Chapter 4: Condition
Masakit ang lalamunan ni Cinni at panay ang inom niya ng tubig habang nakikipag-usap sa iritableng customer. Gustuhin man niyang ibaba ang tawag, hindi iyon puwede.
Ramdam pa rin niya ang pamamaga ng leeg dahil sa pananakal ni Alper dalawang araw na ang nakalipas. Hindi naman daw sinadya at nadala lang ng bugso ng damdamin. Iyon ang sinabi nito sa kaniya.
Sa dalawang araw na iyon, hindi niya kinakausap si Alper na panay naman ang suyo sa kaniya at kung ano-ano ang binibiling pagkain para sa kanilang dalawa.
"Yes, ma'am," pinindot ni Cinni ang mute para mahinang umubo dahil parang mayroong bumara sa lalamunan niya, "I'll take note of that," pagpapatuloy niya.
At dahil magkatabi sina Cinni at Alper sa cubicle, mukhang narinig nito ang paghihirap niya. Kaagad itong lumapit para haplusin at likod niya at sinabing ipasa sa kaniya ang tawag.
Hindi tumanggi si Cinni at kaagad na ipinasa na ang tawag kay Alper na siyang nagpatuloy sa pagresolba ng problema ng customer
Nag-break na rin muna siya, pero nag-stay sa cubicle nila ni Alper at bahagyang inihiga ang ulo sa lamesa nang maramdaman ang sakit ng ulo.
Alam sa opisina kung ano siya ni Alper, kung tutuusin, napapaisip na rin si Cinni kung ano ba talaga sila dahil hindi naman nila napag-usapan ang label.
Magkasama sila sa isang bahay, natutulog silang magkatabi, sabay silang kumakain sa lahat, pero hindi magawang magtanong ni Cinni dahil baka ma-misinterpret iyon ni Alper.
Pumikit si Cinni at ipinahinga ang mga mata. Naramdaman niya ang kamay ni Alper sa likuran niya at marahan itong humahaplos sa kaniya.
At dahil nga kalat na sa opisina ang relasyon nilang hindi niya alam kung ano, nakaririnig na siya na mayroong special treatment sa kaniya dahil nga team leader ito at kaya niyang mamili ng oras.
Walang alam ang mga ito na si Alper mismo ang nagdedisyon na palagi silang sabay. Na ito mismo ang kumukuha ng calls niya, at ito ang nag-e-edit ng mga break niya.
Pinaringgan na siya ng isang ka-team niya na mayroong favoritism sa part niya dahil kay Alper. Gustong-gusto niyang sabihin na wala siyang idea sa kahit na ano, dahil ito mismo ang umaasikaso.
"Cin?"
Unti-unting idinilat ni Cinni ang mata niya at nakatitig sa kaniya si Alper. Hawak pa rin nito ang likuran niya at hinahaplos iyon. At dahil may kalapitan, kita niya ang lamlam ng mga mata nito.
Isa iyon sa napansin niya noon kay Alper kapag nakatitig ito sa kaniya. Malamlam ang mga mata at magaling sa eye-to-eye contact na hindi niya maiwasan.
"May masakit sa 'yo?" tanong nito sa mababang boses.
"Wala." Umiling is Cinni.
Ngumiti si Alper at ipinatong ang baba sa braso ni Cinni na nakapatong sa lamesa. "Anong wala, parang sisipunin ka."
Tipid na tumango si Cinni dahil iyon talaga ang nararamdaman niya. Bukod sa ramdam niya ang pagkagasgas ng boses, ramdam niyang magkakasipon din siya.
Isang napansin niya na simula nang mapasok siya sa BPO, bumaba ang immune system niya. Dahil na rin siguro sa oras ng trabaho, hindi rin healthy ang lifestyle niya nitong mga nakaraan.
Tinanggal ni Alper ang buhok ni Cinni na nakaharang sa mukha dahil nakabagsak lang ang buhok niya.
"Off natin mamaya, 'di ba?" bulong ni Alper. "Alis tayo?"
Napaisip si Cinni. Awtomatikong kumunot ang noo niya. "Saan naman tayo pupunta? Puwede bang matulog lang muna tayo? Hindi okay ang pakiramdam ko."
"Kaya nga tayo magge-getaway, e," sagot nito at hinalikan siya sa pisngi. "Antipolo tayo o saan mo ba gusto? Beach? Tagaytay? Baguio? La Union?"
