Chapter Eleven
Louise's POV
Wala akong pakialam kahit tinitingnan ako ng mga kapwa tindera sa palengke dahil habang naglilinis ng isda ay suot ko ang wayfarer shades ko. Bakit ba? Sa nasisilaw ako sa liwanag. Lalong sumasakit ang ulo ko. Kahit naman may hangover ako, nagagawa ko pa din ang mga pinapagawa ni Aling Betchay sa akin.
Naipagpasalamat ko na hindi niya ako sinita kahit tanghali na akong pumasok. Tiningnan lang akong mabuti tapos hindi kumibo at iniabot ang isang kutsilyo sa akin at pantanggal ng kaliskis ng isda. Kaliskisan ko daw ang mga bangus dahil may order order na limang kilo sa kanya ang isang karinderya.
"Kung hindi mo naman kayang mag-trabaho ngayon, sana hindi ka na lang pumasok. Kaya ko naman dito."
Kahit hindi nakatingin sa akin, alam kong ako ang sinasabihan ni Aling Betchay.
"Pasensiya na, Aling Betchay. Nagkasayahan talaga kagabi at medyo nalasing ako." Ngumuso pa ako habang patuloy sa pagtatanggal ng kaliskis ng bangus.
"'Yan na ang sinasabi ko. Kapag masyado ng masaya, nakakalimutan na ang mga responsibilidad. Nakakalimutan na ang mga tamang gawa." Napapailing na sabi niya.
"Hindi ko na uulitin. Ayoko na ng ganitong feeling," parang batang nagmumukmok ang itsura ko.
Tumingin sa akin si Aling Betchay habang naka-pamewang tapos ay inagaw sa akin ang mga ginagawa ko.
"Maghugas ka ng kamay. Bumili ka ng kape at ng mahimasmasan ka. Tingin ko hanggang ngayon ay lango ka pa sa alak. Lakad na," utos niya sa akin at siya ang nagpatuloy ng ginagawa ko.
Sinunod ko naman ang sinabi ni Aling Betchay. Tinungo ko ang isang tindahan ng malapit sa stall ni Aling Netay. Hindi ko pinansin ang tingin ng babae at ng mga alagad nito sa akin. Wala ako sa mood mang-uto ngayong araw. Masama talaga ang pakiramdam ko. Black coffee ang binili ko at humihigop sa coffee cup habang naglalakad pabalik sa stall ni Aling Betchay.
Pinaupo lang ako ni Aling Betchay sa gilid at sabi ay magpahinga na muna ako. I think I needed that. Sa bawat paggalaw ko pakiramdam ko ay humihiwalay ang kaluluwa ko sa tindi ng hangover.
Maya-maya ay lumalapit si Aling Netay sa stall namin. Kasunod nito ang mga alalay at ilang mga tindera din sa palengke. Nag-ipon sila sa harap ng stall.
"Ano na naman ang kailangan 'nyo?" Mataray na tanong ni Aling Betchay. Lalo nitong tinodohan ang pagbagsak ng hawak na kutsilyo sa sangkalan.
"Masungit ka na naman, Betchay. Hindi naman kami makikipag-away sa iyo," naiiling na sabi ni Aling Netay. Tinitingnan ko lang sila. Ini-enjoy ko ang kape na hawak ko. Medyo umaayos ang pakiramdam ko dito.
"Hindi kayo lalapit dito kung wala kayong kailangan. Ano 'yun? Dali at marami kaming ginagawa," patuloy sa pag-po-posta ng isda si Aling Betchay.
Nakita kong tumingin sa akin si Aling Netay. Tinitingnan ako mula ulo hanggang paa tapos ay napatango-tango.
"Makinis talaga 'no? Bagay nga siya," mahinang komento ni Aling Netay sa isang babae sa likuran nito.
"Netay, kapag hindi pa kayo umalis sa harap ng tindahan ko, sasabuyan ko na kayo ng mga bituka ng isda." Pagbabanta ni Aling Betchay.
