Chapter 11: Choice
Lumapit si Alper kay Cinni at hinawakan nito ang braso niya. Malamlam ang mga mata nitong nakatitig sa kaniya. "Ano ba'ng nangyayari, Cinni?" mahinahong sambit ni Alper habang nakatitig sa kaniya. "Sabihin mo sa akin. Ano'ng nangyayari?"
Naramdaman ni Cinni ang paglambot ng tuhod niya. Humawak siya sa railing kung saan sila nakaharap ni Alper at kaagad naman nitong pinigilan ang pagbasak niya.
"Cin," bulong ni Alper sa balikat niya nang yumakap siya nang mahigpit. "Sabihin mo sa akin kung ano ang nangyayari."
Humikbi si Cinni at ipinatong ang noo sa balikat ni Alper. "Gusto kong umuwi," aniya. "P-Pakiramdam ko, buntis ako."
Katahimikan.
Katahimikan ang namayani sa kanilang dalawa, pero naramdaman ni Cinni ang higpit nang yakap ni Alper sa kaniya. Marahang humahaplos din ang kamay nito sa likuran niya na para bang pinatatahan siya sa paghikbi.
Walang kahit na ano mang salita, humiwalay si Alper sa kaniya at tinanggal nito ang suot na jacket para isuot sa kaniya.
Kita ni Cinni ang pagiging seryoso ng mukha nito at hinawakan ang kamay niya bago siya hinalikan sa pisngi.
"Bili tayo ng test mamaya bago umuwi." Mababa ang boses ni Alper. "Uwi na rin kaagad tayo."
Suminghot si Cinni at nagsalubong ang kilay. "'Di ba, may inuman kayo mamaya?" aniya at pinunasan ang luha. "Nag-agree ka na kay OM."
"Hindi na ako sasama. Bili na lang tayo ng test mamaya para ma-confirm tapos uwi na kaagad tayo," sagot ni Alper at pinisil ang kamay niya.
Pinunasan muna ni Cinni ang mukha bago sila tuluyang bumalik sa trabaho. Pareho silang nag-focus sa trabaho at kahit na lumilipad ang isip niya, kailangan niyang magtrabaho. Walang calls si Alper dahil busy naman ito sa pakikinig sa QA ng team nila at paminsan-minsan itong lumilingon para haplusin ang likod niya.
Takot ang nararamdaman ni Cinni at gusto niyang maging negatibo ang resulta ng pregnancy test.
Pilit niyang iniisip kung nag-skip ba siya ng pill. Malamang na oo, pero hindi niya alam kung kailan. Sa dami ng tumatakbo sa isip niya, isa pa iyon sa nakalimutan niya.
It was her fault.
Pagkatapos ng shift, lumapit kay Alper ang mga kaibigan nito para tawagin at ayain na sa umagang inuman. Suweldo nila at naging routine na iyon.
Nagpaalam na rin muna si Cinni para pumunta sa comfort room. Hindi rin niya alam kung tutuparin ba ni Alper ang sinabi nitong hindi sila sasama sa inuman.
Laking gulat niya nang makita si Alper na nakasandal harapan ng pinto ng comfort room paglabas niya.
"Tara na?" tanong ni Alper.
"Hindi ka sasama sa kanila?"
Umiling si Alper at hinawakan ang kamay niya. Sabay silang naglakad palabas. "Hindi. Diretso na lang tayo ng pharmacy na madadaanan natin. May gusto ka bang kainin?"
"Gusto ko lang kumain ng pancake," sagot ni Cinni. "Sure ka bang hindi ka sasama sa kanila? Kaya ko naman mag-isa."
"Hindi. Sabay natin alamin," anito at sumeryoso ang mukha habang patagilid na nakatingin sa kaniya. "Para kung meron man, makapagpa-checkup na kaagad tayo."
Walang naisagot si Cinni sa sinabi ni Alper. Ayaw niyang ipahalata ang takot at kaba sa sitwasyon. Hindi niya gustong magbuntis, pero dahil tanga na naman siya, mukhang iyon na nga ang kahihinatnan niya.
Sa sasakyan, nanatiling tahimik si Cinni at ganoon din si Alper. Minsan itong sumusulyap sa kaniya, pero hindi magsasalita.
Dumaan sila sa isang fast-food chain. Pancake lang ang order ni Cinni, pero nagpasobra si Alper ng iba pang puwede niyang kainin.