"Wala naman akong gustong puntahan," sagot ni Cinni.
Bahagyang humiwalay si Alper at pabagsak itong sumandal sa swivel chair, pero matamang nakatitig sa kaniya. Hindi niya alam kung ano ang iniisip nito, pero nakakunot ang noo.
"Gusto kong pumunta sa La Union," sabi ni Alper habang hinahaplos ang labi gamit ang daliri. "Magpapaalam muna ako kay OM tapos biyahe tayo mamaya?"
Hindi sumagot si Cinni at nanatiling nakahiga ang ulo sa lamesa.
"Gusto ko lang magpahinga ka. Maraming nangyari nitong nakaraan at ikaw lang naman ang iniisip ko," mahinang sabi nito habang nakatingin sa kaniya.
Dumiretso ng upo si Cinni at sumandal din sa swivel chair. Hinawakan naman ni Alper ang pisngi niya at hinaplos iyon gamit ang hinlalalaki nang hindi inaalis ang titig sa kaniya.
"Three days and two nights lang," pakiusap nito. "Please?"
Nakatitig siya sa mukha ni Alper. Clean cut ang buhok nito na may kahabaan sa harapan kaya madalas nitong sinusuklay iyon gamit ang mga daliri. Maamo ang mga mata nito kapag nakatingin sa kaniya, pero minsan niyang nakitang galit.
Sa pormahan, madalas itong naka-blue jeans at sweatshirt na nakarolyo ang sleeves hanggang siko kaya naman kita ang tattoo nito sa kamay. Minsan naman naka-polo shirt, minsan nakasimpleng T-shirt, depende sa mood nito.
Sa boses, mababa ang boses nito, pero may lambing kapag kausap siya. Touchy rin ito sa kaniya physically at sweet verbally.
"Uuwi ba muna tayo sa inyo bago tayo bumiyahe?" tanong ni Cin.
Malambing na ngumiti si Alper at hinalikan ang gilid ng noo niya. "Oo, mabilisang kuha lang ng gamit tapos aalis na tayo kaagad."
"Hindi ka ba mahihirapang wala ka pang tulog?" Nakakunot ang noo ni Cinni. "Galing tayong shift. Kakayanin mo ba?"
Tumango si Alper at tumayo. Hinalikan nito ang tuktok ng ulo niya bago umalis sa area nila dahil kauusapin daw nito ang Operations Manager na boss nila para magsabing aalis sila.
Hindi alam ni Cinni kung paano nito nagagawang isang sabi lang, nakukuha ang gusto sa mga boss. Tama ang sinabi ng ilang katrabaho nila na malakas ang kapit ni Alper sa lahat.
No wonder din na magaling itong agent. Magaling itong makipag-usap sa mga customer nila na napupunta ang simpleng pag-uusap sa sales na hindi naman talaga kailangan.
Sa trababo nila, bukod sa customer service, kailangan nilang subukang magbenta o mag-upgrade ng service kahit na hindi kailangan.
Dagdag iyon sa commission nila.
Isa iyon sa dahilan para makapag-ipon si Cinni. Na-realize niya na malaki na rin ang nakuha niya sa loob ng mahigit anim na buwan kaysa noong nagtatrabaho siya sa hotel.
—
Nakatingin lang si Cinni sa bintana habang binabaybay nila ang daan papunta sa La Union. Ni hindi sila inabot nang sampung minuto sa bahay para kumuha ng gamit.
Suot niya ang hoodie na ipinahiram ni Alper at naamoy niya mula roon ang pabango nito. Matapang iyon at nanunuot sa ilong.
"Saan pala tayo tutuloy?" tanong ni Cinni kay Alper.
Bumitiw ang isang kamay nito sa steering wheel para hawakan ang kamay niyang nakapatong lang sa legs niya.
"May alam akong resort na tumatanggap ng walk-ins," sagot nito at ipinagsaklop ang kamay nila. "'Wag mo nang alalahanin 'yun. Ako na ang bahala."
Tango lang ang isinagot ni Cinni at ibinalik ang tingin sa bintana. Mabilis ang takbo nila at aware siyang mabilis talagang magmaneho si Alper.