"Diyos ko, Betchay! Hindi ka na ba nawalan ng regla? O nagme-menopause ka na? Araw-araw ka na lang laging gusto ng giyera. Hindi ba puwedeng kaya kami nandito ay dahil gusto naming kausapin ang tindera mo?" Nagtaas na rin ng boses si Aling Netay.
Napahinto sa ginagawa si Aling Betchay at tumingin sa akin. Napahinto rin ako sa pag-inom ko ng kape.
"Anong kailangan 'nyo kay LA?" Medyo kumalma na ang boses ni Aling Betchay.
Ngumiti ng matamis si Aling Netay tapos ay tumingin sa mga kasama. Tanguan ang mga ito na parang ipinaparating na si Aling Netay ang magsabi ng kung ano sa amin.
"Malapit na kasi ang Santacruzan. Alam mo naman na ang mga magagandang dalaga ang isinasali doon. Bilang leader ng palengke na ito, gusto ko naman na magkaroon tayo ng representative doon." Tumingin ito sa paligid at medyo napangiwi. "Pero nakita mo naman na karamihan ng mga nagtitinda dito, puro mga pinaglumaan na ng panahon."
Tumingin din ako sa paligid namin at napangiwi. Totoo naman ang sinasabi ni Aling Netay. Karamihan sa mga narito ay mga senior citizen na. At kung mayroon man na mga bata-bata na mga tindera, sigurado naman na hindi papasa talaga.
Pinabayaan ko lang siyang magsalita ng magsalita. Ang totoo, naririndi talaga ako sa boses niya. Parang pinupunit sa tenga ko. Epekto pa rin siguro ng hangover. Patuloy lang ako sa pag-inom ng kape. Bahala sila ni Aling Betchay.
"Gusto ko sana na tanungin si LA kung papayag siyang maging representative ng palengke natin bilang Reyna Elena sa Santacruzan."
Pabigla kong nainom ang kape pero nailuwa ko din pabalik sa coffee cup na hawak ko ng marinig ko ang sinabi ni Aling Netay. Ngayon ko na-realize na mainit talaga ang kape na iyon. Pinahid-pahid ko pa ang napasong bibig at nanlalaki ang mga matang tumingin kay Aling Netay.
"Ano ho ang sinasabi 'nyo?" Ngayon ay nakatingin na sa akin ang lahat ng naroon. Pati si Aling Betchay ay huminto sa ginagawa at nakatingin na din sa akin.
"Ikaw. Bagay kang maging Reyna Elena. Maganda. Makinis. May dating. Wala kang po-problemahin sa gagastusin. Ako ang bahala sa lahat. Gusto ko lang talaga na magkaroon ng representative ang palengke natin," sabi pa ni Aling Netay.
Tinanggal ko ang suot kong shades at isinabit sa neckline ng suot kong sando. Bulungan na naman ang mga kasama ni Aling Netay.
"Wala ho akong hilig sa mga ganyan," iyon ang nasabi ko. Pero naalala ko, may naisulat ako sa listahan ng bucket list ko na parang gusto kong maranasan na sumali sa Santacruzan.
"Maglalakad ka lang naman, LA. Iyon lang ang gagawin mo. Kung problema ang damit, ako na ang bahala doon. Mula sa korona hanggang sa sapatos. May kakilala akong gumagawa ng gown. Siguradong babagay sa iyo," ngiting-ngiti pa sa akin si Aling Netay.
Hindi ngumingiti si Aling Betchay. Nakikinig lang sa mga sinasabi ng may katabaang babae tapos ay manaka-nakang tumitingin sa akin. Parang binabasa ang reaksyon ko.
Parang gusto ko pero parang ayaw ko din. Nakasama nga ang pagsali sa Santacruzan sa bucket list ko pero parang ayoko naman na pumarada tapos parang ini-scrutinize ako ng mga tao. Ayoko yata. Buburahin ko na lang iyon sa listahan ko.
"Pasensiya na, Aling Netay. Hindi ko ho talaga hilig ang beauty pageant," muli akong hihigop sa hawak kong kape pero naalala kong ibinalik ko nga pala doon ang nainom ko kanina kaya itinapon ko na lang iyon.
