Chapter 13: Certainty
Nagising si Cinni nang marinig ang pagsara ng pinto. Si Alper iyon na katatapos lang maligo at mukhang kararating lang din galing opisina.
Higit apat na buwan na siyang buntis at lumalaki na ang tiyan niya. Hindi na rin pumapasok si Cinni sa opisina dahil nakahanap siya ng work from home setup.
Naupo sa gilid ng kama si Alper at hinaplos ang tiyan ni Cinni. "Inaantok ka pa?" Mahina itong natawa.
Tumango si Cinni at humikab. Sinabihan niya si Alper na matulog na rin.
Nang mahiga si Alper, naramdaman ni Cinni ang muling paghaplos nito sa tiyan niya hanggang mahinang humilik at nakatulog.
Simula nang magbuntis siya, maalaga ito sa kaniya. Umuuwi rin ito on time pagkatapos ng trabaho at palaging may bitbit na pagkain kaya sabay silang nag-aalmusal.
Nakatitig si Cinni sa kisame habang iniisip kung ano pa ang mangyayari sa mga susunod. Wala naman siyang naging problema kay Alper nitong mga nakaraan, pero hindi niya alam sa mga susunod.
Humimbing ang tulog ni Alper kaya maingat na bumangon si Cinni para pumunta sa comfort room na nasa first floor.
Nine pa lang naman ng umaga at anytime naman ang trabaho niya. Walang oras dahil flexible iyon. Isa sa ipinagpapasalamat niya.
Sa pinto pa lang ng kuwarto niya, nanubig ang bagang niya sa naamoy. Hindi siya sigurado kung ano ang niluluto ng mama ni Alper, pero gusto niyang kumain kung ano man iyon.
Nagtama ang tingin nila ng mama ni Alper at ngumiti sa kaniya. "Nagluto ako ng misua na may meatballs. Ipaghahain ba kita?"
"Good morning po," bati ni Cinni sa mama ni Alper. "Ako na lang po. Ang bango po, Tita."
"Alam mo ba nu'ng buntis ako kay Alper, ito ang comfort food ko. Sa tuwing nagugutom ako sa madaling-araw, maaabutan akong nasa kusina, nagbibilog ng meatballs," pagkukuwento nito at naghahain sa lamesa. "Ipagtitimpla ba kita ng gatas?"
Nahihiya man, tumango si Cinni dahil alam din naman niyang hindi magpapapigil ito.
Bukod sa gatas, nakahain din ang kanin, bowl na mayroong misua at meatballs, at leche flan na nasa platito. Kumpleto. Heavy breakfast na mayroong dessert.
"Sabay na po tayong kumain," aya ni Cinni. "Tulog na rin po si Alper, e. Kumain na po ba siya?
Umiling ang mama ni Alper at kumuha ng pinggan para sa sarili. Naupo naman si Cinni at humigop ng mainit na sabaw at napapikit nang maramdaman ang hagod niyon sa lalamunan niya.
"Thank you po." Ngumiti si Cinni. "Ang sarap po ninyong magluto talaga. Baka tumaba na po ako kasi ang dami ninyong pinapakain sa akin."
Pareho silang natawa at pinag-usapan ang tungkol sa pagbubuntis niya. Kabibili lang din nito ng mga gulay na uulamin nila sa mga susunod na araw.
"May sasabihin ako sa 'yo." Yumuko ang mama ni Alper bago muling tumingin kay Cinni. "Natutuwa ako kasi nitong mga nakaraan, iba si Alper, Cinni. Hindi mo mapapatagal sa bahay 'yun at madalas na uuwi na lang."
Nagpatuloy lang si Cinni sa pagkain. Nasusuka siya sa lasa ng gatas na pangbuntis, pero wala naman siyang choice.
"Napansin na rin ng mga kapatid niya na umuuwi kaagad after office tapos maliligo." Natawa ito at umiling. "Maniwala kang bago ka niya nakilala, uuwing lasing tapos huhubarin lang 'yung shirt, matutulog na."
Walang idea si Cinni sa nakaraan ni Alper pagdating sa ganoong bagay dahil hindi naman siya nagtatanong.
"Hindi siya nagdadala ng babae rito. Nagkakaroon siya ng girlfriend, pero minsan doon siya natutulog. Okay lang ba sa 'yong napag-uusapan natin?" nag-aalalang tanong ng mama ni Alper. Panay ang hingi nito nang pasensya sa pag-bring up ng past relationship ni Alper.
"Wala pong kaso," paniniguro ni Cinni. "Pero nakailang girlfriend na po ba si Alper? Nahihiya rin po kasi akong magtanong, e."
"Hindi ko alam, e. Si Ashley ang nakilala ko kasi medyo matagal sila no'n, pero hindi ko alam kung bakit sila naghiwalay. Bago ka . . . wala na akong ibang nakilala," pagpapatuloy ng mama ni Alper. "Pero may tanong ako, Cinni."