Si Alper na lang din ang bumili sa pharmacy dahil kumakain si Cinni. Ginawa niyang excuse iyon dahil ang totoo, ayaw niyang bumaba. Mas lalong nadadagdagan ang takot niya.
Late na sila nakauwi at nakaalis na ang mga kapatid ni Alper pag-uwi nila. Nag-message naman ang mama nito na nagpunta sandali sa palengke sandali kaya silang dalawa lang ang nasa bahay.
Kaagad na dumiretso si Cinni sa bathroom hawak ang maliit na paper bag.
Kaagad na pumasok si Cinni sa loob ng bathroom hawak ang paper bag na iniabot ni Alper sa kaniya. Mayroong tatlong pregnancy test kit doon.
Humarap siya sa salamin at huminga muna nang malalim. Sinunod niya ang instruction sa likuran ng puting pakete.
Cinni peed on a cup and used a dropper to transfer her urine on the kits.
It was the longest five minutes of Cinni's. Tinalikuran niya ang counter dahil ayaw niyang makita ang resulta. Nag-set pa siya ng alarm para lang masunod ang oras. Her fingers were crossed, hoping she was just tired and the results were negative.
The alarm went off, and when she saw the lines, Cinni sighed and shut her eyes for one good minute.
Lumabas siya ng banyo hawak ang tatlong stick at iniabot iyon kay Alper bago siya dumiretso sa kusina para uminom ng tubig.
Ni hindi niya tiningnan si Alper. Nanginginig ang mga kamay niya habang nakatingala para lang malagok ang tubig na iniinom hanggang sa kahuli-hulihang patak.
"Aakyat na muna ako," ani Cinni pagkatapos hugasan ang basong ginamit.
Hindi na niya hinintay na sumagot si Alper. Gusto na lang niyang mahiga at hindi na nga nagawang magpalit ng damit. Basta na lang niyang tinakpan ang sarili ng kumot at ipinikit ang mga mata.
Narinig niyang bumukas ang pinto at lumubog ang kama sa tabi niya. Tumabi si Alper sa kaniya at ipinalibot nito ang braso sa baywang niya habang hinahalikan ang likod ng ulo niya.
The test gave them a positive result, and Cinni didn't want to say anything. She just wanted to shut down for a moment . . . to rest a little.
"Magpapaluto ako ng sabaw kay Mama," bulong ni Alper. "Ano'ng gusto mo? Nilaga? Sinigang?"
"Kahit ano," sagot niya at nanatiling nakapikit. "Matutulog na muna ako. Puwede ba?"
Naramdaman niya ang paghaplos ni Alper sa tiyan niya. Walang kahit na anong salita, pero marahan nitong hinahaplos iyon gamit ang hinlalaki.
Gising ang diwa ni Cinni, pero pagod ang katawan niya. Nararamdaman niya ang bawat galaw ni Alper sa kuwarto nila, pero mas minabuti niyang magpahinga.
—
"Kumusta ang pakiramdam mo?" tanong ni Alper na hinaplos ang buhok niya nang makitang gising siya. "Nag-file ako ng leave natin kaya hindi tayo papasok mamaya."
Maingat na naupo si Cinni at humikab. "Anong oras na ba? Bakit hindi tayo papasok?"
"Pahinga ka muna," anito at hinalikan ang gilid ng noo niya. "Nagluto si Mama ng nilaga. Gusto mo iakyat ko rito o sa baba na lang tayo?"
Kinusot ni Cinni ang mata niya at muling humikab. Humiga rin muna siya at niyakap ang isang unan. Nakatingin sa kaniya si Alper.
"Dito na lang muna." Pumikit si Cinni. "Inaantok pa ako."
"Sige, iaakyat ko na lang." Tumayo si Alper at inayos ang unan sa gilid ng kama.
Paglabas ni Alper, hinaplos ni Cinni ang tiyan niya. Gusto niyang isiping panaginip lang ang lahat at sana ay hindi totoo, pero base sa akto ni Alper . . . mukhang hindi panaginip na buntis siya.
Tumalikod si Cinni dahil hindi niya mapigilang maluha. Ayaw niyang makita ni Alper iyon dahil baka magalit na naman ito sa kaniya, pero hindi na niya mapigilan.
Wala siyang mapagsabihan at wala siyang ibang makausap.
