Epilogue
"Kailanman, hindi iyon naging magandang panaginip... dahil iyon ay isang mapagpanggap na bangungot."
✦✧
Makalipas ang anim na buwan...
Naging mahina ang loob ko noon.
Halos gumawa na nga ako ng sarili kong mundo para lang takasan ang masalimuot na reyalidad na mayroon ako.
Mula sa isang panaginip, napakarami kong bagay ang natutunan. Una sa lahat, walang permanente sa mundo, lahat ng bagay nawawala o naglalaho. Kailangan mo lang maging masaya at sulitin ang buhay na ipinagkaloob sa iyo.
Mabilis ang ikot ng mundo kasabay ng bilis nang paglipas ng panahon. Ang mga nakasanayan noon ay maaaring magbago o mag-iba sa bawat minutong lilipas.
Maaaring masaya ka ngayon o malungkot ka bukas, subalit darating din ang araw na magiging payapa ang lagay ng isip at puso mo.
Walang problema ang hindi nasusulusyonan... minsan mahihirapan habang pinagdaraanan, ngunit lilikha ka ng paraan para malabanan.
Masaya ang lagay ng puso at isipan ko ngayon. Gaya ng sabi ko, hindi na ako nabubuhay sa sakit tulad ng nakaraan na mayroon ako. May mga bagay o tao ang naging parte lang ng nakaraan ko at siguro hindi na sila magiging balakid sa kasulukuyang buhay na tinatahak ko sa mga oras na ito.
Dumaan kami ni Jayce sa isang flower shop para bumili ng bulaklak. Halos mag-iisang taon na ring nawala ang mga magulang ko. Gusto ko lang balikan ang dati naming bahay.
"Jayce, maraming salamat sa lahat. Kahit na minsan ay abala na ako sa 'yo," nakangiti kong sambit kay Jayce.
Ngumiti siya sa akin at muling ibinalik ang tingin sa kalsada habang nagmamaneho. "Wala 'yon."
Nakasuot siya ng puting long sleeves at tila ba mahalaga ang araw na ito para sa kanya. Ayos na ayos din ang buhok niya at naaamoy ko ang pabango niya.
"Para kanino naman 'yang bouquet na binili mo? Para kay Sasha ba iyan?"
Tumango siya. "Oo, birthday niya kasi ngayon. Gusto ko sana siyang surpresahin. Magkikita kami mamaya sa pina-reserve kong restaurant," aniya na halos hindi mawala ang ngiti sa labi.
"Mahal na mahal mo talaga si Sasha, 'no? Napakasuwerte niya talaga sa 'yo, alam mo ba iyon? Mabait ka, maalaga at maaalalahanin. Noon pa man alam ko nang mabuti kang tao, Jayce. Hindi mo ako tinalikuran kahit na puro na lang problema ang dinudulot ko sa 'yo. Masyadong naging madrama ang buhay ko at hindi ka nagsasawang tulungan ako. Maraming salamat sa pagiging tunay mong kaibigan." Huminga ako nang malalim.
"Hindi kita kayang iwan noon dahil kailangan mo ako. Matagal na tayong magkakilala at hindi ko maaatim na hindi kita tulungan at iwan na lang basta."
Huminto ang kotse. Naririto na kami sa dati naming bahay na hindi pa rin naaayos mula sa pagkasunog.
Bumaba kaming dalawa ni Jayce at naglakad na ako patungo roon.
Nagtirik ako ng kandila at ipinatong sa sahig ang bulaklak na dala ko. Tamang-tama ang puting bestida na sinuot ko ngayon para dalawin sila.
Mama, papa, kung nasaan man po kayo ngayon alam kong binabantayan ninyo ako. Alam ko rin po na masaya na kayo r'yan. Mag-iingat po ako palagi. Maraming salamat po sa lahat.
Nakatayo lang ako habang pinagmamasdan ang apoy sa kandila.
Halos kalahating oras din ang tinagal namin ni Jayce doon bago kami umalis. Maganda ang lagay ng puso ko ngayon, maluwag at halos itinapon na ang galit na kinimkim ko noon. Lahat ng sakit ng nakaraan ay tila ba naglaho at nabura.
Nagsimula ako ng panibagong buhay. Mayroon na akong trabaho para sustentuhan ang gastusin sa araw-araw at nakatira na rin ako sa isang apartment. Marami na ring naitulong sa akin si Jayce at gagawin ko ang lahat para makabawi sa kanya.
Tahimik lang ang naging byahe namin hanggang sa nakarating kami sa istasyon ng tren.