Tumango si Cinni at nakaramdam pa nga siya ng kaba.
"H-Hindi ka na ba sinasaktan ni Alper?" tanong nito at bakas sa mukha ang pag-aalala. "Alam kong hindi ka nagsasalita, Cinni, pero nakikita at naririnig naman namin. H-Hindi ko lang magawang makialam, pasensya ka na."
Hinawakan ni Cinni ang kamay ng ginang at umiling. "Okay lang po, Tita. Hindi naman na po ako sinasaktan ni Alper. 'Wag po kayong mag-alala, simula naman po nu'ng malaman niya ang tungkol sa baby, naging maingat siya sa akin."
Bumagsak ang luha sa mga mata ng mama ni Alper. Bihira silang magkaroon ng interaction kahit magkasama sila sa bahay dahil noon, madalas siyang tulog o wala dahil sa trabaho.
Nitong nakaraan naman at kahit nasa bahay lang, may trabaho siya o ganoon pa rin, natutulog dahil sa epekto ng pagbubuntis.
"Ang lungkot ko sa kinahinatnan ni Al." Humikbi ang ginang at hinawakan ang kamay ni Cinni. "Sobrang nasasaktan ako na ganiyan ang kinahinatnan ng anak ko at alam kong pagkukulang ko 'yun."
Tahimik na inobserbahan ni Cinni ang mama ni Alper at sumandal ito sa upuan at pilit na pinipigilan ang pag-iyak.
"Umalis ako noon para magtrabaho. Four years old lang si Al noon. Iniwan ko siya sa papa niya." Pinunasan ng ginang ang luha at tinakpan ang bibig. "Hindi ko alam na kaunting kibot, papaluin niya si Al. Kaunting iyak ni Al, may hampas, may batok, lahat."
Nagsalubong ang kilay ni Cinni dahil sa nalaman.
"Nakalakihan ni Al ang sinasaktan. Sa school naging bully siya at hindi ko alam na palaging napapatawag ang papa niya," pagpapatuloy nito. "Napapatawag, pag-uwi sa bahay, masasaktan. Kapag kausap ko naman sila sa phone noon, ayos lang ang lahat. Pero hindi pala. Nakalakihan ni Al na nananakit, naninigaw, at galit ang ipinakikita sa iba para makuha ang gusto. Nakalakihan ni Al na akala niya, normal lang na sinasaktan ako ng papa nila at nakalakihan niyang nananakit na hanggang sa pagtanda niya, nadala niya."
Hinaplos ni Cinni ang tiyan niya. Hindi rin niya alam kung bakit, pero mabilis ang tibok ng puso niya habang pinakikinggan ang mama ni Alper.
"Tuwing may gusto ang papa nila noon na hindi ko naibibigay, sinasaktan niya ako sa harapan ng mga anak namin. Naging normal 'yun lalo sa harapan ni Al. Sa huli, ibibigay ko ang gusto ng asawa ko para matapos na lang, para wala nang discussion. Hindi ko naman alam na tatatak iyon kay Al na hanggang sa pagtanda niya, nadala niya."
"N-Na kapag hindi po niya nakuha ang gusto niya, nagagalit siya at naninigaw, to the point po na mananakit?" tanong ni Cinni.
Tumango ang mama ni Alper. "Tinulungan ko naman siya, ilang beses nang nakausap, kaso nalayo lalo si Al sa amin noong magtrabaho. Naisip ko nga, nagkulang talaga ako bilang nanay kaya naging ganiy—"
"Matanda na po si Al, Tita. Dapat alam na po niya ang tama at mali." Umiling si Cinni. "Sa totoo lang po, araw-araw kong iniisip kung ano po ba ang magiging pakikitungo niya sa akin."
Lumambot ang expression ng mukha ng mama ni Alper habang nakatingin sa kaniya. Hinawakan nito ang kamay niya at hinaplos iyon.
"Sana hindi na maulit, Cinni. Ilang beses na rin kitang kinausap tungkol dito, e. Kapag pinagbuhatan ka ng kamay kahit isang beses, mauulit iyon. Based on experience." Mahinang natawa ang ginang. "Sa susunod na pagbuhatan ka ng kamay ni Alper, please lang."
Hindi sumagot si Cinni at nanatiling nakatingin sa ginang na nakayuko at panay ang haplos sa kamay niya. Mahina itong humihikbi habang ikinukuwento ang sinapit sa dating asawa na may iba na ring pamilya.
"Sa susunod na pagbuhatan ka ulit niya ng kamay, umalis ka na. Hindi kita itinataboy, Cinni. Gustong-gusto kita para kay Al dahil nakita ko ang pagbabago sa kaniya, pero kung dadanasin mo sa kamay ng anak ko ang dinanas ko noon," umiling ito at sunod-sunod ang pagbasag ng luha, "hindi ako papayag. Hindi ako papayag na maranasan mo 'yun."
