Chapter 1: Chase
NANINGKIT ang mga mata ni Cinni habang nakatingin sa whiteboard. Kasisimula pa lang ng unang klase ng semester nila ay inaantok na kaagad siya. Wala pa ngang ginagawa, masakit na kaagad ang ulo niya. Hindi pa nga nag-uumpisa, pagod na siya.
Isang factor siguro na hindi niya gusto ang kursong pinasukan. Wala lang talaga siyang choice dahil iyon lang ang kaya ng braincells niya.
Engineering sana ang kukunin niyang course, pero hindi siya pumasa sa entrance exam. Binigyan na lang siya ng option ng courses na pupuwede niyang kunin.
Hotel and Restaurant Management ang napili ni Cinni. Okay naman siya sa pagluluto at tingin niya naman ay magiging masaya iyon dahil maganda rin ang uniform.
Nakita niya ang upper classmen niya at natuwa siya dahil mukhang chef na talaga ang mga ito.
Nilingon ni Cinni si Marikeith na kararating lang. Ito na ang naging kaibigan niya simula nang makapasok siya sa university. Pareho sila ng course at ito ang nagtuturo sa kaniya sa mga bagay na hindi niya alam.
"Ang tagal mo!" Sinimangutan niya si Keith. "Sana wala si ma'am. Inaantok ako."
Umupo sa tabi niya si Keith at inabutan siya ng chewing gum. Nagkuwentuhan sila at pinag-usapan ang semestral break na hindi naman naramdaman ni Cinni dahil marami siyang ginawa.
Bumukas ang pinto ng classroom at natigilan siya sa pagsasalita. Napatitig siya sa lalaking pumasok. Seryoso ang mukha nitong naghahanap ng upuan bago nakita ang bakante sa bandang harapan na malapit sa bintana.
Bumagay sa lalaki ang puting uniform dahil mas nagmukha itong malinis. Maayos din ang pagkakagupit ng buhok, simple lang ang dating, pero kaagad napukaw ang pansin niya.
Ngumiti si Cinni at kaagad siyang sinita ni Keith. Mahina nitong tinapik ang braso niya.
"Ano na, 'te?" natatawang sabi nito. "Crush mo?"
"Hindi, gagi! Napatingin lang, e," depensa naman niya. "Pero bagay kasi sa kaniya 'yung uniform. Mukha siyang malinis."
Mahinang natawa si Keith at tinaasan siya ng kilay. Wala nang sinabing kahit na ano lalo nang dumating na ang professor nila.
Iyon ang unang beses niyang nakita ang lalaki. Palagi naman siyang naglalakad sa hallway ng building dahil naghahanap talaga siya ng pogi, pero first time niya itong nakita.
Naisip ni Cinni na base sa itsura nito, ito ang lalaking madalas sa library o hindi naman kaya ay may sariling mundo, hindi tulad niya na kung saan-saan mahahagilap.
"Hindi siguro kami bagay," bulong niya sa sarili. "Imagine, gusto niya sa library kasi tahimik. Ako naman gusto ko ng daldalan. Waley na waley."
Gulat na napailing si Cinni dahil sa naisip. Mahina pa siyang natawa sabay kagat sa ibabang labi niya. Kung ano-ano ang naiisip niya, ni hindi nga niya alam ang pangalan nito.
Sinapo ng palad niya ang sariling baba at nakinig sa professor nila sa Accounting. Alam na niya sa sarili na posibleng bumagsak siya rito dahil hindi kaya ng braincells niya iyon.
"Chase Eric Dimaguiba."
Natigilan sa paghikab si Cinni nang tumayo ang lalaking tinitingnan niya.
"Chase." Pinigilan niya ang pagningiti. "Ganda naman pangalan. Lakas makasosyal! Parehas kaming letter C. Angas! Soulmate."
Muling kinagat ni Cinni ang ibabang labi. Alam niyang mukha siyang tangang nakangiti habang iniisip na i-FLAMES ang pangalan nilang dalawa ni Chase.
Nang hindi matiis ni Cinni, kahit na ongoing ang klase ay inilabas niya ang binder notebook niya at ang glittered sign pen para magsulat.
Cinni Ester Romero.
Isinulat din niya ang buong pangalan ni Chase at binilang ang mga letter na pareho sila bago binilang ang nasa FLAMES.
F is for friends, L for lovers, A for affectionate, M for marriage, E for enemies, and S for siblings.
Muling ipinatong ni Cinni ang baba sa palad habang nakatingin sa papel. Binibilang niya kung ilang letter ang natira at ngumuso dahil sa resulta.
"Ano ba 'yan? Friends," aniya nang mabilang ang sa sariling pangalan. "Dapat lovers, e."
