Chapter 3: Concoction
Warning: This chapter has manipulative remarks and physical abuse. Reader discretion is advised.
Read Chase's point of view written by PrincessThirteen00. All of his dialogues were written by Boss J. Thank you!
—
Sa tuwing nakikita ni Cinni si Chase, sa tuwing iniisip niyang boyfriend na niya ito na minsan lang naman niyang pinangarap, hindi pa rin siya makapaniwala.
Kapag naalala niya kung paano sila nagsimula, kung paano naging sila, gusto niyang lumubog sa lupa, pero paulit-ulit niyang gagawin iyon, dahil masaya siya.
Sobra.
Nilingon niya si Chase. Hawak niya ang baso na mayroong fishballs at sauce. Nasa gilid naman niya ang gulaman. Kwek-kwek naman at buko juice ang pagkain nito.
Biglang naalala ni Cinni ang tungkol sa date dapat nila noong nakaraan. She was craving seafood and planned a date at a seafood restaurant, but Chase was allergic to shellfish. Ang ending, nag-pizza na lang sila para kahit papaano, hindi mahirapan si Chase na mag-adjust para sa kaniya.
"Ang lungkot naman! Hindi ka ba nalulungkot na hindi ka makatikim ng hipon? Alam mo bang hipon ang isa sa gold? The best 'yun!" sabi ni Cinni habang ngumunguya pa. "Pero legit, hindi ka ba nalulungkot?
"Siguro noon, oo. Siyempre lahat ng tao sa paligid ko, enjoy na enjoy sa pagkain. Kaso, kung maoospital naman ako sa tuwing kakain ako ng hipon, huwag na lang," sagot ni Chase bago kumagat sa kwek-kwek.
Naningkit ang mga mata ni Cinni at natuwa. "At least kung sakali man, sa akin mapupunta lahat ng seafood! Lalo na 'yung shrimp. Hindi ka puwedeng kumain kasi hindi ka puwedeng maospital, kaya ako na lang ang kakain!"
Kumagat ulit si Cinni ng fishball bago uminom ng gulamang hindi naman masarap kaya nakikiinom siya sa hawak ni Chase na baso.
Narinig niyang nag-tsk si Chase at kinuha ni Chase ang panyo sa bulsa at pinunasan ang gilid ng labi niya na nabahiran ng sauce. "Kaya lang, 'pag kumain ka nang kumain ng hipon, hindi kita mahahalikan diyan." Pahina nang pahina ang boses nito.
Naramdaman ni Cinni na parang nahihiya ito sa sinabi kahit na naiintindihan naman niya. Bago pa lang sila kaya may pagkakataong nakakahiya ang maging open.
Kinagat niya ang ibabang labi dahil sa sinabi ni Chase. Ang ginawa niya, kumagat siya ng fishball at hinayaang lumagpas ang sauce sa bibig niya bago biglang hinalikan si Chase sa lips.
"Hoy!" paninita nito.
"Ayan, marumi ka na. Gusto mo linisan ko?" Niloloko ni Cinni si Chase pero kinuha na rin ang panyong hawak nito. Siya na rin nagpunas sa bibig ni Chase na may sauce. "Edi hindi na lang ako kakain ng shrimp para hindi ka rin mainggit. Ang insensitive ko naman kung kakain ako, tapos ikaw bawal."
Deep inside, naisip ni Cinni na malungkot dahil paborito niya ang hipon. Muli siyang kumain ng fishballs galing sa stick at baso na medyo tumapon pa ang sauce sa baba at damit niya.
"Ang kalat mo talaga, babe." Pinunasan muli ni Chase ang labi ni Cinni. "Pero thank you, babe, for understanding. Pero kung gusto mo pa ring kumain, wala namang kaso 'yun sa akin. Basta busog ka at masaya, okay ako." Saka pa lang pinunasan ni Chase ang kalat sa mukha niya.
