Chapter 23: Conference
Isang beses.
Dalawang beses.
Hanggang sa naulit na nang naulit ang pagkikita nina Cinni at Alper para sa anak nila. Sa clinic pa rin iyon ng pamilya ni Tres at hindi ito nawawala sa tabi nila.
May takot pa rin na nararamdaman si Cinni, pero pagdating kay Cinna, tiwala siya kay Alper lalo na at nakikita niya ang pagmamahal nito sa anak.
Financially, tumutulong si Alper. Nagbibigay ito ng pera o hindi naman kaya ay grocery para sa anak nila tulad ng diapers at kung ano pang kailangan nito.
Nasa loob sila ng room. Bukod kay Tres na kasama nila, sumama rin ang mama at dalawang kapatid ni Alper para makita si Cinna. Tuwang-tuwa ang mga ito at panay pa ang kuha ng picture.
Katabi ni Cinni si Tres. Pareho silang nakaharap sa laptop.
May tinatapos na trabaho si Cinni, nanonood naman ng movie si Tres. Seryoso ang mukha nitong nakatitig sa screen na para bang dalang-dala sa pinanonood.
Nang mapansin ni Tres na nakatingin si Cinni sa kaniya, tinanggal niya ang earphones.
"Anong meron?" tanong ni Tres na mukhang nagtataka. "Makatingin ka?"
"Wala. Natatawa kasi ako sa 'yo, para kang dalang-dala sa movie."
"Si John Lloyd 'to, 'wag kang basag trip," sagot nito at mahinang natawa. "So, kumusta pala ang bagong condo? Nakakatatlong linggo na rin naman kayo, naka-adjust ka na?"
Tumango si Cinni. "Oo. Mas gusto ko, actually. Gusto ko kasi na ang tahimik lang talaga tapos secured nga. Ang refreshing din kapag nagtatrabaho ako sa bintana, nakikita ko 'yung city lights sa gabi."
"Buti nga maganda 'yung location na nakuha mo," ani Tres. "Ang mahalaga komportable kayong dalawa ni Cinna. At saka nakuha mo 'yung gusto mong may mall sa ibaba."
Humarap si Cinni sa laptop at nagsimulang sumagot sa emails na natatanggap niya, pero patuloy na nakikipagkuwentuhan kay Tres. Nag-suggest din kasi ito ng mga puwede pa niyang i-improve sa condo.
"Buti nga rin nakuha ko siyang rent-to-own tapos ready to move in na. Medyo malaki lang talaga 'yung nilabas ko para sa downpayment, pero sulit naman. Medyo malaki naman 'yung ipon ko noon pa." Ngumiti si Cinni. "Daming memories, shiyet."
Tres snorted and shook his head. "Buti hindi siya nagtatanong tungkol sa atin? Minsan nahuhuli kong nakatingin sa ating dalawa, e."
Tinutukoy ni Tres si Alper.
Nakikita rin ni Cinni at nahuhuli na panay ang tingin nito sa kaniya, lalo kapag magkausap sila ni Tres. Hindi naman ito nagtatanong dahil malinaw na sa kanilang dalawa na si Cinna lang ang magiging koneksyon nila.
Naging malinaw rin siya kay Alper sa parteng wala silang ibang pag-uusapan kung hindi si Cinna. Anak lang nila ang magiging dahilan para magkaroon pa sila ng communication.
Walang pagpoprotestang narinig si Cinni kay Alper bukod sa parteng nakikipag-usap ito sa kaniya para mailagay ang pangalan nito sa birth certificate ni Cinna.
"Pagkatapos dito, uuwi na ba kayo?" tanong ni Tres. "Sama ako. Wala ako sa mood mag-drive. 'Pagluto mo naman ako ng carbonara mong nuknukan ng alat."
Sinamaan ni Cinni ng tingin si Tres dahil sa sinabi nito at ang ending, pumayag naman siya. Dadaan na lang sila sa grocery sa mall na nasa ibaba ng condo niya.
Sandaling nagpaalam si Tres dahil pupunta raw sa clinic ng ate nito. Lumapit naman sa kaniya ang mama ni Alper na malapad ang ngiti hawak pa ang phone. Ipinakita nito sa kaniya ang bagong picture ni Cinna na nakangiti na rin.