Habang kumakain, tahimik na nakatingin si Cinni sa TV. Nanonood sila ni Alper na nakaupo sa gilid niya dahil tapos na itong kumain.
"Umiyak ka na naman." Mahina ang boses ni Alper habang nakatingin sa TV. "Ayaw mo ba sa kaniya?"
Ramdam ni Cinni hanggang sa tainga niya ang tibok ng puso dahil sa kaba. Hindi kaagad siya nakasagot dahil sa kaba at nang lingunin niya si Alper, diretso ang tingin nito sa TV.
"Mahal kita, Cinni." Mababa ang boses ni Alper at sinalubong ang tingin niya. "Hindi kita tatakbuhan kung 'yan ang iniisip mo."
Yumuko si Cinniat hinalo ang sabaw. Gusto niya ang pakiramdam na humahagod iyon sa lalamunan niya at naiinitan ang sikmura niya.
"Alam kong nasabi mong hindi ka pa handa noon. Pero ngayong nandito na, aayaw ka pa rin ba?" tanong ni Alper at hindi nagbabago ang tono ng boses nito. "Puwede ba—"
Nilingon ni Cinni si Alper at nagsalubong ang tingin nilang dalawa. Kaagad na bumagsak ang luha niyang pinipigilan. Nangunot ang noo ni Alper habang nakatitig sa kaniya.
Pareho silang tahimik.
"N-Natatakot ako," pag-amin ni Cinni. "Hindi ako marunong mag-alaga ng bata. Hindi k-ko pa kaya maging nanay, Al."
Mahinang natawa si Alper at lumapit sa kaniya. Umakbay ito sa balikat niya at hinalikan siya sa pisngi. "Magkasama naman tayo, 'di ba? Open naman ako sa pagkakaroon ng anak at alam mo 'yun."
Walang tugon si Cinni sa sinabi ni Alper. Hinalikan nito ang gilid ng noo niya at sinasabing magiging maayos din ang lahat.
Sana.
Iyon ang nasa isip ni Cinni. Sana.
Mayroong takot. Takot na baka saktan pa rin siya ni Alper kahit na ipinagbubuntis niya ang anak nila.
Naligo si Cinni pagkatapos kumain. Naabutan niya ang mama ni Alper sa sala at nangumusta ito. Wala itong ideya sa sitwasyon niya dahil sinabi ni Alper na wala pang sinasabihan.
Ipinagpapasalamat ni Cinni na hindi siya nakapasok. Kung tutuusin, bawal na siyang mag-absent dahil naparami na noong mga nakaraang buwan.
Sa antok, ni hindi namalayan ni Cinni na nakatulog na siya. Naramdaman niya ang paghaplos ni Alper sa tiyan niya at nakasubsob pa ang mukha nito sa leeg niya.
"Anong oras na?" Inaantok ang boses ni Cinni.
Nakita niya ang liwanag na nanggagaling sa bintana. Umaga na naman. Panibagong pagharap na naman sa kinabukasang walang kasiguraduhan.
"Nine," sagot ni Alper at nag-angat nang tingin. "Ang tagal mong nakatulog. Epekto ba ng pagbubuntis?"
"Hindi ko alam." Pumikit si Cinni. "Ngayon ba tayo magpapa-checkup? Wala akong kilalang OB."
"Nag-search na ako," sagot naman ni Alper. "Nagtingin ako ng may magandang reviews. Sakop naman ng health card mo 'yung pupuntahan natin."
Tumango si Cinni at muling ipinikit ang mga mata. Mas lumapit naman sa kaniya si Alper at niyakap siya nito nang mahigpit na mahigpit.
Muli, katahimikan ang namayani.
Katahimikan na lang muna ang gusto ni Cinni, walang iba.
—
"Based sa naaalala mong last menstruation mo, that's more than four weeks," sabi ng babaeng doctor. "Mag-perform tayo ng ultrasound para na rin masiguro."
May-edad na ito at maputi na ang mga buhok. Malinis ang facility dahil maganda ang clinic. Ito iyong mga clinic na nasa mall at madalas na roon konektado ang health card nila. Wala silang babayaran ni Alper dahil kasama iyon sa benefits nila bilang employee.
Hindi sila kasal, oo, pero mayroon siyang sarili at iyon ang gagamitin niya.
Inutusan din siya ng doctor na gawin ang laboratory tests para sa blood chemistry at isa na roon ang serum para sa kumpirmasyon bukod sa urine pregnancy test.