Naningkit ang mga mata ni Cinni at nakangiting hinarap si Chase. "Siyempre kung gugustuhin kong makasama ka, kailangan ko rin mag-adjust. Pero minsan siguro, kakain ako ng shrimp, okay?"
"Ano ka ba? Okay lang sa 'kin. Basta nga busog ka at magkalaman pa 'to!" Sabay pisil sa pisngi ni Cinni bago nagpatuloy sa pagkain.
Ngumiti si Cinni at mahinang natawa, pero kaagad na tumigil nang maalala ang tungkol sa isang subject na medyo malapit na siyang bumagsak. Nahihiya siyang sabihin iyon kay Chase, pero ayaw niyang maglihim at magsinungaling.
"May aaminin pala ako, babe," nahihiyang sabi ni Cinni. "Kasi ano, sa Marketing, 'yung research, hindi ko ma-gets. Napagalitan ako ni Ma'am Yassy kanina. Nakakahiya, pero puwede mo ba akong turuan doon? Kahit pointers lang, please?"
Nangunot ang noo ni Chase. "Bakit 'di mo agad sinabi? Ikaw talaga." Ibinaba ni Chase ang pagkain at kinuha ang bag. Kinuha niya ang notebook at ibinigay kay Cinni. "Ito notes ko sa Marketing. Summary na 'yan ng mga tinuro ni Ma'am Yassy. At sabihin mo sa 'kin kung saan ka nalilito, tuturuan kita, okay?"
"E nahihiya naman kasi ako! Ang obvious na nga ng kabobohan ko slight, e." Ngumuso si Cinni. "Sorry na, ito lang ako." Nag-peace sign pa at niloloko lang talaga si Chase. "Ba't ka ba kasi nag-girlfriend ng hindi matalino? Minsan nagtataka ako, e. Paano future mo?"
"Ewan ko rin ba bakit ako nagkagusto sa 'yo," seryosong saad ni Chase, pero pabiro deep inside. Gusto niyang asarin si Cinni kung ano ang magiging expression niya. "Basta na-cute-an ako sa 'yo."
Sumimangot si Cinni at hindi alam kung ano ang mararamdaman. "Hindi ako sure kung maiinsulto ako, pero sige, dahil sinabi mong cute ako, puwede na rin! Pero thank you, turuan mo na rin ako sa Accounting, please? Joke!"
"Sus, magtatampo pa ang babe ko. Hindi ko nga alam pa'no ka nagkagusto sa 'kin, e. Tapos i-on-the-spot mo 'ko. Pero cute ka naman talaga, 'tsaka . . . cute na cute. At oo, sabihin mo lang kung ano pa'ng gusto mong ituro ko sa 'yo, basta ba turuan mo rin ako kung paano ka mamahalin hanggang sa future."
Malakas na natawa si Cinni at mahinang hinampas ang braso ni Chase, pero inihiga rin ang ulo roon. "Kadiri ka! Pero gusto ko 'yan. Magkukusa ako, Chase, nanginginig pa."
"Oo na. Basta ba huwag n'yo na akong aasarin ni Keith. Baka naman ikuwento mo na naman at pagkaisahan n'yo na naman ako sa klase," ani Chase.
Umalis si Cinni sa pagkakahiga sa balikat ni Chase at hinarap ito. "Hindi na nga! Baka hindi mo na naman ako pansinin, e."
"Ikaw? Hindi ko papansinin? Malabo! Nagpapalambing lang." Inakbayan ni Chase si Cinni at isinandal ang ulo ulit sa balikat. Inabot ang gulaman at uminom.
"Speaking of. Kagabi pala, si Ate Mari, kilala mo siya, 'di ba? 'Yung helper namin? Nag-away sila ni Kuya Bong kasi parang hindi sila nagpansinan buong maghapon. Tapos nakita namin na sinampal niya si Ate. Sa future ba, kung may pagkakataon ba, halimbawa galit ka sa akin, sasaktan mo ba ako?" tanong ni Cinni. "Like, dadating kaya 'yung time na masasaktan mo ako?"
