahil hindi naman ako gaanong nakakatulog dahil sa dami ng laman ng isip ko. Para lang mapapapikit at mawawalan saglit ng malay pero mayamaya ay magigising at mapapatulala na naman sa kawalan.
Isang linggo na simula noong maging malamig ang pakikitungo sa akin ni Kate. Magigising siya ng umaga, tatahimik na gagawin ang mga ginagawa niya rito sa bahay na parang wala ako. Hindi siya iimik. Ni hindi ako magawang tapunan ng tingin. Sa gabi ni hindi na niya ako sinasalubong pagkakauwi ko galing sa trabaho. At kapag matutulog, basta na lamang niyang ila-lock ang pinto ng kwarto para hindi ako makapasok.
Nakakabingi sa katahimikan ang trato niya sa akin.
Ilang beses na akong humiling para lang magbigay siya sa akin ng paliwanag sa mga ikinikilos niya. Sa kabila ng pagkalito at sakit na nararamdaman dahil sa mga ikinikilos niya, gusto ko pa rin siyang intindihin sa abot ng makakaya ko.
Hindi ko na namalayan ang lumipas na oras, napalingon na lamang ako sa glass door ng balkonahe nang maaninag ang sumisilay na liwanag mula sa singaw ng kurtina. Mabigat at malalim na napabuga ako ng hangin. Panibagong araw na wala akong masyadong naitulog. Natitiyak kong ilang tasa ng kape na naman ang malalaklak ko mamaya sa opisina.
Hinihilot ang sentidong bumangon ako. Ipinatong ang hindi nagamit na kumot sa unan. Nakaupo pa sa sofa nang marinig ko ang pagbukas ng pinto ng master's bedroom. Nakatungo si Kate nang lumabas doon at nananamlay na naglakad patungo sa kusina. Napansin kong suot niya pa ring puting bestida na suot niya kahapon. Napahinga akong muli nang malalim. Knowing Kate, hindi iyan nakakatulog nang hindi nagsha-shower kahit gaano pa siyang kapagod sa maghapon. At katulad ng mga nagdaang araw, hindi man lang siya nag-abalang mag-angat ng ulo at dapuan ako ng tingin.
Sumunod ako sa kusina na nasa kanya ang paningin. Una niyang dinampot sa cabinet na nasa ilalim ng lababo ang maliit na kawali at isinalang sa stove. Sa tabi niya ako dumiretso at ikinulong siya sa isang yakap kasabay ang pagbibigay ng isang halik sa kanyang sentido. Ramdam ko man ang kagustuhan niyang kumawala sa pagkakayakap ko ay hindi ko na iyon pinansin pa.
“Nakatulog ka ba nang maayos?”
Wala akong nakuhang sagot. Kusang napakalas ako sa pagkakayakap sa kanya nang kumilos siya. Kumuha siya ng tatlong itlos at ham sa ref.
Pilit pa akong ngumiti at marahang hinaplos ang kanyang buhok nang makalapit siyang muli sa tabi ko. Nakikiramdam, nilapitan ko ang coffee maker. Panay ang sulyap ko sa kanya. Nanatili lamang siyang tahimik habang nagpi-prito ng itlog kasunod ang ham.
“Ano’ng gusto mong gawin ngayong araw?” subok ko muling pakikipag-usap. Tahimik na napahinga ako nang malalim dahil tanging iling ang sagot niya. Nasasayad ng lungkot ang puso ko dahil mukhang dadaan na naman ang isang buong araw na hindi ko naririnig ang boses niya at hindi nakikita ang ngiti niya.
Kumpara sa aming dalawa, mas madaldal si Kate. Walang tahimik na sandali kapag kasama ko siya na kailanman ay hindi ko pinagsawaan. Hindi siya nauubusan ng kwento. Maski nga ang nakakasalubong niyang cute na aso sa subdivision ay nagagawa niya sabihin sa akin. Kaya nga kapag umalis siya ng bahay ay nababagot ako sa pagkainip at sa katahimikan. Hindi na ako sanay sa katahimikan. Pero ngayon iyon ang ilang araw ng mararanasan ko.
Inilagay niya ang pinggan na may pritong itlog at ham sa lamesa. Sunod niyang kinuha sa itaas na cabinet ang loaf bread at hinarap ang bread toaster. Bitbit naman ang dalawang tasa na naglalaman ng kape nang lumapit ako sa lamesa. Nang maipatong ang mga hawak doon ay siya muli ang sunod kong nilapitan.
