Chapter 6: Clary

Tulad ng nakagawian nina Cinni at Clary—ang nakababatang kapatid ni Chase—every second Saturday of the month, nagpupunta sila sa isang mall para mag-girl bonding. Hindi nila kasama si Chase, silang dalawa lang talaga.

Kahit gusto nitong sumama, hindi sila pumapayag. Sinimulan nila ito noong college pa lang sila. Dahil din doon, bukod sa pagiging kapatid ni Chase, best friend niya si Clary.

"Ate Cin, alam mo, feeling ko kapag kinasal na kayo ni Kuya Chase tapos may sarili na kayong bahay, may sariling kuwarto ako. Puwede ba 'yun?"

Nilingon ni Cinni si Clary at mahinang natawa dahil sa sinabi nito. "'Wag ka! Ipapa-interior ko pa 'yung kuwartong 'yun para sa peg mo," sagot naman niya. "Kung puwede ngang doon ka na tumira para may kakampi ako sa pang-aasar sa kuya mo!"

"Ay bet ko 'yan, Ate! 'Yung may TV at couch para sa girl bonding sesh natin?"

"Oo. At saka kapag nag-aaway kami ni Chase, sa kuwarto mo na ako matutulog." Humagikgik si Cinni at ipinakita ang pulang blouse. "Bagay sa 'yo 'to. Ayun, palagyan din natin ng walk-in closet mo!"

"Waaah! Ang ganda, Ate! Kaso baka mapagalitan ako ni Kuya na ang dami mapapadagdag sa bahay n'yo. Hindi kaya tustahin ako ni Kuya?" Tiningnan nito ang damit sa salamin kung bagay nga sa kaniya. "Alam mo naman na gusto kang masolo ni Kuya."

Sinamaan ng tingin ni Cinni si Clary at pinisil ang pisngi nito. "As if naman may magagawa ang kuya mo kapag sinabi kong gusto kong pagawan ka ng room. Isa pa, masaya 'yun, we can just bond anytime we want. Tapos kapag may baby na kami ni Chase, ikaw ang Tita of the Year!"

"I like that! Ilang babies plan n'yo ni Kuya? Napag-usapan n'yo na ba?" Inilagay ni Clary ang blouse sa cart at kumuha ng bestida para tingnan kung okay sa kaniya.

Nakagat ni Cinni ang ibabang labi dahil sa tanong ni Clary. "Sa totoo lang, gusto na ng kuya mo, but a part of me is hindi pa ready? Alam mo 'yun? Parang natatakot pa ako o parang may iba pa 'kong gustong gawin. So medyo pressured ako."

Naningkit ang mata ni Clary at ibinaba ang damit. "Hindi ka pa ready, Ate? Ang tagal n'yo na ni Kuya, e. Cute n'yo kaya 'pag nagka-family na."

"Hindi ko rin alam kung bakit, pero may part sa akin na parang," tumigil sa pagsasalita si Cinni dahil hindi alam kung paano ipaliliwanag kay Clary, "a part of me wants to travel, to experience more? Kasi, 'di ba, after graduation no'ng college, nag-work na kaagad kami? Like, we already started saving for the future. So a part of me wants to . . . enjoy?"

"Pero, Ate, you can travel together naman, 'di ba? I remember may Oshrelya ipon kayo ni Kuya. Pinagyayabang pa nga niya sa 'kin, e."

Ngumiti si Cinni nang maalala ang tungkol sa pangarap nilang pagpunta sa Australia. "Oo, but based on research, nabasa ko lang naman. Based on research, kapag may baby na kasi, iba na ang priorities kaya sana gusto ko na kahit kasal na kami, wala munang baby. But Chase wants to have a baby after getting married. So medyo torn ako sa part na 'yun."