Tumango si Cinni at iniba nito ang usapan. Napansin na rin niya na hindi pinag-uusapan ang dati nitong asawa, kahit si Alper ay hindi ito nababanggit.
Sa unang pagkakataon, nagkuwento ang mama ni Alper tungkol sa dinanas nito. Bukod sa pananakit ng dating asawa, babaero din ito, at halos hindi kayang buhayin ang pamilya.
Iyon ang rason kung bakit nito naisipan na mangibang-bansa at iwanan ang pamilya.
Nakaharap si Cinni sa laptop habang nakaupo sa kama at nakasandal sa headboard. Mahimbing na natutulog si Alper kaya naman kahit anong ingay ay pinipigilan niya.
Dating call center agent, naging digital marketer si Cinni. Nag-aral siya kung paano maging social media manager at iyon ang nakuha niyang trabaho.
Kung tutuusin, doble ng dati niyang suweldo ang bagong kinikita. Nag-iipon siya para sa panganganak dahil nawalan siya ng health card pagkatapos mag-resign.
Kung tutuusin, wrong move, pero nahihirapan siya sa pagpasok sa opisina. Mayroon naman siyang sariling ipon at nadadagdagan pa dahil sa bago niyang trabaho.
"Kumain ka na ba? Anong oras na ba?"
Nilingon ni Cinni si Alper na mas lumapit sa kaniya at nakapikit pa rin. "Almost one na rin ng hapon," sagot niya. "Oo, kumain na kami ng mama mo."
"Hmm." Bumalik ito sa pagtulog, pero nakayakap ang isang braso sa legs niya.
Nagpatuloy si Cinni sa ginagawa. Bukod sa pagtatrabaho, nagtitingin siya ng mga damit online na puwede niyang bilhin.
Sumisikip na ang underwear niya dahil nagkakalaman siya, lumalaki ang tiyan niya, pati na ang dibdib niya. Halos damit na ni Alper ang ginagamit niya dahil mas komportable siya sa maluwag na damit. Shorts at T-shirt nito ang pambahay niya.
"Busy ka ba?" tanong ni Alper.
"Hmm? Sakto lang," sagot naman ni Cinni at nagpatuloy sa pagtipa sa keyboard. "Naghahanap lang ako ng damit ngayon. Sumisikip na kasi lalo mga pants ko."
Dumilat ang mga mata ni Alper at nakatitig ito sa kaniya. "Wala akong pasok mamaya. Gusto mong umalis ngayon? Hanap na lang tayo sa mall para makahanap ka?"
Halata sa boses nito ang antok at kaagad na yumakap ang braso sa baywang niya na nakasubsob pa ang mukha sa tiyan niya mismo.
"Nami-miss kita sa office," bulong ni Alper. "Labas naman tayo. Hindi ka ba nabuburyo rito sa bahay?"
"Hindi naman." Isinara ni Cinni ang laptop at inilagay iyon sa bedside table. "Sige, labas tayo. Gusto ko talaga bumili ng mga damit ko."
"Sige." Bumangon si Alper at hinalikan siya sa pisngi. "Tingin na rin kaya tayo ng gamit ni baby? Kahit 'yung white lang na mga damit, gano'n?"
Nagsalubong ang kilay ni Cinni at mahinang natawa. "Almost five months pa lang ang tiyan ko, matagal pa 'to! Kahit mga seven months na lang tayo bumili ng gamit ni baby!"
Napaisip si Alper at umiling. "Kahit isa lang."
"Ano'ng gagawin mo ro'n?" natatawang sagot ni Cinni at tumayo.
Kumuha siya ng damit sa closet at humarap sa salamin. Napansin niya ang paglaki ng pisngi niya dahil sa pagbubuntis.
"Ang taba ko na," aniya habang nakaharap sa salamin. Ngumuso siya at nag-make face. "Feeling ko, isang araw, lalaki na 'yung ilong ko."
Yumakap si Alper sa kaniya mula sa likuran. Pareho silang nakaharap sa salamin. Wala itong sinabing kahit na ano, nakatitig lang sa kaniya habang hinahaplos ang tiyan niya.
Maingat na inangat ni Alper ang tiyan niya na para bang inaalalayan siya. May bigat na iyon kaya masarap sa pakiramdam ang ginawa nito.
Sumandal si Cinni sa balikat ni Alper at napapikit.
"Balak ko na ring magpagupit para sanay na ako bago lumabas si baby," bulong ni Alper.
Nagsalubong ang tingin nilang dalawa sa salamin. "Pero sabi mo, hindi ka magpapagupit? Four years mo ring pinahaba 'yang buhok mo."
