Chapter 8: Contaminate
Natutuwang pumasok si Cinni ng kuwarto ni Keith. Simula nang magkakilala sila, isang beses sa isang buwan ay mayroon silang sleepover. Minsan sa bahay nina Cinni, pero mas madalas sa bahay nina Kieth.
"Nakabili na ako ng chips." Itinaas ni Keith ang plastic na galing sa isang mall. "Ikaw, ano'ng dala mo?"
"Cake." Nagtaas-baba ang kilay ni Cinni. "Ano'ng panonoorin natin ngayon? Parang gusto ko ulit simulan 'yung movie na pinanood natin last time."
Tumango si Cinni at inilabas ang phone. "Magpapaalam lang ako sandali kay Chase. Nasabi ko naman na sa kaniya na baka buong magdamag kaming hindi magkaka-text dahil kasama kita."
Naunang mahiga si Keith sa malaking kama nito at binuksan na ang TV. Nagpalit na rin muna si Cinni ng pajama dahil sa tuwing mayroon silang sleepover, terno sila ng pantulog.
Pauso iyon ni Cinni.
"Parang gusto ko manood ng Twilight." Naningkit ang mga mata ni Keith habang nakatingin kay Cinni. "Bet mo ba?"
"Sige lang. Matagal ko na ring hindi napapanood 'yan, e." Tinanggal ni Cinni ang comforter at naupo sa kama bago nagkumot. "Naka-off na rin 'yung phone ko, don't worry."
Mahinang natawa si Keith at naupo tulad niya. Tumitig ito sa kaniya at may ngiti sa mga labi na para bang masaya o ano, hindi maintindihan ni Cinni.
"Bakit ganiyan ka makatingin sa akin?" tanong ni Cinni at hinaplos pa ang mukha. "May mali ba sa akin?"
Umiling si Keith at ngumiti. "Ang blooming mo kasi! I mean, maganda ka naman na talaga, no doubt naman sa parteng 'yun. Pero simula no'ng maging kayo ni Chase, iba ang glow mo. Mas mukha kang masaya."
Nangunot ang noo ni Cinni at naramdaman ang pag-iinit ng pisngi dahil sa sinabi Keith. "Para namang tanga 'to si Keith!" Ngumuso siya at mas nahiya pa. "E kasi naman, crush na crush ko lang si Chase noon, 'di ba? Like crush talaga tapos boyfriend ko na."
"'Yun na nga! Imagine na naging boyfriend mo ang crush mo? That's rare. At alam mo, feeling ko kapag nagkahiwalay kayong dalawa, parang mas masasaktan pa ako." Nalungkot ang mukha ni Keith at hinawakan ang braso ni Cinni. "Hoy, huwag kayong maghihiwalay, ha? Kapag naghiwalay kayong dalawa, hindi na talaga ako maniniwala sa forever. Hindi na ako maniniwalang may forever."
Malakas na natawa si Cinni at hinampas ang braso ni Keith. "Hoy! Grabe 'yun! Siyempre hindi naman natin alam mangyayari sa future. What if biglang magsawa si Chase sa ugali ko? What if makahanap siya ng taong mas matalino sa akin? W-What if . . . umayaw pala siya sa akin sa mga susunod?"
"Bakit kasi ang negatibo mo?" tanong ni Keith na natatawa. "Ikaw pa ba? At saka sure naman ako na mapag-uusapan ninyong dalawa. Mukha namang marunong makinig si Chase. Ikaw ang problema, marunong ka bang makinig?"
Sumibi si Cinni at nagkunwaring umiiyak. "Bakla, feeling ko hindi kasi akala ko bobo na ako. Pero kapag kausap ko si Chase, akalain mong may ibobobo pa pala ako?"
"Siraulo ka!" Malakas siyang hinampas ni Keith.
Nagtawanan silang dalawa at hinanap na ang pelikualng panonoorin nila habang pinag-uusapan pa rin ang college. Napag-usapan na rin nila ang tungkol sa posibleng gawin after graduation kahit na matagal pa naman.
"Alam mo . . ." Nilingon ni Cinni si Keith at pareho silang nakahigang nanonood. "Ikaw talaga ang sister ko from another mother. Dalawa lang kaming magkapatid, lalaki pa 'yung bunso. Kaya thank you sa pakikinig sa akin always."
"Sakalin kaya kita!" natatawang sabi ni Keith, pero sinabunutan siya. "Homegirl natin ang isa't isa. We did the pinky promise, remember?"
Itinaas ni Keith ang kamay at inaya siyang gawin ulit ang promises nilang dalawa. It was a pinky finger promise they always do. Sabay silang nagsalita habang nakangiti at nakatingin sa isa't isa.
"We promise to have each other's back . . . no matter what happens."