"Ang gandang bata," natutuwang sabi ng mama ni Alper habang ipinakikita kay Cinni ang iba pang picture. "Ang kapal ng buhok niya, 'no? Baka bago pa mag-isang taon, palagi na siyang nakaipit."
"Opo. No'ng makita ko rin po 'yung baby pictures sa files ko, pareho po pala kaming mahaba ang buhok," ani Cinni.
Nagbago ang expression ng mukha ng mama ni Alper na ipinagtaka niya. Nakatitig ito at pinatay ang cellphone bago tuluyang lumapit sa kaniya.
"Nagkausap na ba kayo ng parents mo?" tanong ng mama ni Alper.
Yumuko si Cinni at umiling. "Natatakot pa po kasi akong pumunta sa amin. Baka po kasi paalisin lang po ulit ako, kaya hindi ko pa po sinusubukan."
"Try mo lang ulit. Alam mo, hindi matitiis ng mga magulang ang anak nila. Subukan mo lang ulit, pero 'wag kang magmamadali. Kapag ready ka na. Maganda rin na mag-aayos kayo para kahit papaano, hindi na mabigat sa dibdib, Cinni." Ngumiti ito at nilingon sina Alper. "Kahit mahirap, kahit masakit, anak namin kayo, e."
Natigilan si Cinni sa sinabi ng mama ni Alper. Vocal naman ito sa kaniya na itinuturing siyang anak kahit na nagdesisyon siyang hindi na sila magkabalikan ni Alper. Supportive ito sa kaniya at madalas pang nagpapadala ng pagkain para sa breastfeeding journey niya.
Nang umiyak si Cinna, tumayo na siya dahil malamang na nagugutom na ito. Sinabi rin ng mga kapatid ni Alper na kailangan nang umalis ng mga ito dahil may pasok pa sa school.
Halos hindi makaalis sina April at Aljohn habang nakatingin kay Cinna. Natatawa na lang si Cinni dahil nagyayaan pa ang dalawa na hindi na lang papasok, pero hindi pumayag ang ina.
"Ate Cinni, ha? Ulitin natin 'to, please?" pakiusap ni April.
"Oo nga!" natatawang tugon ni Cinni at nagpaalam na sa magkapatid.
Naiwan sa kuwarto sina Cinni, Alper, at ang mama nito na nakaupo sa sofa. Nakasandal si Alper habang nakatingin sa kaniya.
"Hindi ka ba nahihirapan sa breastfeeding?" tanong ni Alper.
"Hindi, mas madali nga at saka mas tipid pa." Tinakpan ni Cinni ang sarili ng breastfeeding cloth. "Hindi rin naman ako umaalis kaya okay lang."
Tumango si Alper. "By the way, sinubukan kong itanong si HR kung puwede ko ba isama si Cinna sa healthcard ko, pero hindi puwede dahil sa documents."
Alam ni Cinni ang sinasabi ni Alper. Tungkol ito sa birth certificate ni Cinna at nasa proseso pa sila ng pag-uusap tungkol doon. Okay lang naman kay Cinni lalo na at involved naman si Alper sa anak nila, pero may takot dahil iba ang isip nito.
Hindi niya alam kung ano ang posibleng mangyari sa hinaharap kaya hindi pa makapagdesisyon si Cinni. Hindi pa rin buo ang tiwala niya kay Alper kahit na nakikita naman niya ang pagmamahal nito sa anak nila.
Nanatiling tahimik si Cinni na pinadedede ang anak. Paminsan-minsan niya itong sinisisilip sa loob ng breastfeeding cover at mukhang inaatok na.
"Aalis na rin kami para makatulog na si Cinna," sabi ni Alper. "Mag-message na lang ba ulit ako kung kailan puwede?"
Tumango si Cinni. "Oo, ganoon na lang ulit. Thank you pala sa grocery para kay Cinna."
"Sabihan mo na lang ako kung may kailangan ba para kay Cinna. Nakita ko sa baby book niya na meron siyang vaccine sa isang buwan? Sasama ako sa checkup, puwede ba?" pakiusap ni Alper.
"Sige lang."