Mahina siyang humagikgik habang nagbibilang at ngumiti dahil sa resulta ng kay Chase. A ang lumabas—affectionate.
"Puwede na," aniya at binilang naman ang resulta ng lahat. Nakaramdam siya ng kilig nang letter M naman ang lumabas. "Marriage. Sabi na, e. Tayo talaga."
***
KINAGAT ni Cinni ang ibabang labi nang maalala kung paano niya unang beses na nakita si Chase. Simula noong araw na iyon, hindi na ito naalis sa sistema niya.
"Okay ka lang?" tanong ni Alper habang nagmamaneho. Hinawakan nito ang kamay niya. "Uwi muna tayo sa bahay. Magpahinga ka na rin muna."
Tipid na tumango si Cinni at ibinalik ang tingin sa daan dahil paulit-ulit na tumatakbo sa isipan niya ang nangyari. Mula sa proposal ni Chase, hanggang sa ginawa niyang pag-alis sa bahay nila para sumama kay Alper.
Masasakit ang mga nabitiwan nilang salita sa isa't isa at hindi na iyon mababawi pa. Alam niya sa sarili na kasalanan niya ang lahat ng iyon. Nasaktan niya si Chase at hindi niya ipagtatanggol ang sarili sa parteng iyon.
She cheated on the man who begged to marry her all because she found the freedom she thought she deserved.
Ang makitang nakaluhod si Chase at nagmamakaawa ang huling scenario na gusto niyang makita. Ibang pagluhod ang inaasahan niya at hindi sa ganoong sitwasyon.
Tumulo ang luha ni Cinni ngunit kaagad niya iyong pasimpleng pinunasan para hindi makita ni Alper.
Ilang beses niyang sinubukang makipaghiwalay na kay Chase, pero laging hindi natutuloy. Ilang beses niyang inisip na basta na lang itong iwanan pero hindi sila nabigyan ng pagkakataon. Kung hindi pa siya nahuli sa akto ay hindi pa niya ito mahihiwalayan.
Muli niyang kinagat ang ibabang labi.
Habang siya ay iniisip na makipaghiwalay sa lalaking nakasama niya nang walong taon, iniisip naman nitong mag-settle down nang magkasama sila.
Pansariling kasiyahan lang ang iniisip niya at nasaktan ang taong gusto siyang pakasalan.
Nilingon ni Cinni si Alper na naunang bumaba ng kotse. Tumigil sila sa isang apartment na may tatlong kapitbahay. Para itong townhouse na may dalawang palapag. Unang beses pa lang niyang nakarating doon.
Sumandal si Alper sa kotse at nagsindi ng sigarilyo habang hinihintay siyang bumaba. Ilang beses munang huminga nang malalim si Cinni bago ito sinundan.
"Okay ka na?" tanong ni Alper at hinaplos ang kaniyang buhok. "Pasok na tayo sa loob. Magpahinga na rin tayo. Inaantok na ako."
Tumango si Cinni at tinanggap ang kamay ni Alper na nakalahad.
Pagpasok sa gate, mayroong mga nakasampay na damit at washing machine na nakalagay sa balcony. Mayroon ding asong nakatali na tinahulan pa siya kaya sinuway ni Alper.
Muli itong humithit mula sa paubos na sigarilyo at bumuga ng makapal na usok bago tuluyang binuksan ang screen door ng bahay.
"Ma, si Cinni," pagpapakilala ni Alper sa kaniya sa may-edad nang babae na kaagad tumayo para salubungin sila. "Girlfriend ko."
Tiningnan ni Cinni si Alper.
Nilapitan niya ang may-edad na babae at tinanggap ang kamay nitong nakalahad para sa shake hands.
Nakasuot ito ng daster na may floral print. May mga puti na ang nakaipit nitong buhok at maamo ang mukha, malayo sa itsura ni Alper, iyon ang napansin niya.
"Kumain na ba kayo? Gusto mo bang bumili ako kay Aling Salme?" tanong ng matanda. "Gusto m—"
"Matutulog na kami," sabi ni Alper at hinawakan ulit ang kamay niya para ayain paakyat. "Ma, kuha ka nga ng damit kay April para may magamit si Cinni."
Tumango ang mama ni Alper at ngumiti. Nagpaalam si Cinni at sumunod na lang paakyat.
Mula sa hagdan, mayroong tatlong pinto. Pumasok sila ni Alper sa kanan at kaagad nitong binuksan ang aircon gamit ang remote na nakapatong sa drawer na mayroong TV at gaming consoles.
Pagsara ng pinto, humarap sa kaniya si Alper at mahigpit siyang niyakap. Panay rin ang halik nito sa gilid ng noo niya at bumubulong.
"Tayo naman," sabi nito. "Matulog na tayo. May pasok pa tayo mamayang gabi. Mabuti na lang, kasama na kita."