"Jayce, dito na lang ako. Magco-commute na lang siguro ako. Huwag mo na akong ihatid hanggang sa apartment na tinutuluyan ko. Ayokong masira ang gabing ito ng dahil sa akin. Mag-enjoy kayong dalawa ni Sasha..."
Napansin ko ang kwelyo niyang hindi pantay at agad na inayos 'yon. Agad kong binuksan ang pinto ng kotse at lumabas.
"Palagi kang ngumiti gaya ng dati. Saka makulimlim ang kalangitan ngayong gabi, may payong ka bang dala?" paalala ko kay Jayce.
Naalala ko dati ang una naming pagkikita. Malakas ang ulan noon habang pinagsasaluhan ang nag-iisang payong na dala ko.
"Oo naman. Palagi na akong may dalang payong. Maraming salamat, Taliyah. Mag-iingat ka."
Ngumiti ako sa kanya at isinarado ang pinto.
Mas nagiging masaya ako lalo na't nakikita ko si Jayce na ganoon. Masaya siya at patuloy lang ang pagiging magkaibigan naming dalawa kahit na mayroon na kaming sari-sariling buhay matapos ang mga nangyari.
Noon, palagi kong naitatanong sa aking sarili na; paano ba maging masaya?
Ganito pala ang pakiramdam no'n. Halos lumutang na ako sa ere sa sobrang gaang ng nararamdaman ko.
Naglakad na ako papasok sa istasyon. Kakaunti lang ang pasahero ngayon at maluwag ang buong lugar.
Umupo muna ako sa bakanteng upuan at naghintay sa paparating na tren.
Napalingon ako sa aking gilid nang may tumabi sa aking isang lalaki. Napausod ako ng upo papalayo sa kanya. Nakasuot siya ng itim na jacket habang nakapatong ang hoodie nito sa kanyang ulo. Halos ang gilid lang ng kanyang mukha at tungki ng kanyang ilong ang nakikita ko at hindi ko pa gaanong maaninag dahil sa hoodie.
Snatcher? Hindi naman siguro. Ano ba itong mga naiisip ko?
Hindi ko maialis ang mga mata ko sa kanya. Steady lang ang upo niya at kap'wa ko, naghihintay lang din siya ng susunod na tren.
Maong ang shorts na suot niya at itim na rubber shoes naman ang kanyang sapatos. Nakalaylay pa ang sintas ng kaliwa niyang sapatos.
Bumibilis ang tibok ng puso ko. Hindi ko alam ang dahilan.
"Excuse me, natanggal yata 'yong sintas ng sapatos mo," mahina kong sabi sa kanya.
Agad niyang napansin ang nakalaylay na sintas kaya agad niya itong inayos at itinali.
"Maraming salamat," aniya habang hindi man lang lumingon sa akin.
Sabay kaming tumayo nang dumating na ang tren. May ilang pasahero ang lumabas sa humintong bagon. Naglakad siya papasok sa loob kasabay ng mga pasaherong naghintay rin sa pagdating ng tren gaya namin.
Hindi ko maipaliwanag kung bakit hindi agad ako nakagalaw sa kinatatayuan ko.
Tumatakbo ang oras. Maaari akong maiwanan ng bagong dating na tren. Pero paano ako makakapaglakad kung hindi ko makontrol ang sarili kong mga paa?
Nakatuon lang ang atensyon ko sa lalaking naka-hoodie habang unti-unti nang sumasara ang pinto ng tren.
Nanigas ang mga paa ko.
Nang tuluyan na itong nagsara ay tinanggal niya ang hoodie sa kanyang ulo.
Bumagal ang oras at halos tumigil ang mundo ko nang makita ko ang mukha niya.
Kusa na lang tumulo ang luha sa aking mga mata. Punung-puno at naghahalo-halo ang emosyon ko. Mabilis ang tibok ng aking puso sa sobrang kaba at kaunting pagmamalabis sa mga alaalang bigla na lang sumulpot.
Mas inaninag ko ang hitsura niya. Baka namamalik-mata lang ako o nag-iisip ng kung ano-ano.
Hindi ako maaaring magkamali. Hinding-hindi!
Hindi ko malilimutan ang hitsura niya. Ang mga sakripisyo niya ang naging dahilan para makalabas ako sa isang magandang panaginip na naging masalimuot na bangungot.
Pero paano?
Nag-iisa na lang ang asul na ilaw para sa akin. Paano siya makakalabas doon?
"Reece!" sigaw ko, ngunit nagsimula nang umandar ang tren. Tumakbo ako at humabol para sa kanya, pero hindi ko na siya nakita sa loob. Nawala siya roon.