***
Paulit-ulit na pinanonood ni Cinni ang videos nila ni Keith. Natatawa siya sa kalokohan nila noong college pa sila, mga tawanan, pranks, at kung ano-ano pa. Sila ang palaging magkasama at bukod kay Chase, umikot din ang mundo nila sa isa't isa.
Simula nang itaboy siya ni Keith noong malaman nito ang nangyari sa kanila ni Chase, hindi na ulit sila nagkausap.
Ilang beses nag-message si Cinni sa kaibigan. Ilang beses niyang sinubukang tawagan ito, pero hindi sumasagot. Ilang beses siyang pumunta sa condo nito, pero hindi siya binababa.
Tumingala si Cinni hawak ang phone niya. Nasa labas siya ng office habang hinihintay na matapos manigarilyo si Alper. Katatapos lang din ng lunch nila at mag-uumaga na.
Medyo masakit pa rin ang braso niya dahil sa nangyari noong nakaraang araw. Paulit-ulit na nagre-replay sa isip niya ang pagkakakita kay Chase, pero mas nangibabaw ang takot niya kay Alper.
Pagpasok sa floor, nanatiling tahimik si Cinni.
Nakatatanggap na rin siya ng messages galing sa dati nilang mga kaibigan o sa kung sino man ang nakaalam ng relasyon nila ni Chase.
They were very vocal about their relationship. Sa social media, halos araw-araw na nagpo-post si Cinni ng pictures nila, ganoon din si Chase lalo na sa simpleng proud moments nilang dalawa.
May ilan nang nakapapansin at nagtatanong kung ano ang nangyari.
Cinni was once active in social media. Ultimo pagkain niya ay naka-post pa nga. Minsan pati pag-uwi niya o madalas na pagsundo ni Chase sa kaniya, ipo-post pa sa social media.
Gustong tawanan ni Cinni ang sarili.
Halos hindi na niya mabuksan ang social media accounts niya simula nang mangyari ang hindi dapat. Aware din siyang mayroon nang kumakalat tungkol sa nangyari dahil mayroon nang nag-message sa kaniya na nagtatanong kung totoo ba iyon.
Mayroong nakakita sa kanila ni Alper at sapat nang sagot iyon sa tanong ng iba.
Hindi kinikibo ni Cinni si Alper simula nang masaktan siya nito ulit. Kapag kinakausap siya, isang tanong at isang sagot. Panay naman ang sorry nito sa kaniya na tinatanguan lang niya.
Natatahimik din ito kapag hindi na siya kumikibo at kapag nasa bahay, panay ang yakap sa kaniya.
Nagpatuloy si Cinni sa trabaho hanggang sa matapos ang shift nila. Napapansin niya si Alper na madalas tumitingin sa kaniya, pero hindi niya ito pinapansin. Minsan din itong hahaplos sa likuran niya.
Isa pang rason kung bakit hindi masyadong nakikipag-usap si Cinni sa kahit na sino ay dahil kumalat sa opisina nila na habang may boyfriend siya, nakikipaglandian siya kay Alper.
Walang depensa si Cinni sa bagay na iyon dahil mayroong katotohanan. Malandi siya at siya ang sumira nang relasyon nila ni Chase. Hindi niya iyon itinatanggi at mas lalong hindi siya proud.
After shift, nag-aya ang mga kaibigan ni Alper na mag-iinuman daw ang mga ito. Expected na ni Cinni na sasama sila, pero mali. Hinawakan ni Alper ang kamay niya at sinabing uuwi na sila para makapagpahinga.
Sa kotse, nanatiling tahimik si Cinni nang hawakan ni Alper ang kamay niya at ipinagsaklop iyon. Hindi na siya pumalag at hindi nagsalita.
Habang nasa traffic light at pula ang ilaw, bahagyang lumapit si Alper kay Cinni at hinalikan siya sa pisngi bago ipinatong ang noo sa balikat niya.
"Kausapin mo naman ako," bulong ni Alper. "Sorry na, Cin. Please? Kausapin mo na ako, o. Kahit saktan mo ako, oka—"
"Hindi ako katulad mo," sagot ni Cinni. "Alper, may pasa na naman ako tapos sorry na naman? Hanggang kailan? Sa tuwing mainit ang ulo mo, sa tuwing galit ka sa akin, sasaktan mo ako? Huwag naman ganoon."
Kaagad namang bumitiw si Alper sa kaniya nang mayrong bumusina sa likuran. Pareho nilang hindi namalayang berde na ang ilaw ng stop light. Hindi na rin nakasagot si Alper at nanatiling tahimik si Cinni.
Akala ni Cinni, uuwi na sila, pero dumaan muna ito sa isang fast-food chain para mag-drive thru ng pagkain nila. Hindi na rin nag-aksaya ng panahon si Cinni at kumain na sa kotse.
