Chapter 14: Change
Changed was the word Cinni murmured while staring at Alper, who was happily folding the baby's newly washed clothes.
"Excited akong malaman kung babae o lalaki." Mahinang natawa si Alper at itinaas pa ang maliit na sando. "Pero babae man o lalaki, okay lang."
Hawak ni Cinni ang bagong biling bote ni Alper dahil bago ito umuwi, dumaan muna sa mall para bumili ng pagkain nila at dumiretso sa department store para lang mag-ikot.
"Kailan pala ang check up natin?" tanong ni Alper. "Sabihan mo ako para makasama ako, ha? Last time, hindi mo ako ginising."
"Ginising naman kita, hindi ka lang bumangon." Natawa si Cinni. "Sa isang araw pa naman 'yung next na check up. Malalaman na yata kung babae o lalaki, e."
Tumango si Alper at tumayo mula sa pagkakaupo sa kama. Inilagay nito ang mga natuping maliliit na damit sa bagong cabinet na binili nito. Nakaayos na roon ang mga nabili nilang damit, bote, pump, mga sabon, diapers, at kung ano-ano pa.
Anim na buwan na ang dinadala ni Cinni. Halos hindi na niya napapansin ang araw dahil naging busy siya ng mga nakaraang araw sa trabaho.
Hinaplos ni Cinni ang tiyan at maingat na naupo sa kama. Halos hindi na siya nakalalabas ng bahay dahil sa trabaho at pabor din naman sa kaniya iyon.
"May gusto ka bang puntahan?" tanong ni Alper na lumuhod sa harapan niya at hinaplos ang tiyan niya. "Kahit saan?"
Napaisip si Cinni. "Parang wala naman. Ikaw ba? Wala naman akong work ngayon."
Matagal na nakatitig si Alper sa kaniya, pero walang kahit na anong sinabi. Nanatiling nakahawak ito sa tiyan niya.
"G-Gusto mo bang bumisita sa parents mo?"
Nagulat si Cinni sa tanong ni Alper dahil iyon ang unang beses na na-bring up nila ang parents niya pagkatapos ng pagpapaalis ng mga ito ilang buwan na ang nakalipas.
Umiling si Cinni at tipid na ngumiti. "Hindi naman ako tatanggapin do'n. Sa iba na lang tayo magpunta." Hindi na rin namilit si Alper at tumayo ito. Napag-usapan nilang pupunta na lang sila sa bandang Antipolo para maghanap ng makakainan.
In no time, they found themselves looking for a place to dine. The area was quiet, but the sunset looked good.
Kinuha ni Cinni ang phone at kinuhanan ng video ang papalubog na araw na bihira na niyang makita.
Bumili na rin si Cinni ng bagong phone. Wala pa rin siyang social media, pero kailangan as means of communication, tracker sa ipinagbubuntis niya, at para na rin sa trabaho.
Wala siyang number ng kahit na sino mula sa nakaraan. Wala na rin siyang balita.
Paminsan-minsang pumapasok sa isip niya si Chase, pero hanggang doon na lang iyon. Ngunit sa tuwing maaalala niya ito, iniisip niya na sana ay maayos ang kalagayan nito.
Tumingin si Cinni kay Alper na nag-o-order ng pagkain nila.
May mga pagkakataong natatakot pa rin siyang magalit ito sa kaniya, pero simula nang malaman nito ang tungkol sa dinadala niya, walang naging issues si Alper sa kaniya. Sumasama pa rin naman ito sa mga barkada para sa inuman, pero umuuwi pa rin nang maaga at hindi gaanong lango sa alak.
Walang alam si Cinni sa nangyayari sa opisina. Minsan namang nagkukuwento si Alper sa kaniya, pero hanggang doon lang ang lahat.
"Bumili ako ng sabaw." Ibinaba ni Alper ang tray na may mga pagkain. "Sabaw ng sinigang na baka."
Inayos naman ni Cinni ang sawsawang patis na mayroong sili.
Nalula rin siya sa nakahain sa lamesa. Bukod sa sinigang na baka na gusto niya, bumili rin si Alper ng sizzling sisig at kung ano pa.
