Chapter 5: Mr. Frederick Walter

PAST. Late 2009.

Isinuot ko ang flower head ring na ginawa sa akin ni mama noong nakaraang araw. Nakaharap ako sa salamin, inaayos iyon mula sa aking ulo kasabay nang pagsuklay sa aking buhok at nakakurba ang ngiti sa mga labi.

Tapos ko nang linisin ang sala noong umagang iyon. Wala akong pasok ngayon at kailangan kong maglinis ng bahay na palagi kong ginagawa sa tuwing sasapit ang sabado't linggo.

Malakas ang buhos ng ulan kahapon at ibang-iba ang sikat ng araw ngayon. Maganda ang liwanag na nagmumula sa langit at presko ang hangin ng umaga sa tuwing lalabas ako kapag magtatapon ng basura sa bakuran.

Namalengke si mama at nagbilin siya na kung pag-iinitan ako ni papa kapag nakita ako nito ay lumayo na lang daw ako at dumistansya. Sinunod ko pang ang sinabi niya.

Pinunasan ko na ang sahig subalit nanunuot pa rin ang amoy ng serbesang natapon dito kagabi. May ilang upos ng sigarilyo ang nagkalat sa likod ng sofa kasama na ang mga natirang abo nito.

Hindi ko alam pero nasasangsangan ako sa naghalong amoy ng sigarilyo't alak.

Dumako ako sa malaking istante kung saan nakapatong doon ang TV, ang radyo ilalim kasama na ang set ng speaker at ilang vase na may lamang mga plastik na halaman at bulaklak.

Marami akong iniisip habang pinupunasan ang isa sa mga magagarang vase na iyon.

Iniisip ko kung maglakad-lakad kaya ako sa parke mamaya para huminga at lumayo muna panandalian sa reyalidad at buhay na mayroon ako ngayon. Gusto ko lang munang mapag-isa at ipahinga ang utak ko.

Panandaliang tumigil ang mundo ko nang dumulas ang vase na hawak ko sa aking bisig.

Para sa akin, bumagal ang oras at kitang-kita ng dalawa kong mga mata kung paano nabasag ang vase na iyon sa sahig at nagpira-piraso.

Mabagal ang takbo ng oras na dahilan nang mabilis na pagtibok ng puso ko ngayon, na halos marinig ko na ang malakas na pagkabog nito.

Mula sa aking likuran ay narinig ko ang pagbukas ng pinto. Nanggaling iyon sa kwarto ni papa.

"Ano ang nabasag?!"

Napalingon ako habang mariing hawak ang basahan sa mga kamay ko. Gusto kong itago ang nabasag na vase, subalit paano? Wala na akong oras para linisin kaagad iyon.

"P-papa..." Takot na takot akong napatingin sa pagdating niya.

Nakita ko ang reaksyon ng mukha niya nang makita ang basah na vase sa sahig malapit sa paanan ko.

Nag-angat ito ng tingin sa akin. Pinandilatan ako at umigting ang panga sa galit.

"Patawarin mo ako, papa..." Nagsimula nang tumulo ang luha sa aking mga mata. Paano ko ba ito ipaliliwanag sa kanya?

"P-papa... hindi ko sinasadya."

Nagbuhul-buhol ang mga salita sa dila ko. Mas bumilis ang tibok ng puso ko at tila ba gusto na nitong kumawala sa aking dibdib. Sa mga mata niya palang, alam ko nang masasaktan ako.

Lumapit siya sa akin at hinawakan ang kamay ko. "Hindi mo ba alam kung gaano kamahal iyang binasag mo? Sa dinami-rami nang pwede mong basagin ay iyan pang pinakamahal ang napili mo?"

Naramdaman ko ang higpit ng kamay niyang mariing nakahawak sa pulsuhan ko.

"Sorry, papa... hindi ko sinasadya. Naglilinis lang naman ako—"

Hinila niya ako. "Ganyan na lang ba palagi ang dahilan mo kapag pumapalpak ka at nakakagawa ng kasalanan? Hindi mo na ako makukuha sa paganyan-ganyan mo! Hindi ko alam kung paano ka pagsasabihan dahil paulit-ulit mo na lang sinisira ang araw ko. Sa tuwing makikita kita at maririnig ko ang boses mo, hindi lang araw ko ang sinisira mo, pati na ang buong buhay ko!" galit na galit niyang sinabi iyon sa harapan ko na dahilan para ang ilang laway sa kanyang bibig ay tumalsik na sa akin.