Lumungkot ang mukha ng babae. Halatang na-disappoint sa sinabi ko.
"Pero sayang naman, LA. Siguradong bagay na bagay sa iyo iyon. Kapag nagkataon, unang beses na magkakaroon ng Reyna Elena mula dito sa palengke," todo pa rin ang pakiusap niya.
"Netay, huwag mong pilitin ang ayaw. Sige na. Bumalik na kayo sa mga tindahan 'nyo. Nakakaistorbo na kayo sa mga paninda ko," pagtataboy ni Aling Betchay.
Sumimangot ang mukha ni Aling Netay at painis kaming tinalikuran. Nagsunuran na rin ang mga kasama nito at nagbubulungan. Halatang mga nabigo. Si Aling Betchay naman ay nagpatuloy lang sa ginagawa niyang pagkakaliskis ng isda.
"Para namang bago ng bago si Netay. Nagbabakasakali pa siya samantalang alam naman niya na mayroon ng Reyna Elena taon-taon ang Santacruzan," parang sa sarili lang iyon sinabi ni Aling Betchay.
"Sino ho?" Na-curious din akong malaman kung sino iyon. Siguradong ang pinaka-maganda sa isla na ito ang babaeng iyon. Muli kong isinuot ang wayfarer shades ko at nanatiling nakaupo lang doon habang tinitingnan ang ginagawa ni Aling Betchay.
Hindi ko napansin ang sagot ni Aling Betchay dahil napako ang tingin ko sa babaeng dumadating papasok sa palengke. Tumaas ang kilay ko dahil sa suot ng babae. Naka-short-shorts at naka-hanging shirt na labas ang pusod. Well, may ibubuga naman. Maganda ang babae at makinis. Naka-shades pa at nakalugay ang mahabang buhok. Halatang diring-diri sa paligid kaya napa-rolyo ang mata ko. Ang arte ng babae.
Pero lalong napako ang atensyon ko sa kanya ng makita ko ang lalaking kasunod niya. Si Olie? Hinintay pa ito ng babae at tumawa ng malandi tapos ay kumapit sa braso ng lalaki. Parang ipinagmamalaki sa lahat na siya ang kasama nito. Kita ko sa ibang mga tindera ang sama ng tingin o siguro may kasama ng inggit habang nakatingin sa dalawa na naglalakad papasok. Tumaas ang kilay. Ito ba ang syota ng mayabang na singkit?
"Mukhang naliligaw ka dito, Vinah." Boses ni Aling Netay ang narinig kong nagsalita.
Huminto ang babae sa tapat ng tindahan nito at hinubad ang suot na shades. Tiningnan mula ulo hanggang paa ang babae at umirap pero ngumiti ng pilit.
"Sinamahan ko lang si Olie. Maniningil kasi siya," sagot nito bahagya pang pinisil-pisil ang ilong. Halatang nababahuan sa lugar.
"Sigurado ka na ba na ikaw ang magiging Reyna Elena sa Santacruzan?" Tanong pa ni Aling Netay.
Ngumiti ito ng maasim. "Ano sa tingin mo? May iba pa ba? Sa tingin mo ba may iba pang puwedeng maging Reyna Elena bukod sa akin?" Tumingin pa ito sa paligid ng palengke at ngumiwi.
Aba? At matindi ang self-confidence ni girl! Nanatili lang akong nakatingin sa kanya. Ngayon pa lang, parang kumukulo na ang dugo ko sa kaartehan niya. Kahit nakakainis si Aling Netay dahil sa pagiging bossy nito sa palengke, wala naman ang karapatan itong bastusin ang babae. Mas matanda pa rin sa kanya si Aling Netay. At ang mga may-edad, dapat iginagalang kahit minsan ay hindi kagandahan ang ugali.
Ngumiti ng maasim si Aling Netay. "Akala mo lang iyon. Baka ngayong taon, biglang hindi ka na pala Reyna Elena." Halatang nang-aasar din ito.