Inabot ni Clary ang isang nightgown na puti at ibinigay kay Cinni. "Bagay sa 'yo 'to, Ate." Muli siyang tumingin sa mga rack. "Gets ko 'yung pinagmumulan mo, Ate. Pero nakausap mo na ba si Kuya about diyan? Feeling ko kasi, it's a matter of time before he propose na. Like, hello? Mag-e-eight years na kayo next year."

"We talked about it, pero blur pa. Hindi pa siya 'yung isang upuang pag-uusap, parang pahapyaw lang and I am scared? Natatakot ako na baka ma-disappoint siya sa sasabihin ko? He's looking forward to have a baby."

"Kahit naman sino ay magiging excited, Ate. Ako pa nga siguro ang pinakamasaya kapag nagkaroon na ako ng pamangkin. At least, hindi na magiging sobrang higpitan ni Kuya sa akin. Malay mo, makapag-boyfriend na rin ako at magka-happy ending gaya n'yo ni Kuya!" kinikilig niyang usal. "Baka need mo lang talagang makausap nang maayos si Kuya. I'm sure maiintindihan naman niya."

Hawak ang pink na dress dahil gusto niyang bilhin iyon, napaisip si Cinni sa sinabi ni Clary. Takot siyang ma-disappoint si Chase sa bagay na iyon, pero tama ito. Kailangan nilang mag-usap.

"Siguro kauusapin ko na lang din talaga si Chase tungkol dito. Minsan din kasi kapag nagbubukas siya ng topic about baby, ngingiti na lang ako kasi hindi ko talaga alam kung ready na ba ako o nire-ready ko lang ang sarili ko para sa kuya mo."

"Baka kasi na-o-open na ang topic ng baby pero hindi ka pa niya inaaya ng kasal? Uy, bagay 'yang pink sa 'yo, Ate." Hinawakan nito ang laylayan ng damit at nag-thumbs up. "Kasi isipin mo, nag-live in na kayo, 'di ba? Parang mag-asawa na setup n'yo ni Kuya."

Huminga nang malalim si Cinni at dahil impulsive siya, bibilhin na rin niya 'yung pink na dress. "Hindi naman ako pressured kung kailan ako pakakasalan ng kuya mo. We're okay now and I know darating naman 'yung time. Tara, bayad na tayo!"

Habang nakapila, napaisip si Cinni sa sinabi ni Clary. Tama nga namang pag-usapan nila ni Chase ang bagay na iyon. Kailangan niyang ipaliwanag, kailangang maging malinaw.



Sa locker room pa lang, nabasa na ni Cinni ang message ni Clary. Sinabi nitong magkita sila sa coffee shop. Kahit hindi nito sinabi ang exact address at location, alam niya kung saan ang tinutukoy nito.

Mayroon silang paboritong coffee shop na pinupuntahan kapag wala silang balak mag-mall. Tambayan nilang dalawa iyon sa tuwing magkikita sila every second Saturday of the month.

Pagdating sa bahay, kaagad na nakatulog si Alper. Mabuti na rin iyon para makaalis siya. Nag-iwan naman siya ng note na mayroon lang siyang kikitain. Alam niyang magagalit ito, pero ayaw niyang tanggihan si Clary.

Wala rin ang mama ni Alper kaya hindi na siya nakapagpaalam dito. Mukhang mayroong pinuntahan, hindi niya alam.

Natatakot siya sa posibleng resulta lalo na at ayaw ni Alper nang umaalis siya nang hindi ito kasama, pero hindi rin naman niya puwedeng sabihin na si Clary ang kikitahin niya.

Secrets.

Cinni became secretive with everything because every move came with a price. It was something she realized after being "free". Freedom became a lie after everything, freedom became harder to find.

Sumakay ng taxi si Cinni at naisip na uuwi na lang kaagad siya pagkatapos nilang mag-usap ni Clary. Magmamadali siya para hindi maabutan ni Alper na umalis siya.

Pagdating niya sa coffee shop, nandoon na si Clary at nakatingin habang papalapit siya.