Sabay-sabay silang lumingon nang bumukas ang pinto at pumasok doon si Tres. Nakita ni Cinni kung paanong nag-iba ang tingin ni Alper, pero hindi iyon mahahalata ng iba.
Siya, alam niya dahil iyon ang palatandaan niya noon kapag may kausap siyang lalaki at nagseselos ito. Sa tingin ni Alper na para itong nag-o-observe lang, alam ni Cinni na malalim ang iniisip nito.
Nagpaalam na si Alper at ang mama nito sa kanila. Hindi na rin nahawakan pa si Cinna dahil natutulog at dumedede sa kaniya.
Gusto na ring umuwi ni Cinni. Bukod sa inaantok siya, gusto niyang magpahinga dahil nararamdaman niya ang sakit ng ulo niya. Isa pa, may trabaho rin siyang kailangang tapusin.
Bago umalis, pumasok na muna sina Cinni at Tres sa clinic ng mga ate nito para lang magpaalam. Kaagad na lumapit ang dalawang ate ni Tres. Panay naman ang pasasalamat ni Cinna sa dalawa dahil pumapayag ang mga itong sa clinic sila magkita ni Alper.
Ang rason, naging magkaibigan na sila bukod sa pagiging doktor nila ni Cinna, at ayaw ng mga itong masaktan ulit siya.
Pagdating sa condo, kaagad na kinuha ni Janel si Cinna para makapgpahinga si Cinni at habang nakaupo sa sofa, ipinalibot niya ang tingin sa condo.
Ipinadala ni Alper lahat ng gamit ni Cinna na nabili nila noon at bukod pa roon, marami pa itong binili noong panahong wala na siya.
"Lalim naman ng iniisip." Tumabi si Tres sa kaniya at inabutan siya ng ensaymada. "Anong meron?"
Nakatingin si Cinni sa TV. "Alam mo, iniisip ko lang naman. Siguro kung hindi nananakit si Alper, baka puwedeng maging kami. 'Yung kami na talaga, ha? Kasi kapag hindi nananakit si Alper, sa totoo lang okay siya, e. Kapag hindi siya galit sa akin, mabait siya, malambing, at maalaga."
Tahimik na nakikinig si Tres sa kaniya habang pareho silang nakaharap sa TV.
"Hindi ko alam, ha? Feeling ko lang talaga kung hindi siya nananakit, magiging maayos kami lalo kay Cinna. Hindi ko naman pinangarap mag-isa magpalaki ng anak, pero dahil sa nangyaring nakaraan namin, mas okay na hindi kami magkasama." Ngumiti si Cinni. "Napapaisip lang naman ako sa mga what if. Nagsimula rin kasi kami sa kasalanan, e. Nagsimula kami sa mali."
"Kaya hindi talaga kayo magtatagal," sagot ni Tres. "There's always a line between you and him. Alam kasi ninyong may ginawa kayong mali at kahit kailan, hindi magiging tama 'yun. Kahit makausad kayo, that part of the past will hunt you both at malamang na mayroong takot si Alper na mangyari ulit iyon, pero sa inyong dalawa na."
Nakagat ni Cinni ang ibabang labi dahil totoo naman ang sinabi ni Tres. Iyon din ang iniisip niya kay Alper.
"Malamang na takot siya sa sarili niyang multo." Natawa si Tres. "You mentioned na sinabi sa 'yo ni Alper na inagaw ka talaga niya intentionally kay Chase, ikaw naman si tanga, nagpadala."
Natawa si Cinni sa term, pero totoo naman iyon. Walang pagtanggi at walang argument dahil katangahan talaga ang nangyari.
"The fact that he manipulated and took advantage of you, ayaw kong isipin na may future kayo together 'cos you're better off without him. He blackmailed you. You just had no idea," paglilinaw ni Tres. "Kaya kung puwede lang sana, Cinni, ayaw kong marinig galing sa 'yo na may panghihinayang ka sa inyong dalawa dahil kung ako lang ang magdedesisyon, hindi ako papayag na sumama ka ulit sa kaniya."
"Wala rin naman akong balak," mabilis na sagot ni Cinni. "Kapag inaalala ko rin kasi 'yung unang beses na . . . na . . . may nangyari, hindi ko alam kung bakit ako pumayag."