"Ha? Hindi mangyayari 'yun." Naramdaman ni Cinni ang pagiging confident ni Chase.
"Bakit?" Nakatitig siya kay Chase at pinakinggan ang bawat salitang binibitiwan nito.
"Kasi hindi tamang saktan ang kahit sino . . . lalo na ang mga babae. Dapat nirerespeto sila at inaalagaan. At 'lam mo, nangako ako kay Papa bago siya nawala. Nangako ako na iingatan ko si Mama at si Clary . . . na hindi ko sila sasaktan at walang sino man ang mananakit sa kanila kahit ano'ng mangyari."
Kahit nakasandal si Cinni sa balikat ni Chase, inalis nito ang ilang hibla ng buhok na napunta sa mukha niya.
"At sa pangako kong iyon, kasali ka na. Pangako ko sa 'yo, Cinni, mamahalin kita habambuhay at hinding-hindi kita sasaktan."
***
MASAKIT ang mga nabitiwang salita ni Keith, pero tama ito. Nakadidiri siya dahil sa nangyari at hindi niya ipagtatanggol ang sarili. Walang tama sa ginawa niya at hinding-hindi iyon magiging tama.
Kaagad na umalis si Cinni sa apartment ng kaibigan nang makiusap ito sa kaniya. Tinanggap niya ang sampal at ang masasakit na salita.
Hindi niya alam kung saan siya pupunta hanggang sa maalala niyang kailangan niyang pumunta sa apartment nila ni Chase. Sigurado siyang wala ito dahil nasa trabaho kaya bibilisan niya ang pagkuha sa mga gamit niya.
Kailangan niya ang mga iyon dahil nahihiya siyang manghiram sa mga gamit ni April. Naalala niyang mayroong maletang magagamit kaya naman hindi na siya nag-aksaya pa ng panahon.
Sumakay siya ng taxi papunta sa apartment nila ni Chase. Sa kotse pa lang, hindi na niya mapigilan ang sarili sa pagluha, dahil hindi lang si Chase ang naiwala niya, kung hindi pati si Keith na matalik niyang kaibigan.
Paulit-ulit na nagre-replay sa isip niya ang sinabi ni Keith na hanapin niya ang pagmamahal kay Chase dahil totoo naman, kay Chase umikot ang mundo niya, pero kahit siya mismo, napapatanong.
Ano ang nangyari?
Hiniling ni Cinni na sana, wala si Chase sa apartment nila para malaya niyang makuha ang mga kailangan niya. Importante ang charger at laptop at iyon ang priority niya.
Nasa loob ng wallet niya ang spare key ng front door nila dahil hindi niya nadala ang mismong keychain niya na mayroong susi. Isang rason iyon kung bakit hindi niya mabuksan ang locker niya.
Hindi nagtagal, nakarating siya sa apartment nila ni Chase. Walang tao kaya kaagad siyang dumiretso sa kuwarto para kunin ang maleta niya na ginagamit nila sa tuwing mayroon silang tour.
Pagpasok pa lang ni Cinni sa kuwarto nila ni Chase, napapikit siya nang manuot sa ilong niya ang pamilyar na pabango nito. Gustuhin man niyang kakausap ito at humingi ng pasensya, wala siyang mukhang maiharap.
Nagmamadaling kinuha ni Cinni lahat ng damit na puwede niyang makuha at nang kukunin niya ang laptop at mga charger sa lamesa, nakita niya ang picture frame ng graduation picture nilang magkasama.
Chase was kissing her cheek, and Cinni was widely smiling. It was them before she did something unforgivable.
Bumalik si Cinni sa ginagawa at kinuha lahat ng importanteng gamit bago nagmamadaling umalis ng apartment. She didn't bother looking back.
All the happy memories inside that house were haunting her.
What she did was a choice. She chose to hurt Chase, she decided to ruin what they had, and she would pay for it. Not now, but soon.
Nagugutom na siya at iniisip na sana ay tulog pa rin si Alper para hindi ito magalit dahil hindi siya nagpaalam. May pasok din sila kinagabihan kaya kailangan niyang matulog.