Lalong nagtaray ang itsura ng babae. Nakita kong napapailing si Olie at halatang naiinis na sa nangyayari. Gusto kong matawa. Is this the kind of woman he wanted? Maarte? Feeling maganda? I mean, maganda na nga siya kaya hindi na niya kailangan na ipagmalaki iyon. Pabayaan niyang ang mga tao ang maka-appreciate ng ganda niya. Ang kaso, talagang ipinagmamalaki niya iyon.
"At sino naman ang ilalaban 'nyo pa sa akin? Kahit kausapin 'nyo pa si kapitan, ako na ang nangunguna sa listahan para maging Reyna Elena." Lalo pa itong nangunyapit sa braso ni Olie. "At si Olie ang magiging escort ko kaya huwag na kayong umasa."
Gusto kong matawa. OMG. So, ka-cheapan. Hindi ko akalain na mahilig din pala si Olie pumatol sa ma ka-cheapan na ganito. Para pagiging Reyna Elena lang parang talagang ilalaban ng patayan ng babaeng ito. Parang natutuwa akong mang-inis.
Tumayo ako at lumakad palapit sa tindahan ni Aling Netay. Hindi ko pinansin ang mataray na tingin sa akin ng babae tapos ay ang nagtatanong na tingin ni Olie. Hinubad ko ang shades ko at humarap kay Aling Netay.
"Nagbago na po ang isip ko. Parang gusto ko ng tanggapin ang alok 'nyo," ngumiti ako kay Aling Netay at hinubad ang suot kong shades.
"Alok? Anong alok?" Boses ni Olie ang narinig ko at inirapan ko lang siya. Napatingin ako sa lugar ng babae at kita kong nakataas ang kilay niya sa akin at tinitingnan ako mula ulo hanggang paa. Alam ko ang tingin na iyon kaya natawa ako. She already saw me as a competition kaya lalo siyang kumapit kay Olie.
"Talaga, LA? Naku, iha! Hindi ka magsisisi. Talagang pagagandahin kita!" Kulang na lang ay magtatalon si Aling Netay sa sobrang tuwa. Pati ang ibang mga tindera sa palengke ay tuwang-tuwa din at for the first time, nakita kong ngumiti si Aling Betchay at iilling-iling na ipinagpatuloy ang ginagawa niya.
Humarap ako kay Olie at sa kasama niyang babae. Kita ko ang pagtataka sa mukha ni Olie. Halatang gusto niyang malaman kung ano ang pinag-uusapan namin ni Aling Netay.
"What's going on?" Mahinang tanong niya sa akin. Lalong tumaas ang kilay ng babae ng mapansin na parang magkakilala kami ni Olie.
"Kilala mo siya?" Parang hindi makapaniwalang tanong nito.
Ngumiti ako na lalong nang-aasar. "Oo naman. Sa iisang bahay kami nakatira."
Umugong ang bulungan sa paligid ko.
"She's staying at your beach house?" Bahagyang tumaas ang boses ng kasamang babae ni Olie at naparolyo ako ng mata sa kaartehan niya. I can't stand women like this. Masyadong dramatic. Huwag niya akong artehan dahil hindi ako si Louise Abigail Monsod na laging prim and proper at de-numero ang kilos kapag kaharap ang pamilya ko at mga kaibigan. Ako ngayon si LA na walang arte at walang inhibitions sa buhay dahil gusto kong maranasan ang lahat bago ako makulong sa isang buhay na hindi ko gusto. Gagawin ko ang lahat ng gusto ko ngayon.
"It's a long story," walang anuman na sagot ni Olie sa babae pero nakaharap sa akin. "Ano ang sinasabi mo? Ano na naman ang tinanggap mong alok?" Kunot na kunot na ang noo ni Olie.
Ngumiti ako ng nakakaloko at nagkibit-balikat.
"Wala naman. Tinanggap ko lang ang alok ni Aling Netay na maging Reyna Elena sa darating na Santacruzan."
At parang nanalo sa lotto ang feeling ko ng makita ko ang hindi makapaniwalang reaksyon ng babaeng kasama ni Olie.
And when she thought she was the fairest among all. Eh, bigla akong dumating.
Kinindatan ko pa si Olie at muli akong bumalik sa tindahan ni Aling Betchay.
I feel so alive right now.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top