Chapter 9: The Right Path

PAST. Early 2010.

Tama ba ang naging desisyon kong sumama muli kay mama para alagaan si papa? Gusto kong tulungan si papa, gusto kong baguhin at ibangon ang mundo niyang gumuho. Alam ko ang dahilan kung bakit galit na galit siya sa akin, baka napagbabalingan niya lang ako ng sama ng loob, lalo na kapag hindi pumapabor sa kanya ang buhay at panahon na gusto niya.

"Ayusin mo na ang gamit mo, Taliyah. Aasikasuhin ko lang ang papa mo," wika ni mama at tuluyan nang lumabas ng k'warto.

Sumama ako kay mama para tulungan siya. Ilang buwan din akong nawala sa piling niya at alam kong nahihirapan siyang intindihin si papa nang paulit-ulit. Lalo na sa ugali nitong laging galit, dismayado sa sarili at masama ang loob.

Dumating akong muli sa pamamahay na ito at hindi pa ako nakikita ni papa. Hindi ko alam kung ano'ng magiging reaksyon niya kapag nagkita kami.

Magagalit kaya siya? Malamang. Hindi naman naging maayos ang pakikitungo niya sa akin sa simula pa lang. Ihahanda ko na lang siguro ang sarili ko sa mga bagay na maaari niyang sabihin sa akin.

"Taliyah, magpapahinga na ang papa mo. Ipapasok ko na siya sa k'warto niya. Kung may kailangan ka ay nasa likod lang ako ng bahay, aayusin ko lang ang mga sinampay ko." Tumayo ako at lumabas ng k'warto para magpakita kay papa.

"Ano?! Naririto na naman sa pamamahay ko ang anak mo? Kinupkop mo na naman ang malas na iyan dito? Tangina, nag-usap na tayo Sheryl, hindi ba? Ano ang ginagawa niyan dito?" Hindi pa kami nagkikita ni papa ay parang unti-unti na akong natutunaw sa mga salitang narinig ko mula sa kanya.

Ang sabi ko sa sarili ko, maghahanda ako sa mga sasabihin niya tungkol sa akin, pero bakit tila mga bala ng baril ang mga salitang iyon na patuloy na tumatagos sa dibdib ko?

Hindi ko na napigilang umiyak. Kahit na kimkimin ko lang, lalabas at lalabas talaga ang luha sa aking mga mata. Tao ako, may pakiramdam at nasasaktan.

"Ano ka ba naman, Bernardo, baldado ka na't lahat-lahat ganyan pa rin iyang ugali mo? Kailan ka ba magbabago?" sagot naman ni mama mula sa kabilang banda ng bahay.

Naglakad ako at nagpakita kay papa.

"Huwag kang lalapit sa akin!" banta niya. Nagtama ang mga mata namin. Agad siyang umilag nang tingin at nagpanggap na hindi niya ako nakita.

Sa sobrang pagkainis ay hindi na niya tinawag si mama at naglakas ng loob na tumayo mula sa wheelchair na inuupuan niya.

Sa pagnamalabis ay natumba siya at napahandusay sa sahig.

"Papa." Dali-dali akong tumakbo sa kanya at inalalayan siya.

Tinulak niya ako palayo na dahilan para mapaupo rin ako sa sementadong sahig.

"Hindi ko kailangan ang tulong mo. Umalis ka sa harapan ko. Ayokong nakikita iyang pagmumukha mo." Seryoso at nanlalaki ang mga mata niya. Nagsimula na siyang gumapang upang layuan ako.

"Bernardo, ano ba ang ginagawa mo?" Mabilis na lumapit si mama kay papa at agad itong tinulungan para makabalik sa wheelchair.

"Ipasok mo na ako sa kwarto. Gusto ko nang makapagpahinga." Sinubukan ni papa na maging mahinahon kahit na bakas sa kanyang mukha ang pagkainis nang makita akong muli.

"Taliyah, umupo ka na muna r'yan sa kusina. Ipaghahain na kita ng makakain mo." Ngumiti ako kay mama at sinunod na lamang siya kasabay ng pagpatak ng luha sa aking mata nang ako'y kumurap.

Tahimik lang akong umupo at ipinahinga ang dalawang siko sa mesa. Agad na lumabas si mama sa k'warto upang asikasuhin ako.