Hindi ito ang unang beses nilang mag-out of town, pero unang beses na silang dalawa lang. Madalas na team building ang dahilan kung bakit sila nakaaalis. Sa team building din nagsimula ang lahat nang silang dalawa na lang ang natitirang gising at nagkakuwentuhan tungkol sa buhay.
Cinni remembered how they talked that night and how Alper made her realize that her life was boring. For Alper, being adventurous wasn't even a crime. Alper suggested that she should try new things before deciding to get married.
Hapon na nakarating sa La Union sina Alper at Cinni. Ito na ang nagprisintang kumausap sa resort na napuntahan nila. Dumiretso naman si Cinni sa overlooking beach mula sa resort.
Maganda ang lugar at tahimik. Walang masyadong tao dahil weekday at hindi naman peak season.
Malaki ang swimming pool na tanaw ang beach. Mayroong ilang reclined chair sa mismong dalampasigan na may malalaking payong. Naglakad si Cinni papunta roon para huminga. Naamoy niya ang maalat na hangin ng lugar. Mainit pa rin sa balat ang sinag ng araw, pero gusto niya ang view.
"Maganda?" Yumakap si Alper mula sa likuran niya at hinalikan siya sa balikat. "Three days, two nights ang na-book ko. Dito lang muna tayo."
Tumango si Cinni at isinandal ang likod sa dibdib ni Alper. Panay ang halik nito sa balikat niya at mahigpit na nakayakap sa kaniya.
"Inaantok ka ba? Ready naman na 'yung room kung gusto mo tapos labas na lang tayo mamayang gabi kapag dinner na?"
"Sige, gusto ko na rin munang matulog." Humarap si Cinni kay Alper at nakakunot ang noo nito. "Puwede mo ba akong ihingi ng paracetamol o ibili sa kanila? Medyo masakit ang ulo ko."
"Sige," ani Alper at hinawakan ang kamay niya papasok sa loob ng resort. "Pahangin na muna tayo rito kahit ilang araw lang."
Pagpasok sa loob ng kuwarto, ipinalibot ni Cinni ang tingin sa lugar. Maganda at simple. Mayroong malaking glass sliding door na balcony at tanaw ang dagat.
Uminom na muna si Cinni ng gamot para kahit papaano, makatulog siya nang maayos.
Tama si Alper, tahimik ang lugar.
"Gusto mo ba munang maligo?" tanong ni Alper.
Umiling si Cinni at basta na lang nahiga sa kama. Si Alper na rin mismo ang nag-ayos ng kumot niya at inayos din nito ang kurtina para dumilim ang buong kuwarto.
Nakapikit ang mga mata niya, pero naramdaman at narinig niya ang bawat galaw bago lumubog ang kama dahil sa pagkakahiga ni Alper.
Dumilat si Cinni at nakitang nakatihaya si Alper na para bang nakatingin sa kisame hanggang sa tumagilid ito at humarap sa kaniya.
May kaunting liwanag galing sa labas at iyon ang nagsisilbing liwanag nila.
Tumingin si Cinni sa orasang nasa pader. It was just two-thirty in the afternoon and she was dead tired.
Humaplos ang kamay ni Alper sa buhok niya at maingat na tinanggal ang pagkakaipit para suklayin.
"Masakit pa?" tanong ni Alper habang sinusuklay ang buhok niya gamit ang mga daliri nito. "Nagsabi na ako sa front desk na mag-o-order na lang tayo ng pagkain para mamaya."
Tumango si Cinni at muling ipinikit ang mga mata.
Inantok siya sa ginawang pagsuklay ni Alper sa buhok niya. Bahagya na ring nawawala ang sakit ng ulo niya. Nakatulong ang paracetamol at ang eye drops na ginamit niya.
Naramdaman ni Cinni na umangat ang ulo niya at naging unan niya ang braso ni Alper. Patuloy ito sa paghaplos ng buhok niya at naamoy naman niya ang pabango nito sa may leeg.
Humalik din ito sa noo niya bago huminga nang malalim. Hindi alam ni Cinni kung matutulog din ba ito o ano. Basta siya, magpapahinga.
—
Naging maayos ang pakiramdam ni Cinni sa magdamag. Itinuloy niya ang gamot. Wala na rin ang sakit ng lalamunan niya.
Kinagabihan, nagising sila ni Alper dahil sa katok mula sa housekeeping para sa food delivery. Sabay silang kumain at magdamag lang silang nanood ng movie.
