Chapter 25: Closure
"Chase?"
Nanlamig ang buong katawan ni Cinni nang makita si Chase na papalapit sa kaniya. Gusto niyang tumakbo papalayo at bigla niyang naalala lahat ng pagsakal at pagbugbog sa kaniya ni Alper sa tuwing si Chase ang dahilan.
Hindi sinasadya ni Cinni na ipalibot ang tingin na para bang nandoon si Alper na nakatingin sa kanila.
"K-Kumusta ka na? Ang tagal na nating hindi nagkita, a?" sabi ni Chase.
"O-Okay naman ako," nauutal na sambit ni Cinni. Mabilis na mabilis ang tibok ng puso niya. "I-Ikaw?"
Ngumiti si Chase. "O-Okay lang. Siguro. P-Puwede ba tayong mag-usap? Somewhere else? O baka busy ka?"
Mabilis na umiling si Cinni at panay ang tingin sa paligid para tingnan kung mayroon bang nakatingin sa kanila. Ayaw niyang magkaroon ng rason para muli siyang masaktan.
"I d-don't think that's a good idea. Mas okay na siguro na 'wag na lang, Chase? Okay naman na siguro tayo na ganito?" pag-amin niya at bahagyang umaatras.
"P-Please, Cinni? Puwede mo ba 'kong mapagbigyan . . . kahit ngayon lang? Please?"
Matagal na nakatingin si Cinni kay Chase. Maraming tumatakbo sa isip niya. Gusto niyang tumanggi dahil natatakot siya na makita sila ni Alper kahit na matagal naman na niya itong iniwan, natatakot din siya na makita sila ni Summer lalo na at katatapos lang nilang mag-usap.
Hindi na alam ni Cinni kung kailan ang huling pagkikita nila ni Chase at kung puwede lang sana ay huwag na lang.
"Chase, 'wag na. Please?" kinakabahang sagot ni Cinni. "Please?"
"C-Cinni, kahit ngayon lang pagbigyan mo 'ko? Ayaw mo bang maging maayos din tayo? Hindi mo kailangang mag-alala kung pipilitin kitang bumalik sa 'kin. I won't do that . . . promise. 'Tsaka libre kita ng merienda, pagbigyan mo na 'ko. Last na 'to." Itinaas ni Chase ang kamay na para bang nangangako.
Maraming tumakbo sa isip ni Cinni sa pagkakataong iyon. Matagal siyang nakatitig kay Chase at inisip na sigurado siyang wala itong gagawing masama sa kaniya.
Muling ipinalibot ni Cinni ang tingin sa lugar. Walang Alper na puwedeng manakit sa kaniya, walang bugbog, walang sakal, at walang kahit na ano.
Pinakalma niya ang sarili. Ilang beses siyang huminga nang malalim at pinili na matawa kahit na mayroong kaba.
"Nakuha mo ako sa libreng meryenda. Joke!" pagbibiro niya. "Pero saglit lang ba talaga? Kailangan ko rin kasi umuwi kaagad. Basta walang comeback, ha?"
Ngumiti si Chase sa kaniya. "Oo, pangako. Tara?"
"Promise na sandali lang?"
"Oo, I want to take you somewhere tapos doon na tayo mag-usap. Tapos ihahatid na kita kung saan mo kailangang magpunta. Promise."
Matagal na nag-isip si Cinni. Iniisip din niya si Cinna na ipinakiusap lang niya kay Janel sandali. "Sige. Basta saglit lang."
Naiiling na natawa si Chase. "Ang kulit mo pa rin gaya ng dati. Halika na nga bago magtagal. Baka singilin mo pa 'ko 'pag nagtagal tayo. Nandoon ang sasakyan ko."
Itinuro ni Chase ang puting sasakyan sa hindi kalayuan. Nagdadalawang-isip siya dahil na rin sa mga sinabi ni Summerc sa kaniya.
"Oo, may fee 'to, wala nang libre!" pagbibiro ni Cinni. "Charot. Tara na. Bawal ako mahamugan!"
"Oo na. Halika na," aya ni Chase.