"Ang dami naman niyan." Nanlaki ang mga mata ni Cinni nang ibaba pa ni Alper sa mesa ang pinggan na mayroong beef with broccoli. "Hala, ang sarap."
Mahinang natawa si Alper at ito pa mismo ang nagsandok sa pinggan niya. Ibinigay nito lahat ng broccoli sa kaniya pati na ang mga mushroom.
"Naalala ko lang noong magkaroon tayo ng team lunch, nu'ng bago ka pa. Ganito ang order mo tapos kami ang kumain ng beef kasi gusto mo lang 'yung broccoli." Umiling si Alper. "Ako naman, ayaw ko niyan."
Habang kumakain, pareho silang tahimik. Mayroong kumakanta sa harapan dahil restobar ang napuntahan nila. Sakto namang lumubog na ang araw at kita iyon sa lugar nila.
"Balak ko na rin palang bumili ng crib ni baby," basag ni Alper sa katahimikan. "Ano'ng gusto mo? 'Yung parang cloth ba o 'yung kahoy na lang?"
"Maaga pa. Kahit siguro sa mga eighth or ninth month na tayo bumili," sagot naman ni Cinni.
Tumango si Alper. "Sige lang. Kung ano ang gusto mo."
Nagtagal sila sa kainan. Ang hindi nila naubos ay inuwi para mayroong makain si Cinni sa madaling-araw kung sakali mang magutom.
Nang matapos kumain, kaagad rin silang umuwi. Masakit ang paa ni Cinni at habang nakahiga, minamasahe iyon ni Alper.
"May tanong ako." Mababa ang boses ni Alper na hindi tumitingin sa kaniya. "M-May pagkakataon bang nagsisisi ka sa sitwasyon natin ngayon?"
Kumabog ang dibdib ni Cinni dahil hindi niya alam ang isasagot kay Alper. Natatakot siya na baka magresulta pa iyon sa galit sa kaniya.
"Bakit mo naman natanong 'yan?" Walang maisip si Cinni na sagot kaya tanong ang ginawa niya.
"Wala naman." Umiling si Alper at tipid na ngumiti. "Isang paa mo naman."
Natahimik ang buong kuwarto.
Nakatitig naman si Cinni kay Alper na naka-focus sa pagmasahe sa paa niya. Mabilis ang tibok ng puso niya ngunit hindi siya nagpahalata.
"Nga pala, puwede ba akong magpaalam sa 'yo?" tanong ni Cinni kay Alper.
"Saan?" kalmadong tanong ni Alper.
"Kung puwede sana after ng checkup, ihatid mo ako kay Keith? Naalala mo ba 'yung best friend ko na kinukuwento ko sa 'yo?" tanong ni Cinni. "G-Gusto ko lang sana siyang kumustahin. Birthday rin kasi niya."
Yumuko ulit si Alper na ikinangiti ni Cinni. Sumubok lang naman siya kahit na alam niyang hindi ito papayag lalo na sa mga taong may koneksyon kay Chase.
At tulad ng inaasahan, walang sagot si Alper sa paalam niya. Hindi na rin naman nagulat si Cinni roon at hindi na siya umasa kaya hindi na siya na-disappoint.
Sa ilang buwang magkasama sila ni Alper, madalas namang ganoon at tanggap na niya iyon.
Araw ng checkup nila at nagmamadaling umuwi si Alper. Nakabihis na rin si Cinni na naghihintay sa living area dahil dadaanan na lang siya nito.
Hawak ni Cinni ang T-shirt na pamalit ni Alper at ang bag na mayroong records ng pagbubuntis niya.
"Excited na akong malaman kung babae o lalaki si baby!" sabi ni April. "Ate, text mo kaagad ako, ha?"
"Oo, excited na rin ako, e."
"Si Kuya rin, e!" natatawang sabi ni Aljohn. "Brag nang brag noong isang gabi sa amin ni April. Pinakita kasi niya 'yung mga nabili niyang damit na white."
Sumandal si Cinni sa sofa at hinaplos ang tiyan. "Mukhang nagbabalak na rin ngang bumili ng crib. Iniisip ko naman, masyado pang maaga kaya sabi ko kahit sa eighth or ninth month na lang namin."