"Ate . . . ," walang ganang bati ni Clary.

"Hi, Clary." Naupo si Cinni sa harapan ni Clary at ibinaba ang bag sa gilid ng upuan. "Kumusta?" mababa ang boses na sabi niya. Halos hindi niya kayang tingnan ito sa mga mata.

"Okay naman ako, Ate. Ikaw ba? Kumusta ka naman? It's been . . . weeks." Nakatitig sa kaniya si Clary, walang reaksyon ang mukha at parang nagpipigil sa kung ano man lalo nang gumalaw ang magkabilang panga nito. "Um-order na 'ko ng drinks para sa 'yo. I hope hindi pa naman nagbabago ang taste mo?"

Umiling si Cinni at nakita ang na-order ni Clary. Kapareho pa rin naman ng dati. Alam pa rin nito ang paborito niya. "Hindi, ganoon pa rin naman madalas kong ino-order. White chocolate mocha pa rin naman."

"That's good. Tama pa rin na-order ko. So . . . kumusta ka naman, Ate?" pag-uulit nito ng tanong.

Nahihiyang tumango si Cinni dahil sa totoo lang, wala siyang mukhang maiharap sa kapatid ni Chase. Kung hindi lang ito nakiusap na magkita sila, hindi siya pupunta. May pinagsamahan sila. Gustuhin man niyang iwasan na ito, hindi niya kaya.

"Buti naman hindi mo pa nakalimutan kung ano ang favorite café natin, Ate. Akala ko kasi kinalimutan mo na rin ako," pagtukoy ni Clary sa ipinadalang text na walang nakasulat kung saan mismo, basta sa paborito nilang coffee shop. Nagkrus ang braso ni Clary.

Tipid na ngumiti si Cinni at sumandal sa malambot na upuan. "Hindi ko naman makakalimutan 'tong lugar, Clary," mababa ang boses na sagot niya. "Sorry, late ako. Medyo na-traffic kasi."

Sinungaling. Nagsinungaling siya.

Ang katotohanan ay ilang beses niyang pinag-isipan kung pupunta ba siya dahil natatakot siya sa puwedeng resulta kung sakali mang malaman ni Alper na umalis siya, kung sakali mang malaman nito kung sino ang kinita niya.

Naisip ni Cinni na okay lang. Minsan lang naman. Gusto rin naman niyang makita si Clary kahit na expected na niya ang magiging pakikitungo nito sa kaniya. Cinni already knew the moment Clary looked at her.

A look of anger and disgust.

"Okay lang, Ate. At least, nagparamdam ka. Siguro naman . . . kaya mong ipaliwanag sa akin kung ano'ng nangyari sa inyo ni Kuya?" tanong ni Clary bago uminom ng iced chocolate nito.

Hindi alam ni Cinni kung paano magpapaliwanag dahil wala namang tama sa ginawa niya. Nanatili siyang nakatitig kay Clary, hindi alam ang sasabihin, at naisip pa nga na maling nakipagkita siya rito.

May diin ang bawat sambit nito ng salitang ate. Ramdam ni Cinni ang nais nitong ipahiwatig. Galit.

At naiintindihan niya iyon.

"Mukhang ayaw mong magkuwento, edi ako na lang. Alam mo ba, Ate," nilaro ni Clary ang straw ng inumin nito, "sinigawan ako ni Kuya dahil sa 'yo. Sinigawan niya kami ni Mama at nagbasag ng pinggan sa bahay. Galing, 'no? Pustahan, 'di mo 'yun alam, 'no?" May mapait na ngiti sa mukha nito.

Nanginig ang kamay ni Cinni dahil sa narinig. Parang nablangko ang isip niya at pilit na prinoseso kung tama ba ang narinig niyang sinabi ni Clary.