"May gusto ka bang gawin ngayon?" tanong ni Alper. "Malamang na late na naman tayo makakatulog. Baka may gusto kang puntahan."
Nilingon niya si Alper na matamang nakatitig sa kaniya. Nakahinto sila sa parking space ng fast-food chain para kumain. Pareho nilang ayaw sa loob dahil masyadong maraming tao.
"Papayag ka ba?" tanong ni Cinni. "Alam kong hindi kaya 'wag mo na lang akong tanungin." Nag-iwas siya ng tingin.
Expected na ni Cinni na hindi sasagot sa kaniya si Alper. Matagal na matagal, pero narinig niya ang pagbuntonghininga nito.
"Saan mo ba gustong pumunta?" Mababa ang boses ni Alper at muling huminga nang malalim. "May gusto ka bang puntahan?"
Sinalubong ni Cinni ang tingin ni Alper at malamlam ang mga mata nitong nakatitig sa kaniya. "Gusto ko sanang umuwi sa parents ko kahit isang gabi lang. Puwede ba akong mag-absent mamaya? P-Puwede ba muna akong umuwi kahit sandali?"
Nakita niya ang paghigpit ng hawak ni Alper sa manibela ng sasakyan at nag-iwas pa nga ng tingin. Diretso itong nakatitig sa pader na nasa harapan nila at mukhang walang balak pumayag.
As expected, Alper didn't say anything.
Nagpatuloy sa pagkain si Cinni. Wala siyang makukuhang sagot. Kaya madalas na sa tuwing tatanungin siya ni Alper kung ano ang gusto niya, hindi na siya sumasagot o kaya ay sasabihin niyang wala.
Disappointment lang naman ang makukuha niya.
"Sige."
Gulat na nilingon ni Cinni Alper.
"H-Ha?"
"Isang gabi lang, promise?" Mababa ang boses nitong nakatitig sa kawalan bago sa kaniya. "Susunduin kita kaagad bukas?"
Tumango si Cinni at hindi na nagsalita. Gulat pa rin siya at hindi niya alam ang isasagot. Nagulat siyang pumayag ito, pero mas nagulat siyang inihatid pa nga talaga siya hanggang sa labas ng subdivision ng family niya.
Nakaparada si Alper sa gate ng subdivision at nakatingin sa kaniya. Malamlam ang mga mata nito na para bang nangungusap. Walang kahit na anong salita.
"Papasok ako bukas," sabi ni Cinni.
Umiling si Alper. "Kahit hindi na muna. Ako na muna ang bahala sa schedule mo," sabi nito. "Susunduin kita bukas dito?"
"Sige," tipid na sagot ni Cinni. "Mag-message na lang ako sa 'yo."
Humawak kaagad si Cinni sa pinto ng kotse at binuksan iyon. Gusto niyang samantalahing nasa mood si Alper dahil baka biglang magbago ang isip nito.
Palabas na siya nang biglang hawakan ni Alper ang braso niya na ikinagulat at ikinakaba niya. Akala niya ay pipigilan siya nito, pero mali. Bigla siya nitong hinila at niyakap nang mahigpit na mahigpit. Isinubsob pa ang mukha sa leeg niya.
"Babalik ka naman sa akin, 'di ba?" Mahina ang boses ni Alper. "Sorry ulit, pero babalik ka, 'di ba?"
Nanginig ang baba ni Cinni dahil sa takot. Wala namang halong pagbabanta ang boses at salita ni Alper. Natakot lang siya sa parteng akala niya ay pipigilan siya nitong lumabas ng kotse at aalis na sila.
"O-Oo." Tumikhim si Cinni dahil pakiramdam niya, mayroong nakabara sa lalamunan niya. "S-Sunduin mo na lang ako bukas."
Ramdam ni Cinni ang init ng hangin na nanggagaling sa ilong ni Alper. Matagal itong nakayakap sa kaniya bago humiwalay at marahan siyang hinalikan sa labi. Hinaplos pa nito ang buhok niya at hinalikan naman siya sa pisngi.
"Enjoy ka." Tipid itong ngumiti at humarap sa dashboard ng kotse. "Message mo na lang ako."
Muling tumango si Cinni at bumaba ng sasakyan. Kumaway siya kay Alper bago tuluyang pumasok sa loob ng subdivision kung saan nakatira ang parents niya. Sa Messenger lang niya nakakausap ang mga ito at ito ang unang beses na uuwi siya pagkatapos ng nangyari sa kanila ni Chase.
Sa labas ng bahay, nakatitig si Cinni. Nakaramdam siya ng takot bago pumasok dahil hindi niya alam kung paano sasabihin sa parents niya ang nangyari.