Bago pumasok ng sasakyan, sa huling pagkakataon, pasimpleng ipinalibot ni Cinni ang tingin sa lugar at kumalma nang walang Alper na nakatingin sa kanila.
Hindi naman sila, hindi naman magkasama, pero tumatak kay Cinni lahat ng reaksyon ni Alper kapag si Chase ang dahilan. Tumatak sa kaniya ang puwedeng mangyari kung sakali man.
Sa loob ng sasakyan ni Chase, pareho silang tahimik. Inilabas na rin muna ni Cinni ang phone para sabihin kay Janel na medyo matatagalan siya. Mabuti na lang din at nag-iwan siya ng gatas ng anak sa ref.
Iniisip ni Cinni na sana ay sandali lang sila ni Chase.
Ipinalibot niya ang lugar hanggang sa maging pamilyar ang Hilton McRei University—kung saan nagsimula ang lahat.
Tumikhim si Chase bago humarap sa kaniya. "Tara na?"
Tumango si Cinni at hindi na sumagot. Mahigpit ang hawak niya sa paper bag na hawak dahil hindi niya alam kung saan pupunta ang pag-uusap nilang dalawa.
"Tanda mo pa naman siguro 'to?"
Mahinang natawa si Cinni at ipinalibot ang tingin sa lugar. "Siyempre! Dito kita jinowa, e," natatawang sabi ni Cinni habang papasok ng school. "Ano 'to, trip down the memory lane?"
"Puwede naman, 'di ba? Ayaw mo no'n? 'Tsaka paborito ko pa rin 'yung tinda nila ritong snacks. Tanda mo 'yun?"
Nalungkot si Cinni nang maalala ang nakaraan sa lugar na iyon, pero hindi niya ipahahalata kay Chase. Mas gusto niyang makita nito ang postibong side na naiwala niya.
"Malamang, ako kaagaw mo, e. Pero Chase, gusto ko na lang din maging diretso tayo sa kung ano ang pag-uusapan natin. Masayang balikan 'yung nakaraan natin, oo, pero ayaw ko na sanang magtagal tayo sa pagbalik doon?" Ngumiti si Cinni. "Hindi na kasi babalik 'yun."
"Grabe ka talaga. Parang naiihing manok ka riyan sa pagmamadali. Wala nga akong plano na makipagbalikan na. I gave you my word kanina, 'di ba? Pagbigyan mo na lang ako."
Hindi sumagot si Cinni. Sa huling pagkakataon, ibibigay niya ang gusto ni Chase at baka sakaling iyon din ang makapagpagaan ng lahat.
Huminto si Chase sa field. "Ito? Tanda mo pa naman siguro, 'di ba?"
Nakagat ni Cinni ang ibabang labi habang nakatitig sa field ng school. Bumagsak ang luhang pinipigilan niya bago nilingon si Chase na nakatingin din sa field.
Biglang naramdaman ni Cinni ang nakaraan dahilan para maalala niya kung gaano sila kasaya, kung paano sila nagsimula, at kung paano niya minahal si Chase. Lahat ng memories, nag-overflow.
"Chase?"
Huminga nang malalim si Chase. "Nabasa mo ba 'yung email ko? Actually, natanggap mo ba?"
"Oo!" Natatawang pinunasan ni Cinni ang luha. "Pagkatapos ko ngang basahin 'yung sulat mo, napaanak ako, e. Lakas ng impact, e. Napaire ako bigla!"
Mas humigpit ang hawak ni Cinni sa paper bag nang maalala ang sakit sa nabasang email galing kay Chase.
Nakita niya ang gulat sa mukha nito dahil sa sinabi niya. Wala nga pala itong alam tungkol kay Cinna.
"I see . . . may baby ka na pala." Tumingin si Chase sa kaniya. "Congrats. Masaya ako para sa 'yo. S-Siya ba ang ama?"
Tumango si Cinni. Ramdam niya ang luha sa gilid ng kanang mata na bigla na lang bumagsak kahit na anong ngiti niya.
"Cute nga, e. Pinanganak ko siya nu'ng February 14. Angas, 'di ba? Balentayms baby 'yun." Pinunasan ni Cinni ang luha. "Oo, siya rin 'yung tatay."