"At alam mo ba, hanggang ngayon hindi pa rin kami nag-uusap ni Kuya dahil nagtatampo ako sa kaniya. Si Kuya 'yun, e. Hindi niya kami ever inaway nang gano'n ni Kuya. At alam mo sino'ng may kasalanan?" Clary raised her eyes to meet Cinni's. Para itong naghahamon.

Nagulat si Cinni sa sinabi ni Clary, pero hindi siya nagpahalata. Alam niyang hindi ganoong tao si Chase dahil mahinahon ito. Alam din niya kung gaano nito kamahal si Clary, lalo na ang ina nito.

Alam niyang kasalanan niya ang lahat.

Kumabog ang dibdib ni Cinni dahil sa nalaman. Hindi niya inasahang ganoon ang magiging epekto ng nangyari. Hindi niya inasahang magiging ganoon ang epekto kay Chase. Hindi niya inaasahang hahantong sa ganoon ang sitwasyon.

"Sorry," tipid na sagot ni Cinni dahil wala siyang ibang gustong sabihin.

"Sorry?" Nagtaas ng kilay si Clary. "Ano'ng magagawa ng sorry mo ngayon, Ate? Ni hindi mo nga siya hinaharap para makausap? Hindi mo raw sinasagot ang tawag o text niya. At ang balita ko, araw-araw siyang naghihintay sa labas ng building n'yo." Binitiwan ni Clary ang straw at ipinatong ang mga braso sa mesa para mas malapit kay Cinni. "Kaya hindi ko gets kung ano'ng nangyari sa inyo ni Kuya."

Yumuko si Cinni dahil sa kahihiyan. "Hindi ko pa kayang makipag-usap sa kaniya kasi," huminga siya nang malalim, "kasi nahihiya ako, Clary. Nahihiya ako sa nangyari at hindi ko alam kung paano ako haharap sa kaniya. Kasalanan ko lahat, alam ko. Hindi ko kaya."

"Should I be happy ba na aware kang kasalanan mo, Ate? Nahihiya ka? Magpa-party na ba ako kasi sinira mo si Kuya? Winasak mo ang kapatid ko!" Pinahid ni Clary ang namumuong luha. "Akala ko pa naman mahal mo talaga siya. Mukhang joke lang pala. Lakas ng trip mo, Ate. Pinatagal mo talaga. Pati kami ni Mama, dinamay mo."

Nag-iwas ng tingin si Cinni dahil sa mga sinabi ni Clary. Hindi niya ipagtatanggol ang sarili dahil kasalanan niya ang lahat. Wala siyang mahanap na tamang salita para sabihin kay Clary dahil totoo naman ang lahat.

Kasalanan niya ang lahat. Kasalanan niya kung bakit sila humantong sa ganoong sitwasyon . . . at wala nang makapagtatama ng mga mali.

Hindi alam ni Cinni ang sasabihin. Si Chase ang nasa isip niya. Si Chase ang gusto niyang kumustahin. Nahihiya siya kay Clary, nahihiya siyang itanong ang tatlong salita, pero sinubukan niya.

"K-Kumusta na siya?" tanong ni Cinni.

"Buti naman naisip mong itanong kung kumusta na siya." Muling sumandal si Clary sa upuan at nilaro-laro ang inumin gamit ang straw. "Si Kuya . . . hindi siya okay. Actually, nasa ospital siya ngayon, 'di mo alam, 'no?" May paghahamon sa tono ni Clary.

Nagulat si Cinni at bumilis ang tibok ng puso niya na dahilan pa ng pagpikit. Ilang beses siyang huminga nang malalim.

"B-Bakit? Ano'ng nangyari? Hindi ko alam."

"Nawalan siya ng malay sa harap ng building n'yo. Like I said, araw-araw siyang umaasa na magkakausap na kayo, pero 'di mo naman pinagbibigyan. Napabayaan na ni Kuya ang sarili niya at awang-awa na kami ni Mama sa kaniya. It makes me wonder if you're a witch in disguise. You used him really well . . . at talagang pinatagal mo pa nang halos walang taon. Wala kang puso."