Ramdam na ramdam ko ang galit niya. Labas sa ilong ang mga salitang iyon na mariing tumama sa akin.

Matindi pa rito ang inaasahan ko. Hindi niya lang ako sisigawan o pagagalitan. May gagawin din siya sa aking kakaiba dahil tila naalimpungatan siya, seryoso ang galit at susuray-surau sa kalasingan. Mas aborido at mas nakakatakot.

Ang sunod niyang ginawa ay hinila niya ang braso ko at pinilit na sumunod sa kanya.

"P-papa... nasasaktan ako." Binabawi ako ang kamay kong hinihila-hila niya.

"Bernardo! Ano'ng ginagawa mo sa bata? Maghunos-dili ka!"

Lumingon ako nang marinig ko ang boses ni mama. May dala siyang bayong habang naroroon ang mga gulay na pinamili niya at agad na ipinatong ito sa mesa.

"Huwag kang makialam dito, Sheryl! Tuturuan ko lang ng leksyon itong bastarda mong anak!"

Gusto ko mang kumawala sa mga kamay niya ay hindi ko magawa. Masyado siyang malakas hanggang sa nakaladkad na ako sa pagpupumiglas.

"Bernardo!" sigaw ni mama sa likuran niya.

"Hindi ka magtitino hangga't hindi ka napaparusahan."

Pinatayo niya ako nang maayos subalit nakaposas pa rin ang malalaki niyang mga palad sa braso ko.

Ipinakita niya sa akin ang maliit na pinto sa likod ng aming bahay. Konektado ang maliit na bodegang iyon sa madilim basement.

Pula ang kulay ng pintong iyon. Nakadaragdag ng takot para sa akin na pasukin ang loob niyon hindi lang sa madalim, dahil na rin sa takot kong ikukulong niya ako roon. Iniisip ko pa lang, hindi ko na magawang makahinga nang maayos.

"Matitikman mo kung paano mabartolina ng isang araw. Ewan ko lang kung hindi ka pa magtanda!" Napangisi siya at nagtaas ng gilid ng labi.

"Bernardo, hindi mo maaaring ikulong si Taliyah sa loob. Gusto mo bang hindi siya makahinga sa loob niyan at mamatay ang bata?"

Hindi niya pinakikinggan si mama. Binuksan niya ang pinto at bumungad sa amin ang malamig at lumang amoy sa loob niyon.

Itinulak niya ako sa loob at agad na isinarado ang pinto. Narinig ko ang pagkalansing ng kadena mula sa labas.

"Papa! Pakawalan niyo ako rito! Hindi ko naman sinasadyang mabasag ang vase na iyon. Mama, tulungan mo ako!" Pilit kong hinahampas ang mga palad ko sa pinto at dingding, subalit wala itong nagawa.

"Hindi mo mababayaran ang vase na iyon kahit na magsilbi ka pa sa akin buong buhay mo. Sige Sheryl, subukan mo lang na puntahan 'yang bastarda mong anak, isasama kita ikulong d'yan."

Naririnig ko ang boses ni papa sa labas.

"Mama, tulungan mo ako!" pagsusumamo ko sa kanya kasabay nang pagbuhos ng luha sa aking mga mata.

Umiiyak ako sa loob dahil natatakot ako. Madilim, walang hangin at nagsisimula nang uminit ang loob dahil sa tensyon na nararamdaman ko.

"Anak, wala akong magagawa. Nasa papa mo ang susi, hindi ko kayang mabuksan ang pintuang ito," pag-aalala ni mama sa kabilang banda.

Nararamdaman ko ang presensya ni mama sa likod ng pinto kung nasaan ako. Magkalapit kami pero nakaharang at nakapagitan ang pintong iyon para mayakap ko siya.

✦✧✦✧

PRESENT. August 2017.

Buong buhay ko, ito na siguro ang pinakamagandang gising ko. Ano ba'ng mayroon sa lugar na ito at tila ba ang gaan-gaan ng pakiramdam ko?