"Ang excited ni Kuya, ha?" masayang sabi ni April. "Thank you, Ate, kasi binigyan mo ng direksyon si Kuya. Laki ng pagbabago, as in."
"Feeling ko, si baby ang dahilan," sagot naman niya.
Nilingon ni Cinni ang pinto nang pumasok si Alper. Hinalikan nito ang tuktok ng ulo niya bago bumati sa kanilang lahat at sinabing maliligo na muna sandali.
Ilang beses na ring humikab si Cinni dahil sa pagiging antukin dala ng pagbubuntis. Inihiga na muna ni Cinni ang ulo sa gilid ng sofa habang nanonood ng TV nang maramdaman ang pagsipa ng baby niya. Isa iyon sa dahilan kung bakit hindi siya nakatutulog sa gabi dahil malikot ito na para bang palaging may boxing sa loob.
Antok na antok na siya nang lumabas si Alper sa bathroom at mahinang natawa sa position niya.
Tumutulo ang tubig mula sa basang buhok nito na may kahabaan na at magpapagupit na raw bago siya magpagupit.
Puro tattoo ang braso nito, pero hindi nakakaasiwa dahil maputi.
"Sa kotse ka na matulog," ani Alper at nang matapos itong magbihis, kinuha ang hawak niyang bag. "Ito lang dadalhin mo?"
Tumango si Cinni at maingat na tumayo. Suot niya ang floral dress na binili niya sa isang mall. Maluwag iyon at hindi nga masyadong halata ang tiyan niya.
Pinarisan niya ang dress ng bagong bili rin niyang sapatos na komportable sa paa lalo na at medyo tumaba na nga siya. Sa kotse, panay pa rin ang hikab ni Cinni, pero hindi siya makatulog. Medyo malapit na rin sila sa clinic.
Napag-uusapan na rin nila ni Alper ang puwedeng gawin sa kuwarto nito para lumuwag. Nagbabalak itong mag-dispose ng mga gamit.
Sa loob ng clinic, nakaupo si Cinni at nakatayo si Alper dahil puno at maraming tao.
Nilingon ni Cinni ang ilang kasama nila, pati na ang secretary ng OB na panay ang tingin kay Alper habang nakasandal sa pader hawak ang bag niya.
Tumingala siya kay Alper na nakakunot ang noo habang nakatingin sa kaniya. "Bakit?" tanong nito na para bang walang idea kung ano ang mayroon.
Umiling si Cinni. "Wala."
"Bakit nga?" mahinahong tanong ni Alper. "May masakit ba sa 'yo?"
"Wala," aniya at natawa. "Akin na nga 'yang bag ko. Nakakahiyang bitbit mo."
"Mag-relax ka na lang diyan," anito at hindi ibinigay sa kaniya ang bag.
Hawak din ni Alper ang libro para sa buntis at parang nagbabasa nang ipakita nito sa kaniya ang picture ng baby na nasa six months old sa loob ng tiyan.
"Ganito na si baby." Mahinang natawa si Alper. "Bibili na pala tayo ng vitamins mo mamaya. Ilang piraso na lang 'yung natitira, 'di ba?"
Tumango si Cinni at sinabing baka sa OB na rin sila mismo makabili ng vitamins at iba pang kailangan.
Nang matawag ang number nila para makapasok sa loob ng kuwarto ng OB, harapan sila ni Alper na nakikinig sa doctor.
"Looking good, ha?" nakangiting sabi ni Dra. Alcantara, ang OB na nag-aalaga sa kaniya. "Mukhang healthy si Mommy, ha? Mabuti 'yan. Based rin kasi sa result ng tests mo, okay naman ang lahat. Ultrasound rin natin today, 'no?"
"Opo, Doc Shara. So, okay na po 'yung blood test ko? Noong last time po kasi, medyo mataas 'yung white blood cells ko, e."
Tumango ito at binasa ang nasa papel. "Yup! Since nag-antibiotics naman na tayo dahil sa UTI mo a month ago, nag-normalize na siya. Actually, pati nga 'yung red blood cells mo, maganda!"
