Chapter Eight
Louise's POV
"Dahan-dahan ang pagtatanggal ng hasang. Huwag mong durugin. Dapat malinis ang pagkakatanggal para hindi maiwan ang lansa sa isda." Patuloy sa pagtatanggal ng bituka at hasang ng isda si Aling Betchay. Ipinapakita sa akin ang tamang pag-aalis ng mga iyon sa mga isda na nasa harapan ko. Ang bilis ng mga kamay niya. Halatang sanay na sanay na sa ginagawa.
Parang gusto ko na yatang mag-back out. Gusto ko ng magsisi kung bakit naisama ko pa sa bucket list ang pagtitinda sa palengke. Puwede naman akong maging tindera ng taho, tindera ng gulay, tindera ng karne. Bakit kasi sa isdaan ako napadpad? Nakaka-frustrate. Ilang ulo na ng isda ang nasisira ko dahil hindi ko talaga alam kung paano ang tamang proseso sa ginagawa ko.
Mahina kong napamura dahil ng subukan kong tanggalin ang bituka ng isda ay sumama na naman ang ulo noon. Nahihiyang tumingin ako kay Aling Betchay at nakita ko ang frustration sa mukha niya. Kinuha niya iyon at isinama sa mga reject na nagawa ko na.
"Babayaran ko na lang ho ang mga nasira kong isda, Aling Betchay." Napapalabi ako sa tuwing nakikita ko ang mga gawa ko. Sa dami ng isdang nasa harap ko, dalawa pa lang yata ang nagawa ko ng tama. Ang iba, mahigit sampung galunggong ay sira na.
"Ganyan talaga sa umpisa. Tigilan mo na lang 'yan. Isalansan mo na lang ang mga isda. Pagsama-samahin mo. Ito ang asohos, alumahan, galunggong. Ito," ipinakita niya sa akin ang may kalakihang mga isda. "Pampano ito. At ito ay lapu-lapu. Mabenta ito dahil malinamnamn kapag naluto. Ang bangus? Siguro naman kilala mo ito?" Ipinakita niya sa akin ang isda na maraming kaliskis.
Sa lahat yata ng isda na ipinakita ni Aling Betchay, 'yung bangus lang talaga ang kilala ko. The rest, alien sila sa paningin ko. Mukhang masarap kainin kapag naluto na pero hindi ko papangarapin na makipagkilala pa sa kanila.
Sinunod ko na lang sinabi ni Aling Betchay. Siya na ang naglinis ng mga isda at ako naman ang nagsalansan noon sa tiled table. Inilagay ko ng maayos ang presyo sa bawat tumpok ng isda. Kahit mabaho at malansa talaga, naaaliw naman ako sa mga bago kong natutunan. First time kong makipaglaro sa mga isda na ito.
"Aling Betchay, 'yung assistant 'nyo kasama na puwedeng i-kilo?"
Pareho kaming napatingin ni Aling Betchay sa nagsalita at napataas ang kilay ko. Sino ba ang lalaking ito? Ang yabang ng dating. Napangiwi ako sa patong-patong na kuwintas na nasa leeg nito. Naka-sando ng fit pero para na siyang si Winnie the Pooh dahil naka-litaw naman ang malaking tiyan. Parang gusto kong maduwal ng makita ko ang mga balahibo sa dibdib. Nagmamantika ang nguso dahil sa kinakain na chicharong bulaklak.
"Gardo, puwede ba tigilan mo ang pamemeste dito sa tindahan ko? Umalis ka na. Nagbayad na ako ng puwesto ko kahapon sa amuyong mo," inis na sabi dito ni Aling Betchay at nagpatuloy sa ginagawang paglilinis ng isda.
"Alam ko naman. Kaya lang ako pumunta dito para masiguro ko kung totoo nga ang sinasabi ni Egay na maganda daw ang bagong assistant mo. At totoo nga." Ngumisi pa ito ay kumislap ang gold tooth na nasa harapang bahagi ng ngipin nito. "Anong pangalan mo, Miss?"