Masarap ang pagkaing hinatid sa k'warto ko ng isa sa mga staff ng Inn na ito kagabi. Nakinig lang ako ng tugtog sa radyo at ilang minuto lang matapos akong kumain ay agad na akong nakatulog. Ni hindi ako nagising sa kalagitnaan ng gabi, tuloy-tuloy ang mahimbing kong pagtulog. Tila ba payapa ang lagay ng puso ko.

Kung nanaginip pa ako ng maganda kagabi, hindi ko na alam kung aalis pa ako sa lugar na ito.

Nang buksan ko ang bintana sa aking k'warto ay agad kong nilanghap ang malamig na simoy ng hanging sumalubong sa akin.

Payapa ang lawa, presko ang hanging nanggagaling sa labas, may mga tao akong nakikita roong naglalakad at tinatamasa nila ang ganda ng buong lugar. Hindi ko aakalaing marami pala ang naka-check in sa Inn na ito dahil kaunti lang ang taong napansin ko kahapon.

Maihahalintulad ko ang Inn na ito sa isang payapang sanctuary.

Napalingon ako ng tumunog ang telepono. Nagulat ako nang bahagya, napapikit at napahawak sa dibdib ko dahil sa kaba.

Agad akong nagtungo roon at sinagot ang tawag.

"Hello..."

"Magandang umaga, Guest Taliyah. Ako si Jenny Welch, isa sa mga receptionist ng Lakeside Inn. Paaalalahanan ko lang po kayo na mataas ang sikat ng araw ngayon at tamang-tama para makapag-relax sa Lakeside Campground."

Kaya pala maraming tao sa lakeside. Maganda ang araw na ito para makapaglakad-lakad sa labas.

"Maraming salamat. Bababa na ako maya-maya," sagot ko mula sa kanya.

"Enjoy the rest of your day ma'am. Muli, magandang umaga." At ibinaba niya ang tawag.

Hindi maalis ang ngiti sa mga labi ko kung gaano kaganda ang buong lugar at bagay na bagay sa mga magigiliw na staff ng Inn na ito.

Nag-ayos lang ako at agad na bumaba para pumunta sa Lakeside Campground na sinasabi niya. Gusto ko lang munang maglakad-lakad at maglibot bago kumain.

May nakita akong mga flower head rings na maayos na nakasalansan sa reception counter katabi ng entrance. Mukhang ibinibenta nila iyon.

Bumili ako ng isa at isinuot ko bago ako tuluyang lumabas ng Inn. Naalala ko noong ginawan ako ni mama ng flower head ring noong bata pa ako.

Ang sabi niya, bagay na bagay sa akin ang head ring na iyon, kaya't naisipan kong bumili ng isa.

Buong akala ko ay maganda na ang gising ko ngayong umaga, mas may igaganda pa pala ito nang makita ko ang kabuuan ng Campground. Napakaraming taong naglalakad-lakad doon habang tila musika ang huni ng mga insekto't ibon na nagmumula sa itaas ng naglalakihang mga puno.

Naalala ko ang sinabi sa akin ng driver kahapon na binubuo ng mga gubat ang bayan ng Emelle, at totoo nga ang sinabi niya. Presko at sariwa ang hangin dahil sa mga makakapal na dahon na nagbibigay ng tamang sustansya rito.

Sa bawat taong makakasalubong ko, bumabati sila ng 'magandang umaga' at ang ilan naman ay ngumingiti lang.

Kasunod ay nagtungo sa tabing lawa at napansin ang matandang lalaking nagpapakain ng isda 'di kalayuan kung saan ako naroroon.

Lumingon siya sa akin. "Hija, gusto mo bang magpakain ng koi?"

Ngumiti ako, tumango at lumapit sa kanya.

Namangha na naman ako nang ihagis ko ang mga pagkain sa tubig. Ang kombinasyon ng mga kulay nila, ang sarap-sarap panoorin.

"Guest din po ba kayo sa Inn na ito?" tanong ko sa matanda at nakangiti lang siyang tumango sa akin.

"Apat na taon na akong namamalagi sa Inn na ito," tugon niya.

"Kasama n'yo po ba ang pamilya ninyo rito?" aking tanong hbang nagiitsa ng pagkain sa lawa.