Hindi ako maaaring magkamali. Si Reece ang lalaking iyon! Si Reece ang nakita ko!
Napahinto ako at mariing napapikit habang hinihingal.
Taliyah, mag-isip ka. Isip!
Masusundan ko agad ang tren na iyon dahil huli na ang istasyon na tatahakin nito. Kung mag-ta-taxi ako, mabilis kong mahahabol ang mga pasaherong nakasakay roon.
Nang muli kong binuksan ang aking mga mata.
"Taliyah?"
Napahinto ako. Parang tumigil ang mundo ko, maging ang paghinga ko ay nalimutan ko nang gawin nang marinig ang pamilyar na boses na iyon.
Dahan-dahan akong lumingon.
Tumulo ang luha ko.
"R-reece?" Halos wala ng hangin sa boses ko.
Nakangiti siya sa akin. Iyon ang ngiting bumuhay sa akin noong nasa mundo pa ako ng panaginip.
Nagawa niya! Nagawa niyang makalabas doon!
Agad akong tumakbo sa kanya at niyakap siya nang mahigpit. Naramdaman ko ang tibok ng puso niya. Humihikbi ako sa kanyang dibdib.
Miss na miss ko na si Reece. Lalo akong naging masaya nang makita ko siyang muli.
"Kumusta ka na?" tanong niya, pero hindi ko pa rin tinanggal ang pagkakayakap ko sa kanya.
"Sandali lang, Reece. Maaari bang mayakap ka ng kahit saglit pa? Hindi mo alam kung gaano kita na-miss."
Narinig ko ang pag-ngisi niya.
Hinayaan niya lang akong yakapin siya. Hindi ko maipaliwanag ang sayang nararamdaman ko sa mga oras na ito.
Itinanggal ko ang pagyakap sa kanya at kinapa ang matitigas niyang mga braso.
"Ayos na ba ang lagay mo? Bumalik na ba ang braso mo? Ang mga paa mo?" aligaga kong tanong sa kanya at sinusuri ang buo niyang katawan.
"Taliyah, maayos na ako. Nakalabas ako sa panaginip mo nang dahil sa 'yo." Nanunuot ang boses niya sa tainga ko. Napakasarap pakinggan. "Nangako ka na makakalabas tayong dalawa sa mundong iyon. Hindi man tayo magkakasabay, ngunit nangako kang walang maiiwan doon sa ating dalawa. Tinupad ko lang ang pangako mo," dagdag niya at hinawakan ang kamay ko.
Naramdaman ko agad ang koneksyon at init na dumaloy sa aming dalawa.
Para akong bata na uniiyak sa harap niya.
"Huwag ka nang umiyak. Narito na ako, buong-buo kasama mo," ngumingisi niyang saad.
Hinampas ko ang braso niya. "Ikaw kasi! Akala ko hindi ka na makakabalik." Patuloy pa rin ang agos ng luha ko.
"Babalik ako. Susubukan kong bumalik para sa iyo."
Napapangiti ako sa sinabi niya.
Pinunasan niya ang luha sa aking pisngi. "Akala ko rin hindi na ako makakalabas doon. Pero may isang lalaking tumulong sa akin para pigilan si Jayce."
Napatigil ako sa sinabi niya.
"Tumulong? Sino?"
"Matanda na siya. Frederick ang pangalan niya at ang sabi niya kapag nakalabas ako sa mundong iyon ay kukumustahin kita para sa kanya. Ibinigay niya sa akin ang asul na ilaw na mayroon siya at iyon ang naging susi ko para tuluyan nang makalabas."
Hindi ako makapaniwala sa k'wento niya.
Si Mr. Frederick? Ang matandang lalaking nakausap ko noong bago pa lang ako sa Inn?
"Ibinigay na rin niya sa akin ang asul na ilaw. Ang dahilan niya ay wala na ring saysay ang buhay niya sa mundo ng reyalidad at gusto na niyang makasama ang asawa niya. Wala na akong nagawa para tulungan siya dahil unti-unti na siyang nabubura kasabay ng panaginip mo."
Napatulala ako.
Inalay ni Mr. Frederick ang asul na ilaw para kay Reece? Kadakilaan ang ginawa niya.
Naging masalimuot man ang lahat, subalit naging maayos din sa huli. Nanaaig pa rin ang liwanag sa lahat.
Tumingin siya sa mga mata ko. "Ikaw, kumusta ka na?" nakangiti niyang tanong.
Malapad akong ngumiti sa kanya. "Masayang-masaya na ako ngayon... lalo na't nandito ka na."
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top