Nag-aalmusal ang mga magulang niya pagdating. Nakatingin sa kaniya ang mommy niya at mukhang may alam na. Hindi na nakagugulat . . . nagsisimula naman nang kumalat ang isyu.
"Akala ko wala kang balak umuwi," sabi naman ng daddy niya na nagbabasa ng diyaryo. "Totoo ba, Cinni?" Ibinaba nito ang hawak at tinanggal ang salamin habang nakatingin sa kaniya.
Hindi nakapagsalita si Cinni. Sumandal siya sa pinto living room nila at hindi alam ang sasabihin.
"Sinuway mo na kami noon no'ng makipag-live in ka kay Chase. Wala na kaming nagawa dahil matigas ang ulo mo. Tapos ano itong nalaman namin, Cinni?" Tumaas ang boses ng daddy niya. "Cinni, kahihiyan. Iyan ba ang bitbit mo sa pamamahay na 'to?"
Yumuko si Cinni at kaagad na bumagsak ang luha niya. Ni hindi siya nakapag-good morning sa mga ito, sinalubong na siya ng sermon . . . pero deserve niya iyon.
"Hindi ka na nga magaling sa academics, hindi ka na nga successful sa mga trabahong gusto mo, gumagawa ka pa ng katangahan," sabi ng mommy niya na nakaupo sa sofa. Walang sigaw dahil kalmado ang pagkakasabi nito. "Namatayan na nga ng anak, 'yung natira naman, walang pakinabang. Sakit pa sa kalooban ang dala, kahihiyan pa nga."
Nilaro ni Cinni ang daliri gamit ang kuko dahil sa nararamdaman. Parang sasabog ang dibdib niya at walang kahit na anong salitang lumalabas sa bibig niya.
"Sumama ka na lang doon sa lalaki mo, Cinni. Tinanggap na namin ang pagsasama ninyo ni Chase dahil naisip namin na kahit wala kang future, hindi ka pababayaan ni Chase," dagdag ng mommy niya. "Huwag kang magagalit, pero tinanggap na namin ng daddy mo na wala na kaming aasahan sa 'yo. 'Wag kang masasaktan, pero 'yun ang totoo, Cinni."
Nanginig ang baba ni Cinni dahil sa mga narinig.
"Hindi na namin alam ang gagawin sa 'yo. You . . . already had the best but Chase wasn't enough for you to be with another man?" Cinni's mom uttered. "Cinni, alam kong hindi ka matalino, pero bakit sumobra naman 'yang pagiging b—"
"Enough." It was her dad stopping her mom.
"No. She needs to know how contaminated she is now. Tingnan mo nga ang itsura ng anak mo? Mas lalo ko na siyang hindi kilala. Mukhang hindi natutulog, mukhang . . . nagdodroga ka na ba?"
Iling lang ang naisagot ni Cinni.
"Mabuti naman." Tumayo ang mommy niya. "Akala ko pati 'yun gagawin mo na. Cinni, matigas ang ulo mo kaya pinabayaan ka na namin kay Chase noon dahil alam namin hindi ka pababayaan, may future ka. Pero sa ginawa mo ngayon?"
Sinalubong ni Cinni ang tingin ng mommy niya na umiling at mayroong ngiti sa labi nito.
"Ngayon, masasabi kong 'wag ka na munang babalik dito dahil hindi kayang tingnan ang mukha mo. Hindi kita pinalaki para maging ganiyan. Hindi kita pinalaki para manlalaki, para lumandi nang ganiyan." Umiling ito. "Hindi ka na nakuntento, Cinni. N . . . na—nakakadiri ka."
"Tama na 'yan." Tumayo ang daddy niya at lumapit sa kaniya. Umiling ito at basta na lang siyang dinaanan bago umakyat sa second floor ng bahay nila at hindi na ito lumingon pa.
Ibinalik ni Cinni ang tingin sa mommy niya. Nakatingin ito sa kaniya, pero walang reaksyon ang mukha.
Nilingon niya ang malaking family picture nila sa living area at kasama pa roon ang kuya niya . . . na namatay tatlong taon na ang nakalipas dahil sa motorcycle accident.
Hindi na nagpaalam si Cinni at basta na lang lumabas ng bahay. Sapat na ang mga sinabi ng parents niya para umalis siya.
Dumiretso siya sa park ng subdivision at naupo sa isang swing. Hawak ang phone niya, nakita niya ang message ni Alper.
Alper John Lopez:
Enjoy ka.
Sunduin kita bukas.
Mahal kita.
Mahinang natawa si Cinni at tumingala sa langit. Naramdaman niya ang pagbagsak ng luha sa magkabilang mata. Sa sandaling kasiyahan, naiwala ang lahat.
"Masaya ba?" tanong ni Cinni sa sarili. "Masaya ba?"
—
T H E X W H Y S
www.thexwhys.com
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top