“Gusto mong mamasyal kina mama?” Tinutukoy ang mama niya. “Ihahatid kita bago ako dumiretso sa office,” sambit ko wala pa man siyang sagot.
Muli lang siyang umiling.
“Kate...”
Sinubukan ko siyang hawakan sa braso pero naudlot ang balak nang lingunin niya ako gamit ang walang buhay niyang titig. Parang kinukuyumos ang puso ko sa walang emosyong tingin na iginagawad niya sa akin. Hindi ako kailanman masasanay sa ganoong paraan ng tingin niya. Ayoko ng gano’n. Dahil pakiramdam ko unti-unti siyang nawawala sa akin.
“Gusto ko lang manatili rito. Ayokong gumawa ng kahit na ano.”
Bumagsak ang balikat ko at hindi naitago ang lungkot.
“Pero ilang linggo ka ng nakakulong lang dito.”
Ilang segundo siyang tumitig lang sa akin. Hindi siya umimik at binalingan lang muli ang tinapay. At muli, isang malalim na buntong-hininga lang ang nagawa ko.
Nanatili ako sa tabi niya at pinanood siya sa ginagawa niya. Nang matapos ay sinubukan kong kunin ang platong may tinapay pero mabilis niya ‘yong nadampot at walang imik na nagtungo sa lamesa at umupo na roon.
Napahinga muli ako nang malalim saka lumapit doon. Agad akong umupo sa harapan niya. Tahimik siyang kumakain habang ako ay ilang beses ng naghanap ng paraan para makalabas man lang siya ng bahay.
“Mamasyal sa mall, gusto mo? Manood tayo ng sine,” pang-apat na suhestyon ko. A-absent ako sa trabaho kung kinakailangan.
Umiling siyang muli. Wala na akong maisip pa. Nabanggit ko na ang lahat ng madalas niyang gawin na mapaglilibangan. Mamasyal at maglakad-lakad sa park, magpunta sa mama niya, sumubok ng mga bagong resto o café, o manood ng sine. Kahit mag out-of-town ay nabanggit ko na. Magle-leave ako sa trabaho kung kinakailangan. Pero wala isa man sa mga iyon ang pinaunlakan niya. At ang mas ikinalulungkot ko ay hindi ko man lang narinig ang boses niya maski sa pagsasabi ng ayoko dahil tanging pag-aling ang nagiging paraan niya ng pagsagot.
“Tapos ka na agad? Nabusog ka man lang ba?” nagtataka at may pag-aalalang tanong ko nang tumayo siya pagkatapos maubos ang isang slice ng tinapay. Ni hindi man lang siya humigop ng tinipla kong kape.
“Busog na ‘ko,” mababa ang boses na aniya at akmang maglalakad na kung hindi ko siya napigilan sa kamay.
Tumayo ako at mahigpit na niyakap siya. Humapdi ang mga mata ko nang walang matanggap na yakap mula sa kanya. Bumaba ang hapdi sa aking lalamunan.
Lumayo ako at sinakop ng mga kamay ang kanyang magkabilang pisngi. “Let’s talk, babe, please? Talk to me, Kate. Please,” pagsusumamo ko.
Umiling-iling siya, at nababasa ko ang paghihirap sa kanyang mga mata.
“Kate—”
“Please, Nate,” umiiling niyang pagsusumamo.
“Nasaan na ang pangakong sasabihin natin sa isa’t isa ang lahat ng nararamdaman natin?” hindi ko na nagawang itago pa ang hinanakit sa boses ko. Hindi ko na kakayanin pa kung dadaan muli ang isang panibagong aras na ganito siya dahil nalulunod na sa lungkot ang puso ko. “Kate...”
Sunud-sunod na dumating ang patalim na tumutusok sa puso ko nang makita ang pagpatak ng mga luha niya. Sunud-sunod. Parang isang talon na patuloy sa pagbugso. At ang mas lalong nagpadagdag ng sakit at pagkalitong nararamdaman ko ay ang kakaibang nababasa ko sa kanyang mukha. Hindi iyon lungkot, hindi sakit. Isang emosyon na blangko pero naroon ang paghihirap. At hindi nagtagal, maski ang mga mata ko ay lumuluha na rin.
“Paano ko gagawin ‘yon, Nate, kung maski sa sarili ko, hindi ko na alam ang nararamdaman ko.”