Inirapan ko lang siya at nagpatuloy sa ginagawang pag-aayos ng mga isda.
"Mukhang aral sa iyo ang assistant mo, Aling Betchay. Masungit din." Komento nito.
"Hindi lang ako nakikipag-usap sa mga hindi kausap-usap na tao," mataray na sagot ko at sinadya kong ibagsak ang ilang malalaking bangus sa harap nito para magtalsikan ang mga tubig at tumalsik sa harap nito.
Alam kong nainis ang lalaki sa ginawa ko dahil tumalsik iyon sa mukha niya. Iritableng pinahid iyon at seryosong tumingin sa akin.
"Dayo ka dito, 'no? Kilala ko ang mga local dito." Sabi pa nito.
"Puwede ba, Gardo? Umalis ka na. Huwag kang manggulo dito." Pagtataboy ni Aling Betchay.
"Napaka-suplada 'nyo naman mag-amo. Nagtatanong lang naman ako ng pangalan ng babaeng iyan. Baka gusto mong mawalan ng puwesto dito?" Tumaas na ang boses ng lalaki sa amin.
Dinampot ni Aling Betchay ang isang malaking kutsilyo. Nakita kong medyo napa-atras ang lalaking bastos.
"Gardo, kapag hindi ka pa tumigil, isusumbong na kita sa tatay mo at sisiguraduhin kong mabubugbog ka na naman noon. Umalis ka na dito." Iniangat ni Aling Betchay ang hawak na kutsilyo sa harapan ng lalaki.
Sinamaan kami nito ng tingin.
"Ang susungit! Kaya hindi nakakapag-asawa kasi nuknukan ng sungit." Bumaling ito sa akin. "Ganyan din ang mangyayari sa iyo. Magiging matandang-dalaga ka din."
Inirapan ko siya. "Umalis ka na kasi. Baka malasin pa ang tindahan namin."
"You heard the woman. Get lost."
Napatingin ako sa nagsalita noon at nakilala kong iyon ang lalaking may-ari ng furniture store na binilhan ko ng kama. Si Gray.
Tingin ko ay may gusto pang sabihin ang lalaking Gardo ang pangalan pero tumingin lang ito kay Gray. Nakatitig din dito ang lalaki. Nagsusukatan ng tingin. Si Gardo ang unang nagbawi ng tingin at bubulong-bulong na umalis doon.
Ngumiti sa akin si Gray at hindi katulad ng lalaking Gardo ang pangalan, mas maganda ang ngipin ni Gray. Pantay-pantay at mapuputi. Maayos din ang buhok na kahit mukhang bagong gising, bagay na bagay naman. Naka-board shorts pa rin at kahit naka-sandong puti, pinatungan naman iyon ng bulaklaking polo. Bagay na bagay ang get-up sa island life.
"Maaga ba kayo binuwisit ni Gardo?" Nakangiting tanong nito sa amin.
"At huwag ka ng gumaya, Gray. Anong kailangan mo?" Patuloy sa paglilinis ng isda si Aling Betchay. Napakagat-labi ako habang tinapunan ng tingin ang may-edad kong amo. Hindi yata marunong ngumiti ang babaeng ito. Ang sungit lagi.
"Mainit na naman ang ulo mo, Aling Betchay." Hindi pansin ni Gray ang pagtataray ng babae. Lumapit pa ito at humalik sa pisngi ni Aling Betchay na hindi naman sinaway. "She is always like that, but she likes it kapag nilalambing ko siya." Baling ni Gray sa akin.
Pinigil ko ang mapangiti kasi halata naman na nagbago ang mood ni Aling Betchay. Hindi naman siya mukhang kinikilig pero parang natutuwa siya sa appreciation na ipinapakita ni Gray sa kanya.
"Are you free tonight?"
Nagtataka akong tumingin sa kanya. Maging si Aling Betchay ay napatingin din kahit patuloy sa ginagawa.