"May picture ka ba? Puwede ko bang makita ang baby mo?" tanong ni Chase.
"Wait." Kaagad na inilabas ni Cinni ang phone niya at hinanap ang bagong picture na kakukuha lang niya noong kinaumagahan. "Ito, medyo malaki na rin siya. Buti nga nag-smile, e. Lumabas 'yung dimple niya sa right cheek." Inabot niya ang phone kay Chase.
Tinanggap ni Chase ang phone at nakayuko itong nakatitig sa phone niya. Sa pagkakataong iyon, hindi maialis ni Cinni ang tingin sa dating kasintahan na seryosong nakatingin sa picture ni Cinna.
"Ang cute niya. Kamukhang-kamukha mo. Ano'ng name niya?"
"Cinna Eloise," ani Cinni at nakagat ang ibabang labi.
Ngumiti si Chase. "Cinna Eloise," pag-uulit nito. "Ang gandang pangalan."
"Nahirapan nga akong isipin 'yan! Hirap na hirap ako na isang letter lang pinalitan ko sa first name ko," natatawang sabi ni Cinni bago muling hinarap si Chase. Nagbibiro lang siya dahil Eloise ang pangalan ng mama niya kaya madali lang isipin ang pangalan. "Chase, ikaw? May naisip ka na bang pangalan sa magiging baby mo? Congratulations pala, ha! Pareho na tayong may baby!"
Hindi maintindihan ni Cinni kung bakit kumunot ang noo ni Chase sa sinabi niya na para bang nagulat ito. Nagsalubong ang tingin nila at ibinalik ang phone sa kaniya.
"Ha? Paano mo nalaman?"
Ipinakita ni Cinni kay Chase ang hawak niyang paper bag na puro gamit ni Cinna. "Nakita ko kasi si Miss Summer sa baby section kanina nu'ng bumibili ako ng pacifier ni Cinna. We had a little conversation. Congrats ulit!"
Sandaling katahimikan ang namayani. Yumuko si Chase bago muling tumingin sa kaniya.
Nagulat si Cinni, pero hindi niya iyon ipinahalata. Sa ilang taong magkasama sila, alam niya ang itsura ni Chase kapag malungkot, masaya, o kung ano ang nararamdaman nito. At hindi kasiyahan ang nakabakas sa mukha ng dati niyang kasintahan.
"W-Wala na ang baby namin ni Summer. She . . . Charlie passed away on Valentine's Day. She was seven months no'ng maaksidente si Summer," malungkot na sabi ni Chase.
Nawala ang ngiti sa labi ni Cinni at natahimik dahil sa sinabi ni Chase. Ilang beses muna siyang huminga nang malalim. Mas humigpit ang hawak niya sa handle ng paper bag at inisip si Cinna.
"I-I'm sorry."
"I-It's okay." Tipid na ngumiti si Chase. "Yun ang gusto kong sabihin talaga pero alam mo, pakiramdam ko na palagi na lang yata akong maloloko sa buhay. Nalaman ko kasi na hindi pala talaga ako ang daddy ni Charlie. Ang malas ko, 'no?"
Ipinasok ni Chase ang kamay sa loob ng sarili nitong bulsa. Kita ni Cinni ang sakit sa mga mata nito kahit na nakangiti na naging dahilan para mangilid ang luha niya at hindi sinasadyang mag-angat ang kamay para haplusin ang pisngi nito.
Gusto niyang magalit kay Summer dahil nangako itong hindi sasaktan si Chase, pero nagawa pa rin pala nito.
"Chase, hindi. Kung sa parte ko, ako ang may kasalanan. Hindi ko alam kung ano ang kay Summer, pero hindi mo deserve ang kahit na anong ginawa naming dalawa," paglilinaw ni Cinni.
Nanginginig ang baba niya dahil malaki ang parte niya para isipin ni Chase ang ganoon. The memories of all the pain she caused came without warning.
"Alam mo, hindi ko na alam kung ilang beses kong narinig na hindi ko deserve masaktan. Pero tatanggapin ko na lang. Baka hindi talaga para sa akin ang magkaroon ng relasyon at maging masaya." Chase wiped his tears. "Enough about me na nga. Ikaw ba? M-Masaya ka naman na, 'di ba? May pamilya ka na."