"Anak, pagpasensyahan mo na ang papa mo. Ano'ng gusto mong kainin? Bibili ako sa labas."

Nanatili lang akong tahimik at walang imik sa sinabi ni mama.

"Kumusta na po ang lagay ni papa?" tanong ko sa kanya dahil noong una ko siyang nakitang nakaupo sa wheelchair, mukhang napuruhan ang paa niya sa aksidente. Nakaramdam ako ng kaunting awa sa kanya.

"Mabuti na ang lagay niya. Kailangan lang hindi magmintis ang pag-inom niya sa mga gamot na nireseta sa kanya ng doktor at tamang pahinga," k'wento ni mama habang hinihimas ang balikat ko.

"Mama." Napatingin ako sa kanya. "Babalik pa ba ako sa pag-aaral?"

Ngumiti siya sa akin at tiningnan niya ako sa aking mga mata.

"Pinabalik kita rito sa bahay hindi lang para tulungan akong alagaan ang papa mo. Pinilit kitang makabalik dito para maipagpatuloy mo ang pag-aaral mo. Ayokong lumaki kang pakalat-kalat sa lansangan. Anak kita at hinding-hindi ko ipagkakait sa iyo ang buhay na nararapat mong matanggap." Sa lapad ng ngiting ibinibigay sa akin ni mama, hindi ko maiwasang maging emosyonal. Napaiyak ako.

Agad niyang pinunasan ang luhang agad na bumagsak sa aking mga mata.

"Babalik ako sa pag-aaral at magta-trabaho para makatulong dito sa bahay. Ayokong isipin ni papa na magiging pabigat na naman akong muli sa kanya." Hinimas ko ang likod ng kamay ni mama na nakapatong sa balikat ko.

"Anak, bata ka pa. Huwag mo nang intindihin ang papa mo at ang tungkol sa mga gastusin. Nakahanap na ako ng trabaho at sa tingin ko ay sapat na iyon para sa pang araw-araw nating gastusin. Huwag mo nang isipin ang tungkol sa bagay na iyon. Ako na ang bahala sa lahat." Siniguro na niya ang lahat kaya't inengganyo niya akong muling tumira kasama nila.

Noong gabing hinayaan niya akong umalis ng bahay at sumama siya kay papa, hindi ako nagtanim ng ano kang sama ng loob kay mama. Alam kong hindi niya ako pinili noong gabing iyon at irerespeto ko ang naging desisyon niya.

Kailangan kong mas maging matatag habang bumubuhos ang ulan sa aking payong noong gabing iyon.

Hindi ako magiging matatag kung una pa lang ay iisipin ko agad na hindi ko kaya. Hindi ako mananalo kung una pa lamang ay susuko na ako. Walang nananalo sa isang laro kung pagsuko agad ang unang iniisip mo.

Masasabi kong naging tama ang landas na pinuntahan ko. Tama ang desisyon kong bumalik kay mama para tulungan siya.

Hindi magiging sagabal si papa sa aming dalawa. Si mama ang magiging sandigan ko at maging siya para sa akin. Sa kanya ako huhugot ng lakas para hindi na lang intindihin si papa. Magtutulungan kami. Magdadamayan.

Tutulong ako sa abot ng aking makakaya at sa paraang alam ko. Hindi ko na maiiwasan si papa, kailangan ko na lang maging matatag sa araw-araw na darating.

Tama ang landas na pinuntahan ko at binalikan. Dahil makakabalik na ako muli sa aking pag-aaral, at sa oras na ito, iyon ang pinakaimportante.

Tama ang naging desisyon ko. Iyon ang perkpektong oras at panahon.

✦✧✦✧

DAY 6. Present Dream.

Hindi ko alam kung ano na ang nangyayari sa tunay na mundo kung saan ako nanggaling. Patuloy pa rin akong naririto sa mundong noon pa man ay gusto at pinapangarap ko nang puntahan at mangyaring minsan sa buhay ko.

Maayos ang pakikitungo sa akin ng lahat ng tao rito, lalo na ang mga taong pinakamamahal at malapit sa puso ko.

Gumising ako kanina na magaan ang pakiramdam. Maganda ang panahon at maagang sumikat ang araw gaya nang inaasahan ko.

Sabado ngayon at tinulungan ko si mama na maglaba sa bakuran. Nagsampay rin agad kami matapos magbanlaw ng mga damit.

