Prologue


Liwanag. Dilim. Hiyawan.


Wala kang ibang maririnig kung hindi hiyaw at pagpalahaw ng mga tao dahil sa pighati, nang sumulpot ang dilim na kahit sa kamatayan ay katatakutan.


Ang iba't-ibang kulay mula sa palad ng mga taong may mahika ay nagmistulang bangungot dahil naging kasangkapan ito sa giyera.


Maraming mga bangkay ang nagkalat, ang tubig na bumagsak sa lupa ay nagkulay dugo.


"Bakit pa ba ako isinilang?"


Humalo ang ulan kasabay nang paglandas ng luha sa kanyang mga mata. Ang pagkabuhay para sa iba ay isang napakagandang bagay, pero para sa katulad niyang isinilang para paglabanan ng mga ganid na nilalang: isa itong kasuklam-suklam na bagay.


Napatingin siya sa lupa.


Alam na niya na ang mga anino ay nakatago lang sa dilim; nagmamasid kung sino nga ba ang unang papatayin.


"Hahatiin ko na ang mundo." mariing sambit niya.


Nagbago ang kulay ng mata niya. Unti-unti itong naging kahel, walang mapagsidlan ang sakit na nararamdaman niya. Umaagos na ang dugo mula sa ulo niya ngunit wala siyang ibang maramdaman kung hindi pagkamanhid.


Samu't-sari ang biglang hiyawan ng mga tao. Nawala ang kalinsing ng mga espada, nakuha niya ang lahat ng atensyon sa pasimulang paggawa ng bilog na mahika na pumapalibot sa buong mundo. Kitang kita ito ng lahat, nagliliwanag ito sa kalangitan.


"Maraming mamatay!"


Sila sila rin naman ang nagpapatayan, ano pa bang pinagkaiba?


"Maghahari ang mga anino!"


Kung hindi sila, ang pagiging ganid naman nila ang maghahari.


"Pakiusap, maawa ka sa mga sanggol!"


Hindi dapat magdusa ang mga sanggol kaya kailangan nilang mawala.


"Hindi namin kaya isakripisyo ang mga bata!"


Hindi sila sakripisyo, dahil isa silang regalo sa mga anino.


Hindi nakinig ang babae. Alam niya na ang gagawin niya. Hindi niya uubusin ang bagong henerasyon. Nakipagkasundo na siya sa mga anino. Iaalay niya kasama ng mga ilang libong sanggol ang buhay niya.


"Permitto tenebrae quod pereo...Permitto mihi incisus geos indu duo...."


Lumandas ang luha niya sa parehong mata. Nakita niya ang itim na usok at apoy na nagmula sa kailaliman ng lupa. Ngumisi siya at tumawa dahil alam na niya ang susunod na mangyayari. Dadakpin na siya ng dilim. Gaya ng kasunduan nila,kasama ng mga inosenteng bata.


Pero hindi siya pwedeng umalis nang walang iniiwang salita. Kailangang maubos ng makasalanang lahi na ito,


Sa tamang panahon...


"Dilim at liwanag ay muling maglalaban. Sa ikatlong pagikot ng isinumpang buwan sa kalawakan, isang sanggol ang dadalhin ng mga anino sa lupa, at siya ang kikitil sa lahat." Isang sumpa ang kanyang binitawan bago siya tuluyang mahigop ng lupa.


Saksi ang lahat. Kung paano unang nagpakita ang anino ng kamatayan para kunin ang nag-iisang babae na may kakayahang pumatay at bumuhay. Manira at mag ayos. Ang babaeng nakatakdang mabuhay para mamatay.


Namayani ang katahimikan. Nagkaroon ng sobrang taas na pader na gawa sa mahika na tila hinding hindi mabubuksan ninuman.


Nung araw na iyon, parang bumalik ang kapayapaan. Wala nang digmaan. Tuluyan nang maghihiwalay ang dalawang panig.


Pero sandali lang pala 'yon,


Sandali lang.



꧁༺༒༻꧂



Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top