May kalayuan ang bahay nila ni Chase sa bahay ni Alper. Inabot si Cinni nang dalawang oras sa biyahe. Wala siyang ginawa kung hindi mag-isip at alalahanin ang nakaraan.
Isang araw, hihingi siya ng sorry kay Chase. Alam niyang huli na ang lahat, nasaktan na niya ito, pero kahit iyon man lang ay maibigay niya rito.
Paghinto ng taxi sa harapan ng bahay nina Alper, nakita kaagad ni na nakasandal ito sa poste ng gate at naninigarilyo. Tumingin ito sa kaniya at bumuga ng usok bago itinapon sa sahig ang upos at inapakan.
Naka-topless ito at kita ang ilang tattoo sa braso at sa dibdib. Hindi ganoon karami.
Padabog na kinuha ni Alper sa kaniya ang maleta at bumulong, "Umakyat ka sa taas."
Nakaramdam ng takot si Cinni sa tono ng boses ni Alper. Hawak nito ang maleta niya at parang wala lang ang bigat niyon. Seryoso ang mukha nitong salubong ang kilay kaya nagmadali siyang pumasok sa loob ng bahay.
"Good afternoon po," bati ni Cinni sa mama ni Alper at nandoon din ang mga kapatid nitong nakatingin lang sa kaniya.
Nasa likuran niya si Alper habang paakyat sila ng hagdan. May bigat ang bawat hakbang nito sa hagdan na mas lalong nagparamdam sa kaniya ng mabigat na atmosphere.
Pagpasok sa kuwarto, naramdaman ni Cinni ang lamig na nanggagaling sa aircon. Nakabukas din ang gaming console na naka-pause, mayroong Red Horse sa bedside table, at asul ang ilaw na nanggagaling sa parang LED lights na nakapalibot sa likod ng TV.
Uupo sana si Cinni sa kama nang hawakan siya ni Alper sa braso at basta na lang siyang itinulak sa likod ng pinto na ikinagulat niya.
"Saan ka galing?" Mababa ang boses nito. "Putangina, Cinni. Sinabi ko sa 'yong 'wag ka nang pupunta ro'n, 'di ba? Matigas ang ulo mo?"
Kahit madilim ang kuwarto, kita niya ang galit sa mga mata ni Alper dahil naaaninag niya ang kislap niyon na nanggagaling sa TV na nakabukas.
"K-Kumuha lang ako ng damit kasi nahihiya na akong manghiram kay April," sagot ni Cinni.
Mahinang natawa si Alper at ngumiti. Hawak nito ang braso niya at nakadikit ang katawan sa kaniya. Ipinagdikit din nito ang noo nilang dalawa. Naamoy niya ang alak at sigarilyong nanggagaling sa bibig nito.
"Ano, nagpagamit ka sa kaniya?" tanong nito. "Cinni, ano? Nangangati ka sa kaniya?"
"Ano ba'ng sinasabi mo?" Sinubukang pumiglas ni Cinni ngunit mahigpit ang pagkakahawak ni Alper sa braso niya. "Kumuha lang ako ng gamit. Kinuha ko lang naman 'yung mga damit ko."
Nararamdaman niya ang init na nanggagaling sa ilong ni Alper dahil dikit na dikit ang katawan nila.
"Alper, nasasaktan ako," sabi niya at pilit inaagaw ang braso. "Alper, bitiwan mo ako. Hindi kami nagkita ni Chase dahil alam kong wala siya doon no'ng magpu—"
Hindi natapos ni Cinni ang sasabihin nang bigla na lang ilagay ni Alper ang kanang kamay nito sa leeg niya habang nakahawak ang kaliwa sa braso niyang namamanhid dahil sa pagkakahawak
Humawak siya sa kamay nitong nananakal sa kaniya at takot na humikbi. "A-Alper, nasasaktan ako."