Tumango si Cinni. "Masaya kami ni Cinna. Masaya ako sa kaniya. Si Cinna na lang din ang meron ako, e."
Iyon naman ang totoo. Si Cinna na lang ang inspirasyon ni Cinni sa lahat ng bagay, si Cinna na lang ang dahilan kung bakit pa siya umuusad, at si Cinna ang magiging dahilan sa lahat.
Lumakas ang hangin sa field. Ang sarap sa pakiramdam na makita ang nakaraan, pero laging gulat niya nang tumaas ang kamay ni Chase.
The instinct kicked in. Tulad noon, kaagad niyang ipinangharang ang dalawang braso sa ulo para protektahan ang sarili. Naramdaman niya ang takot na bumalot sa pagkatao niya at naalala si Alper.
"Cinni? May problema ba?"
Siya mismo, nagulat sa sariling ginawa at ilang beses na hiniling na sana ay hindi iyon napansin ni Chase, pero mali.
Matagal na tinakpan ni Cinni ang sarili. Napapikit siya nang ma-realize na si Chase ang kasama niya at hindi si Alper. Pinilit niyang ngumiti bago harapin si Chase.
"Okay lang. Akala ko kasi sasampalin mo ako, e." Naramdaman ni Cinni ang panic sa paraan ng pagtitig sa kaniya ni Chase.
"Ha? A-Ano? Bakit naman kita sasampalin?" gulat na tanong nito.
"Wala! Sorry forced a habit na 'yun." Pinilit ni Cinni ang ngumiti habang pilit pinakakalma ang sarili. Mabilis ang tibok ng puso niya at hindi niya alam kung ano ang posibleng lumabas sa bibig niya. "Kapag may nag-aangat ng kamay, akala ko mananakit, e."
Awtomatikong napakagat si Cinni sa sariling labi. Hindi niya dapat sasabihin iyon. It was all inside her head, but it automatically came out.
"Cinni . . . umamin ka nga. Is he hurting you? Sinasaktan ka ba niya?"
No point in lying. Mahahalata lang lalo ni Chase.
Cinni bitterly smiled. "Was. Noon. Umalis na kasi ako sa kaniya noong December pa lang. Natakot ako, e." Pinunasan niya ang luha. "Baka mapatay na niya ako, buntis pa naman ako kay Cinna. Kaya tumakas ako."
Napahawak ang kamay ni Chase sa braso ni Cinni na ikinagulat niya. "B-Bakit hindi mo sinabi sa 'kin? Bakit hindi mo 'ko pinuntahan, Cinni?!" His voice raised.
Nanlaki ang mga mata ni Cinni dahil sa taas ng boses ni Chase. Mas lalong bumilis ang tibok ng puso niya at nakaramdam siya ng takot lalo sa paghawak nito sa kaniya. Sinubukan niyang pumiglas, pero wala siyang lakas. Hindi siya makagalaw, hindi siya makapagsalita.
"H-Hindi mo naman ako sasaktan, 'di ba? H-Huwag mo akong sasaktan, please?" Nanginig ang baba ni Cinni habang nakikiusap. Puro please ang lumalabas sa bibig niya at wala siyang lakas para magpumiglas pa.
Napatitig si Chase sa kaniya at bumitiw sa pagkakahawak. Pinaupo muna siya nito sa katabi nilang bench. "H-Hindi, Cinni. Hinding-hindi kita sasaktan. Maupo ka muna. Ibibili lang kita ng pagkain."
"Teka la—" Hindi na naituloy ang sasabihin niya nang bigla na lang umalis si Chase.
Napatitig si Cinni sa papalayong bulto ni Chase at kaagad na hinaplos ang dibdib niya kung nasaan ang puso. Mabilis pa rin ang tibok niyon at para kahit papaano ay kumalma, tinawagan niya si Tres. Sinabi niya rito na kasama niya si Chase, na nag-uusap silang dalawa, at bigla siyang inatake ng panic attack.