Natuwa si Cinni dahil mababawasan na rin ang gamot na iinumin niya. Matagal siyang nag-antibiotics dahil sa infection, pero hindi naman daw iyon makakasama sa baby.
"Doc, makikita po ba natin 'yung gender ni baby ngayon?" tanong ni Alper.
"Yes po." Tumayo ang doktora at binuksan ang kurtina. "Higa ka rito, Mommy. Buti naman at supportive si Daddy."
Tantiya ni Cinni, nasa late thirties na ito, pero mukha pa ring bata lalo na at napakaganda ng mukha.
Sa loob ng clinic, puti ang theme, pero mayrooong touch ng dark green kaya masarap sa mata. Pagpasok ng pinto, mayroong lamesa at laptop sa harapan.
Sa right side ay nandoon ang shelves na mayroong mga libro, picture frame, at sa ibaba noon kay cabinet na may mga gamot at ilang gamit ng doctor.
Sa left side, mayroong maliit na lababo at kuritna kung nasaan ang kama at ultrasound machine. May dalawang monitors. Isa sa ulunan at isa sa paanan para makita ng nanay.
"Lumaki na rin ang tiyan mo at excited ako, ha! Natutuwa talaga ako kapag healthy ang mommies!" sabi ng doktor.
Nakaupo si Alper sa paanan ni Cinni at nagtama ang tingin nila. Nakatingin ito sa monitor na bibigyan sila ng 3D result ng anak nila.
Inangat ng doktor ang dress niya at inayos ang kumot para matakpan ang lower part niya. Naramdaman ni Cinni ang malamig na gel sa tiyan niya.
"Wala ka namang nararamdamang hindi maganda nitong mga nakaraan?" tanong nito.
Umiling si Cinni. "Wala po, doc. Palagi lang po talaga akong inaantok."
"That's normal. Mabuti rin iyon basta kailangan mo pa ring maglakad-lakad para hindi ka magmanas." Natawa ito. "Anyway, here we go, ha?"
Natahimik silang tatlo nang marinig nila ang malakas na heartbeat ng baby. Nakatuon ang pansin ni Cinni sa monitor at nakita ang gumagalaw na maliit na sanggol sa sinapupunan niya.
Kinagat niya ang ibabang labi habang nakatitig sa monitor. Wala na siyang pakialam sa iba dahil gusto lang niyang tingnan ang anak niya.
"Daddy, tanong ko lang, ano'ng gusto mong maging gender ni baby?" tanong ng doktora habang nakatingin sa sariling monitor nito.
Tiningnan ni Cinni si Alper na nakatitig sa kaniya. May munting ngiti sa labi nito. "Kahit po ano, doc. Babae o lalaki, okay lang po."
Ngumiti ang doktora kay Cinni. "Looks like you'll be having a mini version of you," sabi nito. "It's a baby girl."
Ibinalik ni Cinni ang tingin sa monitor. Itinuturo nito ang ilong at mata ng baby na nahahalata sa 3D ultrasound. Kita nila ang maliliit na kamay at paa ng baby.
"Oh my gosh!" Na-excite ang doktor, pati na rin si Cinni dahil sa nakita. "She sneezed."
Panay ang buntonghininga ni Cinni bago tumingin kay Alper na nakatitig sa kaniya. Tipid itong nakangiti, pero malamlam ang mga mata na para bang malalim ang iniisip.
"Ayan. We're done!" Pinunasan ng doctor ang tiyan ni Cinni. "Nasa sixth month na tayo and we'll just have to maintain healthy lifestyle until ready na lumabas si baby, okay?"
Inalalayan ni Alper si Cinni na bumaba sa kama. Tahimik pa rin ito kahit na kinakausap na sila ng doktor tungkol sa mga vitamin na bibilhin at sa mga pagkain na healthy para sa kanila ni baby.
"Puwede mo na rin itong bilhin sa pharmacy riyan sa labas," sabi ng doktor at ibinigay kay Alper ang reseta. "I-explain ko muna sa kaniya 'yung tungkol sa tinatanong niyang plan para sa panganganak."
