Prologue
Kailanman, hindi iyon naging magandang panaginip...
Noong bata pa ako, tandang-tanda ko pa kung paano ko isinulat ang aking pangalan sa pinong buhangin ng tabing dagat na pinasyalan namin. Tirik ang araw noong mga oras na iyon habang kumikinang ang tubig sa ganda ng naghahalong asul at berdeng kulay nito.
Napakaganda niyon sa paningin, tila kapayapaan at karimlan kung isasalin sa mga salita.
Nang rumagasa ang agos ng tubig mula sa gitna patungong pampang, agad na nilamon nito ang buhangin kasama ang isinulat kong pangalan at kisapmatang binura ito.
Kasama ko noon ang aking ama-amahan. At ang sabi niya sa akin ay aalis lang siya saglit at nangakong babalikan ako. Naghintay ako. Hinintay ko siya buong maghapon.
Hanggang sa sumapit ang gabi, miski ang anino niya ay hindi na nagpakita pa para muling balikan ako at iuwi sa aming bahay.
"Ineng, bakit ka umiiyak? Ayos ka lang ba?"
May lalaking tumabi sa gilid ko nang mapansin akong humihikbi. Nakaupo ako sa isang bakanteng cottage habang nakaharap sa madilim na dagat. Mabilis kong pinunasan ang mga luhang nagbabadyang bumagsak sa pisngi ko. Tumingin ako sa malayo.
Iyon ang unang beses na makarinig ako ng malambot at banayad na boses na may halong pag-aalala para sa akin. Napakasarap pakinggan.
Nanatili lang akong tahimik sa tabi niya.
"Gabi na, bakit nasa labas ka pa? Nasaan ba ang mga magulang mo? Nasa'n ang mama mo? Ang papa mo?" Nang sabihin niya ang salitang magulang ay biglang kumirot ang puso ko.
Umiling ako sa kanya. "Umalis na po siya rito at iniwan ako. Ang sabi po kanina ng papa ko ay babalikan niya ako, pero muli niyang hindi tinupad ang kanyang pangako."
Nalungkot akong muli. Nagsimula akong humikbi dahil sa bigat ng nararamdaman ko. Marahan at kusa nang tumutulo ang luha sa mga mata ko.
Hindi ko na napigilan pa.
"Alam mo ba kung saan ka nakatira?" tanong niya.
Hindi ako umimik sa kanya. Nakatanaw lamang ako sa madilim na dagat habang pinakikinggan ang malakas na alon na nagmumula roon.
"Alam mo ba ang numero ng telepono nila?" tanong niya at sinisiguro ang kapakanan ko. Hindi ko alam ang mga numero nila. "Maaari natin silang tawagan para masundo ka nila rito," pagmamagandang-loob niya.
Tahimik lang ako, malungkot, malalim na pasinghap-singhap at minsanang napapahikbi.
"Paano kita matutulungan kung hindi mo ako kakausapin?" wika niya at nag-aalala para sa kalagayan ko.
"Maraming salamat nalang po, pero mukhang hindi na nila ako kailangan. Ilang beses na po nila akong tangkang iligaw nang ganito, pero ito po ako't nakakabalik pa rin sa kanila. Gusto ko po munang huminga sa lugar na ito," saad ko at huminga nang malalim.
Natigilan siya sa sinabi ko.
Marahan niyang dinampi ang ulo ko. "Basta kung kailangan mo ng tulong, naroroon ako sa ikalabintatlong kuwarto malapit sa canteen ng resort na ito. Tumawag ka lang at tutulungan kita. Okay ba 'yon?" Saka siya ngumiti sa akin.
Tumingin ako sa kanya at tipid na tumango.
Sa simpleng pagmamalasakit sa akin ng lalaking iyon. Naramdaman ko ang paggaan ng puso at pagluwag ng dibdib ko.
Ang ganoong klase ng pag-aalala at pagmamalasakit, ni minsan ay hindi ko naramdaman sa ama-amahan ko kahit na para sa akin ay itinuturing ko siya bilang isang tunay na ama.
✦✧✦✧
"Aba! Walang hiya, nakabalik ka pa? Sobrang layo na ng beach resort na iyon. Lintek ka talagang bata ka!"
Nakayuko lamang ako sa harap niya habang walang humpay na naman ang masasakit na salitang binitiwan niya sa akin nang mapag-alamang nakabalik na naman ako.