Tres offered to pick her up. Sinabi na lang niya na huwag na at magkita na lang sila sa condo niya. Gusto lang niya ng kausap para kahit papaano ay kumalma . . . and Tres happened to be one of the reasons she was calm.
Dumating si Chase at may dala itong palamig at fishballs.
Parang huminto ang mundo at nakita ni Cinni ang Chase ilang taon na ang nakalipas—noong masaya pa silang dalawa at hindi pa niya nasisira ang lahat.
"Kumain ka na." Inabot ni Chase ang snacks na nabili nito.
"Sorry kanina. Hindi ko sinasadya," kinakabahang sabi ni Cinni. She wanted to make an excuse but it wouldn't help. "Thank you sa food."
"Cinni, if you don't mind me asking . . . bakit hindi mo sinabi? Bakit hindi mo ipinaalam sa 'kin na sinasaktan ka na pala niya?" tanong ni Chase.
Nilingon ni Cinni si Chase. "Dalawang bagay, Chase. Una, ayaw na kitang guluhin dahil sobra na 'yung ginawa ko sa 'yo. Pangalawa, ikaw ang dahilan kung bakit niya ako palaging sinasaktan. Nabasa ko sa email mo na madalas ka sa office noon? Wala akong alam, pero nagugulat ako na galit siya sa akin, sasaktan niya ako . . . and he would force me to do things I didn't want to. Tingin mo lalapitan kita? Bukod sa kahihiyan, s-sasaktan niya ako."
Hindi niya gustong sabihin kay Chase ang ganoong bagay, but if this would be the closure, she wouldn't lie anymore. Ilang buwan na siyang nabubuhay sa kasinungalingan at sa huling pagkakataon, gusto nang pakawalan ni Cinni ang kung ano mang nasa dibdib niya.
It would be hard, but she needed to let it all out to forgive herself.
"Noong araw na nakita kita sa labas ng office, gusto kitang kausapin. Gusto kitang puntahan, gusto kitang itaboy kasi habang nakikita ka ni Alper, uuwi akong may bugbog. Pag-uwi, pasa na naman. Pag-uwi, sakal na naman. Gusto kitang itaboy kasi mapapatay niya ako sa tuwing nakikita ka niya."
Nakatitig si Chase kay Cinni at nakaramdam siya ng pagkailang.
"Ni minsan hindi kita pinagbuhatan ng kamay, Cinni. Ni minsan, hindi kita sinaktan. Your happiness always comes first for me. I wish you told me. Kahit hindi na tayo nagkabalikan basta ligtas ka, alam kong magiging masaya na 'ko. Pero marinig na sinasaktan ka niya dahil sa 'kin . . . ang sakit dito." Ipinatong ni Chase ang kamay sa dibdib.
May kirot sa puso ni Cinni dahil totoo ang lahat ng iyon. Ngumiti siya."Okay lang, kasalanan ko naman. Tulad nga ng palagi kong naririnig, deserve ko naman kasi ako ang nagloko, karma ko 'yung nangyari." Mahina siyang natawa. "'Wag na nga nating pag-usapan! Change topic, nakakahiya!"
Napabuntonghinga si Chase. "Ano ba'ng nangyari sa 'tin, Cinni?" Tumingin siya kay Cinni. "Hindi ba gusto lang natin na maging masaya?"
Tumango si Cinni at tinitigan si Chase.
"Gusto mong malaman 'yung nangyari sa akin? Kung okay lang ba ako?" Humikbi si Cinni. "Hindi ako naging okay. Araw-araw akong takot kung saan na naman ako magkakapasa. Mahal niya ako, pero masakit magmahal, Chase. Tinapon niya 'yung birth control ko, gigising akong pipilitin niya ako, sasaktan niya ako kapag nakikita niya 'yung tattoo natin, sasaktan niya ako kapag may mga bagay na tungkol sa 'yo." Umiling si Cinni. "Pero okay na ako ngayon, okay na siguro. May kaunting takot pa rin, pero magiging okay. Kasalanan ko 'to, e."
Sandaling namayani ang katahimikan at bakas sa mukha ni Chase ang lungkot.