Hindi maganda ang body clock nilang dalawa. Gising ang diwa nila sa magdamag, tulog at pagod sa umaga.
Nakahiga si Cinni sa reclined chair at ganoon din si Alper na nilingon siya.
"Naiisip kong bumukod," sabi nito habang nakatingin sa kaniya. "Gusto mong bumukod kina Mama?"
Napaisip si Cinni at umiling. "Hindi naman. Mas okay rin na kasama mo sila. Pero nahihiya ako, kaya baka titira na muna ako kina Mama."
Kaagad na kumunot ang noo ni Alper at huminga nang malalim. "Ayaw mo akong kasama? Bakit kay Chase, tumira ka na kasama siya?"
"Ibang kaso 'yun." Hinarap ni Cinni ang dagat. "Matagal naming pinag-isipan 'yun noon at . . . sinuway ko sina Mama dahil doon."
"Bakit?"
"Ayaw kasi nila noon na magsama kami, pero dahil matigas ang ulo ko, sinunod ko ang gusto ko," aniya at naupo. "Mahabang pag-uusap 'yun."
Tumayo si Alper at lumipat sa tabi niya. Humiga ito habang hinahaplos ang likuran niya.
Cinni wore a simple tank top and maong shorts. Iyon lang ang nakuha niya sa maleta dahil sa pagmamadali nila ni Alper para hindi sila gabihin sa daan.
"Sa bahay na lang tayo," sabi ni Alper. "Okay ka naman kina Mama at sa mga kapatid ko. 'Wag ka na umuwi sa inyo para sabay na rin tayong papasok."
Hindi sumagot si Cinni, pero bahagya niyang nilingon si Alper na nakatingin sa kaniya. Suot nito ang itim na sando at board shorts. Mayroon din itong wayfarer na nasa ulo lang.
"Kanina pala nu'ng kinuha ko 'yung eyedrops sa bag mo, nakita ko 'yung susi ng apartment ninyo ni Chase," kalmadong sabi nito. "Kailan mo balak isauli iyon?"
"Hindi pa ako ready na makipagkita sa kaniya," sagot ni Cinni.
Nagkibit-balikat si Alper at huminga nang malalim. "Iwanan mo na lang sa may-ari ng apartment. Sabihin mo, siya na ang magsabi kay Chase para hindi mo na siya makita."
Cinni maintained eye-to-eye contact with Alper who was caressing her back.
"Okay? Samahan kitang ibalik 'yung susi mo para tapos na. Wala na rin naman kayong rason para magkita," dagdag nito. "Please?"
Nanatiling tahimik si Cinni.
"Love kita." Bumangon si Alper at ipinalibot ang braso sa baywang niya. Humalik ito sa balikat niya. "'Wag ka nang aalis ulit, okay? Kapag aalis ka, magpasama ka sa akin."
"Kaya ko naman. Saka natutulog ka."
Umiling si Alper at ipinatong ang baba sa balikat niya. Pareho silang nakatingin sa kawalan.
"Ika-cancel ko naman lahat basta sabihin mo lang. Sasamahan kita."
Tumango si Cinni at hindi na sumagot.
"That's the only condition, Cin. Magsabi ka sa akin," sabi nito sa mababang boses. "Tell me what you need, sabihin mo sa akin kung ano ang gusto mo."
Nilingon niya si Alper. "Sana 'wag mo nang uulitin 'yung nangyari no'ng . . . nasaktan mo ako."
"Hindi na." Umiling si Alper. "Hindi na mauulit 'yun, promise. Nabigla lang ako. Sorry."
Hinalikan ni Alper ang pisngi niya at mas niyakap pa siya mula sa likuran. Ibinalik niya ang tingin sa kawalan, sa asul na kalangitan, at kalmadong karagatan.
Kalmado ito, pero hanggang kailan?
Bahagya siyang yumuko para tingnan ang bracelet na suot niya. Regalo sa kaniya iyon ni Chase noong college pa sila at hindi niya iyon tinatanggal unless kailangang linisan o may kailangang ayusin.
Hindi niya iyon matanggal dahil sanay siyang suot iyon. Sa halos walang taon, hindi iyon nawala sa kaniya at walang alam si Alper tungkol sa bracelet na iyon.
It would be something she would keep. Something no one would know except Chase.
—
T H E X W H Y S
www.thexwhys.com
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top