"Sinabi ko sa 'yong 'wag kang aalis nang hindi ako kasama, pero hindi ka nakinig. Sinabi kong 'wag kang babalik sa apartment ninyo, pero hindi ka nakinig," anito at mas humigpit ang pagkakasakal sa kaniya. "Hindi ka makikinig sa akin, Cin?"
"A-Alper, nasasaktan ako." Nanginig ang baba ni Cinni habang nakatitig sa galit na mukha ni Alper. "Nahihirapan akong huminga, Alper, please."
Mas humigpit pa ang pagkakasakal ni Alper na dahilan para sunod-sunod na suminghap si Cinni. Nakahawak siya sa kamay nito at pilit na kumakawala, pero masyado itong malakas.
"P-Please," hagulhol ni Cinni. "Nahi—"
Hinalikan siya ni Alper at binitiwan na naging dahilan para mapagbasak siya ng upo sa sahig. Hawak ni Cinni ang leeg dahil sumakit iyon at sunod-sunod rin ang naging pag-ubo niya para suminghap pa ng hangin.
Lumebel si Alper sa kaniya at inangat ang mukha niya gamit ang baba niya bago siya masuyong hinalikan sa labi. Hindi niya iyon tinugon dahil iyak ang kumawala sa bibig niya.
Nanginginig ang kamay niyang gumapang papunta sa kama at sumandal doon. Lumabas naman si Alper na parang walang nangyari. Iniwan siya nitong mag-isa sa kuwarto na para bang hindi siya sinaktan.
Malayong-malayo ang Alper na sinamahan niya dahil ang dating Alper na kilala niya bago ang lahat ay maalaga at maayos ang pakikitungo sa kaniya.
Hirap na tumayo si Cinni hawak ang leeg. Paniguradong mamamaga iyon dahil sa higpit ng pagkahawak ni Alper. Nahiga siya sa kama at kinumutan ang sarili.
Ipinikit niya ang mga mata habang mahinang humahagulhol. Ramdam niya ang pananakit ng braso at leeg dahil sa nangyari.
Gusto niyang matulog para sandaling makalimutan ang sakit, pero hindi niya magawa. Hindi na niya alam kung ano ang nangyayari o ang mangyayari sa kaniya sa mga susunod.
Karma? Maybe.
Nakapikit lang si Cinni, pero gising ang diwa niya nang bumukas ang pinto ng kuwarto. Hindi na niya alam kung gaano na katagal wala si Alper hanggang sa tumabi ito sa kaniya at niyakap siya mula sa likuran.
Hinaplos nito ang braso niya, hinalikan siya likod ng ulo, bago siya niyakap nang mahigpit.
"Bumili ako ng KFC." Mahina ang boses nito. "Maraming mashed potato."
Hindi siya sumagot at nanatiling nakapikit nang hindi gumagalaw.
"Cin? Sorry, please?" anito at malambing ang boses habang hinahaplos ang braso niya. "Sorry na, Cin? Hindi na mauulit. Promise. Huwag ka na magalit."
Humikbi siya nang maalala ang ginawa nito. Wala siyang sinabing kahit na ano, pero ang hikbi ay naging hagulhol.
"Sorry," paulit-ulit nitong bulong. "Sorry na, please? Kain tayo? Bumili rin ako ng brownies. Lalaming na 'yung KFC, hindi na masarap."
Nanatili siyang tahimik at hinayaan ito hanggang sa pagsaklupin ang kamay nila.
"Ikaw kasi, umalis ka pa, e. Nag-alala lang naman ako sa 'yo. 'Wag mo nang uulitin na hindi ako kasama, please? Natatakot kasi ako," bulong nito. "Kain na tayo, please?"
Hinarap ni Cinni si Alper at sinalubong ang tingin nito. Kaagad naman itong humalik sa pisngi niya kasabay ng paghaplos sa buhok niya.
"Sorry na, okay? Love kita," bulong nito kasabay ng pagsubsob ng mukha sa leeg niya. "Sorry."
—
T H E X W H Y S
www.thexwhys.com
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top