"Nangyari man ang paghihiwalay natin pero hindi mo deserve na masaktan, Cinni. Pero sino ba rin ako para mangaral? I've had my own mishaps. Ilang beses ko nang naisip na gusto ko na lang mamatay matapos ang mga nangyari. Akala ko hindi na 'ko makakabangon. Pero ngayon sinasabi mo 'to, sana sinabi mo sa 'kin, Cinni." Pinunasan ni Chase ang sariling luha. "Sana sinabi mo kasi hindi ko maatim na sinasaktan ka niya at kasalanan ko. Bakit gano'n, Cinni. Ano'ng nangyari sa 'tin?" pag-ulit ni Chase sa tanong kanina.
Tumingala si Cinni at humikbi. Tinitigan niya ang langit na para bang nandoon ang sagot sa mga katanungang siya lang naman ang makasasagot.
"Naging tanga ako. Kasalanan ko kung bakit tayo nasira kasi naging tanga ako sa parteng hindi ako nakuntento? Masaya naman tayo, e, at sa totoo lang, wala kang kasalanan. Sorry lang ang kaya kong sabihin. I won't justify anything, it was all me. Wala kang pagkukulang, wala kang kasalanan. 'Wag mong sisisihin ang sarili mo kasi ako ang sumira sa atin. 'Wag mong iisiping may mali sa 'yo kasi ikaw lang 'yung nag-iisang tama, pero hindi ko napahalagahan."
"Pareho tayong nagkaroon ng pagkukulang. Natanggap ko na 'yun nang mawala ka sa buhay ko. Pinaalam ko sa 'yo na gusto kong magkapamilya na tayo pero hindi ka pa handa. I forced you into things that you weren't sure yet. I'm sorry, Cinni . . . ."
Tahimik na dinama ni Cinni ang hanging tumatama sa mukha niya. Pamilya. Iyon ang gusto ni Chase na hindi niya maibigay noon dahil hindi siya handa, pero nagkaanak siya sa iba.
"Pero okay ka na ba talaga? Hindi ka na ba niya sinasaktan? Hindi na ba kayo nagkikita?" sunod-sunod na tanong ni Chase.
Tumango si Cinni. "Okay na ako. Nasa therapy pa rin for weeks at hindi ko alam kung gaano pa katagal, pero may progress naman. Mayroon na lang episodes tulad ng kanina, but I'll be okay." Ngumiti siya. "Hindi na niya ako masasaktan kasi umalis na rin ako sa puder niya."
"K-Kasal ba kayo?" nahihiyang tanong ni Chase.
Mahinang natawa si Cinni. "Hindi. Inaya niya ako, pero tumanggi ako." Umiling si Cinni nang maalala ang nangyari. "Nag-propose siya sa akin lalo lumalaki na 'yung tiyan ko noon, pero hindi pa ako ready. Hanggang sa nagalit siya and it resulted to a little disaster."
Naalala niya ang nangyari noong araw ng proposal at ayaw na niya iyong balikan.
"Mukhang hindi para sa 'tin ang kasal, 'no?"
"Kasal?" Huminga nang malalim si Cinni. "Pagkatapos ng nagawa ko sa 'yo, sa rejection ko kay Alper, parang naisip ko rin na hindi ko deserve 'yun. I think okay na ako with Cinna. Mas okay na 'yun, mas tahimik. Hindi na ako magiging sakit sa ulo."
"Hindi ka naman sakit sa ulo. Minsan lang pala," natatawang sabi ni Chase.
Natawa rin si Cinni ngunit nanatiling tahimik. Muli niyang ipinalibot ang tingin sa school kung saan sila nagsimula at inalala ang unang pagkikita nila ni Chase.
Hindi.
Lahat.
Lahat ng memories na mayroon sila sa lugar at sa lugar kung saan din magtatapos ang lahat.
Narinig ni Cinni na tumikhim si Chase at inilahad nito ang kamay para alalayan siyang tumayo. "Halika na? Ihahatid na kita."
Sandaling napatitig si Cinni sa kamay nito. Ilang beses niyang inisip kung hahawakan ba niya? Tatanggapin ba? Pero hindi niya tinanggap ang kamay ni Chase. Tumayo siya mag-isa at hinigpitan pa ang hawak sa paper bag na hawak.