Pinisil ni Tres ang pisngi ni Cinni at mahinang natawa. "At least you learned. The hard way because you don't deserve it, but the most important thing was you got out."
Tango lang ang naisagot ni Cinni sa sinabi ni Tres bago ito nagpaalam na bababa muna sa mall para bumili sa grocery para sa request nitong carbonara.
Sinilip biya si Cinna na mahimbing nang natutulog sa crib nito at nasa sofa naman ng kuwarto si Janel.
Habang naghihiwa ng ingredients para sa iluluto, naisip ni Cinni ang nangyari kung paano nga sila nagsimula ni Alper. Isinama siya nito sa isang conference para sa mga team leader. Nakita raw kasi nito ang potential niya para maging leader sa hinaharap.
Dalawang araw iyon kaya naman nag-stay sila sa hotel na provided ng company. May iba pa silang kasama, pero magkatabi ang kuwarto nila nang mag-aya si Alper na magkuwentuhan sa ibaba ng hotel kung saan may swimming pool.
Nakaupo silang nagkukuwentuhan. Komportable si Cinni dahil mabait si Alper at hindi niya iyon binigyan ng malisya. Nagtawanan sila, nagkakuwentuhan tungkol sa personal na buhay.
Alam ni Cinni na magkaibigan sila dahil sa floor naman, normal ang lahat. Sa team building, buong team naman ganoon ang pakikitungo ni Alper.
Pagkatapos nilang magkuwentuhan sa may pool area, nagkayayaan silang bumili ng pagkain sa convenient store. Pag-akyat sa hotel room, nagtanong si Alper kung gusto raw ba niyang manood ng movie. Walang malisya dahil manonood lang naman sila.
Maayos ang lahat hanggang sa unti-unting nagtanong si Alper sa kaniya tungkol sa kanila ni Chase. Hindi alam ni Cinni kung bakit niya sinagot ang lahat ng tanong nito hanggang sa nag-suggest na ito ng mga bagay na puwede niyang gawin kaysa makulong sa isang relasyong walang adventure.
Mahinang natawa si Cinni nang maalala kung paanong kinuwestyon niya ang relasyon nila ni Chase dahil sa mga sinasabi ni Alper.
If only she realized that Alper was really good at convincing people, she wouldn't even entertain his advances. No wonder magaling at top ito sa sales sa BPO. Alper knew how to manipulate people with his words.
And she was the victim.
That night, Alper kissed Cinni, and she couldn't move an inch.
Nang maghiwalay ang labi nila, napatitig si Cinni kay Alper na para bang wala lang ang ginawa nito at nagsimula na ulit magkuwento tungkol sa pelikulang pinanonood nila. Simula rin noong gabing iyon, mas tumindi ang advances ni Alper na hindi napansin ni Cinni hanggang dumating na sila sa puntong mali na ang nangyayari.
Sa tuwing susubukan niyang kumalas kay Alper, palagi nitong ipinaaalala sa kaniya ang mga pagkakataong magkasama sila. He would make her feel guilty about Chase then later on manipulate her into doing something.
Totoo naman ang lahat. She was stupid and an easy target because she didn't even know what she wanted in life.
Maraming nagsabi kay Cinni na siya lang ang binakuran ni Alper. Noong panahong magkasam sila, palagi naman nitong sinasabing mahal siya na dumating pa puntong inagaw na siya.
Siya naman si tanga, nagpaagaw, nagpagamit, nagpaikot.
And Tres was right. She shouldn't think of the what ifs.
That conference ruined Cinni, and if she could, she would go back in time to correct what went wrong.
But there wouldn't be Cinna. The little person who gave her a reason to move forward and survive.
Mali man ang nakaraan, pero hindi na iyon babaguhin ni Cinni dahil ayaw niyang mawala si Cinna sa kaniya.
Dahil sa naisip, pumasok si Cinni sa kuwarto at hinalikan ang pisngi ng anak. Ito na lang ang nagiging dahilan nang lahat . . .
"Cinna," bulong ni Cinni at inamoy ang pisngi ng anak. "Love, love, Mama."
—
T H E X W H Y S
www.thexwhys.com
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top