Walang masyadong tao at panay ang hikab ni Cinni. Inihiga niya ang ulo sa braso ni Alper na kaagad sinapo ang mukha niya at hinaplos pa ang pisngi niya.
"Kaya pala palagi kang inaantok habang nasa office." Mahinang natawa si Alper. "Kaya pala panay ang luto mo ng pancake nitong mga nakaraan. Sa pancake mo ba ipaglilihi anak natin?"
Mahinang tawa lang ang isinagot ni Cinni at muli niyang ipinikit ang mga mata.
"Baka team puyat din 'yan si baby kasi palagi tayong gising sa magdamag," dagdag ni Alper. "Sa mga susunod, hindi na ako sasama sa inom para makauwi ka kaagad."
Nagsalubong ang kilay ni Cinni, pero hindi siya sumagot.
Napatitig siya sa kamay niyang na hinawakan ni Alper at ipinagsaklop pa nga iyon. Humahaplos din ang hinlalaki nito sa kamay niya habang tahimik nilang hinihintay ang resulta ng tests.
Isang oras ang inabot at panay na rin ang tayo ni Cinni dahil naiinip siya. Si Alper na ang kumuha ng resulta sa laboratory window. Na-schedule na rin siya para sa ultrasound.
Halos buong maghapon silang nasa clinic at nakumpirma nila ang pagbubuntis niya. Apat na linggo na ang sanggol sa sinapupunan niya.
Panay ang hiling ni Cinni na sana ay negatibo o kahit man lang sana false positive ngunit marinig niya ang heartbeat na nanggagaling sa tiyan niya.
Sandaling umiyak si Cinni sa loob ng ultrasound room. Gusto niyang sarilinin muna ang sandali at isipin kung kakayanin ba niya.
Kakayanin . . . dahil iyon lang ang choice niya.
Sa kotse, kita ni Cinni ang tuwa ni Alper nang makumpirmang buntis siya. Panay ang hawak nito sa kamay niya at halik pa nga. Ilang beses din nitong itinanong kung gusto ba niyang kumain, pero sinabi niyang gusto na lang niyang magpahinga dahil iyon ang totoo.
Kailangang iproseso ni Cinni ang katotohanang malaki ang nagbago simula nang mangyari ang hindi dapat.
Malaki ang nagbago . . . pagbabagong wala sa plano.
—
Isang linggo ang lumipas at nagigising si Cinni na nahihirapan dahil sa pagbubuntis. Ang simpleng pagligo ay kinatatamaran niya at ang simpleng pagkain ay inaayawan pa niya.
Sa tuwing gigising siya, ready na ang pagkain sa kuwarto nila ni Alper. Maasikaso ito sa kaniya, hindi siya binibigyan ng sakit ng ulo, at kahit lahat sa office, nakagugulat na hindi ito sumasama sa inuman.
The past week, ever since Alper learned about the pregnancy, he became tamed and he was always by her side. Sa pagkain ni Cinni, si Alper ang umaasikaso. Panay ang tanong nito kung ano ang gusto niya at kung may nararamdaman ba siya.
Walang ibang nararamdaman si Cinni kung hindi antok at alam iyon ni Alper. Kaya ang kuwarto nila, mas madilim dahil triple na ang kurtina. Hindi na rin ito nanonood ng movie kapag hindi makatulog, at madalas na lang na nakahigang katabi niya.
Tumayo si Cinni para mag-ayos dahil papasok sila sa office nang hawakan ni Alper ang kamay niya at hilahin siya para mapaupo sa legs nito nang patagilid.
"Bakit?" nagtatakang tanong ni Cinni.
Umiling si Alper at hinalikan siya sa pisngi. "Thank you kasi hindi mo inisip na alisin si baby."
"Hindi naman pumasok sa isip ko 'yun," sagot ni Cinni. "Anak ko 'to, e."
"Anak kaya natin." Mahinang natawa si Alper. "Gusto kong magkaanak, Cinni. Gustong-gusto ko tapos ibibigay ko rin sa kaniya lahat . . . lahat ng hindi ko naranasan."
Inihilig ni Cinni ang ulo sa balikat ni Alper. "Tulad ng?"
"Atensyon." Huminga nang malalim si Alper. "Cinni?"
"Hmm?"
"Thank you for choosing me." He breathed. "Thank you kasi ako ang pinili mo."
—
T H E X W H Y S
www.thexwhys.com
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top