"Sige. Kahit ihatid mo na lang ulit ako sa mall. Ako na ang bahala mula roon. Mag-cab na lang ako pauwi kasi medyo malapit lang naman ang area ko."
Kung tutuusin, walking distance lang naman iyon, pero hindi na niya sinabi. Tahimik silang dalawa hanggang sa makabalik sila sa mall.
Naramdaman ni Cinni ang gaan sa dibdib pagkatapos ng interaction nila ni Chase. Ilang buwan na rin ang nakaraan simula nang huli niya itong makausap, at mukhang si Chase ang susi para sa kapatawaran niya sa sarili.
Huminto si Chase malapit sa taxi lane at bubuksan na sana ni Cinni ang sariling pinto nang bumaba si Chase para pagbuksan siya.
Sa loob ng sasakyan, mahinang natawa si Cinni. Some things never changed. It was the Chase she was with for eight years.
"P-Pa'no . . . Cinni . . . mag-iingat ka . . . ."
"Ikaw rin." Ngumiti si Cinni at inilahad ang kamay para makipagkamay kay Chase. Hindi man niya tinanggap ang pakikipagkamay nito, kahit man lang sa huling pagkakataon. "It was actually nice to close everything. Uulitin ko, sorry sa lahat. Hindi ko na maibabalik, pero paulit-ulit akong hihingi ng tawad sa lahat ng nasayang na oras, araw, at taon. I'm rooting for you, Chase."
Magaan ang pakiramdam ni Cinni ngunit ramdam niya ang kirot.
"And I'm sorry, too, Cinni. At sana maging okay ka na rin. At sana mag-iingat kayo ni Cinna lagi. C-Cinni, puwede ba kitang yakapin sa huling pagkakataon?"
Nakagat ni Cinni ang ibabang labi habang nakatitig kay Chase. She already memorized every corner of his face, but for the last time, she wanted to take a stare and cherish the moment.
About the request, Cinni nodded. "Okay lang naman, pero baka maamoy mong amoy panis na gatas ako? Nakakahiya. Nagli-leak na kasi."
Naiiling na natawa si Chase. "Kahit kailan talaga, puro ka kalokohan."
Chase took a step forward and wrapped her inside his hug. Without saying anything, Cinni did the same. Mahigpit niyang niyakap si Chase bago bumulong.
"Wala kang pagkukulang at wala kang kasalanan. Alam kong iniisip mo 'yan, tinatanong, pero gusto ko lang sabihin bago mahuli ang lahat na ako ang nagkulang. Mahal kita, Chase, pero hanggang dito na lang talaga."
Nag-init ang mga mata ni Cinni at hindi na niya mapigilan ang luhang pabagsak nang maramdaman ang yakap ni Chase. It was the hug she never thought she needed.
It was the hug she was used to and longed for.
"Thank you sa lahat-lahat. Sobra. At huwag kang mag-alala kasi pinatawad na kita. Matagal na. Mahal na mahal kita, Cinni . . . at tama ka, hanggang dito na lang talaga tayo."
Isinubsob ni Cinni ang mukha niya sa balikat ni Chase at hindi napigilang humagulhol. "Sorry talaga, ha? Kainis. Sabi ko hindi ako iiyak, e. Pauso ka kasi! Bitiw na, tama na."
"Tama na 'yang kaka-sorry mo. Hindi na bagay sa 'yo. Nakakapangit kaya ang iyakin. Sayang ang ganda."
Nang maghiwalay silang dalawa, kaagad na pinunasan ni Cinni ang basang mukha.
"Sa true lang. Kaya ang pangit ko ngayon, e. Lagi akong naiyak noon kasi laging nabubugbog, pero okay na. Paganda na ulit," pagbibiro ni Cinni. "Pero hoy, okay na ako at sana ikaw rin. Kantahin na lang natin lagi 'yung kanta ni Katy Perry. Ganoon na ata tayo ngayon, e."
Cinni was talking about the song The One That Got Away.
"I'll be okay. I guess . . . both of us will be." Ngumiti si Chase. "Sa palagay mo, kung nabuhay ba si Charlie, magiging magkaibigan kaya sila ni Cinna?"