Limang minuto pa lang ang nakalilipas nang makabalik ako sa bahay namin, ngunit ito ang sasalubong sa akin sa pagbabalik ko.
Mga sigaw at sermon na tila isang parusa dahil nabigo na naman siyang iligaw ako.
Nasa tapat ako ng pinto ng aming bahay. Walang damit na pang-itaas si papa, nanunuot ang amoy ng serbesa at sigarilyo mula sa loob.
Hindi ako umimik. Nanatiling tahimik, nakatungo at hindi na namalayan ang pagtulo ng aking luha.
"Hindi mo pa ba nakukuha? Ilang beses na kitang gustong iligaw. Ilang beses na kitang pinatulog sa labas, ginutom at sinaktan. Hindi mo ba naiisip o nararamdaman man lang na ayaw ko sa iyo? Dahil ikaw ang nagdadala ng kamalasan sa pamamahay na ito, lalong-lalo na sa buhay ko!" bunghalit niyang sigaw.
Habang sinasabi niya ang mga salitang iyon ay para bang may magkakasunod na palaso ang tumama sa dibdib ko.
Naririndi ako sa mga bulyaw niya. Nakakatulig. Nakakatuliro. Kahit pa paulit-ulit niya iyong ginagawa sa harap ko, hindi ko pa rin magawang masanay.
Tama lang ang desisyon kong paalisin na agad ang lalaking tumulong sa akin. Kahit na mapilit itong samahan ako at kausapin ang mga magulang ko. Maririnig niya pa ang lahat ng sermon, galit at masasakit na salita ni papa na nakalaan lang para sa akin. Baka kung ano pa ang mangyari kung sakaling nagkaharap sila.
"Bernardo, tumigil ka na! Saan mo na naman dinala si Taliyah? Ginawa mo na naman bang iligaw ang bata?" Dumating si mama at inawat si papa, saka ito nagtungo sa akin at hinimas ang pisngi ko. "Taliyah, anak, ayos ka lang ba? Hindi ka ba sinaktan ng papa mo?" saad niya at sinuring maigi ang kalagayan ko.
Tumingin ako sa kanya nang nakanguso saka umiling at pilit na ngumiti.
"Hindi mo ba naiintindihan, Sheryl? Noong kinuha natin ang batang iyan sa lola niya, sunud-sunod na ang mga kamalasan na dumating sa buhay ko. Natanggal ako sa trabaho, naka-aksidente at nakulong ng isang taon sa kasalanang hindi ko naman ginawa. Sa ating tatlo, itong batang ito ang may kasalanan ng lahat. Hindi na ako makapasok pa sa mga kompanya para magtrabaho dahil may bahid na ng dumi ang pangalan ko. Hindi mo ba iyon naiintindihan?" galit na galit niyang panghahamak at inungkat ang lahat ng nangyari sa kanya noon.
Tagos na tagos sa akin ang mga sinabi ni papa, lalo na sa mga duro ng daliri niya.
Ako at ako pa rin ang pinagbibintangan niya na may kasalanan ng lahat.
Pinapasok ako ni mama sa loob at hinatid sa kuwarto. Nang isarado ko ang pinto ay muling tumulo ang aking luha, napasandal sa likod nito at bahagyang napaupo sa sahig.
"Ayoko nang makita ang batang iyan, Sheryl! Kung ayaw mong maghiwalay tayo, gusto kong paalisin mo na ang batang iyan dito sa pamamahay ko. Hindi magbabago ang buhay ko hangga't naririto ang lintek na iyan!"
Sinubukan kong takpan ang mga tainga ko. Sinubukan kong magbingi-bingihan.
Pumikit ako nang mariin habang nagwawala ang puso ko sa mga masasakit na sinasabi niya.
"Alam mo ba, malaki na ang gastos ko sa bahay na ito tapos nagawa mo pang pag-aralin iyan? Para ano, para ubusin ang ipon ko? Mag-isip ka naman, Sheryl!"
Walang epekto ang mga palad kong nakasaklob sa magkabila kong mga tainga. Dahil malinaw ko pa ring naririnig ang galit na boses niya.
Kahit ano'ng gawin ko, kahit anong pigil ko... ang lahat ng iyon ay wala pa ring saysay.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top