"Taliyah, kumusta na ang sugat mo?"

Noong nakaraang araw napansin ni mama ang sugat sa braso ko noong tangka kong iwasan sina Patricia.

"Maayos na po, mama. Agad naman akong nagpunta sa clinic para magamot agad ang sugat ko." Ngumiti siya sa akin. Bakas pa rin sa mukha niya ang pag-aalala.

Naninibago lang ako noong naging concern sa akin bigla sina Patricia. Naalala kong muli na nasa ibang mundo pala ako, kung saan iba ang mga tao rito kumpara sa reyalidad na nakasanayan ko.

Napansin ko ang mga namumukadkad na santan sa gilid ng bakuran namin. Mapula ang mga kulay nito habang nakapatong sa mga berdeng mga dahon.

Napatingin ako sa sikat ng araw at pinagmasdan ang kulay gintong sinag nito. Maganda ang panahon ngayon, puting-puti ang mga ulap at maaliwalas ang bughaw na kulay ng kalangitan.

Hindi ako humahanga nang ganito noon. Kahit simple lang ang nakikita ng mga mata ko, nagagawa ko itong pahalagahan ngayon.

Pumasok si mama sa loob ng bahay kasama ang batya na may lamang mga damit.

Pumikit ako at suminghap. Huminga ako nang malalim at nilanghap ang simoy ng hangin na banayad na dumadampi sa aking balat.

"Psst!"

Napamulat ako ng mga mata at hinanap ang sitsit na iyon na bigla na lang sinira ang pagmumuni-muni ko.

"May tao ba r'yan?"

Naglakad-lakad ako at sinundan ang sitsit na iyon. Sinuri ko ang likod ng maliit na bodega—kung saan ako lumabas noong pumasok ako sa isang maliit na k'warto sa campground para sundan ang asul na ilaw.

"Taliyah, ihatid mo nga iyong isa pang batya r'yan, nakalimutan ko at para mabanlawan na," tawag ni mama.

Nagkasalubong ang mga kilay ko at nagtataka, saka ako nagkibit-balikat at sinunod ang utos ni mama.

Nang matuyo ang aming sinampay ay nagtungo na kami ni mama sa sala para tupiin ang mga damit.

"Nagdesisyon ka na bang umalis sa restaurant na pinagta-trabahuhan mo?" tanong niya habang sinasalansan ko ang mga damit.

Umiling ako. "Hindi pa po ako nakakapagpaalam, saka mama nasanay na naman po akong pagsabayin ang pag-aaral at ang part time ko. Kapag siguro nagsimula na ang final exam, baka po mag-resign na agad ako," sagot ko sa kanya.

"Iniisip lang namin ng papa mo ang pag-aaral mo. Baka kasi nakakaapekto na ang pagta-trabaho mo sa oras ng pag-aaral mo. Imbes na nakatuon ka na lang sa pinag-aaralan ninyo ay nagta-trabaho ka pa sa gabi. Basta kung nahihirapan ka na, p'wede ka nang umalis," saad niya.

Ganoon na talaga sila ka-concern sa akin. Ayaw nilang maaapektuhan ang pag-aaral ko sa ibang bagay. Lalo na si papa, ibang-iba ang ugali niya sa mundong ito.

Malaki ang pagbabago niya. Ang pagbabagong inaasam-asam namin ni mama sa kanya noon pa man. Nakatutuwa lang isipin na mangyayari ito kahit na sa mundong alam kong panaginip lang at hindi totoo.

"Kaya ko pa naman po, mama."

Wala ngayon si papa at pumasok sa kanyang trabaho. Noong nakita ko siyang nakasuot ng coat kanina, tumaas ang tingin at respeto ko sa kanya. Para siyang isang respetadong tao at kagalang-galang. Miski sa pananamit at pagkilos ay malaki ang pinagbago niya.

Noon, palagi na lang siyang walang damit na pang-itaas at hindi nawawala ang bote ng alak sa kamay niya. Samantalang ngayon, nakasuot na siya ng coat at may hawak na attaché case sa kamay.

Habang nagtutupi ako ng mga damit. Hindi ko maiwasang mapangiti kapag naiisip ko ang taong inaayawan ako noon ay gusto at nararamdaman ko na ang pagmamahal sa akin ngayon.

Nakakaluwag lang ng damdamin at nakakagaan ng pakiramdam.

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top