"Ako?" Paniniguro ko.
"Yeah." Sabay tango. "Hindi ko naman puwedeng i-invite si Aling Betchay kasi kilalang palengke-bahay lang ang ruta niya." Kumindat pa ito sa babae at napangiti naman si Aling Betchay. "Ikaw. There would be a band playing on the beach later tonight. A rock band. Invite sana kita."
"You're asking me out?" Paniniguro ko.
Bahagya itong tumango. "It would be fun. Para ma-experience mo ang night life dito sa island. I am sure you're going to love it."
"LA, sumama ka na kasi hindi ka tatantanan ng lalaking iyan." Sabat ni Aling Betchay.
"Bakit si Gardo tinarayan 'nyo tapos itong lalaking ito okay lang na sumama ako?"
"Hindi naman kasi katiwa-tiwala ang mukha ni Gardo. 'Yang si Gray, kilala ko na iyan. Safe ka diyan." Sagot ng babae.
Todo-ngiti si Gray sa naririnig na sinasabi ni Aling Betchay at nagtatanong na tumingin sa akin.
"I'll pick you up at eight?" Sabi pa nito sa akin.
"It will be a rock band? I mean may headbanging? Loud drums? Screaming guitars?" Paniniguro ko pa.
"If you want to sing with the band, puwede din. I know them." Pagmamalaki pa nito.
Napangiti ako. "Sige. It's eight then."
"Alright. See you." Kumaway pa siya at nag-flying kiss kay Aling Betchay bago umalis doon. Kita ko ang ibang mga tindera na nadadaan ni Gray na kinikilig sa bawat pagngiti nito.
"Basta mag-iingat ka mamaya. Huwag kang magpagabi at kailangan na maaga tayo bukas dito sa tindahan," seryosong sambit ni Aling Betchay. Ngayon ay kinikilo na nito ang mga isda na nililinis kanina.
"Huwag kang mag-aalala, Aling Betchay. Responsible po ako."
Napa-hmm lang ito at ibinagsak sa harap ko ang ilan pang mga isda na lilinisin pa namin.
----------------
Carlo's POV
"Olie, hindi ba tayo pupunta sa rock concert sa beach? Tatlong tumbling lang nandoon na tayo. Bakit ba kasi tayo nagmumukmok dito sa bahay mo?"
Parang bata ang itsura ni Buddy na nakatalungko sa harap ko habang nakahiga ako sa sofa sa sala. Gusto ko sanang doon magpahinga sa kuwarto ko pero sa tuwing nakikita ko ang ginawa doon ng babaeng iyon, umaakyat ang dugo sa ulo ko. At isa pa, naroon ang babaeng iyon na inangkin pati na ang banyo ko.
"Kung gusto 'nyong pumunta, bakit hindi 'nyo gawin? Pabayaan 'nyo ako dito," inis na sagot ko at ipinatong ang braso ko sa noo. Parang pumipintig yata iyon.
"Hindi ka naman namin puwedeng iwanan dito. Hindi mo pa rin sinasabi sa amin kung bakit naging kahati mo sa bahay 'yung magandang chick." Sabad naman ni Nato. Pasilip-silip ito sa labas at halatang tinatanaw ang rock concert na nagaganap.
"Long story. Iwanan 'nyo ako dito kung gusto 'nyong magpunta doon." Pagtataboy ko sa mga ito.
Kahit nakahiga ay tumingin ako sa pinto ng may marinig na kumakatok doon. Si Grayson. Nakipag-apir ito kay Buddy at Nato tapos ay tuloy-tuloy na pumasok at tinapik ang binti ko para itupi at makaupo sa sofa na hinihigaan ko.
"Anong ginagawa mo dito?" Naiirita talaga ako.
"I am here to pick her up. Si LA. We'll go to the rock concert." Luminga-linga pa ito at tumingin sa relo.
"Get out already. Bitbitin mo na paalis ang babaeng iyon." Muli kong ipinikit ang mga mata. Ang gusto ko lang talaga ay mawala na ang presensiya ng babaeng iyon dito.