"Cla—"

Tumayo si Clary at hindi hinintay ang sagot ni Cinni. "Ayaw kong aksayahin pa ang oras mo, Ate. Mukhang busy at mas masaya ka naman na ngayon. I just hope you made the right decision when you left my brother. I hope it was all worth it, Ate. And you know what? I feel na ngayon, we're just strangers with a lot of memories and secrets together. I really thought you were the ate na matagal ko nang pinalangin kay God para alagaan at mahalin si Kuya forever. Mali pala ako."

Tumayo si Cinni para sana pigilan si Clary dahil gusto niyang magtanong pa tungkol kay Chase, pero masama ang titig nito sa kaniya at kagat pa ang ibabang labi.

"Witch," sabi ni Clary at tuluyang umalis sa harap ni Cinni.

Kaagad na kinuha ni Cinni ang bag mula sa bakanteng upuan at tumakbo papunta sa comfort room. Sapo niya ang dibdib dahil sa naramdamang paninikip niyon mula sa nalaman at narinig tungkol kay Chase.

Naupo siya sa nakasaradong bowl at pilit pinakakalma ang sarili. Ramdam niya ang panginginig ng kamay, pero alam din ni Cinni sa sarili na wala siyang karapatang mag-inarte o magmukhang biktima. Kasalanan niya ang lahat.

Kasalanan niya kung bakit nasasaktan si Chase.

Inilabas ni Cinni ang phone at akmang tatawagan si Chase nang biglang mag-ring ang phone niya at si Alper iyon. Mas lalong sumikip ang dibdib niya dahil sa kaba. Ramdam niya ang pagkabasa ng mga palad at ang panginginig ng kamay.

"H-Hello?"

"'Tang ina, asan ka?" tanong nito. "Nasa kotse ako. Saan kita susunduin?"

Nanginig ang baba ni Cinni at pumikit para huminga nang malalim. Awtomatiko na rin niyang sinabi kay Alper ang location niya. Halos isang oras ang layo niyon sa tinitirhan nito, pero laking gulat niya nang wala pang thirty minutes, nasa lugar na ito.

Pagpasok ni Cinni sa kotse, tahimik si Alper. Kaagad nitong pinaandar ang sasakyan at mabigat ang bawat pagpreno, mabilis ang pagpapatakbo, at minsan pa silang nag-beating the red light.

Kung may traffic enforcer, mahuhuli sila. Mabuti na lang at wala.

Inihiga ni Cinni ang ulo sa bintana. Wala na siyang pakialam kung mabilis pang magpatakbo si Alper dahil lumilipad ang isip niya. Kung may sinasabi man si Alper, hindi na niya iyon naririnig.

"Cinni!" biglang sigaw nito.

Nagulat si Cinni lalo na sa biglaang malakas na pagpreno ng kotse. Nilingon niya si Alper na mahigpit ang pagkakahawak sa manibela, pero wala siyang reaksyon. Ibinalik niya tingin sa bintana at hinayaan itong magalit sa kaniya.

"Kauusapin mo ako o hindi?" tanong ni Alper.

Nilingon ni Cinni si Alper at tipid na ngumiti. "Ano'ng gusto mong pag-usapan?" aniya sa kalmadong boses. "Kumain ka na ba? Nagugutom ako. Gusto ko sana ng ice cream, puwede ba? Pagkatapos ng ice cream, gawin mo na ang gusto mo, sigawan mo na ako, saktan mo na ako. Gusto ko lang muna ng ice cream."

Matagal na tumitig sa kaniya si Alper. May galit sa mga mata nito, pero walang sinabing kahit na ano.

"Alper, please. Ice cream lang. Pagkatapos no'n, gawin mo na ang gusto mo."



T H E X W H Y S
www.thexwhys.com

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top

Tags: #thexwhys