"Sige. Mauuna na rin akong lalabas, Cin." Tumayo si Alper hawak ang reseta. "Hintayin na lang kita sa labas? Magbabayad na rin ako sa secretary."
Tumango si Cinni at ibinibigay sa kaniya ang wallet, pero tumanggi si Alper.
Nag-explain ang doctor ng lifestyle changes na kailangang gawin ni Cinni para mas maging maayos ang panganganak niya.
"You need to change how you eat and your current lifestyle. Para din maging ready tayo for norma—"
Huminto sa pagsasalita ang doktor nang may kumatok. Secretary iyon at sumilip. "Doc, puwede raw po bang pumasok si Tres?"
"Uy, would you mind?" tanong ng doktor kay Cinni. "Nasira kasi 'yung stet ko kanina kaya nagpa-rush ako."
"Sige lang po."
Inilabas ni Cinni ang phone niya at nagtingin kung may email ba galing sa trabaho o notification galing sa boss niya at ipinagpasalamat na wala.
"Ayan, dalawa na rin 'yung pinadala ni Dad," narinig ni Cinni na sabi ng lalaking pumasok. "Marami kang pasyente, Ate?"
"Medyo," sagot ng doktora.
Nanatiling nakayuko si Cinni at nagbabasa ng reports.
"Thank you, Tres talaga. Paborito talaga kitang kapatid!" sabi ng doktora.
Nag-angat ng tingin si Cinni at nagtama ang tingin nila ng lalaki. Pamilyar ito sa kaniya, pero hindi niya maalala kung saan ba niya nakita.
"Hello!" Nakakunot ang noo nito. "Ikaw 'yung pasahero ko sa Grab na umiiyak months ago."
"H-Ha?"
"Hoy, Tres!" paninita ng doktora. "Lumabas ka na!"
Hindi inalisan ni Cinni ng tingin ang lalaki na nakatingin din sa kaniya. Ngumiti ito at bahagyang sumaludo.
"Nice to see you again, ma'am!" anito at humarap sa doktora. "Mag-lunch kami ni Ate Sandy. Sama ka, Ate?"
"Depende sa pasyente. Mukhang marami," sagot ng doktora. "Tres, umalis ka na. Nakakahiya."
Nagpaalam din sa kaniya ang lalaki kaya naman sinundan niya ito ng tingin hanggang sa makalabas ng clinic.
"Pasensya ka na sa kapatid ko, ha?" Naupo ang doktora at ibinigay sa kaniya ang listahan ng mga pagkain. "Ito ang puwede mong kainin. Stay healthy, Mommy! See you again next month."
Nag-message si Alper sa kaniya na nasa labas na ito at naghihintay sa kaniya.
Lumabas si Cinni at naramdaman niya ang init ng pakiramdam. Nakatayo naman si Alper sa gilid ng pinto at naghihintay sa kaniya.
"Uwi na tayo?" tanong ni Alper at hinawakan ang kamay niya at tumalikod dahil patawid na sila.
Tumango si Cinni at nakita ang pamilyar na bulto ng lalaki sa gilid na nakatingin sa kanila ni Alper. Bahagya itong tumango, tumingin kay Alper, bago sa kaniya, at yumuko.
Habang naglalakad papunta sa parking, biglang huminto si Alper at humarap sa kaniya. Malamlam ang mga mata nitong nakatingin at bigla siyang niyakap nang mahigpit.
"O-Okay ka lang ba?" tanong ni Cinni kay Alper dahil nagtataka siya sa inakto nito. "Al?"
"Okay lang ako," bulong ni Alper. "Pero gusto ko lang mag-thank you kasi nakita ko si baby ngayon."
Tahimik na nakatitig sa kung saan si Cinni habang nakayakap pa rin si Alper sa kaniya.
"Cinni, may tanong ako."
"A-Ano 'yun?" kinakabahang tanong ni Cinni.
Humiwalay si Alper at nakatitig ito sa kaniya na nakangiting umiling.
"Sa bahay na lang."
—
T H E X W H Y S
www.thexwhys.com
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top