Wala akong sagot na narinig. Nakarinig lang ako ng pagkaluskos tapos ay tinabig ni Grayson ang mga binti ko at mabilis na tumayo. Umalingasaw sa paligid ang mahinhing pabango ng babae. Marahan kong inalis ang braso na nakapatong sa mga mata ko at nakita kong may nakatayong imahe sa gilid ko.
Si LA.
Bihis na bihis ito. Naka-get up na talagang pupunta sa isang rock concert. Naka fitted low neckline white sando na may print na ACDC at naka-tuck in sa maong shorts. Hindi lang basta shorts. Maong short-shorts na kita na yata pati ang pisngi ng puwet. Naka-Doc Martens boots at net stockings. Kuntodo kapal ng eyeliner sa mata. Pulang-pula ang labi at naka-taas ang mahabang buhok. May mga silver necklace din ito sa leeg. Napakalaking hoop earrings na kasya na yata sa braso ko. May arm band pa na may mga metal spikes.
"Wow, LA. You look like a rock goddess. Wala sa itsura mo ang nagtitinda ng isda sa palengke." Palatak ni Grayson habang nakatingin sa parang kinikilig na babae. Iniipit pa nito ang ilang hibla ng buhok sa tenga nito at ngumiti.
Napailing ako at lalo lang yatang sumakit ang ulo sa nakita kong itsura ni LA. Sinusundan ko siya ng tingin kahit nakahiga ako. Ang mata ni Buddy at Nato ay nakatutok sa babae. Partikular sa dibdib nito dahil talaga namang nagmamalaki ang mga iyon mula sa suot na puting sando.
"Rock goddess? More like a rock groupie." Hindi ko natiis na hindi sabihin iyon. "If you don't know what that means, google it."
Sinamaan ako ng tingin ni LA at bumaling kay Grayson at ngumiti. Isinukbit ang braso sa braso ng kaibigan ko.
"Let's go? Let's enjoy the rock concert." Bumaling si LA sa dalawang kasama ko. "If you you want to join, you can join us."
Parang nakarinig na may cash bonus ang itsura ng dalawa. Nagliwanag ang mga mukha at parang nahihiyang tumingin sa akin.
"Get out. Out. Leave me here," dumampot ako ng isang throw pillow doon at itinabon sa mukha ko.
"'Tara na. Mukhang may regla si Olie. Kanina pa mainit ulo niyan," alam niyang boses ni Buddy iyon.
Hindi ko na pinansin ang pagtatawanan na mga ito hanggang sa makaalis. Nang masiguro ko na ako na lang ang tao doon ay ibinalibag ko ang throw pillow sa lapag at tumingin sa kisame.
"Why? Why do you have to punish me like this? All I want is a peaceful life. Bakit kailangan na dumating ang babaeng iyon at guluhin ang buhay ko?"
Para akong tanga na nagsasalita mag-isa habang nakatitig sa kisame.
Napatingin ako sa pinto at dahil naririnig ko ang pagtugtog ng local band mula sa beach front. Tumayo ako at pumuwesto sa pinto. Mula doon ay kita ko ang mga taong nagkakasayahan. Ang mga makukulay na ilaw.
Napahinga ako ng malalim at marahang hinilot-hilot ang sintido ko. Naiinis ako. Kasi bakit ang mga kasama ko dito sa bahay ay nag-i-enjoy tapos ako ay naiwan na nagmumukmok dito?
Siraulo. Ikaw ang pumili na magmukmok dito. Masyado kang nagpapa-apekto sa babaeng iyon.
Oo nga. Bakit ba hinahayaan ko ang babaeng iyon na inisin ako? Kaya ko din gawin iyon sa kanya. Hinila ko ang polo ko na nakasampay sa may sofa at isinuot.
Akala ng babaeng iyon siya lang ang marunong magpunta sa rock concert? Hintayin niya ako.
Makikita niya ang hinahanap niya.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top