Humiwalay si Alper at basta na lang nitong tinanggal ang T-Shirt at naiwan ang jeans na suot sabay padapang nahiga. Walang sinabing kahit na ano, isinubsob na lang ang mukha sa unan.
"Alper, matutulog ka na ba?" tanong ni Cinni sa mahinahong boses at naupo sa gilid ng kama. "Puwede bang mag-usap muna tayo sandali?"
"Cin, puwede pagkagising na lang?" sagot nito at hinawakan ang kamay niya. "Masyadong maraming nangyari ngayon. Puwede bang huminga na muna tayo? Tabihan mo muna ako."
Tipid na ngumiti si Cinni. "Maliligo na muna ako. Hindi ako komportable dahil amoy yosi at alak ako," aniya. "Saan ang bathroom ninyo?"
"Sa baba," sagot nito at ibinalik ang pagkakahiga sa unan.
Ipinalibot niya ang tingin sa kuwarto ni Alper. Lalaking-lalaki ang may-ari. Bukod sa kalat-kalat ang ilang gamit, nakalagay lang kung saan ang mga magulong damit.
Sumagi sa isip niya si Chase na maayos sa mga damit nito at lahat ay nakatuping maayos sa closet. Kay Chase rin niya natutuhang magtupi nang maayos dahil masinop ito sa gamit nila.
Tumayo si Cinni at naghanap ng puwedeng isuot galing sa closet ni Alper. Nakakuha siya ng shorts at T-Shirt nito sa closet. Naghanap din siya ng towel, pero wala.
Ilang beses munang nag-isip si Cinni kung lalabas ba siya dahil nahihiya siya sa mama ni Alper.
Wala siyang choice kaya naman lumabas siya ng kuwarto. Walang ibang tao sa second floor at nakasara din ang isa pang pinto. Sumandal siya sa pader na nasa gilid ng pinto ng kuwarto ni Alper at huminga nang malalim.
Cinni's mind was clouded and she didn't even know what to do. Her mind was in chaos as she closed her eyes, trying to remember every word she spat on Chase.
"Hindi ka ganoon," bulong niya sa sarili. "Hindi ka ganito, Cin. B-Bakit?"
Humikbi si Cinni pero kaagad niyang pinigilan ang sarili. Phone lang ang dala niya nang umalis sa apartment nila ni Chase at wala na siyang mukhang maihaharap dito.
Bumaba siya at naabutan ang mama ni Alper nagtutupi ng mga damit sa living room habang nakikinig sa radio. Kaagad itong tumayo at ngumiti.
"Ayon 'yung banyo." Itinuro nito ang pinto sa tabi ng hagdan at kusina. Tumingin ito sa hawak niyang damit ni Alper. "Maglilinis ka ba ng katawan? May towel ka na ba?"
Umiling si Cinni at bahagyang yumuko dahil sa hiya.
Ngumiti ito at kumuha ng towel na galing sa mga naituping damit bago iabot sa kaniya. "May shampoo at sabon na bago diyan sa may maliit na cabinet sa likod ng pinto ng CR."
"Thank you po." Ngumiti si Cinni at pumasok sa bathroom.
Maganda ang bahay nina Alper. Mas malaki iyon sa apartment nilang dalawa ni Chase.
Napatitig si Cinni sa salaming nasa lababo ng CR nang maalala na naman ang sagutang nangyari, ang paghabol nito sa kotseng sinasakyan nila ni Alper, at ang pagluhod nito para ayain siyang magpakasal.
Sa ilalim ng shower, tahimik na humagulhol si Cinni dahil hindi na rin niya alam kung ano ang gagawin. Mali ang ginawa niya, mali ang naging desisyon niya, at paulit-ulit na nagre-replay sa isip niya ang mga salitang nabitiwan nila ni Chase sa isa't isa.
Maluwag ang T-shirt ni Alper sa kaniya, pero hindi na niya iyon pinansin. Paglabas niya, may naka-prepare nang champorado at baso ng tubig sa lamesa.
"Kain ka na muna. Bumili lang ako sa labas, pero dinagdagan ko 'yan ng gatas," sabi ng mama ni Alper. "Alma pala ang pangalan ko. Pasensya ka na, ha? Hindi ko masyadong naalala 'yung sinabi ni Alper na pangalan mo."
"Cinni po," aniya at naupo sa dining chair. "Thank you po rito."
"Wala 'yun. Matagal na ba kayo ni Alper?" tanong nito.
Umiling si Cinni pero hindi siya nagsalita.
Tumango-tango ito at nakangiting tumayo. Kumuha ito ng tinapay na nakalagay sa ibabaw ng counter ng kusina.