Tila inaapuyan ang puso ko ng isang naglalagablab na lubid at paulit-ulit ‘yong mahigpit na pumupulupot doon. Para akong pinangangapusan ng hininga. Mabilis ko siyang ikinulong sa mahigpit na yakap habang parehong nagsusumigaw sa paghihirap ang mga puso namin. Ngunit para bang kulang pa ang higpit niyon. Gusto ko pang mas maramdaman niya na naroon lang ako at hindi siya nag-iisa kaya sa mga salita ko ‘yon pinunan.
“Nandito ako, Kate. Nandito lang ako. Palagi. Hinding hindi kita iiwan. Mananatili lang ako sa tabi mo. Nandito lang ako.”
Pero pakiramdam ko kulang pa ang mga salitang nabigkas ko para maiparamdam sa kanya na may kasama siya ngunit wala akong ibang maisip na sasabihin pa. Natatakot akong magkamali sa ilalabas ng bibig ko at mas lalo lang ‘yong makaapekto sa nararamdaman niya. Kaya nakuntento na lang ako sa paulit-ulit na pagsasabi ng mga iyon. Nandito ako. Nandito ako.
Marahan kong hinahaplos ang ulo niya. Mas lalo ko pang hinigpitan ang yakap sa kanya nang ilang sandali ay naramdaman ko ang pagbuhos ng sarili niya sa katawan ko. Hindi nagtagal ay narinig ko ang mabibigat niyang hagulgol.
Sabay ang mga mata naming bumabaha ng mga luha. Sabay ang mga puso naming nawawasak. At sabay ang mga kaluluwa naming humihiling na sana ay alisin na ang sakit na halos isang buwan na naming nararamdaman.
“Bakit kailangang mangyari ‘to, Nate. Bakit!” puno ng paghihinagpis na hiyaw niya.
Tila ba may kulang pa, mas lalo ko siyang inilapit sa akin. Nabuhay ang pagsisisi sa puso ko dahil sa mga naiisip nang mga nagdaang araw. Kung bakit pinagtatakhan ko pa ang mga kilos niya, at ang paghahanap sa kanya kahit pa alam ko na dapat iyon.
“I’m so sorry, Kate! I’m sorry,” hindi ko napigilang bulalas.
Lumayo siya sa akin at hinarap ako. Basang basa ang kanyang mukha. Kung hindi ko siya hawak sa mga braso ay natitiyak kong baka napaupo na siya dahil sa hindi maiayos na pagkakatindig.
“Ano'ng naging kasalanan natin! Bakit sa atin nangyayati ang lahat ng ito!”
“Alam nating may plano ang Diyos sa lahat ng nangyayari, Kate. Kailangan lang nating hintayin, at ibibigay Niya sa atin ang sagot na iyon kung bakit kailangang mangyari ang lahat ng ito,” sambit ko sa bawat kataga habang humihiling na sana ay maabot ng puso niya sa mga sandaling ito ang gusto kong iparating. At gusto kong marating din ng puso ko iyon.
Naisubsob niya ang kanyang mukha sa aking dibdib. Napatingala ako’t mariing pumikit. Tahimik na sumasambit ng panalangin na sana ay matapos na ang sakit na nakatanim sa puso namin. Sakit na dulot ng pagkawala.
Isang taon na kaming kasal nang mabigyang kasagutan ang hiling naming mag-asawa. Nag-uumapaw ang saya namin nang sa wakas ay mabuntis si Kate. Sa kagustuhang maging maingat dahil sa kanyang pagbubuntis, pinili niyang tumigil sa pagta-trabaho at buong puso kong sinuportahan ang kagustuhan niyang iyon. Pero apat na buwan pagkatapos niyon ay nawala ang aming anak sa kanyang sinapupunan.
Pinapatay man ng sakit na dulot ng pangyayaring iyon, hindi kami nawalan ng pag-asa na muli kaming mabibiyayaan ng anak. At hindi kami nabigo dahil pagkatapos ng dalawang taon ay muli ‘yong binigyang katugunan.
Pero ngayon pareho muli kaming nawawala. Parehong nalulunod sa sakit na parang wala na namang katapusan. Pareho muli kaming nagdurusa dahil sa pagkawala ng aming pangalawang munting anghel.
Aaminin kong nakaramdam ako ng hinanakit sa Kanya. Maski ako ay nagtatanong kung bakit kailangang mangyari ang lahat ng ito. Pero pinili kong magpakatatag para kay Kate. Sa kabila niyon ay hindi ko nakita ang pagdurusa niya sa mga unang linggo. Hanggang sa isang araw nagising na lang ako na nakakulong na siya sa lungkot nang hindi ko namamalayan. At umaabot sa aking kaibuturan ang pagsisising nararamdaman ko dahil doon.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top