Umiling si Cinni. "To be honest, alam kong hindi. Masyadong seryoso si Summer, baka ganoon din si Charlie. Sure ako na siraulo si Cinna, mana sa akin."
"Feeling ko, baka naging mag-best friend sila. Parang kayo lang ni Keith dati. Nagiging seryoso at kalog," sabi ni Chase.
"Sabagay, may point. Baka palaging speechless si Cinna kay Charlie kasi English-English!" Cinna smiled. "Sige na. Kailangan ko na ring umuwi. Mag-iingat ka."
"Sige, Cinni, gusto kong magpasalamat talaga sa 'yo. Sa halos walang taon na magkasama tayo, ikaw lang ang minahal ko nang ganito. Maraming salamat kasi natutuhan kong may tatanggap at magmamahal sa akin katulad ng pagmamahal mo. Salamat kasi kung hindi dahil sa pag-uusap natin na 'to, hindi mabubuo ang desisyon ko sa gusto kong mangyari sa buhay ko. Salamat talaga."
Bumagsak ang luha ni Cinni habang nakatitig kay Chase. "'Langya ka naman, e. Sabi ko 'di na ako iiyak. Pero feeling ko ikaw lang din magiging love ko. Nagkamali lang talaga ako, pero ngayon alam ko na kung bakit hindi ko tinggap 'yung kasal na offer ni Alper. Pero hindi ko rin naman tatanggapin 'yung sa 'yo kaya it's a tie." Ngumiti siya. "Nako, tama na. Saan pa 'to mapunta."
"Huwag ka na iiyak, ha? Hindi bagay sa 'yo. Sayang ang ganda mo. Baka makuha rin ni Cinna." Chase smilled again. "Baka hindi mo na rin pala ako makita if ever, Cinni."
"Bakit?"
"I'm leaving, Cinni, and it may be for good."
"Saan ka pupunta? Ay joke, 'wag mo na sabihin." Natawa si Cinni at binawi ang tanong. "Pero mag-iingat ka kung saan ka man pupunta. Ituloy mo 'yung photography mo tapos kainin mo lahat ng pagkain sa lugar na pupuntahan mo. Tulad noon. Be experimental and explore siguro? Ganoon."
"At ikaw rin. Huwag kang magpapagutom, ha? Sana matupad mo ang mga pangarap mo sa buhay. Mauuna na 'ko, Cinni. Mag-iingat ka."
Tumango si Cinni at nakangiting kumaway kay Chase. Sinundan niya ito ng tingin hanggang sa umandar na ang sasakyan nito papalayo.
Cinni paid the price . . . and lost the only man she dreamed of marrying.
The mistake, stupidity, and wrong decisions led her into a life she never expected. The future she looked forward to wouldn't happen again.
The closure with Chase was the last thing Cinni needed to forgive herself finally. It was long overdue, but there was still time to move forward eventually.
Kung ang iba, iisiping sa susunod na habang buhay ay makasama pa rin nila ang isa't isa, si Cinni, hindi.
Gusto ni Cinni na sa susunod na habang buhay, hindi na siya makilala ni Chase para hindi na ito masaktan. Sa susunod na habang buhay, sana mahanap ni Chase ang taong hindi siya sasaktan.
At sa susunod habang buhay, kung sakali mang magkrus ang landas nila, naisip ni Cinni na siya na ang iiwas at lalayo kay Chase.
"Mahal pa rin kita," bulong ni Cinni habang nakatitig sa papalayong sasakyan ni Chase. "Sorry, hindi ko naingatan. Sa susunod na habang buhay, kung sakaling magkrus ulit ang landas natin . . . ."
Sandaling tumigil si Cinni para isipin ang mga nangyari at muling bumagsak ang luha sa magkabilang mga mata bago tumalikod para muling pumasok sa mall.
Ayaw niyang magkrus ulit ang landas nila sa susunod na habang buhay, pero nabali kaagad iyon habang iniisip kung paanong nakangiti si Chase sa kaniya.
"Puwede ba ulit kitang ingatan?"
—
T H E X W H Y S
www.thexwhys.com
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top