"Okay lang, para hindi tatama sa mukha ni baby," kalmadong sabi ni Al. "Bihis na tayo para makapunta tayo sa mall.
Bumitiw si Alper kay Cinni at lumabas ito ng kuwarto. Nanatili siyang nakaharap sa salamin at tinitingnan ang sarili. Bahagyang inangat ni Cinni ang tiyan at halatang-halata na ito. Bigla niyang naalala si Keith.
Sa maternity shoot nito noong ipinagbubuntis ang anak, kasama siya. May picture pa silang dalawa. May sumpaan pa sila na kapag siya naman ang nagbuntis, magpi-picture ulit sila.
Buhat ni Keith ang sariling anak habang ipinakikita naman ang tiyan niya dahil siya naman ang nagdadalang-tao.
Pero hindi na iyon mangyayari dahil kinamumuhian siya nito.
Tuluyan nang kumalat sa lahat ang nangyari sa kanila ni Chase. Maraming naiinis sa kaniya, maraming galit, at naiintindihan niya ang mga ito. Lantaran pang sinasabi na nakadidiri siya at nakakainis. Ilan na rin ang nagsabi na hindi na sana sila magtagpo ni Chase at sana ay huwag na silang magbalikan.
Walang balak si Cinni sa bagay na iyon.
Hindi na niya babalikan ang taong sinaktan niya dahil hindi nito deserve na masaktan ulit at magkaroon ng doubts. It was her fault.
Nakakainis siya, oo. Paulit-ulit na rin niyang naririnig na para bang hindi pa niya alam.
Nakakadiri siya? Oo. Alam niya iyon at hindi niya lilinisin ang pangalan niya.
Kapag lalaki ang nagkamali at nangaliwa, iba ang tingin; normal naman, dumadaan sa ganoong phase, puwede namang patawarin, puwede namang pagbigyan ulit.
Kapag babae, malandi, nakakainis, nakakairita, hindi dapat kaawaan, nakakadiri, pakawala, nakakasuka, pokpok, at marami pang iba. Ang tipo ng taong hindi dapat pagbigyan ulit dahil nakadidiri.
Cinni wouldn't justify what she did. Cheating was a choice. It was a choice she made, and it was a mistake she wouldn't be able to escape. It would be written all over her—the dirty woman who chose to cheat.
"Keith, o." Mahinang natawa si Cinni. "May ipapangalan na ako sa 'yo. Sana hindi ka mas magalit na second name pa rin ng baby ko ang name mo."
Hinaplos niya ang tiyan at kinagat ang ibabang labi. Pinilit niya ang sarili na huwag umiyak.
Habang naglalakad sa mall, nakita niya ang pamilyar na mukha ng isa sa mga kaibigan ni Chase noong college. Kilala itong babaero at papalit-palit ng babae. Kilala itong nakikipag-usap sa iba kahit may girlfriend, kilala itong kung kani-kanino sumasama.
Nakatingin ito sa kaniya mula ulo hanggang paa bago umiwas na parang hindi siya kilala. Nilingon nito si Alper at ganoon din ang ginawa.
"Ayos ka lang?" seryosong sabi ni Alper habang nakatingin sa kaniya.
Tumango si Cinni at pinilit ang sariling ngumiti. "Oo. Nakapili na rin pala ako ng damit. Gusto ko na rin kaagad umuwi."
"Kararating lang natin dito," ani Alper na parang nagtataka kung bakit. "May problema ba?"
"Wala naman. Mas gusto ko lang sa bahay kasi mas gusto ko na lang humiga." Ngumiti siya. "Drive thru na lang tayo ng pagkain. Sa kotse na lang ako kakain."
Tumango si Alper at inaya na muna siyang magpunta sa baby section. Panay ang hawak nito sa crib, nagtatanong pa sa mga sales lady tungkol sa magandang baby bottle, at ipinakikita sa kaniya ang mga stuffed toy.
Cinni was certain that Alper loved the baby inside her.
From watching Alper check some good liquor to good brands of baby's needs. From looking forward to parties to looking forward to the baby's arrival.
"Ang ganda nitong crib, o!" Nakangiti si Alper at hawak ang puting crib na kahoy. "Medyo mahal, pero parang sakto 'to sa kuwarto natin o kaya sa condo."
Tumango si Cinni at nakahawak sa cart na tulak-tulak.
"Ang dami mong biniling damit para sa baby," paninita ni Cinni. "Puro white. Ang cute!"
"Ikaw kaya, kailan kita makikitang nakaputi?"
Nagtaka si Cinni. "Ha?"
"Kapag kinasal, ganoon," seryosong sabi ni Alper habang nakatingin sa kaniya. "Kapag kinasal tayo."
—
T H E X W H Y S
www.thexwhys.com
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top