"May dalawang kapatid si Alper. Isang babae at isang lalaki, nasa school sila ngayon. Mamaya makikilala mo na rin sila," sabi nito. "Ano pala ang gusto mong lunch mamaya?"
"Huwag na po kayong mag-abala, matutulog na rin po muna ako kasi may pasok po kami ni Al mamaya," sabi niya habang hinahalo ang champorado. "Uuwi na lang din po ako kaagad bukas, Tita. Pasensya na po sa pag-crash dito."
Ibinaba nito sa lamesa ang ininit na tinapay mula sa oven toaster. "Walang problema. Baka mamaya hindi ka payagan ni Alper na umalis. Mag-stay ka lang kung gusto mo."
Ngiti lang ang naisagot ni Cinni sa mama ni Alper na bumalik sa living area para magpatuloy sa pagtutupi.
Habang kumakain, naalala niyang i-check ang phone niya. Puro iyon messages ni Chase na pinababalik na siya sa apartment nila at ayusin nila kung ano ang nangyari. Base sa messages, sinasabi nitong willing itong makinig at patatawarin pa siya.
Sumandal si Cinni at huminga nang malalim habang nakatingin sa phone niya. Inisip niya kung saan siya puwedeng pumunta pagkatapos ng lahat.
Her impulsive decisions led her somewhere she didn't expect.
Alam ni Cinni na hindi siya makatutulog dahil maraming tumatakbo sa isip nya. Maraming mali, maraming hindi pinag-isipan, at hindi niya alam kung saan papunta.
"Sana maging maayos ka lang," basag ng mama ni Alper sa katahimikan. "Kung sakali mang may problema ka, puwede ka namang magsabi sa akin, ha? Huwag kang maglilihim at huwag mong kikimkimin kapag mabigat na."
Nagtaka si Cinni sa sinabi nito, pero inisip niyang concerned lang siguro. Mukhang halatang umiyak siya.
"Thank you po," sagot ni Cinni.
"Kung sakali man, mas mabuti na rin kung makakauwi ka sa inyo. Baka mas maalagaan ka ng mga taong nandoon," dagdag nito nang hindi tumitingin sa kaniya. "Kasi 'yang si Alper, hin—"
"Ma!"
Sabay na tumingin sina Cinni at ang mama ni Alper sa hagdanan. Nakasimangot si Alper at halatang bagong gising.
"Cinni, akyat na," sabi nito. "Matulog ka na. May pasok pa tayo mamaya."
Tumango si Cinni at tipid na ngumiti. "Tapusin ko lang 'tong pagkain ko, aakyat na ako. Ayaw mo bang mag-almusal?"
Umiling si Alper at sinuklay ang may kahabaang buhok gamit ang mga daliri. Suot pa rin nito ang pantalon at walang pa ring itaas.
"Ayaw ko kumain. Umakyat ka na maya-maya," utos nito bago umakyat pabalik sa itaas.
Nakayuko naman ang mama ni Alper at hindi na ulit ito nagsalita hanggang sa matapos siyang kumain. Sinabi rin nito na iwanan na lang niya ang hugasin, pero siya pa rin ang gumawa.
Tumabi si Cinni kay Alper na kaagad siyang niyakap nang mahigpit na mahigpit. Nakasubsob ang mukha nito sa leeg niya at bumulong.
"'Wag kang aalis nang hindi nagsasabi sa akin. Delikado rito sa lugar at huwag kang makikinig kay Mama." Mahina ang boses nito. "Dito ka lang sa kuwarto sa tuwing nandito tayo."
Nilingon niya si Alper. "Bukas pala after work, uuwi na muna ako sa bahay namin."
Bahagyang bumangon si Alper at mataman siyang. "Ni Chase? Cinni, nandito ka na sa akin. Tingin mo . . . ibabalik kita roon?"
"Sa bahay ng parents ko," mahinahong sagot niya. "Uuwi na muna ako roon. Doon na muna ako tutuloy pansama—"
"Inuwi na kita rito, 'di ba?" ani Alper habang nakatingin sa kaniya. "Bakit aalis ka na naman? Dito ka lang. Gagawin kong sabay ang off at ang oras ng pasok natin." Isinubsob ulit nito ang mukha sa leeg niya, "Kunin natin mga gamit mo sa bahay ni Chase, dito ka titira."
"Pero hin—"
Huminga nang malalim si Alper at humigpit lalo ang pagkakayakap sa kaniya. "Cinni, mamaya na natin pag-usapan 'yan, puwede ba? Puwede bang matulog na muna tayo?"
Hindi sumagot si Cinni at huminga na lang din nang malalim.
"Namili ka na, nagdesisyon ka na. Sumama ka na sa akin kaya dito ka na." May diin ang bawat salita ni Alper. "Cinni, huwag mo akong susubukan."
—
T H E X W H Y S
www.thexwhys.com
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top