Umiling ito. "Ako lang mag-isa rito. Ang mga anak ko ay may sari-sarili ng pamilya. Hindi na nila ako maaasikaso kaya't mungkahi nila'y pumunta ako sa lugar na ito para sulitin ang mga natitira pang oras ng buhay ko. Ayoko na silang abalahin pa sa mga buhay nila."

Hindi ko mawari kung bakit biglang may kumurot sa dibdib ko sa mga sinabi niya.

"Hindi po ba nila kayo dinadalaw rito o kinukumusta man lang?" magkasalubong ang kilay kong tanong sa kanya.

Muli itong umiling sa pangalawang tanong ko. "Matanda na ako, hija. Alam ko naman na masaya na sila sa mga buhay nila at ganoon din ako para sa kanila. Siguro tapos na ang misyon kong alagaan, palakihin at pakainin sila. Hindi ko naman hinihiling na ibalik nila sa akin ang lahat ng sakripisyo na ibinigay ko noon. Habang pinagmamasdan ko silang lumalaki at bumubuo ng sarili nilang pamilya, unti-unti ko nang nararamdaman ang fulfillment na pinalaki ko silang maayos at malusog. Siguro palagay na ako roon."

Umigting ang aking panga. Nagsimula na ring magtubig ang mga mata ko dahil sa k'wento niya. Hindi ko mapigilan maluha.

"Ang asawa n'yo po?"

"Matagal nang wala ang asawa ko. Pinangako niyang sabay kaming pupunta roon." Itinuro niya ang dulo ng lawa. Agad kong sinundan iyon ng tingin. "Subalit mabilis siya, inunahan niya ako. Pero palagi naman kaming nagkikita sa panaginip. Para bang dinadalaw niya ako at niyayakap ko naman siya nang mahigpit at hinahalikan sa pisngi sa t'wing magkikita kami. Nag-uusap kami, ang sabi niya." Tumulo na ang luha sa aking mga mata. "Na hihintayin niya ako roon."

Suminghot ako. Pinunasan ang luhang nagbabadyang tumulo pa sa aking mga mata.

"Bakit, hija?" Hinawakan at hinimas niya ang balikat ko.

"P-pasensya na po sa mga tanong ko."

"Ayos lang, siguro hindi pa ngayon ang oras at may kailangan pa akong gawin sa mundong ito bago kami magsamang dalawa."

Napatungo ako at itinago sa kanya na umiiyak ako sa k'wento ng buhay niya. Ayokong makita niya akong umiiyak.

"Ikaw, hija, nagbabakasyon ka rin ba tulad ng iba?"

Sa oras na ito, siya naman ang nagtanong.

"Opo, gusto ko pong huminga muna sa lugar na ito." Iyon lang ang nasabi ko.

Nagsinungaling ako sa kanya sa kung ano ang tunay na dahilan kung bakit ako naririto. Ang sinabi ko lang ay magbabakasyon lang ako ng ilang araw rito.

Mr. Frederick Walter ang pakilala niya sa akin, walumpu't dalawang taong gulang at isang retired navy sa bayan ng Dry Gulch, dito rin sa probinsya ng Grellyn.

Nagk'wentuhan kaming dalawa. Marami siyang sinabi sa aking mahahalagang bagay. May isang linya roon na pinakatumatak sa akin.

Ang kasiyahan mo ang pinakamahalaga sa lahat, dahil isang beses ka lang binigyan ng buhay rito sa mundo. Dapat sulitin mo iyon hangga't maaari.

Halos dalawang oras din naming pinag-usapan ang masasayang alaala ng buhay niya.

Matapos niyon ay nagtungo ako pabalik ng Inn at kumain. Sa gitnang bahagi ng Campground kanina, napansin ko ang isang maliit na k'warto roon. Luma at tila pinamamahayan na ng mga anay. Napapalibutan na rin ito ng mga bulok na dahon at ligaw na mga halaman.

Ang nakapukaw ng pansin ko ay ang kulay pulang pinto nito. Rumihistro ang lahat sa akin, ang mga masasamang alaala. Noong araw na ikinulong ako ni papa sa kwartong tinatawag niyang bartolina.

Hinding-hindi ko malilimutan ang araw na iyon.

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top